Agawan ng Dangal

By Fausta Cortes

The Project Gutenberg EBook of Agawan ng Dangal, by Fausta Cortes

This eBook is for the use of anyone anywhere at no cost and with
almost no restrictions whatsoever.  You may copy it, give it away or
re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included
with this eBook or online at www.gutenberg.org


Title: Agawan ng Dangal

Author: Fausta Cortes

Release Date: May 30, 2013 [EBook #42851]

Language: Tagalog


*** START OF THIS PROJECT GUTENBERG EBOOK AGAWAN NG DANGAL ***




Produced by Tamiko I. Rollings, Jeroen Hellingman and the
Online Distributed Proofreading Team at http://www.pgdp.net
(This file was made using scans of public domain works
from the University of Michigan Digital Libraries.)








                        Aklatan ñg "Kami Naman"

                            AGAWAN ÑG DAÑGAL

                          Kasaysayang Tagalog

                                Katha ni

                             FAUSTA CORTES

                Nagíng Pangalawáng Pang-ulo ng "Liga de
                Mujeres Filipinas";  Kinatawán sa Unang
                       Kapulungang Manggagawa at
                          Taga-Ingat-yaman ng
                          "Magdamayán At Nang
                              Matanghál".



                      Ikatlong aklat ñg aklatan ñg

                              "KAMI NAMAN"


                               Aklatan ng
                              "Kami Naman"
                        1045, Daang Dart, Pako,
                             Maynila, K. P.

                                  1914







SA TUTUNGHAY


Kapatid: ¡Kay laking pagkabigó mo! Oo, nabigo ka; sapagka't kaya mo
binili at babasahin itong Agawan ng Dangal, ay sa paniniwala mong
ito ay kagaya ng mga nabasa mo nang akda, na pawang mahahalaga at
matatamis. Samantalang ang Agawan ng Dangal ay dahóp na dahóp sa
palamuti ó hiyas na iyán. Salat sa matatamis na pananagalog. Dukha
sa matatayog na isipan. Kapós sa mararangal na turo. Paano'y ako sa
Lupon ng mga Manunulat ng "Kami Naman", ay isang baguhan sa larangan
ng panulat. Lakas-loob lamang ang umakay at nagbunsod sa akin. Gayón
ma'y naniniwala akóng pakikinabangan mo upang gawing aliwan. At huwag
nawang kumupas ang kapuripuri mong pagmamahal sa wikang tagalog.


    Ang Kumatha.







PATALASTAS


Ang AGAWÁN ÑG DAÑGAL ay siyáng ikátlóng aklat ñg Aklatan ñg "Kamí
Namán" na pinalabás ñg Lupon ñg mga Manunulat. Una ang "Tagumpay
ñg Apí" ni Bb. Pascuala Pintor at ikalawá ang "Tuntunin ñg Pulong"
ni G. Rosendo S. Cruz.

Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay ipinagbibilí sa lahát ñg bilihan ñg aklat
dito sa Maynila, sa halagáng dalawang piseta (P0.40) ang bawa't salin.

Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay mababasa rin ñg mga na sa lalawigan, kung
magpapadalá ñg halagáng isáng salapi (P0.50) kay Bb. Carmen de la
Rosa sa Aklatan ñg "Kamí Namán", 1045, daang Dart, Pako, Maynila, K. P.

Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay mapapakyáw sa Aklatan ñg "Kamí Namán" at
nagbabawas ñg malakí sa halagá.

Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay aring tunay ñg kumatha.

Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay gaya rín ñg lahát ñg sinulat ñg mga tagá
"Kamí Namán", na maaaring bilhín sa pamamagitan ñg liham. Sumulat at
ilakip ang halaga ñg aklat at gugol sa selyo sa nasabi ñg Aklatan ñg
"Kamí Namán", at walang salang di nila tatanggapín sa pagbalík ñg
korreo. Dapat ipadalá ang kalatas kay Bb. Carmen de la Rosa, ang
Pañgulo ñg Lupon ñg mga Manunulat ñg "Kamí Namán".







                               AKLATAN ÑG
                              "KAMI NAMAN"
                 1045, DAANG DART, PAKO, MAYNILA, K. P.

                         LUPON NG MGA MANUNULAT

                         MGA KATHANG LUMABAS NA


                              UNANG AKLAT
                            TAGUMPAY NG API

Katha ni Bb. Pascuala Pintor, Pangulo ng Lupon ng mga Bituin ng "Kami
Naman" at pangatlo sa mga babaing pilipina na sumulat ng nobela. Ang
kathang ito ay larawan ng mga pusong kulang ng pagtatapat.


                            IKALAWANG AKLAT
                           TUNTUNIN NG PULONG

Sinulat ni G. Rosendo S. Cruz, Pangulo ng Pamahalaan ng "Kami
Naman." Isang ganap na patakaran ng maayos na pagpupulong. Halaw sa
bantog na "Robert's Rules of Orders".


                             IKATLONG AKDA
                            AGAWAN NG DANGAL

Akda ni Bb. Fausta Cortes, isa sa mga Bituin ng "Kami Naman" at
pangapat sa mga babaing pilipina na lumikha ng kasaysayang tagalog. Ang
akda ay matatarok sa pabasa ng aklat na itó.







                             PANGUNANG HAKA
                                   NI
                           G. ROSENDO S. CRUZ


Hiniling ng pinagpipitaganang kong Bb. Fausta Cortés, kumatha ng
aklat na ito, na ako ang siyang magbigay ng pang-unang salita dito
sa kaniyang akdang AGAWAN NG DANGAL. Pagkapalibhasa'y naging ugali
ko na ang di marunong sumuay sa mga ganitong pithaya, lubha pa't ang
humihiling ay isang gaya ni Bb. Fausta Cortés na di marapat pagkaitan,
kaya mahirap man sakali sa akin ang tumungkol sa ganitong bagay ay
tutupad ako at tahasang ilalahad ang aking mga kuro-kuro.

May ilan nang taong lumipas ngayon na ang suliranin ng feminismo dito
sa ating bayan ay napagtalunan hanggang sa mga pahayagan. Pinagkuro
kong matamán ang mga katwirang pinanghawakan ng mga sangayon at di
sangayon, hanggang sa ang naging wakás ay napanig ang aking paniniwala
sa salungat.

Parang pagsurot sa aking pagpanig sa mga di sangayon sa feminismo
ay walang kaabogabog ay sumipot naman ang mga kilalang kapisanan
ng mga babae na ang mga pamagat ay "Liga de Mujeres Filipinas" at
"Ang Babae Ngayon". Ang mga kapisanang ito, na pawang itinataguyod
ng mga babae ay nagpakita ng kanikanilang kasiglahan at kapuripuring
kabayanihan. Nang mapagmalas ko ang ganitong kilusan ng mga babae
ay unti-unting nahahapay ang aking pananalig sa di pagsangayon sa
kababaihan. Unti-unting nawala ang aking pag-aakalang ang mga babae
ay dapat lamang maging reina ng mga tahanan, bulaklak na humahalimuyak
sa isang halamanan.

Hindi nga lamang ito ang siyang nakapaghawi sa tabing ng mali kong
akala, kundi ng matunghayan ko ang mga ilang aklat na katha ng mga
babae na ang mga ito ay ang "Sawing Pagasa" ni Bb. Francisca Laurel,
ang "Nang Bata pa Kami" ni Bb. Pura L. Medrano, at ang "Tagumpay ng
Api" ni Bb. Pascuala Pintor. Ang pagsipot ng mga nasabing aklat ay
siyang lubusan na nagpagupo sa aking pananampalataya na ang mga babae
ay batbat lamang ng hiwaga, palamuti ng isang tahanan, at aliwan
sa magusot na buhay na ito. Ngayon ako nanalig na ang mga babae ay
hindi nga lamang pala isang kasangkapan sa loob ng ating mga tahanan,
ni bulaklak na samyuan ng bango, kun di ang mga babae nga pala ay
isang tunay ding lakás, isang bahagi ng lahi na may karapatan at
kakayahang makatulong ng pagpapaanyo ng isang bayan, ng isang lahi,
at ng sangkatauhan.

Dapat alisin ang piring ng ating mga mata at ititig diyan, sa mga
babaeng may mga ginintuang pagkukuro. Dapat hangaan ang kanilang
katalinuhan at kailan man ay di nararapat ipalagay ng kahi't sino na
ang babae ay alangan sa pagkukuro ng isang lalaki.

¿May alinlangan pa kayo?

Naririto ang isa pang matibay na saksi ng aking mga
pangungusap. Basahin ninyo ang kathang AGAWAN NG DANGAL na bunga ng
isipan ng isa ding babae na si Bb. Fausta Cortés at pagkatapus ay
dilidilihin ninyo ang mga nasasaysay, tutupin ang inyong dibdib at
sabay na tanungin ang inyong sarili kung tunay ngang ang ganitong
panulat ay dapat hangaan at sampalatayanan.

Ang aklat na ito ay isang matibay pa ngang saksi (aking inuulit)
ng katalinuhan ng mga babae, lalo't higit ang sa kaniya'y
kumatha. Dumadaliri ang aklat na ito sa maling kinahimalingan ng ilan
na pagmamaimbot ng sandat at imbing karangalan, pagwawalang bahala
na sa lahat, mangyari na ang ano mang mangyayari makaagaw lamang
at magtagumpay ang pagiimbot ng dangal. Anopa't ang aklat na ito
ay nararapat maging salaming malinaw ng mga masasama at mabubuting
kalooban. Ang suliraning idinudulot ng aklat na ito ay nasa babasa
ang kaibigan, alalaon baga'y, kung ang mangbabasa ay walang takot na
maging ganid at matapang ang loob na maging asal Kain ay pupulutin
niya ang mga pakana ng may masamang asal na nalalarawan sa aklat
na ito. Nguni't kung ikaw na mangbabasa ay kapatid ni Mabuting asal
at anak ni Malinis na budhi ay pupulutin mo naman ang mga bagay na
kapuripuring tinungkol ng ulirán ng magagandang asal.

Dapat ngang hangaan ang panulat at pagkukuro ng babaing may katha ng
aklat na ito. Ang isang kabaro ni Eva na may ganitong katalinuhan ay
katangi-tangi. Ito'y talagang taglay ng kabihasnan.

¡Sulong kayo kababaihan! Ngayon ay panahon ng pagkilos. Pagbibigti
ang pagwawalang kibo at pagpapakaimbi ang paghahalukipkip.


    Rosendo S. Cruz.
    Agosto 2, 1914.







SA MGA BITUIN NG "KAMI NAMAN"


Makikislap na Bituin:

Lahat ng búhay ay nagtatapos sa mapanglaw na kamatayan. Lahat naman ng
Samahan ay nagwawakas sa masaklap na paghihiwalay. Ang lakad na ito ng
kalikasan ay talagang di na mababago ngayon at sa haharapin. Nguni't
ang sanla ng pagaalaala, sagisag ng pagmamahal, ay di kumukupas kailan
man. Bagkus lalong nagiibayo habang tumatagal, ang tingkad at uri ng
katuturan. Paano'y walang pagmamahal na napariwara.

Ang kalakhan ng aking pananalig, na walang pagaalaalang nasawi, ay
siyang nagutos sa akin, ng paghahandog ko ng maralitang akdang ito, sa
inyong kapitapitagang mga bakás; saksi ng aking pagmamahal. Inihahandog
ko sa inyong mga yapak, hindi upang kayo ay aralan, kung hindi upang
aliwin ang inyong mga pusong laging nangangarap ng biyayang dulot
ng pagibig.

At ¿sino ako sa harap ng makikislap na «Bituin»?

¡Ako!

¿Ako ang mangangaral?

¡Ni sa panaginip ay hindi mangyayari!

Kailangang masaulo ko ang dunong ng sangkatauhan; kailangang matarok
ko ang lihim ng sangkalangitan; kailangang ako ay maging araw muna,
bago ako lumuklok sa matayog na karangalang guro ng mga «Bituin».... At
sapagka't hindi mangyayari ang ginto kong guniguni, ay manulos na
lamang tayo, sa ang AGAWAN NG DANGAL ay inihahandog ko sa inyo,
tanda pang minsan ng aking pagmamahal.

Inihahandog ko rin namán sa inyo, upang kung kayo ay umaawit na ng
bagong búhay, ay magunita man lamang, na kayo ay naging «Bituin» ng
«Kami Naman», suló na tumanglaw sa landás na binagtasan ng masisikap
na kawal ng kilusan ng mararalita. At mapagukulan nawa ninyo ng
dukha mang alaala ang mga nasawi sa pagsisigasig na itanghal ang
bayang mahirap. Sa gayon ay mabibilang tayo sa boong sangsinukob na
humahanga at nagdadangal sa mga pinagpala dahil lamang sa pagsisikap
na buhayin ang naghihingngalong pagkakapatiran....

¡Maging dapat nawa sa inyong kadakilaan!...

Nakikipagkapatiran,


    Fausta Cortes.
    Pako, 5 ng Mayo ng 1914.







                            AGAWÁN ÑG DANGÁL


                "Pagpipilitan naming bakahin ang lalong masamang sakít
                ng tao: ang AGAWÁN NG DANGÁL, sakít na nagbabagsak
                ng mga banal na layon at dakilang pangarap; sakít
                na lalong mabisa sa pagpatay sa naghihingngalong
                pagkakapatiran at pipilitin naming sa ibabaw ng sakit
                na iyán, ay magluningníng ang tagumpay ng wastong
                ugali, ang paggalang at pagibig ng tao sa tao...."

                --Mga pangungusap ni G. Angel de los Reyes, Pangulo
                ng "Kami Naman," sa talumpating binigkás nitó sa
                pagtatanghál ng Samahán, noóng iká 26 ng Oktubre, 1912.







I

MGA PUSONG NAMANDAW NG KAPWA PUSO


Ang kapanglawang naghari ng gabing yaon sa isang nayon ng Pako ay
binulahaw ng pagtapat ng ilang pusong namamandaw ng kapwa puso. Noon
ay isa sa mga gabi ng Enero; gabing napakalungkot, palibhasa'y
mangilangngilang bituin lamang na nagbabansag ng kadakilaan ng Diyos,
ang nagaantilaw sa nagtatampong langit. Ang buwan noon ay nagmaramot
ng kanyang liwanag, at aywan kung saang sulok ng kalawakan nagkubli
ang kaibigan ng gabi. Samantalang ang mga kuliglig at panggabing ibon
ay umaawit ng tagumpay, ang mga bulaklak naman ay ipinagpapalalo ang
kanilang bango, alindog, at halimuyak. Nguni't, sa lahat ng ito ay
namamaibabaw ang tinig ng mga kalulwang idinadaing ang pagirog, gayong
ang bahay na tinatapatan ay waring libingang lahat ay natatahimik.

Natapos ang pangbungad na tugtog. Isinunod naman ang isang magandang
gabi pong kundiman. At dito'y tinawagan na ang dalagang pinipintuho. Sa
pamamagitan ng malalambing na tinig, ay naunawa ng lahat ng doroon,
na si Dolores pala ang dinadaingan.

Pagkatapos ng kundimang yaon, ay siya nang pagbubukas ng langit. Ang
lapat na durungawan ng bahay na tahimik ay nabuklat. Isang diwata ng
bagong panahon, isang bituing mayaman sa ganda, ay siyang tumanglaw
sa mga pusong mapagpuyat; nagsabog ng liwanag at tuwa.

--Magandang gabi po!--ang magalang na bati ng lahat ng na sa lupa.

--Magandang gabi po naman!--ang magiliw na tumbas ng binibini--Tuloy
kayo!... ¡tuloy!...

Ang bahay na may kaliitan ay nagsikip sa labing tatlong kalulwang
umakyat sa langit.

Ilang sandali lamang ang nakaraan at namayani na naman ang bigwela,
biyolin, bandurya at plauta. Ang kaniláng tunog na tagapagtaboy ng
hapis, ay minsan pang nagtanghal ng gilas.

Sa isang dako naman ng harapang yaon, ang magandang si Dolores, ay
nagsasabog ng kanyang yaman: ng dilag at hinhin. Ang maayos na tabas
ng mukha ay napapatungan ng maiitim na buhok. Ang mapupulang pisngi
ay tumatapat sa matingkad na itim ng kilay. Malalagong pilik-mata
ang nagaalaga sa maamong malas. Isang katatagang tangos ng ilong ang
nagmamalaki sa madugong mga labi. At nagiinamang mga ngipin ang bakod
ng katamtamang bibig na binubukalan ng magigiliw na pananalita.

Samantalang ang mga kaharap ay isinasaloob ang pagpapasarap sa kanilang
tugtugin, si Dolores naman ay isinasabog ang kanyang mga sulyap
at titig. Inisaisang lihim na minasdan ang mga binatang yaon. Ang
puso niya'y sisikdosikdo; parang giniginaw na nilalagnat. Alangang
magmalaki at alangang mangimi.

Sa isang dako naman, ay payapang nakikinig ang isang ginoo. Matabang sa
mukha ay nababasa ang kagulangan na. Siya ay si kapitang Andoy na ama
ni Dolores; ang kilala sa pangalang Alehandro Balderrama. Siya ay isa
sa mga kinaaalangalanganan sa daang yaon ng Sagat. Baga man lipas na ay
kapitan pa rin ang tawag sa kanya. Sa tabi nito ay mukhang napopoot,
nakasimangot, at maasim na maasim ang mukha, ng kapitana Martina,
ang ali ni Dolores. Marahil ay dahil sa pagkabulahaw sa kanyang
tulog. Liban sa tatlong ito, kay Dolores, sa kanyang ama, at sa kanyang
ali, lahat na ng doroon ay kabilang na ng mga namamandaw ng puso.

«Loleng nalulungkot ako!...» ang manay siyang bungad na kundiman
noong binatang tagaawit. Isang malumbay na tugtog ang isinaliw naman
ng bigwela. Si Dolores ay napalingon sa di kinukusa at naabala tuloy
na magpasigarilyo. Ang puso niya'y lalong nilagnat, at pinawisan siya
ng malamig. Irap naman ang itinugon ni kapitana Martina. At matapos
ang magiliw na awit sa «...ay, Loleng ng buhay ko!...»

--Aling Loleng--ang saad ng isang makisig na binatang kanina pa,
ay mapupupuna na, na siya ang may patapat--ipinakikilala ko sa inyo
ang aking kaibigan--at iniharap ang binatang umawit.

--Bagong lingkod mo po;--ang sambot ng ipinakilala.--Artemyo de la Pas.

--Salamat po;--ang magiliw na tugon ng dalaga--gayon din po naman:
Dolores Balderrama.

At sila'y nagkamayan, hanggang sa naipakilala ang lahat. Habang si
kapitana Martina, ay lalong nagniningas ang poot, si Beteng naman,
ang binatang may paharana, ay parang nagmamalaki sa kanyang mga
kaibigan. Bawa't makasiping ay binulungan ng «¿Bagay na ba sa
akin?» Lihim na tatawa at panakaw na tititig sa masayang mukha ni
Dolores. Hindi mapalagáy ang binata. Sa lahat ay masasayáng ngiti
ang iniuukol. Palipatlipat ng upo, at sa labing-dalawáng kasama ay
siyá ang lalong masigla at nagtatalík sa galák.

Ang katahimikan ay ginambala na naman ng tugtugan. Parang sinasadyang
binibiro ang pagkaasim ng mukha ng kapitana Martina. Nguni't ¡himala
yata at biglang nagbago ang kunot na noo, noong madinig na muli ang
panambitan ni Artemyo! Masayang nakiumpok at sinipingan ang kanyang
ipinagmamalaking si Dolores.


            "Ay Loleng! ay Loleng!...
        ako'y mamamatay...
        kung hahabagin mo
        ang daing ng buhay..."


Iyan ang simula ng mapanglaw na pagdaing, balot ng taos na hinagpis,
at sa tinig na waring nalulunod sa hirap.

Sa kalagitnaan, ay nagpahalata ng panibugho; panibugho na bunga ng
pagmamahal; at pagmamahal na likha ng pagirog. Anya'y:


            Kung tumititig ka
        sa ibang binata,
        ang buhay ko Loleng
        ay papanaw yata...


Lalong sinasal ng pagtibok ang puso ni Dolores. Waring kinikiliti
naman si kapitana Martina. Gayong nakangiti ng galak ang inaantok na
kapitang Andoy. Patuloy naman sa pagsasaloob ng tugtog yaong labing
tatlong panauhin.

Napalaot ng napalaot yaong si Artemyo sa pagawit. Halos tinig na lamang
niya ang nagdidiwang sa loob ng bahay. Dahil sa sarap ng kundiman,
kung minsan ay itirik ang mata sa ilaw na nakabitin. Nguni't lalong
marami ang lihim na sulyap niya kay Dolores, ang nahuhuli ni matandang
Martina.


            "Sa paglalaro mo
        ng mga bulaklak
        gunitain lamang
        ang aba kong palad..."


Iyan ang patuloy ng binatang Artemyo sa kanyang
pamamaibabaw. Sinasamantala naman itó ni Beteng upang kaulayawin ang
kanyang pinopoon.

--Aling Loleng,--ang wika--talaga pong sa kaibigan kong iyan ay
ipinagkakatiwala ko ang aking boong buhay...

--Gayon pala!--ang sambot ni Dolores--na ipinagkatiwala na ninyo sa
kanya ang boong buhay ninyo, ay ¿bakit pa kayo sumama rito?

--Ba!--ang tutol ni Beteng--ang ibig kong sabihin ay ipinagkakatiwala
kong siya na ang dumaing ng hirap ko...

--Sapagka't ang damdamin ng puso ni Pedro ay maidadaing ng bibíg
ni Huwan....

--Napopoot ba kayo?--ang maamong tanong ni Beteng na nakahalatang
totoong mailap si Dolores. Napuna niyang ang mga tugon sa kanya ay
nasasaputan ng suliranin.

--Bakit ako mapopoot?--ang pakli ng dalaga--sa ang katotohana'y ariin
mang biro; ay ipinagtatapat kong walang itatagal ang aking puso sa
kanyang panambitan....


            "Di ka na naawa
        sa aking pagdaing:
        buhay ng buhay ko
        ligaya at aliw..."


Ang waring pakikihalobilo ng kundiman na ikinauntol ng pagsasalaysay
ni Dolores. Sandali silang nanahimik, bago nagsalita si Beteng ng:

--Diyata't ¿wala kayong itatagal sa kanyang panambitan?

--Kung wariin ko--ang salo ng dalaga.

--Sa gayo'y namamanaag na ang aking tagumpay!

--At bakit po?

--Di ba sinabi ninyong nahahabag ang puso ninyo sa kanyang panambitan?

--Opo.

--Di nababagbag na ang loob ninyo sa akin? Sapagka't ang daing ni
Artemyo ay siyang daing ko....

--Gayon po ba?

--Sinabi ko na pong ipinagkakatiwala ko sa kanya ang boong buhay ko.

--Ah, ¡mali kayo! ¡Iba si Artemyo kay Beteng! Ang daing ni Artemyo
ay buhat sa kanyang puso kaya ang pagkahabag doon, ay pagkahabag sa
kanyang pagkatao.....

--Nagbibiro yata kayo!

--Hindi. At ¿bakit ko kayo bibiruin?

--Aling Loleng!

--Talagang totoo: ang puso ko'y nababagbag sa kanyang panambitan. ¡Kay
tamis niyang umawit! ¡Kay sarap dumaing!

--Aling Loleng! ¡Nilulunod ninyo ako!...

Hindi sumagot ang dalaga nguni't ang malas ang pinapagsalita. Tinitigan
si Beteng ng titig na makahulugan. Aywan kung bakit kinuha nito
ang kanyang sombrero at matuling umalis. Nilisan ang kanyang mga
kaibigan at kasama ng walang pasintabi. Sa katamisan ng kundiman ni
Artemyo ay di naman siya napuna. Liban kay Dolores, ang mahinhing si
Loleng, ay walang nakaino. Ito lamang ang nakatatarok na si Beteng
ay yumaong may taglay na poot at banta. May poot sapagka't nabigla
siya sa mga tugon ni Dolores. At may banta sapagka't nalalamangan
siya ni Artemyo. Anaki'y isáng bayang nilubugán ng araw ang dibdib
niyáng binabayó ng pagngingitngit.


            "Titigil na naman
        ako sa pagdaing,
        na nagaantabay
        ng awa mo Loleng..."


Diyan natapos ang malungkot nguni't magiliw na kundiman, na dinaluhan
ng nakakikiliting taginting ng bigwela at biyolin.

Hindi napigilan ni kapitana Martina ang kanyang palakpak; datapwa't
si kapitang Andoy ay tinalo na tuloy ng antok.

--Salamat po--ang magiliw na sabi ng ating dalaga, bago pinagukulan
si Artemyo ng--¡Kay buti pala ninyong umawit!...

--Baka kung ano na po iyan?--ang may hiyang pakli ng binatang pinuri.

Ang usisaang "¿nahan si Beteng?" ay siyang pumigil sa dalaga upang
tugunin ang binata. Isa't isa'y nagtanungan. Sa tanóng ay tanong din
ang itinutumbas. Kaya't nagdiwang ang alingasngas at lahat, liban
kay Dolores at sa nakakatulog na kapitang Andoy, ay pinagharian
ng pagtataka.

--Marahil ay may sumundo--ang saad ni kapitana Martina.

--Magpaalam na tayo--ang lihim namang anyaya ng may hawak ng bigwela
sa kanyang katabi.

--Siya nga--ang ayon naman nito.

--Tayo na--ang ulit ng isa.

--Gabi na tayo--ang patuloy ng iba.

At lahat ay pinatahimik na naman ng tagingting ng tuwa. Tumugtog sila
ng isang pangwakas. Si Artemyo noon ay napatabi.

--Aalis na ba kayo?--ang tanong ni Dolores sa mapalad na binata.

--Opo,--ang tugon nito--sapagka't totoong mababagabag kayo.

--Wala po kayong aalalahanin.

--Salamat po.

--Kayo pala'y kinatawan ni mang Beteng--ang may ngiting salaysay
ng dalaga.

--Siya pong totoo.

--Di ang inawit ninyo'y parang inawit nila?

--Gayon nga po.

--At ang panambitan ninyo ay panambitan nila?

--Yaon po ang dapat.

--Nagkasala ako!--ang waring hinampo ng dakilang babai--boong akala
ko'y lahat ng inyong inawit ay bukal sa inyong puso, mula sa ubod ng
inyong buhay!...

Kinabahan si Artemyo ng marinig ito. Ang puso niya'y di
mapalagay. Parang binabayo ang kanyang dibdib. Sampung paghinga ay
nangangapos. ¡Kaawaawang kalulwá sa gitna ng kagipitan! At ang boóng
pagkatao niya'y dagling sumuko sa gayóng dilág. Subali't ang kapalaran
ay itinapat siya sa landas na dapat tuntunin. At anya'y:

--Ikaw po ang masusunod: maiyuukol mo saan man ibigin, at di malilihis
ang iyong akala...

Hindi tumugon ang dalaga at sinamantala ni Artemyo:

--Aling Loleng, kung batid mo lamang ang itinitibok ng aking loob,
ang iniluluha ng aking puso, ay sasabihin mong ako'y sinungaling....

--At hindi ba kayo sinungaling?--ang dugtong ng dalaga--¿Di ba
kasinungalingan ang maglahad ng wala sa loob?

--Wala sa loób!

--Kayo na rin po ang nagsabi.

--Yaon po'y lambing lamang ng pusong nagtataglay ng hiya.... Isang
pakunwari ng pagibig na nagaalangan sa dakila mong ganda....

--Nagaalangan?

--Opo, aling Loleng, at baka di maging dapat na maglingkod sa inyo....

Tinotoo na ni Artemyo ang pangungumpisal. Nilimot na niya ang kanyang
tungkulin. Hindi na naaalaalang siya ay kasangkapan ni Beteng. Wala
na sa gunitang siya ay bibig lamang ng kanyang kaibigan.

Si Dolores, ang mabining dalaga na sumuko ang puso sa mga pagawit
ni Artemyo, ay parang nagayuma. Sa kanyang mukha at pangungusap ay
nalalarawan ang paggiliw na nabihag ng mapalad na binata.

Sa pagtititigan ng dalawang kalulwa ay natapos ang pangwakas na
tugtog. Ang mga namamandaw ng puso ay nagtayuan na. Isa't isang
nagpaalam at nakipagkamay sa bunying binibini. Ang pagkakataon ay di
sinayang ni Artemyo. Siya ang nagpahuli sa lahat. Kinamayan niya ng
boong higpit si Dolores at dinamdam naman nito ang katuturan noon. Mga
titig nila ang nagpalitan ng damdamin ng kanilang dibdib.

Doon natapos ang masayang gabi.







II

HINDI NAPAWASTONG PAGTITIYAP


Doon sa kabilang dulo ng daang Sagat, sa hanay din ng inuuwian ng
mapanghalinang si Dolores, ay dalawang lalaki yaong ipinagtatanong
si Beteng. Sa isáng magandang tahanan, doón silá pumanhík, sapagka't
yaón ang itinuro sa kanilá ng napagsanggunian.

--Mga kaibigan--ang buhat sa itaas ay kanilang narinig--tulóy kayo,
tulóy kayo....

--Magandang araw po mang Beteng--ang bati namán ng dalawá.

Silá'y pumanhík at ginanáp ang karaniwang kumustahan. Matapos ilapat
ni Beteng ang pinto ay nagsaád ng ganito:

--Malakíng suliranin ang gumuguló sa isip ko, kaya inabala ko kayong
ipinatawag. Sa inyong pangangailangan ay nalalaan namán ako.

--Salamat po--ang salo ni Pastor na isá sa mga panauhin.

--Sapagka't kayo'y inaári kong mga kapatid ay sa inyo ko dapat
ipagtapat.

--Ipatuloy mo po--ang pakli ni Simón, na kasama ni Pastor.

--Malaon nang ang puso ko'y pinapagdudusa ni Dolores--ang patuloy
ni Beteng--nguni't ¡kay pait ng nasasapit ko!... ¡Pawang tiwali! At
kagabi lamang ay hinarana namin, nguni't gaya rin ng dati, ay pawang
paglibak sa akin ang aking napala....

--Bakit po?--ang tanong ni Pastor.

--Di ba kayo pinaakyat?--ang usisa ni Simón.

--Pinatuloy kami, dili ang hindi--ang patlang ni Beteng--nguni't ang
pagkapatuloy sa amin, ay siyang lalong nagbansag ng kaapihan ko. Opo,
kaapihan, pagka't sukat bang itanóng sa akin ni Dolores na kung bakit
pa raw ako sumama roon....

--Yaon po'y ugali na ng dalaga: lahat ng nais nilang sabihin ay
dinadaan sa hinampo--ang putol ni Simón.

--Hindi kaibigan,--ang tutol ni Beteng--pagka't malaon ng kumukulili
sa tainga ko, na si Artemyong aking pinakikiusapang siyang umawit
sa aming pagtapat doon, ay siya daw ang napupusuan ng babaing yaon,
gayong ito ay wala namang pagibig sa kanya.

--Ganyan din po ang balita ko--ang pagayon ni Pastor--nguni't, kailan
ma'y di ako naniwala.

--Sino po bang Artemyo yaon?--ang pagsisiyasat ni Simón.

--Ang kalihim sa Samahang "Kumilos Tayo"--ang tugon ni Pastor--yaon
bang nagtalumpati sa inyong nayon noong ipagdiwang si Rizal. May
magandang pangangatawan at....

--Yaon pala--ang salo ni Simón--Kakilala ko po yaon at ako man ay
kasapi rin sa "Kumilos Tayo." ¿Diyata't siya ang naiibigan? ¿Si
Artemyo? ¿Ang artista? Aywan ko rin...--at tinapos sa iling at ngiti
ang kanyang pagkamangha; iling na nagpapahayag ng pagpapawalang saysay
kay Artemyo, at ngiti na nagtatanghal ng paglibak sa pagkatao noon.

Ang dalawang kaharap ay napatigil. Nabasa nila sa mukha ni Simón
na siya ay may natatarok na lilim ni Artemyo. At di pinalagpas ni
Beteng. Sinamantalá ang pagkakataón.

--Bakit po?--ang simula--¿may nalalaman ba kayong alimuom ni Artemyo?

--Sus!--ang buntong hininga ni Simón--¡Si Artemyo! ¿At bakit hindi ko
malalaman ang kanyang lihim? Siya ay isang konduktor sa trambiya noong
araw na dahil sa nahuli sa pagumit ay pinalayas tuloy ng empresa. Isang
taong nagpagalagala sa pagbibilang ng bato, na kung kanikanino
nangungutang ng makakain. Napasok na artista, at ang manakanakang
pagtayo sa entablado ay siyang ipinagmamalaki ngayon. Gayong ang
tinig ay tinig kanduli at kung umawit ay parang bumabasa ng Pasyon....

--Ha! ¡ha! ¡ha!--ang tawa ni Beteng.

--Aywan ko--ang tanggi ni Pastor--sa akin ay mabuting kaibigan
si Artemyo.

--Mabuti kung mayroon--ang salo ni Simón--nguni't kung wala ay masama.

--Marahil nga--ang katig ni Beteng--sapagka't kung makailan ko
nang makasama, ni minsan man ay di pa gumasta. Maging sa pagsakay
namin sa trambiya, maging sa pagkain namin ng sorbetes, ay ¿maanong
pabalat-bunga man lamang na magkunwaring dumukot sa bulsa?

--Ano ang hahanapin ninyo sa taong nagsasamantala?--ang masayang
ikinabit ni Simón.

--Hindi gayon--ang tutol ni Pastor at hinarap si Beteng--Kayo ang
nagaanyaya sa kanya ay talagang kayo ang dapat gumasta. Salamat at
di kayo sinisingil sa kanyang abala at pagod....

--Mang Pastor!--ang tugon ni Simón--¿pinagtatanggol ba ninyo si
Artemyo?

--Hindi po. Ipinaaalaala ko lamang ang ipinaguutos ng dakilang asal.

--At ¿kami pa pala ang lumalabas sa magandang ugali?--ang usisa
ni Beteng.

--Hindi ko po sinasabi ang gayon--ang salag ni Pastor--nguni't
ipinagugunita kong sa bibig ng mga lalaki ay alangang maglaro ang
buhay ng kapuwa. Mga babai lamang ang naguututang dila. Mga musmos
lamang ang nagngungusuan.

--How! ¡pshe!--ang putol ni Simón--Talaga pong si Artemyo ay lahi ng
taksil: siya'y kapangpangan.

--Tama. Iyan ang totoo--ang dugtong ni Beteng--pinapaghahari ang
kanyang pagkakapangpangan.

--Mga kaibigan--ang mainit ng saad ni Pastor--¡Huwag ninyong hamakin
ang kanyang lahi! Kapangpangan man at Tagalog ay iisa ng uri, at ang
sumira ng pagiisang iyan, ay yaon ang taksil na dapat pangilagan. Ang
taong pumapatay ng pagdadamayan ng Pilipino ay yaon ang kalaban
ng bayan. Ang kalulwang nagtatanim ng pagiiringan ay siyang uod na
sumisira ng laya at pagasa ng lahat....

--Matutulis pong salita iyan!--ang pakli ni Simón.

--Nakasusugat ka po!--ang dugtong ni Beteng.

--Hindi, mga kaibigan--ang ganti ni Pastor--kailan ma'y di ko magagawa
ang sumugat sa kapatid. Nguni't, oo; makikipaglaban ako sa kanino mang
nagbibinhi ng pagiiringan. Ang buhay ko'y aking itinataya lubha pa't
ang pagiiringan ay ipupunla dahil lamang sa inggit sa isang lalaking
kinakandong ng palad....

--Na sa ibang bahay ka po!--ang paalaala ni Beteng--huwag ninyong
lubusin ang pagalipusta sa mga kaharap.

--Sa bahay na pinaghaharian ng dilim ay doon ko dinadala ang ilaw!--ang
matapang na sagot ni Pastor.

--Pawang kaululan ang sinabi ninyo!--ang tumbas ni Simón.

--Utang na loob ay manaog na kayo--ang taboy naman ni Beteng.

Tumayo si Pastor ng boong pagngingitngit. Ang malas niya'y
naglalagablab. Maliksing kinuha ang kanyang sombrero at anya'y:

--Dapat ninyo akong itáboy; dapat ninyo akong turang ulol;
sapagka't ang gurong nagtuturo ay talagang kalaban ng mga musmos
na tinuturuan.... Nakilala ko na kayó ay dapat namán ninyó akóng
makilala.... Paalam sa inyo nguni't alalahaning ako'y natatalaga sa
ano mang mangyayari....

Titig lamang ang isinagot ng dalawa. Kaya't pumanaw na nagpuputok ang
dibdib ni Pastor. Samantalang nawawala ang kanyang yabag ay patuloy
sa pagwalang imik ang dalawang nilisan.

--Mang Simón--ang mana'y saad ni Beteng--yumaong galit na galit ang
abogado ni Artemyo.

--Walang kailangan--ang tugon nito--¡Ibabagsak natin sila!...

--Iyan ang kanina pa'y inaantay kong pumilas sa inyong labi....

Kumuha ng kahon ng tabako si Beteng at inalok ang kaharap. Kapwa
sila nagsuso at minsang pinagbuti ang upo. Bago naganasang marahil ay
yumari ng paghihiganti. Panahon lamang ang makapagbubungkal ng lihim.

Isang mahigpit na kamayan ang tumapos ng salitaan. At taglay ang
galak ng pagasa na naghiwalay ang dalawang nagtiyap.







III

MGA HALIK NG PAGIROG


Nagbabanguhang sampagita, bulaklak na nagpuputían, yaong tinutuhog
ni Dolores, sa halamanan nila. Nagiisa siyang noon ay nagaaliw at
pinalilipas ang mapanglaw na hapon. Sa isang upuang kawayan ay doon
pinagbubuti ang pagyari ng isang kuwintas. Ang samyo na idinudulot
ng mga ilang-ilang, ay sumusuob sa mabining dalaga. Marahan namang
humahalik sa kanyang mga pisngi ang simoy ng hanging nagmumula sa
bukid. Samantalang sa kanyang ulunan, ay namamaypay ang masingsing
dahon ng kamuning.

Ang dilag ni Loleng noon ay lalong tumingkad kay sa dati. Bagay
na bagay ang bagong gayak sa mayamang ganda ng kanyang pagka
binibini. Sa biglang malas lamang ay mahuhulaan nang siya'y bago
pa lamang dumudungaw sa pinto ng pagibig. At upang patotohanang
naninibago ang kanyang puso sa pagtibok ng buhay sa pagkadalaga,
ay masayang umaawit at sinasamyo ang mapapalad na sampagita.

--Kay bango ninyo!--ang di napigilang wika at nilangap ang samyo ng
kanyang tinutuhog--¡Kay puti ninyo! ¡Kay dunong ng Diyos!...

Siya rin ang sumagot:

--Talagang kayo ay pinagyaman ng kalikasan! ¡Walang haring
makapagsusuot ng inyong gayak! ¡Sutla na di nilikha ng kamay! At ¡puti,
puting parang busilak!...

Dinugtungan pa rin:

--Hindi lamang iyan ang inyong yaman. Sa samyo, bango, halimuyak,
ay kahanay kayo ng mga pangunahing bulaklak na ipinagmamalaki ng
katalagahan....

Tinapos sa:

--Sa ulo, batok, at dibdib ng mga dalaga sa Silanganan, ay ginagamit
kayong palamuti, katimbang ng rubi, perlas, at brilyante ng mga dalaga
sa Kalunuran. Yaon ay binibili ng daan, libo, o yutang salapi, nguni't
kayo ay ipinagpapalit sa isa o dalawang sentimos lamang. ¡Kay taas
ng agwat ng halaga! Gayon ma'y lalong matayog ang inyong uri. Sila'y
nagagamit lamang ng nakaririwasa, samantalang kayo ay pinakikinabangan
ng lalong dukha at ng lalong mayaman. Ikinahihiya silang igayak ng
mga dahop sa salapi, datapwa't kayo ay ikinararangal ng lahat....

At malaong nilangap na naman ang mapapalad na sampagita. Mana'y
pinanood at kinausap:

--Gaano man ang inyong yaman, gaano man ang inyong dilag, ay di ko
rin ipagpapalit sa inyo ang aking pinakamamahal sa buhay, ang giliw
ng puso ko, si Artemyo ng aking pagibig....

Isang halik ang biglang lumagot sa kanyang pangungusap; halik
na tumunog sa kanyang pisngi; halik na kaunaunahang idinulot ng
pagibig. Nagulat at napalingon ang ating dalaga. Subali't napatungó
na lamang at pumatak ang luha, noong mapagtanto niyang si Artemyo
pala ang nagbigay ng ligalig.

--Loleng!--ang bati nito--napoot ka yata....

--Di ko akalain...!--ang tugon naman ng binibini.

--Huwag; huwag kang magalit. Tinugon ko lamang ang utos ng aking
pagsintá. Kanina pa ako rito na nagsusubók sa iyo. Napanood ko ang
lahat ng iyong ikinilos. Ang puso ko'y nilango ng tamis. At nakagawa
tuloy ng kalapastanganan....

Patuloy sa pagkatungo ang binibini. Nahihiya o napopoot mandin sa
nangyari. Talagang gayon ang dalagang Tagalog. Malambingin nguni't
matampuhin. Magiliw datapwa't maselan. Sa di pagimik ay sarisaring
katuturan ang maipalalagay.

--Loleng--ang muling saad ni Artemyo--kahapon lamang binihis mo
ang aking puso, ngayon ay muli na namang pagdudusahin. ¡Kay sawing
palad ko!...

Hinawakan ang kamay ni Loleng na may hawak na sampagita. Naupo sa
piling nito at sinapupo sa likod ang dalaga ng kaliwang kamay. Bago
nagpatuloy:

--Napakawalang awa ka! Parang tinakaw mo lamang ako sa galak. Mabuti
pang di hamak ang di ako pinangakuan ng pagibig, kay sa naturang
giliw ay nilulunod sa kapighatian....

--Ikaw ang may sala--ang marahang patlang ni Dolores--¿hindi ba
kahapo'y isinumpa mong ako'y iyong igagalang?

--Tunay. At siya ko namang ginaganap...

--Paggalang pala ang iyong inasal!

--Hindi ba?

--Paglapastangan!

--Na naman!

--At di ba pagapi sa dangal?

--Loleng, huwag mong isaloob ang gayon. Ang paggalang ay kapatid ng
pagibig. May halik ang paggalang at may halik ang pagibig. Ang halik
ng paggalang ay idinadampi sa damit, sa paa, ó sa kamay. Ang halik
ng pagibig ay sa noó, sa pisngi, ó sa kapuwa labi inilalagak. Pumili
ka ngayon; ¿alin ang ibig ng Loleng ko?

--Ang halik ng paggalang--ang masaya nang tumbas ng binibini.

--Loleng, ¡lalong napopoot ka! Hagkan ko ang iyong damit ay tuturan
mong kita'y nilalaro. Hagkan ko ang iyong paa, ay sasabihin mong kita'y
inuuyam. Hagkan ko ang iyong kamay ay isasaad mong kita'y binibiro....

Isang ngiti at isang titig ang iginanti ng pusong nagtampo. Nagpalaot
naman si Artemyo.

--Sapilitan, irog ko, na ang pipiliin mo ay ang halik ng pagibig. Siya
kong ginanap, tanda ng aking pagmamahal. Doon ay kalakip na rin ang
paggalang na aking ipinangako kahapon.

--Lahat ng matwid ay na sa iyo!

--Sapagka't ako ay taong may katwiran....

--Sinungaling!...

Isang malakas na tawag na "Loleng" ang gumambala sa paguulayaw ng
dalawa. Yaon ang makapangyarihang tinig ni kapitana Martina. Lumingon
ang tinawagan, bago nagpaalam sa kasi:

--Artemyo, tinatawag na ako ng Tiyang.

--Lilisanin mo ba ako?--ang lambing naman ng binata.

--Pumanhik tayong dalawa.

--Baka di maganda ang gayon?

--Mauuna ako't sumunod ka mamiya.

--Mabuti pa.

--Aantabayanan kita?

--Asahan mo.

At tumalikod ang binibini matapos ihandog sa giliw ang isang kumpol
ng sampagita. Handog na waring walang katuturan, nguni't minahal ni
Artemyo. Sapagka't yaon ay nilagakan muna ng isang halik ng kanyang
pinopoon. At sinasamyo ng binata samantalang pinanonood niya ang
pagyaon ni Dolores.

Noon nama'y naglilikom na ng liwanag ang ilaw ng sangdaigdig. Ang
dilim ay marahang nagbubuka ng pakpak. Nagsisimula na ng pagawit ang
panglaw at lungkot ng gabi. Mana'y marahang namumukadkad sa kaitaasan
ang mga sampagita sa bukid ng Diyos, iyang mga bituing nagpapagunita
ng luwalhati sa kabilang buhay.

Malaong sandali pa ang lumipas, bago narinig ang:

--Magandang gabi po--na patao ni Artemyo upang tumupad sa pangako.

--Magandang gabi po naman--ang pakunwaring salubong ni Dolores--Tuloy
kayo....

Pumanhik ang panauhin at nagtuloy sa salas. Doon ay inabot niya si
kapitana Martina. Nagbigay ng galang at payapang naupo. Si Dolores
naman ay naupo na rin. Ito ang nagbukas ng salitaan:

--Saan po kayo nanggaling?

--Doon po sa bahay.

--Ngayon lamang kayo naligaw dito ah--ang pangatlo ni kapitana Martina.

--Bakit naman po?--ang tutol ng binata.--Noong lamang isang linggo
ay narito kami.

--Siya nga pala--ang patalo na ng kapitana--at noon nga pala kayo
nagharana. Hanggang ngayon ay di ko pa nalilimot yaong inawit ni mang
Huwan na ayaw ko sa intsik....

At tinapos sa halakhak. Tawa rin ang itinugon ng dalawang kapulong.

--Bakit po ba hindi ninyo kasama noon si mang Beteng?--ang usisa
ng binibini.

--Ayaw na pong makibarkada sa amin--ang tugon ni Artemyo.

--Kung ilan nang haranahan iyan na di nakakasama yaon eh....--ang
katig ng kapitana.

--Napupuna ko nga rin--ang dugtong ng dalaga.

--At ¿bakit di mo mapupuna?--ang biro ng ali--sa iyon lamang ang
itinatangi mo....

--Ang Tiyang naman!--ang tanggi ni Loleng.

--Ehem!--ang salo ni Artemyo.

--Siya; kung ayaw ka ng itinatangi ay minamahal...--ang dugtong
ng kapitana.

--Nagkatabas tuloy!--ang tawa ng binata natin.

Isang makahulugang irap ang inihagis ng dalaga kay Artemyo. Ginanti
naman nito ng isang titig. Ano pa't mga mata ang pinapagusap. At sa
mukha nila ay nababasa ang pagkainip sa matandang kaharap. Salamat at
ito ay mapagbigay at nataunang nanalo noon sa pangginge; kaya malamig
ang ulo at binigyang panahon ang dalawang puso upang magulayaw. Lumabas
ang kapitana at nilisan ang mga kausap. Lumaya ang dalawang pusong
nagtatalik sa galak.

--Waring hindi batid ng ali mo ang ating lihim?--ang saad ni Artemyo.

--Hindi, at magingat ka--ang tugon ni Dolores.

--Naparito na ba si Beteng?

--Oo. Di ko pa pala naibabalita sa iyo na sila ay nagharana rito.

--Kailan?

--Noong Huwebes ng gabi.

--Sino sino sila?

--Wala akong nakilala; nguni't sa inyong magkakasama noong araw,
ay si Beteng lamang ang kasama.

--Nagsarili na!

--Hindi lamang iyon. Sumulat pa sa Tatay na ikaw daw ay alipin
lamang. Nagsisilbing-kanin ka raw sa kanya, kaya di ka dapat tanggapin
dito.

Napipi at namutla sa galit ang nabiglang binata. Ang binigkas na yaon
ng kanyang kasi ay naging matunog na kulog sa kanyang pangdinig. Siya
ay nangliit. Aywan kung inapi ng kahihiyan ó sinupil ng poot. Datapwa't
sa pagyaon ng ilang sandali ang mukha niya'y naging maamo. Tulad sa
nagkasalang humihingi ng tawad.

--Salamat na lamang--ang patuloy ng dalaga--at ako ang
nakatanggap. Kaya, ni ang Tatay, ni ang Tiyang, ni sino pa man dito,
ay walang nakabatid.

--Nahan ang liham?--ang mana'y usisa ni Artemyo.

--Sinunog ko.

--Bakit mo sinunog?

--Sapagka't gawa ng taksil.

--Di mo na ipinabasa sa akin?

--Baka pa matunghayan ng iba.

--Bakit mo nalamang sulat niya?

--Dahil sa may lagda.

--Nilagdaan!

--Maniwala ka.

--Ng pangalan niya!

--Tunay.

--Kay tapang!

--Duwag, ang sabihin mo.

--Sayang at di ko nakita!

--Huwag na.

--Nananalig ka naman?

--Hindi! ¡Hinding hindi!

--Bakit?

--Sapagka't walang katotohanan.

--Totoo yaon!

--Ano sa akin?

--Tapat ang sumbong niya.

--Walang ano man.

--Paniwalaan mo!

--Ipalagay mong ako'y naniniwala. Maging totoo nang busabos ka niya,
¿ano ngayon? ¿Ang pagibig ba'y nahahadlangan ng mga bagay na iyan?

--Dolores!

--Kung ang pagirog mo ay naigigiba ng inggit at imbot, ang pagibig
ko ay hindi. Matibay. Kasingtibay ng moog. Kamatayan lamang ang
makapagwawalat.

--Bulaan!

--Masusubok mo rin.

--Nasubok ko na. Sa isang halik lamang ay pinatulo mo na ang iyong
luha....

--Sapagka't nalunos ako sa aking pagkadalaga.

--Di lalong malulunos ka sa palad mong tatamuhin ng isang busabos?

--Kabila man ng busabos, kung iniirog ko at minamahal, sa akin ay
daig pa ang haring na sa trono ng luwalhati.

--Diyata?

--Tunay.

--Ang katunayan?

--Kinamit mo na.

--Yaon bang tinamo sa lakas-loob; halik na itinangis ng hinagkan,
ay siya mong patunay?

--Sapat na yaon.

--Ang pagibig ay walang kabusugan!

--Hindi pa panahon.

--Lahat ng sandali ay dapat pakinabangan.

--Sa iba nang pagkakataon.

--Naipagpapaliban pala ang sanla ng pagibig....

At tinapos sa pagpisil ng kamay ng binibini. Tumayo ang binata at
naglingon-likod. Ang dalaga ay kinabahan at umiwas na:

--Hayun ang Tiyang!

--Mamatay na tayo!

At boong tapang na inilagda ni Artemyo ang pangalawang halik ng pagirog
sa mapulang pisngi ni Dolores. Ito ay nagitla, subali't nang matiyak
na di sila napuna ng kapitana Martina ay magiliw na nagsabing:

--Pangahas ka rin!

--Kay palad ko ngayon!--ang galak ni Artemyo--Sa gabing ito nahawi
ang dilim ng aking pagasa. Nababanaag ko na ang liwayway ng aking
kapalaran. Datapwa't, Loleng, Loleng, huwag ka sanang padadala sa
dila ng mga umaagaw ng aking dangal....

--Hindi, at isinasamo ko sa iyong huwag mo nang mababanggit kay mang
Beteng ang liham niya sa Tatay.

--Asahan mo.

--Ilagan mo sana ang sigalot.

--Huwag kang magalaala.

--Talagang gayon ang kalulwang sawi sa pagibig. Parang ulol na di
nalalaman ang ginagawa. Awa ang dapat ihandog sa kanila.

--Siyang totoo.

--Naku, sukat bang siraan ka! At sira pa namang kahahalataan ng
pagkaimbi....

--Kay pangit!

--Sawing palad na lalaki!

Ang orasang nakasabit sa dakong itaas ng pinto, ay nakisagot
din. Walong pantig ng kanyang batingting ang pinaltik. Ang oras ng
pagaalaala sa mga kalulwa sa purgatoryo'y siyang ibinansag.

--Ika walo na pala!--ang saad ni Artemyo na dinukot at minasdan ang
kanyang orasan.

--Ay ¿ano kung ika walo na?--ang putol ng dalaga--¿naiinip ka ba?

--Naiinip? ¿Mainip ako sa piling mo? Loleng, kung makukuha ko lamang
ang aking puso, at ihaharap ko sa iyo, ay makikita mong sabik na
sabik sa iyong dilag at pagmamahal. Nais ay matali na sa puso mo
kung mangyayari...

--Bulaan!

--Hindi. Talagang wala akong pinapangarap, kung di ang pagbabagong
buhay natin. Maging malaya tayo sa pagduduyan sa tuwa... Nguni't
samantalang di pa namimitak ang ating araw, ay sumunod na muna tayo
sa palakad ng panahon.

Hindi tumugon ang dalaga sapagka't noon ay sa susungaw sa pinto si
kapitana Martina.

--Maalaala ko pala--ang wika nito--huwag kayong mawawala sa isang
linggo, at ating ipagdidiwang ang kaarawan ni Loleng.

--Sa isang Linggo po?--ang tanong ni Artemyo.

--Sa ika 21 ng kasalukuyan--ang salo naman ng dalaga.

--Bulaklak nga pala kayo ng Mayo--ang pagpuri ng binata.

--Kaya po kasingganda ng kamya--ang dugtong ng kapitana.

--Ang Tiyang naman!--ang hinampo ni Loleng--para pa tayong taga
Palanyag.

--Kung ayaw ka ng kamya ay asusena. Kung ayaw ka ng asusena ay
sampagita. Kung ayaw ka ng sampagita ay rosal. Alin man ang iyong
piliin ay bagay sa iyong kagandahan--ang pagtatanggol ng kapitana na
lubhang nawiwiling biruin ang kanyang alaga.

--Siya nga--ang ayon ni Artemyo.

--Siya na kayo--ang salag ni Dolores.

Napatigil ang salitaan sapagka't noon ay may narinig silang
yabag. Ilang sandali lamang na nagdiwang ang pananahimik at napagsino
na ng tatlo. Tinig ni kapitang Andoy ang kanilang napansin. Hindi
nagkabula ang palagay. Sumipot sa pinto ang matanda. Sinalubong naman
ni Artemyo ng bati ng paggalang.

--Nakasabay ko po ngayon si mang Beteng--ang balita nito.

--Saan?--ang usisa ng kapitana.

--Sa trambiya--ang patuloy ng matandang Andoy--at sinabi sa aking
magdadala siya rito ng komparsa sa araw mo Loleng.

--Ehem! ¡ehem! ¡ehem!--ang tikim ng kapitana.

Nagtitigan naman ang dalawang pusong naglilihim. Bago nagngitian ng
ngiti ng kasyahang loob.

--Hindi raw ikahihiya sa mga panauhin ang kanyang dadalhin dito--ang
dugtong pa ng nagbalita--marahil daw ay mga labing anim katao.

--Kay dami! ¡Talagang pangatawanan!--ang tuwa ng kapitana--Kayo mang
Artemyo, magdala rin kayo.

--Na naman ang Tiyang...--ang hadlang ng dalaga.

--Ito nga naman--ang habol ng kapitang Andoy na hinarap ang
mapagsisteng asawa.

--Susubukin ko po--ang tugon naman ng binata.

--Baka matuloy!--ang pakli ng kapitana--Biro ko lamang iyon.

--Titingnan ko rin po--ang saad ni Artemyo na napapasubo.

--Huwag na--ang pigil naman ni kapitang Andoy--sapagka't sapat na ang
dadalhin ni mang Beteng. Bakit nababalitaan kong waring may bigat ng
loob sa inyo, ay baka kung ano pa ang ipakahulugan noon.

--Siya nga--ang ayon ni Dolores.

Hindi nakasagot si Artemyo. Namutla at napipi. Sumikdo ang
loob. Marahang sumusubo ang pagngingitngit. Titig na lamang ang
ipinukol kay Dolores. Ito naman na nakaramdam ng kagipitan noon ay
sinamantala ang pagtatanggol sa giliw. Anya'y:

--Dumalo na lamang kayo at isama ninyo ang inyong mga kaibigan.

--Maaasahan po--ang pakli ng binata.

--Baka di kayo sumipot?--ang habol ng kapitana Martina.

--Baka pangakong napako iyan--ang salo naman ng kapitang Andoy--bakit
na sa Pako pa naman tayo.

--Hindi po--ang sagot ni Artemyo--maaasahan po ninyo.

At tumayong kinuha ang kanyang sombrero bago nagpaalam.

--Aalis na ba kayo?--ang saad ng kapitana.

--Maaga pa naman--ang dugtong ng kapitang Andoy.

--Mayroon pa po kaming paroroonan--ang pakunwari ng binata.

Kinamayan ang tatlong lilisanin. Nanaog na nalulunod ang
puso. Sumisinghap sa tuwa at sumisinghap sa galit. Naluluoy sa tuwa
dahil sa pagtatamo ng halik ng pagirog. Nilalagnat sa galit dahil
sa paninira ni Beteng. Gayon ma'y tahimik na yumaon ang kalulwang
itinaguyod ng mapalad na pagkakataon.







IV

MASIGASIG NA KILOS NI PASTOR


--Mga kaibigan--ang bati ni Pastor sa mga kasamang kanyang inabot
sa isang kamalig sa daang Penyapransiya, doon din sa Pako, na
nagsasanay ng pagtugtog--¿kayo yata ang dadalhin ni Beteng sa bahay
nila kapitang Andoy?

--Oo--ang tugon ng may bigwela.

--Utang na loob ay huwag kayong sumama--ang patuloy ni Pastor--at
ibitin ninyo sa kahihiyan ang taong yaon...

--Bakit?--ang sambot ng may gitarra.

--Mangyari ay kung ano anong paninira ang ginagawa kay Artemyo--ang
tugon ng Pastor--at kayo ay dadalhin doon upang patunayang lalong
malakas siya kay Artemyo. ¿Yaon ba ay gawa ng kasama?

--Ang lagay pala ay nagkagalit sila ni Artemyo?--ang usisa ng
nakasalamin.

--Oo--ang paliwanag ni Pastor--at ang pinagmulan ay dahil kay Dolores.

--Ano ang nangyari?--ang pagkamangha ng lahat.

Lumingon muna si Pastor, bago sumagot:

--Lubhang katawatawa.

--Bakit?--ang pagkasabik ng ilan.

--Makinig kayo--ang patlang ni Pastor.

--Si Artemyo ay palaging niyayaya ni Beteng upang haranahin si Dolores,
dahil sa ito ay artista at may mayamang tinig. Siya, si Artemyo,
ang palaging pinaaawit sa kanilang pagtapat. Nguni't si Dolores ay
di rin mahabag sa kaawaawang Beteng. Ang pista pa nito ay si Artemyo
ang napusuan. Ano pa't ang tulay ay siyang naibigan.

--Aha!--ang pagtataka ng may dalang biyolin.

--Siya nga--ang ayon naman ng may hawak na gitarra--at noong magharana
kami noon araw doon, ay umalis iyang si Beteng nang hindi man lamang
nagpaalam sa amin.

--Nakahalata marahil!--ang hatol ng may katandaan na.

--Nakita na ninyo?--ang habol naman ni Pastor--Pati kayo ay hinahamak
gayong nangungutang lamang ng loob.

--Ano ang magagawa natin sa taong walang turing?--ang tanong ng may
hawak ng bigwela na malaon na yatang may poot kay Beteng.

--Gayon pala! ¿Bakit pa kayo sasama sa kanya?--ang ulos ni
Pastor.--Ipagmamalaki lamang kayo at pagkatapos ay diyan na kayo...

--Bakit naman pumatol si Artemyo?--ang usisa ng isa.

--Tao namang ito!--ang agaw ng kasamahan din--¿May manok bang tumanggi
sa palay?

--At ¿ano naman ang dapat itawag sa lalaking iniibig ng babai ay
nagwawalang bahala?--ang tanong ni Pastor.

--Binubai!--ang maagap na salo ng may katandaan.

Isang matunog na halakhakan ang pumutok.

--Samakatwid--ang hadlang ni Pastor--ay tumupad lamang si Artemyo sa
kanyang tungkulin upang huwag matawag na binabai...

--Katwiran--ang hatol ng marami.

--Bakit nagagalit si Beteng at sinisiraang mabuti si Artemyo?--ang
tanong pa rin ni Pastor.

--Paano'y naagawan ng tuson!--ang salo na naman ng mapagsiste.

Panibagong halakhakan na naman.

--Isang sagot ngayon mga kasama--ang saad ni Pastor--¿sino ngayon
ang dapat samahan, si Artemyo ó si Beteng?

--Bakit ba? ¿Magdadala rin ba ng komparsa si Artemyo?--ang usisa
ng isa.

--Binabalak ko sana--ang tugon ni Pastor--pagka't totoo akong nasakitan
noong sabihing si Artemyo raw ay taksil dahil sa kapangpangan...

--Sinabi ni Beteng ang gayon?--ang pandidilat ng isang kapangpangang
bandurista.

--Maniwala ka kasama--ang patigas ng tinanong--at kaya sinabi ang
gayon ay dahil sa nabigo sila sa akin. Ako'y inamuki nila ni Simon,
upang agawan ng dangal si Artemyo, datapwa't nagkagalit lamang kami
sapagka't di ako pumayag...

--Sa inyo ako sasama--ang pagkukusa na ng banduristang kapangpangan.

--Ako man--ang habol ng may hawak na biyolin.

--Ibilang na rin ninyo ako--ang sunod ng may plauta.

--Welga na tayong lahat--ang sabi naman ng isa.

--Welga! ¡Welga! ¡Welga!--ang sagutan na ng lahat.

--Mabuhay si Artemyo!--ang sabi naman ni Pastor.

--Mabuhay! ¡Mabuhay! ¡Mabuhay!

At tumugtog sila ng isang masarap na tugtugin, tanda ng tagumpay ni
Artemyo. Galak na galak naman si Pastor. Samantala'y nagpapaindayog
na mabuti ang tinig ng biyolin.

Natapos ang pamamayani ng bigwela at ang bibig na naman ni Pastor
ang narinig.

--Upang malubos ang ating galak ay huwag ninyong sasabihin kay Beteng
na hindi na kayo sasama sa kanya.

--Siya nga--ang ayon ng iba.

--Ang sarap niyan ay magaantay siya ng wala!--ang salo ng isa.

--Gayon ang dapat sa taong umaagaw ng dangal--ang katig ni
Pastor--Ibitin sa kahihiyan. Isubo sa kagipitan.

--May balita pa akong nilalakad daw ni Simon na si Artemyo ay alisan
ng tungkulin sa "Kumilos Tayo"--ang saad ng isang kanina pa'y ibig
maglahad.

--Iyan ay pakana ni Beteng--ang sagot ni Pastor--¿Ano raw ang dahilan?

--Sarisari--ang salo ng tinanong--Hindi raw dapat bigyan ng tungkulin
dito ang isang dapo lamang. Kabagongbago raw dito, ay nais nang
lagpasan ang mga kanayon. Isang bata raw lamang ay ibig nang
maghari. Kung minsan ay sinasabing mapagsamantala raw. Ang salapi
raw ng Samahan ay kinukupit. Marami at napakarami pa ang dungis na
ipinupukol sa mukha ni Artemyo.

--Narinig na ninyo!--ang saad ni Pastor--Linawin natin: hindi raw
dapat bigyan ng tungkulin ang isang dapo. Katwiran, nguni't ¿bakit
nila natitiis ang mga dapong naghahari sa ating bayan? At ¿dapo ba si
Artemyo? ¿Ano kung kapangpangan siya? ¿Hindi ba pilipino rin? ¿Maaari
bang magsarili ang Tagalog nang ang Kapangpangan ay hindi? ¡Napakarupok
na pagkukuro! Ang masasabi ko'y nakikilala nila ang dapong kapatid
din nila, datapwa't hindi nila nakikilala ang tunay na dapong dito
ay tumawid. Kung nakikilala man ay kinatatakutan. Ngayon at kalahi
ay halos sakmalin. Nguni't kung maputi, kahi't na lumapastangan, ay
nginingitian din. Sinusurot, dinuduro at pinamumukhaan ang kabalat,
subali't ang dayo ay saka lamang mamura kung nakatalikod....

--Siyang totoo--ang tango ng ilan.

--Kabagongbago'y nais nang lagpasan ang mga kanayon?--ang dugtong
ni Pastor.

--Pasalamat tayo at hindi pa man ay nagpapakita na ng lakas at
magagawa. Kung kaya siya lalagpas sa taga rito, ay sapagka't dapat
siyang lumagpas. Ano man ang gawin ni Artemyo, kung talagang magaling
sila, ay sila rin ang mamaibabaw. Ang iba pang dahilan ay pawa nang
paninira na mga isip-lamok lamang ang mananampalataya....

--Ang inggit ay talagang nakalilikha ng sarisaring paninira--ang payo
ng may katandaan.

--Kaya matakot at mangilag tayo--ang ayon ng iba.

--Walang sasama kay Beteng--ang paalaalang muli ng banduristang
kapangpangan....

--Wala! ¡Wala! ¡Wala!--ang ayon ng lahat at pinamayani na naman ang
kanilang mga hawak na kilabot ng panglaw, taga taboy ng lungkot at
lumilikha ng tuwa: ang biyolin, bigwela at bandurya.







V

¡WALANG SALA! ¡ANG TAGUMPAY AY ATIN!


Maligayang umaga noon. Sa Looban, daang tumutumbok sa malaking pagawaan
ng tabako, ay maraming kawal ng pawis ang nagmamadalían. Sa una'y
langkay ng mga babai; sa dako roon ay nagsusumugod na mga lalaki; sa
dako rito ay sunodsunod na may mga kagulangan na; at sa huli ay mga
dalaga at binatang pawang nagtatalik sa galak. Walang alinlangang
sarisaring bagay ang napaguusapan. Minsan ay may nagtatalumpati
sa pagtatanggol sa kanyang ipinaglalaban. Minsan ay pumutok ang
halakhakan. Ganyan ang mapupuna sa alin mang pangkatin.

Sa karamihan ay may namumukod na dalawang lalaki. Ang isa ay may
magarang gayak; pulus na puti ang suot at korbatang sutlang granate
ang nakatali sa liig. Isang sombrerong kalasyaw ang nakatakip sa
ulo, na lalong nagbibigay ganda sa mayamang tabas ng mukha. ¡Kay
kintab ng sapatos na abelyana! At ¡kay lapad ng liston! Sa bikas at
pananamit ay nagbabansag ng kalwagan sa buhay. Samantalang ang isa ay
nakabarong intsik lamang. Lumang luma na ang pahang sunong. At isang
tsinelas na kupas na ang kulay ang nagtatanggol sa paa. Naglalarawan
ng karalitaan. Yaon, ang makisig, ay ang binatang Beteng. At ito ang
anak-dalita, ay si Simon. Sa agos ng mga manggagawa sa Tabakalera ay
napaanod sila.

--Sa linggo na ang araw ni Loleng--ang sabi ni Beteng kay Simón.

--Oh, ¿handa na po ba ang komparsa natin?--ang tanong naman nito.

--Hindi ko nga po matiyak kaya ko po kayo inabangan.

--Bakit po?

--Mangyari'y naparoon ako kagabi kina Dolores ay ibinalita sa akin
ni kapitana Martina, na si Artemyo raw ay nangako rin ng komparsa.

--Lalong magaling. Ngayon tayo magsusubukan ng gilas. Upang makilala
ang inyong katayugan kay Artemyo ay dapat kayong iyagapay sa
kanya. Walang salang magbibigti siya sa kahihiyaan....

--Huwag tayong umasa.

--Bakit po?

--Hindi ko pa natitiyak na mabuti ang ating komparsa. Malaon ko nang
kinausap sila at hindi ko na hinarap uli.

--Tiyakin mo po; at nang mapatabi ang gigirigiring iyan....

--Bah! Kung lumabas na magaling ang kanyang dala, ay ¿di naagawan
tayo ng dangal?

--Hindi po! ¡Magagaling tumugtog ang tao natin! Tiyakin mo po lamang
ay di na kayo dapat magalaala pa.

--Baka tayo mabitin ah!...

--Sa ano pong dahilan?

--Kung di tayo siputin.

--Bakit po? ¿Nauulol ba sila? ¿Binayaran at dí sisipot? ¿Magkano po
ba ang ibinayad ninyo?

--Wala pa akong ibinibigay kung hindi limang piso lamang na ibibili
raw ng kuwerdas.

--Sa tao po, ¿magkano ang isa?

--Huwag ko raw pong alalahanin.

--Iyan ang masama. Ang mabuti ay bayaran natin; upang kung hindi sila
sumipot ay magkaroon tayo ng bibig.

--Gayon din po ang naisip ko kagabi kaya ninais kong makausap kayo....

Isang malakas na sigaw na ¡tabi! ang lumagot sa salitaan. Noon ay
humahagibis ang dalawang karitela na naguunahan. Ang una'y pawang
dalaga ang lulan, at ang huli'y pawang binata naman.

Lumingon at tumabi ang dalawang naguusap, bago nagpatuloy si Beteng:

--Kasama rin lamang ninyo riyan sa Kompanya ang pinaka maestro nila,
ay kausapin lamang ninyong mabuti kung mangyayari.

--Opo, at titiyakin ko.

--Ibigay mo po lamang ito--at dumukut sa bulsa ng isang papel na
sasampuin--sabihin ninyong para sigarilyo lamang iyan.

--Kay dami naman!

--Daragdagan ko pa po iyan, mapuri lamang tayo ni kapitang Andoy.

--Walang sala! ¡Ang tagumpay ay atin! ¿Alin daw po bang komparsa ang
kinuha naman ni Artemyo?

--Hindi ko po masabi.

--Tiyak daw po bang sisipot?

--Marahil. ¿Mangangako ba iyon ng papaano? Mawawalan ba ng kakilalang
komparsa iyon, ay sa siya ay isang artista.

--Hindi rin siya dapat humara sa ating dadalhin.

--At mabuti namang magdala siya, upang mapalapat ang kanyang
kapangahasang bumanggá sa tapayan.

Na sa tapat na sila ng Tabakalera.

Kapwa sila tumigil at tumayo sa tabing daan. Noon ay dating at dating
ang kawal ng paggawa. Babai at lalaki, dalaga at bagongtao, matanda
at bata, ang nagsisisipot. ¡Kay daming anak ng pawis!

--Ano pong oras ang sasabihin kong ipagkikita natin sa linggo?--ang
mana'y tanong ni Simon.

--Ika siyam ng umaga. Doon na tayo magtagpo sa bahay nila Loleng--ang
tugon ng kausap.

--Sasabihin ko po.

--Baka malimutan ninyo?

--Hindi po.

--Baka tayo mabitin?

--Huwag mo pong alalahanin. Ako ang bahala.

--Walang sala! ¡Ang tagumpay ay atin!

Nagtuloy ng pumasok si Simón sa malaking pagawaan. Si Beteng ay yumaon
naman. Hanggang doon natapos ang usap ng dalawang magkatiyap.







VI

ANG ARAW NI LOLENG


Madaling-araw ng linggo. Noon ang ganap na ika labing walong Mayo ni
Dolores. Mula sa pinto ng Simbahan sa Pako ay dalawang babai yaong
lumabas. ¡Mga pusong banal yata! At lumakad silang patungo sa daang
Pas. Ang maliwanag na tanglaw sa daan, ay siyang nagsabing yaon
ay si Dolores kasama ni kapitana Martina. Galing silang nagsimba
na pinasalamatan sa Diyos, ang masayang pagsapit ng kaarawan ni
Loleng. Ang malamig na simoy ng hangin, ang mga patak ng hamog sa
damo, at ang liwanag ng ilaw sa daan, ay siyang unang naghandog ng
maligayang bati sa mapalad na dalaga.

Dumatal sila sa bahay na ang lahat ay nagsisikilos na. Ang tunog ng
pinggan, taginting ng kubyertos, at sagitsit ng mantika ay siyang
unang maririnig. Bago mapupuna ang bango na isinasabog ng hangin:
ang amoy ng ginisa. Kung minsan ay namamaibabaw din ang iyukan ng mga
inahin, tandang at kapon na manok. Ito ang mga martir ng pista. Ang
lalong maingay at di maipagkakaila ay ang iyak ng baboy. Tatlo ang
pinatay noon.

Sa kabahayan naman ay iba ang kilusan. Ang tinig ni kapitang Andoy ay
siyang naghahari. Utos dito, utos doon ang ginagawa. Lagatok naman
ng mga upuan, at lagaslas ng dahong saging na ikinukuskos sa sahig,
ay siyang sumasagot. Gayon na lamang ang paghahanda.

Sa siwang ng mga bundok sa silangan ay masayang dumudungaw ang
bukang liwayway. Marahang tumatakas ang dilim at panglaw. Ang galak
at liwanag naman ang bumabangon. Mana'y boong ningning na sumikat
ang ilaw ng sangkatauhan, upang batiin marahil ang dalagang sapupo
ng tuwa sa araw na yaon.

Ang mga taong naglalakad sa daang Sagat, ay napapatigil sa tapat
ng bahay ni kapitang Andoy. Pawang humahanga sa napakakisig
na pagkagayak. Mahahalagang enkahe ang naglawit sa itaas ng mga
durungawan. Sa gitna nito'y malapad na lasong rosas ang pinagbuhol ng
bikas paroparo. Sa mga haligi ng kabahayan ay tungkos ng sarisaring
bulaklak ang naglawit. Magagarang san pransisko ang halamang nagtanod
sa mga pinto.

--Dapat ngang pagubusan ng kaya si Loleng--ang wika ng isang
napatigil--sapagka't siya ay bugtong na anak ni kapitang Andoy.

Ilang sandali pa ang nakaraan, bago sumipot si Beteng. Makisig na
makisig ang binata at masayangmasaya na pumanhik.

--Kay aga ng buwisit na ito!--ang nasabi sa sarili ni Loleng nguni't
masayang sumalubong--Tuloy kayo.

--Maligayang bati po--ang bungad na wika ni Beteng at kinamayan
ang dalaga.

--Salamat po.

--Magandang araw po mang Andoy--ang paggalang nito sa kapitan.

--Tuloy kayo--ang tugon naman ng tinukoy.

Nagtuloy ang makisig na binata. At kung gaano ang bikas niya noong
masalubong natin sa daan Looban ay lalo at higit ngayon. Ang buhok
ay hating hati at ang mukha ay pinahiran ng pulbos. Bagong korbata
na naman ang nakabitin sa liig, datapwa't walang alinlangang buhat
sa almasen ng Siyap sa Eskolta. Ang ternong lana ng pusong gumilas,
ay siyang nagbabansag ng kabusugan niya sa pananalapi. Nguni't ang
lalong kapunapuna, ay ang malalaking brilyante na nagniningning sa
dibdib at mga daliri. «Inubos ang peseta!», ang sabi nga ni Dolores sa
sarili. Subali't lalo siyang namangha noong buksan ang balutang dala,
na anya'y:

--Aling Loleng kung kayo man ay nagagalak sa pagsapit ng inyong araw,
ay lalo at higit ako. Ang katunayang di magkasya sa puso ko ang tuwa,
ay di na matutuhan kung alin sa likha ng tao o likha ng katalagahan
ang pipiliin kong ihandog sa inyong mga yapak. Pagyamanin mo po ang
nakaya ng inyong lingkod.

Pandidilat ng mata ni kapitang Andoy; matulin na paglabas ni kapitana
Martina; at isang «salamat po» lamang ni Dolores, ang tumugon sa
mahabang talumpati ng binata. Samantalang mula sa pinto ay maraming
mukha ang nakasungaw na sabik makakita ng handog ni Beteng. Yaon
ang mga katulong sa paghahanda, at mga kapit-bahay na katapatang
loob. Ang matandang kapitana na inip sa matagal na pagkalas ng tali,
ay tumulong kay Beteng bago bumulalas:

--Kay ganda nito!

At itinaas ng kanyang kamay, ang isang alpiler na may malaking
bató, saka tinitigan ng papikitpikit pa. Ang mga nanonood, maging
si kapitang Andoy, ay napipilan. Si Dolores naman ay pinapagpapawis
ng pangingimi. Nahihiya na di maintindihan. Lalo namang sumisigla si
Beteng ng pagtatanghal ng kanyang handog. Sa ibabaw ng mesang marmol
ay inihanay na lahat upang hangaan ng nagsisitingin.

--Kay dami naman!--ang wika ni kapitang Andoy, nang mamalas niya ang
mga botelya ng pabango, ang kaha ng pulbos, ang magarang pulbera,
ang salaming pangmesa, ang sutlang pamaypay, at ang isang dosenang
panyolitong nagpuputian.

--Inubos na niyong hinakot ang tinda sa Eskolta!--ang bulalas uli
ni kapitana Martina, na idinuro sa alampay ni Dolores ang mahalagang
alpiler.

--Aba!--ang magkakatulad namang paghanga ng ilan. Noon lamang sila
nakamalas ng gayong mga alay. At isa isang nagsilabas upang ipagpatuloy
ang ginagawa.

Gayon man ang paghanga sa mga handog ni Beteng ay lugi rin
siya. Oo, lugi siya, sapagka't bahagya ng bayaran ng ngiti ng
kanyang iniirog. Nguni't palibhasa'y dalagang Tagalog, ang yumi,
hinhin at kadakilaan ng asal, ay di rin nasusupil ng pagkawalang
loob kay Beteng. Si Dolores ay si Dolores din. Siya rin ang dalagang
mapanghalina. Ang katotohanan ay ang anyaya niya kay Beteng:

--Tayo po ay magagahan muna.

--Salamat po--ang tugon ng binata.

--Kung di kayo magaagahan dito, ay di ko namang tatanggapin ang mga
handog na iyan--ang tampo ng dalaga.

--Naku naman!--ang ngiti ni Beteng.

--Siya nga; tayo na muna magagahan--ang dugtong ni kapitang Andoy.

--Salamat po--ang ulit ng binata.

--Anong salamat? Tayo na--ang salo ng kapitana Martina.

--Nakatapos na po--ang tanggi rin ni Beteng.

--Ay ano kung nakatapos?--ang sambot ni Dolores--Ang agahan natin ay
laan sa nakatapos na.

--Busog pa po ako--ang ayaw ng binata.

--Hindi naman handa sa gutom ang agahan dito--ang pagtatanggol
ng dalaga.

Natapos ang pakunwari ng binata sa ganap na pagsuko. At ilang sandali
pa ay napanood nang humihigop ng sikulate at nagpapahid ng mantikilya
sa tinapay.

--Sinapul na mabuti ang handa!--ang wika ng isang batang utusan na
sumisilip mula sa kusina--¡Pati agahan ay tinodas na!...

--Hayop! ¡Hayop!--ang parang tugon naman ni kapitana Martina na
nakahuli sa sumisilip at nilapirot ang taynga.

--Aray!... ¡aray!...--ang iyak na lamang ng nadakip.

Salamat sa pagdatal ng ilang panauhin, at binitiwan din ng kapitana ang
nahuli. Pumasok at sumalubong ng boong galak. Ang dumating ay dalawang
dalaga at isang binata. Tumayo si Dolores sa mesa at pinakapilit na
makisalo ang mga bagong panhik. Ilang sandali pa ay anim katao na
yaong magkakasalo.

Sarisaring mga biro, sarisaring mga pagpuri ang naghari sa boong
pagkakainan. Minsan ay mamayani si kapitang Andoy, at kung minsan
ay mamaibabaw si Beteng. Datapwa't si Dolores ay ngiti lamang ang
inilalaban. Matagal-tagal din bago sila nagkatapos.

Noon nama'y matindi na ang sikat ng araw. Dating at dating na
ang panauhin. Kanina ay mga dalaga. Ngayon ay mga binata. Mamiya'y
dalaga na naman. At marahil ay binata ang susunod. Dapat magkagayon:
sapagka't araw ng bulaklak ay bulaklak din ang dapat magdiwang. At
kung saan natitipon ang mga bulaklak ay doon nagkakagulo ang mga
bubuyog at paroparo.

Halos sikip na ang bahay ni kapitang Andoy. Bawa't dumatal ay
«maligayang bati» ang namumulas sa mga labi. Datapwa't si Artemyo,
ang binatang giliw ng ipinagdidiwang, ang pusong lalong mapalad, ay di
pa sumisipot. Gayon man ay di kapunapuna ang pagkawala nito sapagka't
si Dolores lamang marahil ang di nakalilimot. Ang kapunapuna ay ang
di pagsipot pa ng komparsa.

--Kapitang Andoy, wala ba tayong tugtugan?--ang usisa ni Labadre,
ang kanina pa'y kantiyaw ng kantiyaw.

--Mayroon--ang tugon ng tinanong--Dalawa ang nangako sa akin.

--Saan po naroon?

--Hindi pa dumarating.

--Ika sampu na po ah?

--Maaga pa.

--Baka lawit ang púsod ng mga nangakong iyan!...

--Hindi po naman!--ang pagdaramdam na halo ni Beteng.

--Biro ko po lamang iyon. Patawarin ninyo ako--at tinapos sa halakhak.

Di na sumagot si Beteng at dumungaw upang tanawin marahil ang
kanyang komparsa. Datapwa't wala siyang namalas at ni si Simon ay di
sumisipot. "¿Bakit kaya?" ang naitanong sa sarili. Siya rin ang sumagot
"Maaga pa naman." At naupong muli na ipinako ang malas kay Dolores.

--Kay ganda ng langit ko!--ang inipit na sigaw ng kalulwa. At mula
sa ulo hanggang paa ay pinanooran niya, ang gumugulo sa kanyang buhay
at pagkatao.

Si Dolores, kung talaga mang may katutubong ganda, ay higit at lalo
pa noon. Batid niyang siya lamang ang magiging panoorin sa kasayahan,
kaya bumikas ng dapat maging bikas. Ang damit na isinoot ay yaong
talagang bagay sa kanyang ganda: kulay bughaw.

--Loleng--ang saad ni Labadre--kay dami mong kandidato ay wala na
bang nagalay sa iyo ng tutugtog?

--Ayaw ko nga niyan!--ang yamot ng pinagukulan.

--Hindi ba?--ang patigas ni Labadre--may artista ka, may estudyante
ka, may pintor ka, may....

--Mayroon ng lahat!--ang patalo ni Dolores.

Tawanan at titigan ang itinugon ng lahat. Siyang pagsipot ng anim
na dalagang nagpapangagaw sa dilag. Ang gayak ay paraparang ternong
bughaw. Yaon ay mga bituin ng "Kami Naman." Batian at kamayan ang
nangyari. At naupo na naman ang lahat.

--Wala pa hanggang ngayon ang komparsa!--ang kantiyaw na naman ni
Labadre, matapos magpausok ng tabako at makapagpaindayog sa kulumpiyó.

--Tanghali na nga--ang dugtong ni kapitang Andoy.

--Sayang ang mga sandaling nakararaan!--ang patuloy pa ni Labadre.

Si Beteng ay parang iniinis. Nabakla tuloy na baka di na nga sumipot
ang komparsa. Hindi na mapalagay ang binata. Dudungaw; uupo; tatayo;
at lalabas na lamang ang gawa.

Ang mga bubuyog ay patuloy sa pakikipagbulungan sa mga bulaklak. Ganap
na kaligayahan ang inaawit nila. Bawa't isa'y kinalalarawanan ng galak,
tuwa, aliw.

May mga binatang palipatlipat ng upo. At may mga dalagang
nagbabanalbanalan. May mga bagong taong bibig at matá lamang ang
kumikilos. At may mga dalagang kamay lamang ang pinagagalaw sa
pamamaypay. Ano pa't halohalo na: ang mabait at ang malikot.

Si Dolores man ay masayang masaya  rin. Samantalang si kapitana Martina
ay lakad dito, lakad doon. Pumasok, lumabas, ang ginanap na tungkulin.

--Ano bang komparsa iyan?--ang di mapakaling bulas na naman ng bibig
ni Labadre--¿hanggang ngayon ay wala pa?...

--Antabayanan natin--ang alalay naman ni kapitang Andoy.

--Sus!--ang payamot na ni Labadre--sinasabi ko't lawit yata ang púsod
ng mga nangako....

--Mang Beteng, ¿anong oras po ba darating?--ang usisa na ni kapitang
Andoy.

Pinawisan ng malamig ang binata at matagal din bago nakasagot:

--Ang sabi ko po ay ika walo.

--Bakit wala pa hanggang ngayon?--ang lahók ni Labadre.

--Talagang gayon po tayong pilipino: pag sinabing ika walo ay antayin
mo sa ika labing dalawa....--ang katwiran ni Beteng.

--Samakatwid ay mamiya pa sila darating--ang pandidilat na ni Labadre.

--Malaking sisté!--ang yamot na ni kapitang Andoy--¡Pati si Artemyo
ay nawala na ah!...

Nagbingibingihan si Beteng nguni't naglalagablab ang loob. Ang poot
niya ay kay Labadre nabubuhos. «¿Sino bang hayop ito?» ang tanong
sa sarili. ¡Kay luwag ng kuwelyo! ¡Kay iksi ng amerikana! ¡Tambakan
yata ng basura ang bibig sa walang sawang pagnganga! Pausok ng pausok
ng tabako at bibig na lamang niya ang naririnig. Sulot ng sulot sa
kapitang Andoy na parang binubaeng gumigiri. Dapat ngang kainisan ni
Beteng. Kung hindi sa kanya, kay Labadre, ay di pa lubhang maiinip
ang ama ng kanyang Dolores.

--Kapitang Andoy,--ang pagitna na naman ni Labadre--kung batid ko
lamang na walang tugtugan ay ako sana ang nagdala...

--Bakit po? ¿Wala po bang tugtugan?--ang usisa ng ilang kaharap.

--Mayroon--ang tugon ng kapitang Andoy--darating na.

--Sunduin ko yata?--ang putol ni Beteng.

--Huwag na po--ang pakunwari ni Dolores.

Ang sagot na ito ng binibini ay nakapagbawas din ng kaba ng dibdib
ni Beteng. Paano't paano ma'y nakabuhay din ng kanyang loob. Lubha
pa noong pumasok si kapitana Martina na nagsabing:

--Loleng, samantalang wala pa ang mga komparsa, ay ilabas mo ang
iyong alpá at aliwin mo ang iyong mga kaibigan.

--Siya nga po.

--Yaon ang magaling.

--Ang inaantay namin.

--Halana.

Gayon ang naging tugunan ng lahat na pawang nagpako ng malas
sa dalagang ipinagbubunyi. Sa likod nito ay namaibabaw din si
Labadre. Anya'y:

--Ilabas mo't marami tayong paaawitin dito. Hayan si Nitang, ang tiple
sa Mandaluyon, si Berang, ang dangal ng Tangke, si Siyon ang buhay ng
"Kumilos Tayo," at....

--Silang lahat na!--ang dugtong ni kapitang Andoy.

--Siya nga po, siya nga po--ang ayon ng mga binata.

--Bah! ¡bah! ¡bah!--ang pagtanggi ng mga dalaga.

Ayaw pa sana si Dolores na ilabas ang kanyang alpá, dahil sa pagkatig
sa kanyang mga kabaro, nguni't napilitan din. Ilang sandali pa ang
lumipas at nagdiwang na ang mga daliri ni Dolores. Mahabang palakpakan
ang tumapos.

--Talagang ang dalaga ni kapitang Andoy, ay madadala na sa esposisyon
sa Panamá--ang pagpuri ni Labadre.

--Naman!--ang salo ni kapitana Martina at ni Dolores.

--Walang biro: ang mayaman sa ganda at mayaman sa talino, ay talagang
pang-esposisyon--ang patuloy ni Labadre--Nguni't.... ¿wala pa ang
mga komparsa?

Si Beteng na naman ang natisod. "¡Kulog na matanda ito!" ang bulong,
"¡hindi na napagod ang bibig!" Salamat at nagbago ng salita si Labadre:

--Nitang, tiple ng Mandaluyon, ikaw naman ngayon.

--Si mang Labadre naman--ang patumpik ng pinagukulan.

--Halana; isang kundimang makalaglag matsing--ang pilit ni
Labadre--Loleng, tugtugan mo.

Nagpalakpakan ang mga panauhin, nguni't si Nitang ay ayaw pa rin. Ang
dalagang sibol sa langit ng Pilipinas ay talagang gayon. May talino
man ay hindi ipinagpaparanya. Bagkus ikinukubli habang napipita. Lalo
na't pagpuri at paghanga ang ipaghahalungkat.

Mana'y isang matining na tinig ang nagpatahimik sa lahat. Umaawit
si Nitang at sinasaliwan ni Loleng. Si Labadre ay napatigil
din. Sinamantala naman ni Beteng ang pagpanaog upang salubungin
marahil ang komparsa.

Sa panulukan ng mga daan Sagat at Penyapransiya, ay doon tumanaw
si Beteng. Sarisaring guniguni ang lumaro na sa binata noong hindi
niya mamalas ang inaantay. ¿Biniro kaya siya ng komparsa? ¿Talaga
kayang di na sisipot? ¿Ano ang ginawa ni Simon sa salapi? Ganyang mga
tanong ang di niya matugon. Nangangawit naman sa pagtanaw sa wala,
ang kanyang malas.

Minsan ay magningas ang poot kay Labadre. Kung wala ang taong yaon ay
di gaanong mapupuná ni kapitang Andoy ang di pagsipot ng komparsa. Ang
kapitan ay nawiwiling makipagusap sa mga panauhin. Datapwa't laging
sinusulot ng masalitang matanda. Ito ang nagpapalaki ng sunog. Ang
kanyang pagkatao ay nabingit tuloy sa pilapil ng kahihiyaan.

Si Simón naman ang nahagilap ng alaala. ¿Pinagtaksilan kaya siya? Hindi
mangyayari. Kagabi lamang ay ika labingisa na ng umalis sa bahay
ni Beteng. At sinabi nitong naibigay niya ang salapi at tinanggap
naman. ¿Saan naroon? Marahil ay tinitipon ang manunugtog. Walang sala;
pagka't pinainum pa niya ng herés, bago umalis.

Humakbang ng ilan ang binata at idinukot sa bulsa ang kamay. Tumanaw na
naman sa malayo, nguni't wala pa rin. "Mga tao na namang iyon, ¿di kaya
inaalala ang kahihiyan ko?" ang tanong na magisa. Tinanggap ang salapi
at ¿di sisipot? ¡Malaking pagkukulang sa pagsasama! Datapwa't ¿ano
ang magagawa ni Beteng? Siya'y nagaanyaya lamang. ¿Ang salapi? Yaon
ay pabuya lamang. Iba ang upa sa pabuya. Kung upa, kahi't umulan ay
sisipot sa takdang oras. Sapagka't pabuya, ay daratal kung kailan
sipagin. ¡Utang na loob pa!

Inip na inip na ang binata. Pumagitna na naman sa daan at muling
tumanaw. Wala pa rin. Si Simon man ay wala rin. ¿Tuluyan na kayang
mabibitin ang kaawaawa? Sumisikdo ang loob; sumasasal ang tibok
ng puso; nangangapos ang hininga. ¡Mahirap na talaga ang mabingit
sa kahihiyan!

Waring nabuksan ang langit kay Beteng nang marinig niya ang tunog
ng bigwela. Walang alinlangang yaon ay kina kapitang Andoy. Halos
ay tumakbo ang binata sa galak. Matulin na pumanhik. Lalong sikip na
ang bahay na bago ng kapitan. Noon ay nagsasayawan na. Taas ang noo,
lantad ang mukha, na dumulog sa harapang yaon. Nguni't ¡kay laking
pagkabigo! Ang tumutugtog pala ay hindi ang komparsang kanyang
inaantay, kung hindi ang orkesta ni Artemyo at ni Pastor. Napipi at
napamangha ang binata. Lalong ibinaon siya ng kahihiyaan. Malalamig
na patak ng pawis ang umaliw sa kanya. Ang mata naman ng mga kaharap
ay parang umuuyam sa kaawaawa.

--Naito na pala si mang Beteng!--ang bulalas ni Labadre--¿nahan ang
inyong komparsa? ¡Wala! ¡Nilagpasan kayo ni Artemyo!...

Walang naitugon si Beteng kung hindi sarisaring banta. Poot kay
Artemyo, sapagka't napaibabawan na naman siya. Galit kay Labadre,
dahil sa lagi siyang hinihiya at ibinibilad. Ngitngit kay Simón
at sa komparsa, sanhi sa siya'y isinubo sa kahihiyaan. Gayon ma'y
nagbakasakali ring daratal. At pinilit ang ngiting nagsaad kay
kapitang Andoy:

--Nahuli ang komparsa natin.

--Tanghali na nga--ang tugón naman ng pinagukulan.

--Nahan mang Beteng ang inyong komparsa?--ang pagitna na naman ni
Labadre--¿mayroon ba o wala?

--Mayroon--ang salo ni kapitana Martina na noon ay abalang abala--Ito
namang si Labadre, ¿hindi pa ba kayo nasisiyahan sa orkestang iyan?

--Bah! Iba po ang komparsa ni mang Beteng sa orkesta ni mang
Artemyo--ang tugon ni Labadre.

Patuloy naman sa pagtugtog ang orkesta, at patuloy din sa pagikot sa
sayaw ang mga bubuyog at bulaklak. Si Loleng naman at si Artemyo ang
nagsasarili; kaya lalong naglalagablab ang poot ni Beteng. Paano'y
dinadarang ng panibugho. Gayon ma'y nagtatagumpay din ang dakilang
asal. Nagkamayan din ang dalawang binata. Kay Pastor ma'y parang
walang ano mang bigat ng loob.

Natapos ang sayawan. Pumutok ang serbesa. Lalong namayani si
Labadre. Datapwa't si Beteng ay parang nauupos na kandila. Lahat ay
nakamata sa kanya o kay Artemyo kaya.

--Malaking pagkabigo!--ang pagkakalat na naman ni Labadre--¡Napeste
na yata ang komparsa ni mang Beteng!

Halakhakan ang itinugón ng lahat. Ang binatang tinukoy ay maputlang
maputla. Isang babai lamang yaong nakasagot:

--Si mang Labadre naman; itinatanghal ninyo ang lalaong dakila sa
ating panauhin....

--Lalong dadakila kung sumipot ang komparsa--ang patlang ni Labadre.

--Sisipot din--ang pagtatanggol ni kapitang Andoy.

Walang imik at nakahalukipkip si Artemyo sa piling ni Pastor. Kapwa
sila nagpapausok ng tabako.

--Sayang!--ang saad na naman ni Labadre--Mabuti, kapitang Andoy, at
nagkaroon kayo ng isang Artemyo, disin ay nabitin tayong lahat.... ¡Sa
akin ay si Artemyo ang lalong dakilang panauhin ngayon!...

--Salamat po--ang salo ng pinuri.

--Ehem,--ang tikim naman ng ilán na ginanti ng kindat ng ibang
nakababatid ng lihim.

Dadaluhingin na sana ni Beteng ang Labadreng kanina pa'y kinaiinisan na
niya, kung hindi dumatal na humahangos at may dugo sa damit si Simón.

--Mang Beteng!--ang wika--¡Humawak ka po ng patalim at ibangon natin
ang iyong kahihiyan! ¡Narito ang umaagaw ng iyong dangal! ¡Ang isa
ay napatay ko na!

--Ano ang nangyari? ¡Simón!--ang gulat na tanong ni Beteng.

--Kailangang pumatay ka po ng tao pagka't ang dangal mo ay inaagaw
ng iba!

Boong tapang na isinaad na labis na nakatulig sa lahat ng
nakikinig. Si Beteng ay lalong naupos. Si Labadre man ay napipilan
din. Maging si kapitang Andoy, maging si kapitana Martina, ay napako
sa pagkamangha. Ang magandang Dolores ay nangliit sa takot. Sino ma'y
walang nakaimik. Isa isang minalas ni Simon ang panauhin. Hinanap ng
kanyang mata ang mga kaaway ng kanyang katoto.

Sa gayong anyo, na lahat ay natitigilan, ay sumipot ang mga alagad,
ng pamamayapa, ang kinatawan ng pamahalaan. Tinutok ng rebolber si
Simon na:

--Bitiwan mo ang iyong patalim!

Binitiwan naman nito. Pinulot ng isa sa mga tiktik. Kinawit naman sa
kamay ng isa si Simon. At magalang silang yumaon. Si Beteng ay sumama
naman sa dinakip. At ang alingasngas ay lalong naghari.

Isa't isa'y lumapit ngayon kay Artemyo at kay Pastor. Balana'y
nag-usisa kung ano ang nangyari. Nguni't sa lahat ng tanong ay
pawang «aywan» ang sagot. At yumaon na rin ang magkaibigan, matapos
magpasintabi kay Dolores at sa lahat ng panauhin.

--Baka di na kayo bumalik?--ang huling tanong ni Loleng.

--Babalik; sandali lamang kami--ang tugón ng dalawáng nagmamadali.

Sarisaring hinagap ngayon ang naghari sa kasayahan. Bulong dito,
bulong doon, ang nangyari. Si Labadre nama'y lumikha na ng kung ano
anong mga hiwaga na singaw marahil ng alak.







VII

ANG PAGKAKATAONG LALONG MASAKLAP


Hapon na noon ng araw ni Loleng. Ang panauhin nila ay mga katulong
na lamang. Ang pagsasaya ay natapos sa di oras, dahil sa sigalot
na nangyari.

--Bah!--ang nasabi na lamang ni Artemyo nang siya'y dumating na lahat
ay natatahimik. Ang durungawan man ng bahay ay nakalapat. Isa mang
tao ay wala siyang mamalas. Tunog ng pinggan sa labas ang kanyang
napupuna. Nagalanganin tuloy na magpatao po. Subali't noong siya'y
tatalikod na lamang ay nakarinig ng:

--Mang Artemyo, tuloy kayo! ¿Ano po ba ang balita?

Ang kapitana Martina pala ang tumawag kaya't pumanhik ang binata.

--Bakit ngayon lamang kayo?--ang bati naman ni Loleng na buhat
sa silid.

--Bakit naman nagkatapos agad?--ang usisa ng binata.

--Nagkasakit sa nerbiyos si Andoy--ang salo ng kapitana--Nariyan sa
silid na binabantayan ni doktor Borlongan. Malubhang totoo.

--Diyata!--ang taka ni Artemyo.

--Nasindak kay mang Simon--ang patunay ni Dolores--Bakit talagang
may sakit sa puso.

--Ang nangyari po'y ganito--ang pagbabalita na ni Artemyo--Nangako
rito, o kay kapitang Andoy, si Beteng ng komparsa. Ang komparsa pong
yaon ay pinangangasiwaan ng isang nagngangalang Tomas. Si Beteng,
upang matiyak na sisipot dito ang komparsa, ay nagbigay pa ng
salapi. Si Simon po naman ang nagdala, sapagka't ito ang kasama ng
Tomas sa hanapbuhay. Nagkasundo di umano sila, at tinanggap daw po ang
pinakaupa. Nguni't kanina raw po ay antay ng antay si Simon ay walang
sumisipot. Hinanap daw po si Tomas at nakita sa bilyar. Inusisa raw
po nito kung bakit di tumupad sa salitaan. Sapagka't si Tomas daw po
ay napagtatalo ay di raw hinarap si Simon. Sa gayon ay sumubo na ang
poot ng sumundo. Isang kung sino naman ang bumulong daw kay Simon
na "talagang hindi sila sasama sa inyo sapagka't salitaang ibibitin
kayo." Lalong nagdilim daw po ang isip ni Simon. Nagbunot na raw po
ng kortapluma at nilabnot ang damit sa dibdib ni Tomas. "¿Sasama
ka o hindi?" ang makapangyarihan daw na tanong. "¡Huwag ka ngang
buwisit!" ang tugon daw naman ni Tomás, "¡Hayan ang salapi mo!" at
inihagis daw po ang pabuya. Sapat na yaon upang si Simon ay gumamit
ng patalim. Tinarakan na raw po sa tapat ng puso si Tomas....

--Hesus!--ang pahiyaw ni kapitana Martina.

--Di namatay?--ang saad naman ni Loleng.

--Mangyari pa po! ¿Di ba ninyo narinig ang hagibis ng ambulansiya?--ang
tanong pa ni Artemyo.

--Narinig nga namin at siya tuloy nagtaboy ng maraming panauhin--ang
saad ng kapitana.

--Bakit sinabi ni mang Simon kay Beteng na narito ang umaagaw ng
kanyáng dangal?--ang usisa pa ni Loleng.

--Ipinalagay po marahil nila na si Pastor o ako ang nagsulsol kay
Tomas, na huwag sumipot.

--Patawarin ng Diyos!--ang saad ni kapitana Martina, at hinarap si
Dolores--ipaghanda mo sila ng mirindal.

--Huwag na po. Marami pong salamat--ang maagap na pagayaw ni Artemyo.

--Hindi manyayari; kakain at kakain kayo--ang pasya ng kapitana.

Si Dolores nama'y yumaon na upang ipaghanda ang irog. Ilang sandali
lamang ay magiliw na nagsabing:

--Tayo na.

--Huwag na po--ang pasalamat ng binata.

--Hala na--ang yaya naman ng kapitana.

Sa kapipilit ay tumayo rin si Artemyo. Silang tatlo ay nagharap sa
lamesa. Sumungkit si Dolores ng mantikilya at ipinahid sa tinapay
ng binata. Nilagyan naman ng kapitana Martina ng keso ang pinggan
nito. Nguni't noong isusubo na lamang ni Artemyo ang biskuwit na
isinahok sa mainit na sikulate ay nabigla sila sa tawag na:

--Kapitana! ¡Kapitana! ¡Dolores! ¡Dolores! ¡Madali kayo at mamamatay
na ang kapitan!...

Madaling gumibik ang tatlo. Unahang pumasok sa silid ng kapitan. Isang
higit na lamang ng balikat ang kanilang namalas, at:

--Patay na!--ang saad ng doktor.

Malakas na hagulhol ng magali ang nagbalita sa boong kabahayan, ng
masaklap na pagyaon ni kapitang Andoy. Dumagsa sa silid ang tao mula
sa labas. Madlang kapitbahay ay nagsidalo rin.

Samantalang nagsisitangis halos ang lahat, si Artemyo ay pagal na pagal
namang inaaliw ang kanyang pinopoon. Sa pagkahandusay sa isang upuan
ni Loleng, ay boong giliw niyang pinapaypayan. Pinipisilpisil ang
mga daliri at hinahaplos ang mukha. Walang malay naman ang dinaklot
ng pighati.

Isang sandali pa ang lumipas at tinanghal nang bangkay, ang kanikanina
lamang ay tinawag na kapitang Andoy.

Sa isáng silid ay nagkulóng na naglapat ng pinto ang magali. Mula
roon ay umalingawngaw ang malumbay na pagtangis nila sa dagok ng palad.

¡Kay saklap na naging kaarawan ni Loleng! ¡Nagsimula sa galak at
natapos sa mapait na pagluha! ¡Sawing palad na pagkakataon!







VIII

MGA NALUGMOK SA LIWANAG NG BUWAN


Gabing maligaya. Ang buwan noon ay parang nabibitin sa
langit. Nagpapalalo ng kanyang yaman. Sa daan Sagat naman noon,
ay magulong maguló ang mga bata. May tubigan, may taguan, at kung
ano-ano pang laro ang ginaganap. Nakikipaglamay sila sa liwanag na
kaayaaya. Noon ang ika pitong gabi ng dasal na patungkol kay kapitang
Andoy. Kaya't kung sino-sinong manang at manong ang nagsisidatal. At
lalong marami ang dalaga at binatang mga kaibigan ni Dolores.

Ang masamyong halimuyak ng mga dama-de-notse, sa halamanan ni Loleng,
ay sumusuob noon, at bumabati sa mga alindog na panauhing patungo sa
dasal. Ang mga panggabing paroparo, o mga pusong palaboy ng pagibig, ay
naglisaw naman sa daan at inaabangan ang kanikanilang bulaklak. ¡Sayang
nga naman ang pagkakataon!

Mula naman sa langit ay nagkislapkislap ang mga hiyas ng kalawakan. Mga
bituing waring nagsasaad na sinusubukan namin kayo. Hangin lamang
marahil ang nakababatid ng kanilang isinasaloob.

Mana'y tatlong lalaki ang sa daang Erran ay waring nagaaliw na
naglalakad. Sila ay si Artemyo, si Pastor at si Labadre. Makikipagdasal
ding gaya ng mga sinundang gabi.

--Hiyanghiya siya noon--ang saad ni Labadre--wala pa kayo ay talagang
iniinis ko na.

--Bakit naman?--ang salo ni Artemyo--baka tuloy isinaloob na tayo
ay magkakasapakat.

--Maano yaon?--ang sabad ni Pastor.

--Hindi--ang matwid ni Labadre--Batid naman ng lahat na tayo ay di
pa magkakakilala noon.

--Kung sakali man ay sa pangalan lamang--ang lagot ni Pastor.

Lumiko sila sa daang San Tiyago.

--Magtapatan nga tayo--ang hamon ni Labadre--¿ano ang ikinagalit
ninyo kay Beteng?

--Galit kay Beteng!--ang pagtataka ni Artemyo--Ni sa guniguni ay wala
akong galit sa kanya. Pilitin ko man yata ang mapoot ay di mangyayari.

--Sus!--ang di paniniwala ni Labadre.

--Talagang totoo kaibigan.

--Ako ang magtatapat--ang agaw ni Pastor--¿Bakit ba ako magbubulaan?

--Hala nga--ang sambot ni Labadre.

--Ang masama ay dapat bungkalin--ang patuloy ni Pastor--Ang magtakip
sa isang kasamaan ay ginagawa lamang ng mga taksil.

--Siyang totoo--ang ayon ni Labadre.

--Sapagka't kami ay hindi taksil ay sasabihin ko ang katotohanan--ang
dugtong pa ni Pastor--makasama o makabuti man sa amin.

--Iyan ang lalaki!--ang pagpuri ni Labadre.

--Hatulan mo:--ang simula na ni Pastor.--Si Beteng ay dinaig nito sa
pangingibig kay Loleng. Dahil doon ay sarisaring paninirá ang kanilang
inasal. At pati ako ay binantang sapakatin. Nguni't di pumayag ang
puso ko. Nabigo ang kanilang amuki. Sila ni Simón ang nagkasundong
mabuti. Ako naman, palibhasa'y di maamin ng aking sarili ang pagagaw
ng dangal nito, ay siya ko namang inagapayanan. Hanggang sa loob ng
Samahang «Kumilos Tayo» ay nagpanagupa kaming mabuti. ¿Doon ba naman
ay sukat alisan ng tungkol at itiwalag ito?...

--Hindi lamang yaon--ang putol ni Artemyo--inilathala pa sa mga
pahayagan na ako raw ay magdaraya, magnanakaw, at....

--Si Beteng ba o si Simón ang naglathala?--ang tanong ni Labadre.

--Si Beteng; nakalagda pa eh--ang patuloy ni Pastor--Ang nasapit ay
nabagsak ang Samahan. Paano'y maraming nagsitiwalag at dinamdam ang
nangyari. ¿Biro ba ninyong kahihiyan, yaon?

--Siya nga--ang ayon ni Labadre.

--Mula na noon--ang dugtong ni Pastor--ay inabatan ko na siya. Inabatan
ko, ako lamang, sapagka't ito ay ayaw makipatol.

--Bakit makikipatol ay napapabuti na siya?--ang biro ni Labadre.

--Hindi naman--ang ngiti ni Artemyo.

--Nang mabalitaan ko ang araw ni Loleng--ang giit din ni Pastor--ay
nilakad ko ang komparsa niyang inanyayahan upang huwag sumipot. Sa
mabuting salita ay di lamang pumayag na sila ay di sisipot, kung
hindi nangako pang sa amin sasama. Datapwa't inakala kong pangit ang
gayon. Kaya pinaurong ko ang kanilang pagparoon, at humanap na ako
ng orkesta....

--Ah! ¡Labis ang pagkaganti ninyo!--ang hatol ni Labadre--¡Malakas
na sampal ang inyong ginawa! ¡Nguni't ... patas na kayo!

--Nakalalamang pa kami--ang habol ni Pastor.

--Mangyari pa! sa inyo tumining ang pagpuri ng lahat--ang ayon
ni Labadre.

Noon ay na sa tapat na sila ng tahanan ni Beteng. Madilim ang bahay
at wala ni kalatis mang marinig. Tahimik namang lumagpas ang tatlo. At
lumiko sila sa daang Sagat.

--Kumusta naman kayo ni Loleng?--ang usisa na naman ni Labadre--Banta
ko'y nakasapit na kayo sa lupang pangako....

--Malayong malayo--ang tugon ni Artemyo.

--Ang turo ko sa kanya--ang dugtong ni Pastor--ay pagkaraan ng dasal
sa nasirang kapitan ay umaklás na sila....

--Bakit pa aaklas?--ang tanong ni Labadre--Magpamanhikan na lamang
at ako....

Hindi natapos ang pananalita ni Labadre, at sunodsunod na, bumulagta
ang tatlong magkakasama. Isang lalaki ang nanampalasan. Saksak
dito, tarak doon ang ginawa. Nangakatimbuwang na'y di pa tinirahan
ng búhay. Sa isang sandali, ito ay naganap. Bago napakilala yaong
mamamatay:

--Ako'y si Beteng! ¡Si Silbestre Santos! ¡Ang lalaking isinubo ninyo
sa kahihiyan! ¡Wala akong ginawa kun di maningil! ¡Ako na rin ang
hahanap ng katarungan!...

Inihagis ang hawak na balaraw. Yumaon ang lalaking naghiganti. Nilisan
sa liwanag ng buwan ang tatlong bangkay. Ang ulo ni Artemyo ay napatong
sa dibdib ni Labadre. Si Pastor naman ay nakabulagtá sa may dalawang
dipang layo. Ang dugo ng mga sawi ay parang idinilig sa pook ng sakuna.

--Tatlong bangkay!

--Inutás si Artemyo!

--Sino ang pumatay!

--Pinatay si Labadre!

--Hinarang!

--Tinapos si Pastor!

Ganyang mga alingawngaw ang sa ilang saglit lamang ay gumuló na sa
bayan ng Pako. Ang tao sa mga sine, ay unahan ng paglabas. Maging mga
pulis ay gulonggulong. ¿Ang dasal pa kaya kina kapitana Martina ang
hindi naligalig? Naligalig din. Naligalig ng gayon na lamang. Takbuhan
sila sa pagpanaog.

--Ay!--ang buntong hininga ni Loleng, nang mamalas niya ang bangkay
ng kanyang giliw at nagunahan nang pumulas ang luha....

Ang kahihiyan ay sinupil ng pagibig. At ang lakas nito ay namayani
na naman noon. Niyakap ni Dolores ang bangkay ni Artemyo. Inihiga sa
kanyang kandungan. Luha naman ang itinulong ni kapitana Martina. At
lahat ay nagtaglay ng habag sa busabos ng pagibig; kay Loleng na
nagtanghal ng di karaniwan sa mata ng madla. Mabilís na umaagos ang
kanyáng luha, na nagbabansag ng matayog na kadakilaan ng kanyang puso,
at magtatanghal ng taimtim na pagdaramdam ng kanyáng kalulwa.







IX

BALIW NA NAGSASABI NG KATOTOHANAN


Waring mga salarín na hinahakot ang mga manglilimbag sa limbagan
ng Pamahalaan, at dinadala noon sa pagamutan ng San Lásaro. Dahil
sa pagkamatay ng isang kasama, sa sakit na dipterya, ay muntik ng
ikulong ang lahat ng kawani sa boong limbagan. Kuwarentenas diumano
ang kailangan, sapagka't mapanganib na sakit ang dipterya. Ang
mikrobyo raw noon ay totoong mabisang makahawa. Ganyan ang pasya ng
matatalinong doktor sa Kagawaran ng Karunungan. At naganap ang pasya,
baga man kay daming anak ng dalita ang napinsalaan.

Lungkot, pighati, hinagpis, pamamanglaw, iyan ang lumalaro sa
mga kaawaawa na ikinulong sa isang kamalig na ni lamok ay di
makapasok. May tumatangis at may tumatawa. Datapwa't ... ¿ano
pa? Pagtangis na inililihim at pagtawang pilit lamang. Ang iba'y
malungkot na inaalaala ang asawa. Ang iba'y iniluluha ang mga anak. At
ang iba nama'y mapanglaw na ginugunita ang kanilang pinopoon sa buhay,
ang langit ng kanilang pagibig. Kung minsan sa hinagpis na ¡ay! ay
buntong hiningang ¡ay! din ang tugon....

At ¿bakit di sila mamamanglaw? Tunay; sila'y malalakas pa kay sa
humakot sa kanila. Paano'y wala namang sakít. Subali't ang pagkawalay
sa mga pinakamamahal sa buhay, ang masabing sila ay may mikrobyo
ng dipterya, ay labis nang makapanglumó ng puso. Isa lamang dito ay
sapat nang sumupil sa kanilang lakas.

Noón ay isang hapong mapanglaw.

Salamat sa pagdalaw ng ilang mga kasama at kamaganak, ay nababawasan
ang kanilang lungkot.

Salamat din naman sa mga alaala ng "Kami Naman", na paano't paano
ma'y ikinaaaliw nila. Ang masasarap na biskuwit, welga, at sigarilyo,
na abuloy ng Samahang yaon sa Pako, ay nakatutugon din kahi't bahagya
sa kanilang hapis. Paano'y tanda yaon ng pagmamahal; pagmamahal na
ibinuyo ng pagibig; at pagibig na likha ng banal na pagkakapatiran.

--Ano ang naisipan ng "Kami Naman" at nagpadala rito ng abuloy?--ang
tanong ng isa.

--Wala. Tumupad lamang sila sa kanilang tungkulin. Dumamay sa
kapatid--ang paliwanag ng nakasalamin.

--Tayo ba'y kapatid nila? ¿Hindi naman tayo kasapi?--ang patlang
ng iba.

--Oo. Kapatid nila tayo; kasapi man at hindi sa kanilang
Samahan. Sapagka't ang mahihirap ay magkakapatid na lahat. Kung paanong
ang mahirap ay walang bayan, ay gayon din na walang lipi. Bayan niya
ang Sangsinukob at lipi niya ang Sangkatauhan....

--Tama!

--Mabuhay!

--Katwiran!

Ganyan ang itinugon ng ilan at tinapos sa palakpak na pagpuri ng lahat.

--¡Mga kapatid!--ang malakas na hiyaw na kanilang narinig.

Natahimik ang lahat. Sila'y nagsidulog sa durungawan. At mula roo'y
napanood nila kung sino ang sumigaw. Isang baliw sa kulungan ng mga
sawing palad. Na sa bahay na katapat ng kanilang kinapipiitan. Mula
sa durungawan noon ay isang talumpati ang binigkas sa kanila:

--Mga kapatid: Itigil ninyo ang pagawit ng galak. Ang dapat magalak
ay ang nasisiyahan sa buhay. Samantalang tayo ay naghihikahos: gipít
sa lahat ng kailangan; dahop sa salapi; uhaw sa paglaya; ay pawang
pighati ang ating dalitin... Sapagka't, sapagka't, sapagka't siyang
bagay sa ating kalagayan....

--Katwiran!--ang bulungan ng mga nakikinig.

--Makinig tayo!--ang saway ng ilan.

--Sa buhay na ito ng mga pangarap--patuloy ng nagtatalumpati--ay
talagang pawang katiwalian ang malimit mapanood. Ang mahirap ay
nasisiyahan sa kanyang kahirapan, nguni't ang mayaman ay di nabubusog
sa kanyang kayamanan. Gayong ang dapat mangyari ay masiyahan ang
masalapi sa kanyang kasaganaan, at dumaing ang dukha sa kanyang
kadahupan. Subuking iwasto ang lakad ng buhay: tumahimik ang mayroon;
magsigasig ang wala: at ang puso ng maralita ay hindi na tatangis....

--Totoo--ang turing ng ilang nakikinig.

--Makamahirap pa!--ang paghanga ng iba.

--Bayan ko--ang hiyaw na naman ng baliw--¿Kailan pa mapapanatag ang
iyong kapalaran? ¿Habang panahon na ba ang iyong pagtitiis? ¿Talaga
bang isinumpa ka sa kaapihan? ¿Bakit di ka kumilos? ¿Ano ang kabuluhan
ng iyong lakas? ¡Walang kalayaang inililimos! ¡Ang ipinamimigay
ay ang kalabisan ng nagbibigay! Ano pa't ang layang inaantay mo,
ay ¡ang labi ng panginoon! Datapwa't alalahanin mong may mga labi,
na ni hayop ay tumatanggi.... At ang bayang labi ng kapwa bayan, ay
mahina. ¡Walang kasing hina! Marupok. ¡Walang kasing dupok! ¡Parang
salamin lamang! ¡Sayang ang iyong matatalino! ¡Sayang ang iyong
matatapang! ¡Masdan mo't isa isang nagsisitulog sa libingan! ¿Bakit
di mo samantalahin ang kanilang lakas? Kung ang tao ay sumipot upang
makipagagawan sa buhay, ang bayan ay nilikha upang makipaglaban
sa karapatan....

--Iyan ang ulol na nagsasabi ng katotohanan!--ang pagtataka ng mga
nakikinig.

--Sino kaya iyan?--ang tanong ng iba.

Ang baliw naman ay lalong gumilas sa paglalahad ng mga
nangyayari. Kumuha ng pisi at sa dulo'y itinali ang kanyang panyolitong
puti. Inilawit sa rehas. Binayaang iniwagayway ng hangin. At malakas
na sinabing:

--Hayan ang watawat ng pagsuko! ¡Hayan ang sagisag ng
pananahimik! Batiin ninyo at igalang. Mahalin ninyo at ibigin. Kung
iyan ang ating ilaladlad sa gitna ng digmaan ay unahan tayo ng
paghawak. Datapwa't kung pula, tanda ng paglaban, ay nagtuturuan
tayo. ¡Magdarayang tapang!...

Sandaling natigilan. Bago nagpatuloy:

--Bandila ng kapayapaan! Ang kapangyarihan mo ay nagdidiwang sa ibabaw
ng maliit at api. Nagdidiwang, sapagka't nasisiyahan sila sa kanilang
kaliitan at kaapihan. Datapwa't sa malalakas at manglulupig, ang
kapangyarihan mo'y hindi makapamayani. Hindi makapamayani, sapagka't
di pa sila nabubusog sa kanilang tayog at kadakilaan. Dapat lumaganap
sa lahat ang iyong lakas. ¡Masupil mo nawa ang sangkatauhan!...

Noon ay papaalis na ang mga dalaw. Nang mapuna ng baliw ang pagyaon
ng ilang dalaga, ay maliksing hinigit ang kanyang watawat. Nagpugay
sa mga paalis, na anya'y:

--Paalam mga dalaga ng lahi, masamyong bulaklak ng bayan. Dahil sa
inyong dilag ang libo mang buhay ay ipasasawi. Si Plorante'y naging
Plorante dahil kay Laura; si Ibarra'y naging Ibarra dahil kay Marya
Klara; ako naman ay magiging ako dahil sa kagandahan ninyo. Paalam
mga pangarap ng aking puso. Taglayin ninyo ang alaala ng inyong
sawing lingkod....

--Malambingin pa--ang saad ng isang nakikinig.

--Parang hindi ulol--ang pasya ng iba.

--Siya nga--ang ayon ng ilan.

Nagpatuloy naman ang baliw; nguni't iba na ang uri ng isinasaad. Ang
tinig man ay tinig panambitan na:

--Loleng ng buhay ko! ¡Dolores ng aking kaluluwa! Halika't pawiin mo
ang lungkot ng iyong alipin. Dahil sa kagandahan mo, tampok ng pagibig,
ako ay naging mamamatay. ¡Limang buhay ang inutang ko!...

At naghinagpis ng:

--Ay, kapalaran! ¡Napakadilim ng gabi na aking nilalamay! ¡Nakamatay
ako sa di kinukusa! ¡Kaibigang Artemyo, katotong Pastor,
kasamang Labadre, mga kulang palad na naparamay sa aking
kasawian!... ¡Simón! ¡Simón! ¡Simón! ¡Huwag kang mahapis diyan
sa bilibid! ¡Ang pagdurusa mo'y tanda ng iyong pagkamatapat na
katulong! ¡Sa gaya mo, buhay man ay maipagkakatiwala!... ¡Ang kayamanan
ko'y manahin mong lahat!... At magdiwang ka ng boong galak....

Nilagot ang salita sa halakhak. Nagpatuloy pa rin:

--Ako si Beteng! ¡Si Silbestre Santos! ¡Limang buhay ang aking
inutang! ¡Apat ang inutas ko ng patalim at isa ang namatay sa takot sa
aking ginawa! ¡Kay Tomás ay ako ang pumatay! ¡Hindi si Simon! ¡Palayain
ninyo siya! Si Simón ay kinasangkapan ko lamang sa pagpatay. ¡Si Tomás
ang unang tinampalasan ng marahas kong loób! ¡Kay Artemyo, kay Pastor,
kay Labadre, ay ako rin ang pumatay! ¡Si kapitang Andoy man ay namatay
sa pagkasindak sa sakuna! ¡Ano pa't dahil din sa akin! ¡Oo; inaamin
kong limang buhay ang aking utang, kaya't ako na rin ang humanap
ng katarungan!...

At tinapos ang talumpati sa:

--¡Pagibig! ¡Pagibig! ¡Itangis mo ang mga sinawi ng iyong lakas at
kapangyarihan!.... ¡Dalaga! ¡Dalaga! ¡Alalahanin mo ang mga nalugmok
dahil sa iyong kagandahan!...







X

SA LAOT NG HAPIS


Tumatakas na noon ang tuwa at marahang humahalili ang lungkot. Ang
ilaw ng sangdaigdig ay sumisibsib na noon sa kalunuran. Iba't ibang
bikas at kulay ng ulap ang napapanood sa kaitaasan. Samantalang sa
lupa ang tinig ng panglaw ay namamayani na. Datapwa't lumalo pa sa
looban nila Dolores, doon sa halamanang kinakitaang natin sa kanya
noong siya'y nagaaliw at nagpapalipas ng isang mapanglaw na hapon. Oo;
doon ay lumalo pa ang lungkot; paano'y naroon si Dolores at dinidilig
ng patak ng luha ang kanyang alagang mga tanim.

--Ay!--ang buntong hininga--¡Kay saklap ng buhay!...

Tinutop ng dalawang palad ang kanyang mukha bago nagpatuloy:

--Halos kahapon lamang ay kasalo at kaulayaw ko ang aking Ama, ngayon
ay na sa langit na.... ¡Kay pait gunigunihin!

Tinapos sa isang masaklap at malalim na ¡ay!... Ang perlas na luha
ay naguunahang bumalong sa mga malas ng kaawaawa at sa di kinukusa
ay napatanaw sa kaitaasan.

--Langit, oh, natungong langit.... Kung turan ng mga makata, ikaw ay
maawain. Kung sabihin ng mga maralita, ikaw ay mapagkandili. Nguni't
ang katotohanan ay inagaw mo ang boo kong kalwalhatian. Wala kang
inalabi sa akin kung hindi isang pusong nalulunod sa hapis at isang
pagibig na nabibilibid ng mga himutok. Sa ganap na pangungulila ay
tinatawanan mo ako, ngayon....

At tumungo, tungongtungo, na sa masidhing pananaig ng lungkot ay
napasandig sa puno ng kamuning. Noon ay may isang ibong nagparinig sa
kanya ng lalong mapapanglaw na dalit. Sa puso ni Dolores ay lalong
nagugat ang lumbay. Paano'y nagunita niya ang mga awit ni Artemyo,
si Artemyong artista, ang kanyang kapapanaw na giliw.

Lumakad ang ulilang kalulwa at dumulog sa kanyang mga sampagitang
noon ay naghahandog ng kawiliwiling bango. Isa isang hinagkan ng
nalulungkot na dalaga.

--Kayo, kayong mga sumaksi sa lihim ng buhay, kayong naging aliwan
ng aking giliw, halana, halana, aliwin ninyo ang ulila sa lahat ng
kaligayahan.... At tayo'y magsalong magalaala sa kanya....

Marahang pinuti ang mapapalad na bulaklak. Sa lumang luklukan ay
malungkot na naupo ang dalaga. Dito naglaro sa kanyang isipan ang
lalong maligayang dahon ng kasaysayan ng kanyang buhay sa pagka
binibini. Hinalungkat ng kanyang alaala ang hapong pagtatalik niya sa
galak. Noon ay araw ng Huwebes. Siya at si Artemyo ay kapwa pinalaya
ng palad. Ang kanyang ali ay nakatulog yata sa pangginge. Doon nga,
sa halamanang yaon, at sa luklukan ding yaon, sila ni Artemyo ay
lihim na sumumpa, sa harap ng kanilang dangal at sa ngalan ng kanilang
pagkatao. Ang mga puso nila ay kapwa ipinasulat na maging busabos at
ipinakilalang panginoon din naman. Ano pa't noon niya binitiwan ang
«oo» ng kanyang pagibig. At noon din siya pinangakuan ni Artemyo ng
lalong matamis na pagmamahal. Sa ikapagtitibay nito, ay isinanla sa
kanya ang isang singsing na hanggang ngayon ay nagniningning pa sa
kanyang mga daliri.

--Singsing ng giliw ko! ¡Kaputol na ginto at batong
nagniningning! ¡Hiyas, na tanging pamana sa akin, ng aking panginoon
at buhay! ¡Lalong nadudurog ang puso ko, kung mapanood ka ng aking
malas! ¡Ang nakaraan ay ipinatatanaw mo at ibinabalik mo ako sa aking
kahapon! ¡Sa langit ka na tutubusin ng nagsanla sa iyo!...

Tanda ng pagkalunos sa hiyas ng kanyang kasi, ay magiliw na hinagkan
ito. Kaya itinirik ang mata sa kalawakan at waring hibang na kinausap
ang bumihag sa kanyang puso:

--Artemyo, bayaan mong alalahanin ka ng nagmamahal sa iyo....

Noon ay nagsipotsipot na sa kaitaasan ang mga hiyas ng gabi, ang
mga brilyante ng malapad na lambong ng dilim. At sa gitna ng gayong
kalungkutan, sa pamamayani ng alingawngaw, ay mga piping hibik na
¡ay! ang waring nahihigingan. Yaon ang hinagpis ng pusong sapupo ng
sakit, ni Dolores na di na mabata ang pait na ipinalalasap sa kanya
ng palad....

Kinabukasan, sa libingan sa Singgalong, ay dalawang babai ang
pumasok. Pusong busabos ng pighati, kalulwang alipin ng hapis, ang
kanilang dala. Kapwa luksangluksa, nagbabansag ng sakit na nilalasap
ng buhay. Marahang nagsisilakad at nakatungong tulad sa mga banal. Sila
ay si Dolores at si kapitana Martina.

Si Dolores? Oo. ¡Si Dolores! Si Dolores Balderrama; ang tala sa daang
Sagat sa Pako, dalagang nakabighani sa maraming pusong palaboy ng
pagibig. Nguni't hindi na siya si Dolores na larawan ng ganda; hindi
na siya ang bituing kalaro ng kaligayahan. Siya ngayon ay si Dolores
na nagpipighati; ang dalagang yapus ng matinding biro ng kapalaran.

Si kapitana Martina ang kasama? Oo. ¡Ang kapitana Martina! Ang mahal
na asawa ng nasirang kapitang Andoy. Datapwa't hindi na siya ang
kapitanang mapagsiste: matandang sa lagi na'y masaya. Siya ngayon ay
babaing sapupo ng lungkot, matandang ulila sa galak.

Oh, panahon, kay dali mong magbago ng anyo!

Noon ay hapong napakalungkot. Sa libingan ay ganap na nagdidiwang
ang pananahimik. Pamamanglaw lamang ang doo'y nakapangyayari. Ang mga
krus na tanda ng patay ang tanging tanod ng mga nagpapahingalay. May
mangilang ibong nagsisihuni, nguni't ¿ano pa? huning nakapagdadagdag
ng lungkot sa mga ulila ng pinakamamahal.

Lumapit sila sa libing ni kapitang Andoy. Inilagak ang ilang bulaklak
ng biyoleta, na dinilig muna ng luha. Doon ay naiwang tumatangis si
kapitana Martina na pinagyayaman ang libing ng bunying kapitan.

Si Dolores ay doon naman lumuhod sa harap ng krus ni Artemyo. Ang
bulaklak na dala bago inilagak ay hinagkan muna. Nauna pang pumatak
ang mga luha ng kaawaawa.

Kay lungkot na panoorin!

--Artemyo!--ang wika--¡Bayaan mong sa iyong pananahimik ay
paminsanminsang alalahanin ka, ng pusong di nakalilimot! ¡Naging
sawi ka man sa iyong palad, ay dakila ka naman sa alaala ng iyong
iniwan! ¡Diyan na! ¡Diyan na sa bayang payapa awitin natin ang tamis
ng pagibig!... ¡Ang kapalaran ay di matutulan!...

At sa pisngi ng dalaga ay marahang umaagos ang mga patak ng luha;
mga luhang pangalaala...

¡Kay tamis ng kamatayan kung gayon ang pagmamahal ng mauulila!...



                                 WAKAS







                           KUROKURO AT PANSIN

                       NI G. HONORATO H. DE LARA


Sa matalino at mayuming Bbg. Fausta Cortes.


Marangal na binibini:

Matapos ko pong mabasa at manamnam ang unang supling na ito ng inyong
makisig na panulat; matapos kong mapagukulan ng mahabang pagwawariwari,
ay agad ko pong isinakamay ang aking pulpol na panitik upang boong
ingat na panalaytayin ko sa maputing papel ang napakalaki ninyóng
napithaya sa dahop kong kaya na katigan ng mga panghuling kurokuro ang
napakamahalagang aklat ninyong ito, ang AGAWAN NG DANGAL, na handang
iyalok sa lalong may pihikang panlasa, palibhasa'y pagkaing luto sa
inyong sariwa at mayamang isipan.

Datapwa't, ¿paano po kaya ang aking gagawin, marangal na binibini,
upang makayari ng isang tunay na epílogo?

¿Purihin ko na lamang po kaya ang pagkaing ito, at sabihin kong
masarap, at sagana sa mga kailangang sangkap, kahi't na may nalalasahan
akong anghang at pait?

¡Inaakala ko pong hindi wasto ang gayon!

Sapagka't ayon din po sa pasiya ng isang bantog na polemista,
kilalang mangangatha, tanyag na mananagalog at datihang mamamahayag
na si Inocencio Dilat (humigit kumulang) na, hindi anya kailangan
ng isang epiloguista ang sabihing ang aklat na ito (halimbawa) ay
mainam, may dakilang layong mag-alis ng piring sa mata ng hangal,
may maningning na mga pangungusap, sagana sa mga palaisipang malalim,
busog sa mga pantas na pagkukuro at mayamang mayaman sa pananagalog na
tabas Balagtas, sapagka't anya'y isang kalabisan. Ang isang epiloguista
ay katulad din anya ng isang crítico, magpasiya at turulin ang isang
bagay na kamalian, bago suriin at hatulan, alalaon baga'y punahin
ang mali bago itumpak at ilagay sa dapat kalagyan.

Nguni't ... ito nga kaya ang tunay na epílogo? ¡Iyan ang hindi
ko mataya!

Datapwa't ... para kay Inocencio Dilat ay ganiyan, ganiyang ganiyan.

At ... ipalagay na po nating ganiyan na nga. Punahin ko ang lahat
ng kamalian; sabihin kong namimilipit ang inyong mga pangungusap;
minsang madapilok sa paglalarawan ng lalong mga kailangang ibadha
ng inyong panitik; may mga pangyayaring madilim, malabo; may mga
bigkasing kayong hawig sa wikang kastila ó ingles, ó ang gayon at
ganito ay di mangyayari, anopa't ang lahat ng kamalian ay isa-isahin
kong turulin, suriin, punahin, bago itumpak, at... iwan ang dapat
suubin ng kamaniyang, ang dapat purihin, ang dapat itampok sa lalong
napakatayog na karangalan, alalaon baga'y sabihin kong mapakla at
hilaw ó kaya'y mapait at maasim ang inyong ipinalasap na ito sa ating
mga mambabasa, gayong ang katotohana'y, sa kabila naman ng lahat ng
iyan ay mayroong nalalasahang tamis, sarap, linamnam, ay ... ¿ano po
kaya ang wiwikain ninyo sa akin?

¿Hindi po kaya mangunot ang inyong noo at sabihin na ako'y masamang
epiloguista, kung epiloguista na ngang matatawag kahi't birobiro ang
abang kaliitan?

¡Oh!.. kay laki ng inyong napita; pagkalakilaki... At sa kalakhan,
ay hindi ko po tuloy matutuhan kung paano ang aking gagawin upang
mapaunlakan ko kayo sa inyong hiling.

Sapagka't ... ang wika nga po ng isang mangwawagi't bantog na
makata at balitang manlilinang sa napakatamis na wikang ginamit ng
ating haring si Balagtas, sa kanyang walang kamatayang Florante at
Laura, na si Itang Balbarin, na tubo sa mapalad na libis ng bundok
ng Samat, na siyang kinakitaan niya ng unang liwanag ng araw, na:
ang isang epiloguista raw po ay hindi dapat mamuna ni maglahad ng
ano mang tutuntunin sa pagsulat, sapagka't, ang isang epiloguista ay
kaibangkaiba anya sa isang crítico.

¡May matwid!

At, kung ganito nga ay ... ¿paano po kaya ang dapat kong gawin o saang
landás ako tutungo upang makayari ng isang wastong panghuling salita?

Para kay Inocencio Dilat ay di wastó ang ganito...

At, para kay Itang Balbarin naman ay lalong di tumpak ang gayon.

¿Alin kaya ang dapat paniwalaan sa kanilang dalawa? ¡Kay laking
suliranin!

At ... sa suliraning iyan ay para ko pong nakikinikinita sa dalawang
bantog na manunulat na iyan, na darating ang isang pagkakataong
maguunawaan din sila; pagtatapisin ang kapwa nila matwid sa pamamagitan
ng pagpipinkian ng kanikanilang mga panitik sa larangan ng digmaan
ng literaturang tagalog.

Nguni't samantalang tayo po'y nagiintay at upang ako'y makatupad sa
inyong napithaya ay wala po akong ibang gagawing batayan sa epilogong
inyong hinihingi kundi, ang sinabi ng kataastaasang Pangulong Wilson,
na, anya'y: justicia y nada mas justicia.

Sa makatwid ay wala kayong sukat maintay sa akin, marangal na
Bbg. Cortes, kundi ang dalawang bagay: purihin ang dapat purihin,
at, punahin ang dapat punahin.



¡Kurokuro!

Ang aklat mo pong ito, Bbg. Cortes, ay isang aklat na tangi sa may
layong mag-alis ng kulaba sa pangmalas ng mga hangal, magakay sa lalong
may bulag na pagkukuro, nakapagtuturo pa rin sa ibang kadalagahan,
diyan sa mga dalagang dahil sa kinang ng salapi ng sa kanila'y
mamintuho, ay nalilikhang sapilitan ang pag-ibig at di inaantay ang
kusang tibok ng kanilang puso.

Sa loob nga ng AGAWAN NG DANGAL ay parang namamalas ko pa
hanggang ngayon ang animo'y mga larawang buhay na nagsisigalaw:
ang magandang Dolores; ang mapalad na si Artemio; ang mapagsisting
si kapitana Martina; ang antukin at matatakuting si kapitang
Andoy; ang mabuting tao, nguni't masamang kristianong si Simon;
ang matapat at walang kasingbuting katoto, ang may diwang Tasio,
sa Noli ni Rizal, na si Pastor; ang mapagpansin na si Labadre; at
... ang nakatatawang pagkahuli ni kapitana Martina sa isang batang
sisilipsilip ng nag-aagahan na si Beteng, yaong si Beteng na walang
tanging ipinangahas mula't mula pa kundi ang kanyang kayamanan,
ang kanyang pilak, sa pangingibig sa mayuming si Dolores, na siyang
gumanbala ng kanyang isip, diwa't pagkatao.

Ang nakakapanaghiling kapalaran ng artistang si Artemio, si
Artemiong kapangpangan, ang wika nga ni Beteng, yaong si Beteng
na hindi makapaglakbay sa lupang pangako, kundi may kasama; hindi
makapitas ng ibinabawal na bunga ng mansanas kung walang hagdanang
matutungtungan, ay maging mabisa sanang tampal at matinding hagupit
sa ilang mga lalaking kung walang tulay ay di makapangibig sa isang
himala ng ganda, sa isang Venus.

Si Dolores, ang kapatid na bunsong ito, ni Maria Clara, sa Noli Me
Tangere, ni Meni, sa Banaag at Sikat, ni Celia, sa Florante at Laura,
at ni Ligaya sa ¡Kristong Magdaraya! ay pinaglupaypay ninyo ang matigas
na puso sa darang ng maalab na pag ibig; pikitmatang pinatalaktak
ninyo sa kaharian ni Kupido at pinahintulutan din ninyong magpamalas
sa masinsing tabing ng pagkukunwari sa kanyang hinahangaang binata,
sa umagaw ng kanyang pananahimik: kay Artemio.

At talagang ganyan nga po ang dapat ninyong gawin, marangal na
binibini, upang magkaroon ng naturalidad ang isang pangyayari na,
hindi gaya ng iba nating mangangatha na sa pagnanasang huwag masinagan
ng bahagya mang gaspang ang isa sa mga kumakatawan ng kanilang aklat,
na sapagka't binigyan na nila sa una ng mga caracter na mahinhin,
mayumi ay pakapipilitin patain ó inisin ang itinitibok ng puso.

At upang patotohanan kong minsan pa sa inyo, na talagang hindi
kamalakmalak na mangyari ang inyong ginawa na sa kahinhinan at kayumián
ni Dolores ay paibabawin ninyo ang kagaspangang nililikha ng pag ibig
ay ipahintulot ninyong sipiin ko rito ang matwid ng ating Balagtas
sa kalakhan at kadakilaan ng ating tinutukoy:


        Oh! pagsintang labis ng kapangyarihan
        sampung magaama'y iyong nasasaklaw,
        pag ikaw ang nasok sa puso nino man
        hahamaking lahat, masunod ka lamang.


¿Ano ang nangyari kay Beteng?

Humigit kumulang na sinasabi sa aklat ninyong ito, na siya, si Beteng
ay wala ng sinikap sa gabi't araw ó sa lahat ng sandali, kundi
ang ikalulukso ng dangal ng umagaw sa kanyang langit, sa kanyang
paraluman. At, di nga inaksaya ni Beteng ang mahabang panahon at
karakarakang isinagawa. Inanyayahan isang araw ang dalawa niyang
kaibigan, si Simon at si Pastor at isinangguni ang kanyang maruming
nais; datapwa't anong tiwaling pagtitiyap at sa isip at diwa nitong
huli, kay Pastor ay itinanim ninyo, ang damdaming Delfín, ang pusong
Felipe sa "Banaag at Sikat" ng makatang Lope, na sa harap ng matatalim
na upasala at marungis na adhika ni Beteng, ay di ninyo pinapagtagal
ang puso ni Pastor, pinapanalag ninyo sa mga ulos at taga ng mga
kaaway na lihim ng kanyang kaibigan.

At sunodsunod ninyong isinabibig ni Pastor ang ganitong pangungusap,
sa tulong ng kanyang dilang walang pangiming magsabi ng katotohanan:

"Mga kaibigan, huwag ninyong hamakin ang kanyang lahi. Kapangpangan man
at tagalog ay iisa ang uri, at ang sumira ng pag-iisang iyan, ay yaon
ang taksil na dapat pangilagan. Ang taong pumapatay ng pag-dadamayan
ng pilipino ay yaon ang kalaban ng bayan. Ang kaluluwang nagtatanim
ng pag-iiringan ay siyang uod na sumisira ng laya at pag-asa ng lahat".

¡Anong ningning ng pagkukuro ni Pastor!

At... nakaramdam ng kirot ang dalawang pinagsabihan...

"Hindi mga kaibigan--ang ganti ni Pastor--kailan ma'y di ko magagawa
ang sumugat sa kapatid. Nguni't, oo; makikipaglaban ako sa kanino mang
nagbibinhi ng pag-iiringan. Ang buhay ko'y aking itinataya lubha pa't
ang pag-iiringan ay ipupunla dahil lamang sa inggit sa isang lalaking
kinakandong ng palad..."

¿Ilan kaya sa mga kababayan natin, Bbg. Cortes, ang makapagtataya ng
buhay sa pagtatanggol ng matwid ng isang tao?

¡Kay dakila ng inyong paghahaka!

Matapos magpaalaala ang baliw na si Beteng kay Pastor, na ito'y nasa
ibang bahay, ay para ko pang nakikinikinitang nakangiti at hantad
ang noong sumagot:

"Sa bahay na pinaghaharian ng dilim ay doon ko dinadala ang ilaw".

Pagkatayogtayog po ng kurokuro ninyong ito, Bbg. Cortes, na sa
pamamagitan ng kaunting salita lamang ay halos niyayanig ninyo ang
budhi ng mapagdunongdunungang mga hangal.

Ang dalawang katalo ni Pastor ay lalo ninyong pinagpuyos ang kapootan.

Ipinagtabuyan si Pastor, nguni't pangiti ring sinabi:

"Dapat ninyo akong itaboy; dapat ninyo akong turang ulol: sapagka't,
ang gurong nagtuturo ay talagang kalaban ng mga musmus na tinuturuan."

Sa harap ng ganyang maigting na pagwawariwari ni Pastor, ay tahasang
masasabi ko Bbg. Cortes na ang inyong baguhang panitik ay karapatdapat
maisapiling ng lalong mga tanyag at dakilang mga manunulat natin,
sapagka't minsan pa ninyong ipinakilala ang mataos ninyong paggalang
at pagmamahal sa wastong matwid.

Si Pastor ay nilakipan ninyo ng kislap ng sosialismo ng mga banal na
aral ni Tolstoy, Jaurès at iba pa, na, siya ninyong nais matutuhan
ng ating mga kababayan.

Kusa kong iniwan at babayaan na, marangal na binibini, ang nakaiinggit
na lambingan ng dalawang pusong bihag ng pagibig: si Dolores at si
Artemio. Hindi ko na po paguukulan ng kurokuro ang kadalisayan ng puso
ni Dolores na hindi maalam masilaw sa kinang ng salapi at sa hibo ng
kisig. Kusa pong di ko na gagalawin o paguukulan pa ng mga wariwari
ang kasiglahan ng handa sa kaarawan ni Dolores, maging ang kasanayan
ninyang tumugtog ng alpa; maging ang kalunoslunos na hinangganan ng
masayang handaan sa bahay ng ating dalaga; ang di ninyo paglimot sa
paglalarawan ng mga kagandahan ng mga bituin ng "Kami Naman" na dumalo
sa naturang kasayahan, palibhasa'y ang lahat ng iyan ay inaasahan
kong sapat nang makapagudyok sa lahat ng makababasa ng aklat na ito,
upang putungan kayo ng walang katapusang pagpupuri.

At, ¿kung alinalin ang aking isasakarurukan ng lalong kapurihan?

Wala pong iba Bb. Cortes kundi ang kinawilihan ko ngang paghahaka
ni Pastor, na busog na busog ng pagibig sa kanyang mga kababayan,
at ... ang mga pangungusap ng baliw na si Beteng ng siya'y napipiit na.

Sa ikaapat na kabanata, sa pangkat na naglalarawan ng boong
pagsisigasig ni Pastor, sa pagdamay sa kanyang kaibigang Artemio at
sa harap ng mga manunugtog na ipagpaparangal ni Beteng ay natunghayan
ko na naman, matapos ang ilang paliwanag ang lalong dakilang kurokuro
ni Pastor:

"Narinig na ninyo--ang saad ni Pastor na linawin natin: hindi raw
dapat bigyan ng tungkulin ang isang dapo. Katwiran, nguni't ¿bakit
nila natitiis ang mga dapong naghahari sa ating bayan? at ¿dapo ba si
Artemio? ¿Ano kung kapangpangan siya? ¿Hindi ba pilipino rin? ¿Maaari
bang magsarili ang tagalog na ang kapangpangan ay hindi? ¡Napakarupok
na pagkukuro! Ang masasabi ko'y nakikilala ang dapong kapatid din
nila, datapwa't hindi nila nakikilala ang tunay na dapong dito'y
tumawid. [...] Ngayon at kalahi ay halos sakmalin. Nguni't kung maputi
kahi't na lumapastangan, ay nginingitian din. Sinusurot, dinuduro
at pinamumukhaan ang kabalat subali't ang dayo ay saka lamang mamura
kung nakatalikod".

Kay sakit mo pong susugat Bbg. Cortes. Nguni't inaakala kong kailangan
ngang ang mga bulok at uod na makasisira sa mabulas na pagkakaisa ay
isa isang lasunin. ¡Patain!

¡Magbinhi nawa ang inyong magandang adhika!

Sa gitna ng pagtataka ng hindi mabilang na mga manggagawa sa bahay
palimbagan ng pamahalaan na nakuwarentenas dahil sa sakit na di
umano'y dipterya, sanhi sa pakakapag-abuloy sa lahat, kasapi at di
man ng malusog na Samahang Kami Naman ay para ko pang nariringig
magpahangga ngayon ang matalinghagang mga pangungusap ng isang ulol
na sagana sa mga katotohanan.

At sa wakas ng kanyang maniningning na sinabi, sa huli ng kanyang mga
pangarap sa sinasapit ng ating bayan, at pagkakaagwat ng kapalaran ng
mayaman sa mahirap, ng pagkakalayo ng mahirap sa mayaman, ay di ko
malirip magpahangga ngayon po, Bbg. Cortés, kung bakit naisipisipan
ng ulol na si Beteng ang maglawit ng isang panyo at bago sinabi ng
makita niyang pinapaspas na ng hangin:

"¡Hayan ang watawat ng pagsuko! ¡Hayan ang sagisag ng
pananahimik! Batiin ninyo at igalang. Mahalin ninyo at ibigin. Kung
iyan ang ating ilaladlad sa gitna ng digmaan ay unahan tayo ng
paghawak. Datapwa't kung pula, tanda ng paglaban, ay magtuturuturuan
tayo. ¡Magdarayang tapang!"

Subali't sino kaya ang pinatatamaan ng ulol na si Beteng?

Kundi ako namamali, ay walang iba kundi ang ibang mga kababayan nating
matatapang sa bibig nguni't wala sa gawa.

¡Napakasasakit na pangungusap!

Ang aklat mo pong ito, Bbg. Cortés, ay inaasahan kong sa kahalagahan
ng layunin ay magiging isang bagong tipan na ikapagbabago ng likong
kaugalian ng marami. Mga pansin:

Bbg. Fausta Cortés: Itulot mo po naman ngayon na ilahad ko ang aking
mga puna.

Tulad sa akin ng sinabi, na hahalunkatin ko't ibubunyag ang dapat
purihin at ukol punahin, ngayon ay magtatapat ako sa aking pangungusap.

At, magsimula tayo.

Pagkarinig ko ng pamagat ng aklat na ito na AGAWAN NG DANGAL, ay
kumilos na sa aking guniguni ang larawan ng pag-aagawan sa katungkulan
ng ilang kapatid nating araw-araw ay nagbabangay. Inakala ko na't
hinulaan na yaong pag tutunggali ng mga taong gumugulo sa ating bayan
ay siya ninyong pinuna. Ang isip ko'y humula ng dalawang pangyayari,
at boong boo ang aking pananalig na hindi sasala sa alin man sa
dalawa kong akala, ang inilahad ninyo. Kung hindi ang nakahihiyang
pag-aagawan sa karangalan ng ating mga politico ay walang salang
ang ligalig sa mga halalan ang inyong tinuligsa. Ganyan ang boo kong
sapantaha at marahil ay siya namang sasapantahain ng iba. Datapuwa't
¡kay laking pakakamali! ¡Agawan pala ng dalawang puso sa isang pain ng
pag-ibig! Hindi ko po sinasabing malayo ang pamagat sa laman. Hindi
po, sa pagka't nalalaman kong may mga taong iba ang pangalan sa
asal. Lamang ay ipinagtatapat kong sumala ang aking hula.

Sa lahat ng dahon ng AGAWAN NG DANGAL ay pawang makabagong
pananagalog ang aking napuná. Sa kabaguhan ay mayroong mga talatang
nagkapilipilipit ang pagkasalaysay. Aywan ko lamang kung sinadyáng
pinaikot ng masiglang panulat ninyó, Bbg. Cortes.

¿Kung alin alin? Na itó po:

"Ang maayos na tabas ng mukha ay napapatungan ng maiitím na buhók".

Paano po kaya ang bikas ng mukháng yaón? ¡Napapatungan ng maiitím na
buhok! ¡Ina ko, kakilakilabot! Marahil ay sumusunong ng maiitim na
buhók at di napapatungan. (Maalaala ko pala.) Hindi rin masasabing
sumusunong at lalo nang hindi napapatungan; sapagka't lalabas na si
Dolores ay panot, paano'y sunong o nakapatong lamang pala ang buhok...

Iba naman:

"..... sinungkit ..... ang mantekilya....."

¿Sinungkit? ¿Baka po kinahig? At kung ang sinungkit dito ay hindi mali,
ay huwag naman kayong tumawa na sabihin kong "nginalot ang tubig."

Isa pa:

"Tumayo sa mesa....."

¿Tumayo sa mesa? ¿Saan tumayo: sa ibabaw po ba ng mesa? ¡Sus! ¿Si
Dolores, ang mayuming dalaga, ang kaluluwa ng kasaysayang ito, ang
tatayo sa mesa? Hindi mangyayari. Bakit noon ay kasalukuyan pa namang
sila'y nag aagahan. Baka mayroon pang lalong tumpak na masasabi ang
Bbg. Cortes, ay siya sana nilang ginamit.

Ganito at iba pang gaya nito ang sinasabi kong mga nagpandanggong
pananagalog na makabago.



Pagtutuos:

Anhin ko man pong punahin ang mga katangían ng dakilang panulat ninyo,
binibining Cortes, ay lagi ring nananaig sa aking diwa at isipan ang
mga banal na layuning tinutungo ng inyong akda. Ang mga pansin na
aking pinuna ay nagiging parang guhit na itim lamang sa isang malapad,
matibay, marilag at napakapinong habi na niyári ng inyong bago nguni't
magiting na panitik. Anopa't nakapagdadagdag lamang ng kainaman ang
mangilangilan ninyong bagong ayos ng pananalaysay, sa mahalagang aklat.

At upang patotohanan ay napapakagat-labi ako sa katalinuhan ninyo na
makapagsabi ng:

".....ang mahihirap ay magkakapatid na lahat. Kung paanong ang
mahirap ay walang bayan, ay gayon din na walang lipi. Bayan niya ang
Sangsinukob at lipi niya ang Sangkatauhan....."

Sa inyong matataas na isipang iyan ay kabilang ako sa mga humahanga
at hahanga sa inyong panulat.

At talagang marunong kayo sapagka't marunong kayong magpahesus sa
inyong aklat. Niwakasan ninyo sa taimtim at kalugodlugod na pagmamahal
ni Dolores kay Artemio. Sinabi pa ninyong:

"¡Kay tamís ng kamatayan kung gayón ang pagmamahal ng mauulila!..."

Akó man po, Bbg. Cortes, ay makapagsasabi rin at talagang nais ko na
rin ang mamatay kung may isang Dolores na tatangis sa aking pagyaón....


Honorato H. de Lara.
Taga "Ilog-Beata."







                               KASAYSAYAN
                                   NG
                              "KAMI NAMAN"







                        Aklatan ñg "kami Naman"

                            BAKAS ÑG SAMAHAN

                              Ó ang unang
                        bahagi ñg kasaysayan ñg

                              "KAMI NAMAN"

                         (Samahan ñg mahihirap)

                          Sapul sa pagkatatag
                          hanggang sa wakas ñg
                         pamamahala ni G. A. de
                               los Reyes

                               Sinulat ni

                          Bb. Gorgonia de Leon

                    Ika apat na aklat ñg aklatan ñg

                               Kami Naman
                         Lupon ng mga Manunulat

                                 (1915)

       Aklatan ñg "Kami Naman" 1045, Daang Anak ñg Bayan (dating
                  "Crematorio"), Pako, Maynila, K. P.







PAUNAWA


Ang aklat na ito ay nilimbag sa dalawang ayos: nilimbag na kalakip ng
"Agawan ng Dangal" at nilimbag na may sariling balat ó takip. Sino
mang magnais na magkaroon ay makabibili sa mga bilihan ng aklat dito
sa Maynila, sa halagang isang peseta (P0.20). Ang mga na sa lalawigan
ay makapagbibilin sa Aklatan ng "Kami Naman" sa halagang kahati
(P0.25). Ipalilimbag din ang pangalawang bahagi at magtataglay ng mga
larawan; gaya ng larawan ni G. Apolonio Umping, G. Paulino Centeno,
at iba pang may halaga sa "Kami Naman".







                            BAKAS ÑG SAMAHAN

                  O ANG UNANG BAHAGI ÑG KASAYSAYAN ÑG

                              "KAMI NAMAN"

                         (SAMAHAN ÑG MAHIHIRAP)

                      SAPUL SA PAGKATATAG HANGGANG
                       SA WAKAS ÑG PAÑGUÑGULO NI
                         G. ANGEL DE LOS REYES.

                    Sinulat ni Bb. Gorgonia de Leon.


Noon ay ika 25 ng Agosto ng 1912. Sa umagang yaon ay isang
panahong tagulan ang nagisnan ng mga taga Pako. Ang liwanag ng
ilaw ng sangdaigdig ay di mang makagitaw sa makapal na ulap sa
pangonorin. Nabigo ang mga ibong sa tuwing umaga'y nagpupuri sa bagong
liwayway. Walang nasisiyahan sa mga sandaling yaon kung hindi ang
mga bulaklak na nagpapakasawa sa ulang hindi tumitila. Noon nasiyahan
ang kanilang uhaw. ¿Ilan kayang puso't kalulwa ang sumusumpa noon sa
panahon dahil sa pagkapinsala ng kanilang tipan?

Datapwa't nagmasungit man noon ang panahon, ay may isang binatang
nagtatanghal ng kanyang kagitingan. Siya ay si G. Francisco V. Dizon,
kawal ng bagong kabihasnan. Siya ang lalong nagsikap na magsabog ng
liwanag ng araw ng sigla ng kabataan sa nayon ng Sapote sa Pako. Ang
ulan ay di niya ikinabalino, bagkus sa pamamagitan ng isang payong ay
isa isang sinusundo ang kanyang mga kaibigan upang magtulongtulong
sa pagbalangkas ng isang Samahan. Ano pa't walang alinlangang dapat
sabihin na utang sa kanya ang kilusang yaon ng kabataan.

Sa isang tahanan sa nayon ng Sapote, Pako, Maynila, ay doon nagkatipon
ang ilang magkakapanalig. At sa pangungulo nga ni G. Dizon,
ay sumipot sa silong ng langit ng Pilipinas ang isang bigkis ng
kabataang pilipino. Sa mungkahi ni G. Luciano Suarez ay bininyagan ng
"Kabataang Sikat". At, palibhasa'y pawang tinitibukan ng isang pusong
uhaw sa dunong at aliw, ang mga nagkakatipong yaon, ay «magpalakas at
magpatalino» ang pinagsaligan ng pagkabuo ng Samahan. Aralan ang mga
pinagkaitan ng ilaw ng dunong at aliwin ang mga ulila sa ligaya, iyan
ang tanging layon. At sa gayon ay nayari ang balak ni G. Dizon. Dapat
alalahaning kinabukasan ng araw na yaon, ay siyang ika 26 ng Agosto,
araw na napakaningning sa dahon ng kasaysayan ng Pilipinas, sapagka't
siyang araw ng unang pagsigaw ng kalayaan ng bayang api ng kapwa bayan.

Nang sumunód na Linggo, unang araw ng Septiyembre, ay nagpulong na muli
ang mga nagsisigasig sa pagbangon ng "Kabataang Sikat". Sa mungkahi
ni G. Angel de los Reyes, ay binago ang pamagat at pinalitán ng "Kami
Naman". "Kami Naman" ang ipinamagat, sapagka't sa ibabaw ng kalansay ng
mga samahang nabuwag na, ang ibig sabihin ay "Kami naman ang magtutuloy
ng layong itaguyod ang buhay ng mahihirap sa tugatog ng dangal"....

Katulad din ng ibang mga Samahan at Kapisanan ay inabot ng sakit
na ningas-kugon ang "Kami Naman". Salamat sa ilang matatalinong
manggagamot at ang sakit ay naihanap din ng lunas. Baga man ang "Kami
Naman" noon ay para ng bangkay na malamig, dahil sa pagpapabaya ng
ilan, ay muling sumigla. At noong ika 19 ng Oktubre ng taong 1912 rin,
ay nagbitiw ng tungkulin si G. Francisco V. Dizon at si G. Angel de
los Reyes ang napahalili, na naging Pangulo ng Samahan.

Ang bagong pangasiwaan ay nagpahayag noon din ng bagong palakad at
binago na pati ang layon ng "Kami Naman". Boong puso namang pinagtibay
ng lahat at sinalubong ng magiliw na palakpakan.

Ang mapanglaw na daing ng mahirap, ang malungkot na taghoy ng api,
ang malumbay na hibik ng mahina, iyan, iyan ang nagbukas ng bagong
isipan sa puso at diwa ng bagong Pangulo. Binago nga ang dating saligan
ng Samahan. Ang layong magliwaliw at magpatalino ay dinagdagan ng
pagdadamayan. Sa gayon, ay hindi pawang kabataan lamang ang yumakap sa
"Kami Naman", kung hindi sampu ng may mga gulang na ay nakitulong.

"Buhayin ang naghihingngalong pagkakapatiran" ang naging saligan na
ng "Kami Naman". At ang naging pananalig ay "Ang hirap ay bunga ng
kapabayaan, at na sa tiyagá ang pagtatagumpay".

Kapalaran mandin ang siyang sumubaybay sa bagong pangasiwaan at ng
sumunod na Sabado ng pagkahalal sa kanila ay nagtanyag na ng kanilang
di karaniwang lakas at magagawa. Sa bahay paaralan sa daang Dart,
Pako, ay ginanap ang pagtatanghal ng Samahan. Sa lamayang yaon
ay may apat na raang tao ang dumaló. Ilang matatalino at litaw na
mananalumpati ang nagpaningning sa pagdiriwang. (Ang buong tala ng
kasayahang yaon ay matutunghayan sa pangalawang aklat ng Aklatang
"Kami Naman" na Tuntunin ng Pulong.)

Dahil sa bagyong nanalanta sa Sebú noong Oktubre ng 1912, ang "Kami
Naman" ay nagsimula ng pakikisama sa bayan. Binahaybahay na tinawagan
ang maawaing pusó ng pilipino sa Sapote, at lumikom ng isang halagang
iniabuloy sa mga nasawi. At dahil sa pagkamatay ng ilang angkan ng
mga kanayon na kapwa anak-dalita, ay dumulog na naman ang "Kami Naman"
sa bahaybahay upang abuluyan ang kapatid na dinatnan ng palad. Dapat
talastasing ang mga unang inabuluyan ng "Kami Naman" ay mga taong ni
ayaw man lamang makiyakap sa Samahang ito.

Sa ikapapaanyo ng damayan ay bumalangkas ng mga batas na susundin ng
magkakapatid; at mula ng unang araw ng Disyembre ng 1912 ay nagsimula
sa pag-iral. Marami rin ang mga namatay at namatayang mga kapatid. Sa
malinis at maselan na pangangasiwa ng Ingatyamang si G. Dario Malonzo,
lahat ay pawang tumanggap ng abuloy na nararapat. Walang nabinbin sa
kanyang karapatan, bagkus ang lahat ay pawang nagtamo ng nauukol sa
kanila sa lalong madaling panahon.

Dumatal ang ika 30 ng Disyembre ng 1912, araw na ipinangingilin ng
lahat ng pilipino. Ang "Kami Naman" at ang nayong Sapote ay nagtuwang
sa pagbubunyi sa lalong dakilang taga Silangan. Nagdaos ng isang dulang
hayag, nagkaroon ng tugtugan, nagilaw ang boong nayon at nagtayo ng
mga arko. Ang lalong kapunapuna ay ang pagiisa ng nayon na pawang
parol ng "Kami Naman" ang ginamit. At natapos sa ganap na kasyahang
loob ng lahat. Ang salaping lumabis sa pagdiriwang ay inihandog sa
"Kami Naman" ng kapulungan ng nayon, na parang ganting pala sa maayos
na pangangasiwa sa pagdiriwang.

Sumunod na ibinunsod ng Samahan ay ang balak ni G. Marcelino Dizon na
lumikom ng isang kusang ambagan upang ibili ng kasangkapang pang-apula
ng sunog. Nakatagpo ang balak na ito ng mga balakid at binaka ng
ilang di nasisiyahan. Gayon man ay pinangatawanan din ng Samahan at
nakabili rin ng mga palakol at timba na magagamit karakaraka sa isang
simula ng sunog. Hanggang ngayon ay nakatanghal at nakahanda ang mga
kasangkapang ito sa nayong Sapote.

Ang munisipyo ng Maynila ay siya namang hinarap ng "Kami
Naman". Sunodsunod na daing at kahilingan ang iniharap upang ang nayong
kinatatayuan ng Samahan ay ipaayos. Pinilit na maglagay man lamang
ng gripo, sapagka't noon ay nagkakahalaga ng anim ó limang sentimos
ang bawa't dalawang timba ng inumin sa pook na yaon. Bihirang linggo
ang walang panawagan sa pitak ng pahayagan sa Maynila. At humangga
sa paglalagay nga ng gripo at pagtatakda ng pamahalaan ng apat na
libong piso sa ikaaayos ng nayon. Ito ang lalong malaking tagumpay
na tinamo ng "Kami Naman".

Upang iligtas sa sakit ang mga kanayon dahil sa malabis na paglulusak
sa pook ng Sapote, ang "Kami Naman" ay nagtayo ng mga tulayang kawayan
sa tulong ng nayon.

Nang hakutin ng mga sanitaryo ang mga kawani sa Limbagan ng
Pamahalaan at kulungin sa Pagamutang San Lasaro, dahil sa mikrobyo ng
dipterya, ang "Kami Naman" ay siyang tangi at kusang umabuloy sa mga
napinsalaang yaon. Wala ni isang kasapi sa "Kami Naman" na napalahok
doon, datapwa't ginawa ang pagdamay sa paniniwalang magkakapatid na
lahat ang mahirap. At ito'y tinugon ng di gagaanong pasalamat ng mga
dinamayan. Noon ay Marzo ng 1913.

Sa gayong mga ipinakisama ng "Kami Naman" sa bayan ay marahang
sumusungaw ang kanyang kabantugan. At lalo pang nabantog siya
pagkatapos ipagbunyi ang ika isang taong buhay ng Samahan. Paano'y
dalawang araw na ginawa ang kasayahan: ika 13 at ika 14 ng Septiyembre
ng 1913. Nagbukas ng timpalak ng mga dula at gilasan ng artista,
na siyang kaunaunahang timpalak na may ganitong uri na idinaos sa
sangkapuluang Pilipinas. Nagdaos pa ng isang misang alaala sa lahat ng
mga kasaping nangamatay sa ilalim ng watawat ng "Kami Naman". Nagkaroon
ng binyag at kumpil at maghapong mga palaro. Ang nabantog na banda ng
Meralko ay siyang tumugtog. At tinapos ang kasayahan sa isang magiliw
na salosalong kapatid. Alinsunod sa mga pahayagan dito sa Maynila
ay mahigit na apat na libong tao ang dumalo sa mga pagdiriwang na
yaon. Dapat namang magkatotoo, pagka't may mga nagtayo pa ng mga
tindahan at lahat halos ng tahanan sa Sapote ay may kanikanyang
handa. Ano pa't ang pagdiriwang ng "Kami Naman" ay naging parang
pista ng nayon. Sapul na noon ang "Kami Naman" ay nabantog na ng
gayon na lamang at ang lalong nakatawag sa diwa ng marami ay ang mga
kartelong nagsabit sa trambiya na nagbansag ng kasiglahang ipamamalas
ng "Kami Naman".

Ang isa pa sa mga pagdiriwang ng Samahang ito na hinangaan din ng madla
ay ang pagtatanghal ng mga "Bituin" ng "Kami Naman". Ginanap noong
ika 21 ng Disyembre ng 1913, sa Dulaang Angel sa Singalong. Mahigit
sa tatlong libong tao ang nanood. At noon ay minsan pang itinampok
ang mayamang uri ng mga babaing pilipina.

Sa mga pamamahayag ng bayan ang "Kami Naman" ay palaging nakikilahok;
nguni't pakikilahok na di sa gayongayon na lamang, kung hindi
pakikilahok na kapunapuna; yaong nakapagpaparingal at umaani ng
papuri. Kung walang karrosa ang "Kami Naman" ay nakalulan naman
sa sasakyan ang kanyang mga kinatawan. Datapwa't hindi sa iisang
sasakyan lamang kung hindi sa pito o labing apat kaya. At sa loob
ng dalawang taon ay labing dalawang ganting pala ang tinamo ng
"Kami Naman". ¿Ano pang sigla ang hahanapin? ¿Ano pang kilos ang
magagawa? Wala na. Hanggan diyan na lamang talaga ang isang samahan.

Kasabay ang pagsisigasig na magtamo ng lalo at lalong karangalan, ang
"Kami Naman" ay nagpapakatatag sa kanyang tayo. Inakala ng Pangulong
De los Reyes na ang pagkakaibaiba ng hilig ng mga kasapi ay dapat
tapatan ng kanikanyang ikasisiyang loob. Dahil dito ay binahagi niya
ang "Kami Naman" sa iba't ibang Lupon na may kanikanyang uri, layon,
pananalapi, at mga kaanib.

Ang unang Lupon ay ang Damayan. Magabuloy sa namatay o namatayang
kasapi ang layon. Lupon sa Kalakal ang pangalawa at nagsimula ng
pagkilos noong Pebrero ng 1913. Disyembre ng 1913 itinatag ang Lupon ng
mga Bituin na binubuo ng pawang mapanghalinang binibini. Sila ay mga
kasaping pangdangal sa "Kami Naman". Disyembre ring yaon ng itatag
ang Lupon sa Pagpapalakas. Bago sumipot ang masikap at masiglang
Lupon ng mga Manunulat.

Lahat ng lupon na ito ay nagtanghal ng kanikanyang lakas at
magagawa. Bawa't isa'y naghandog ng matatayog na papuri sa boong
Samahan. At sa lubos na paghanga ng isang kasapi sa "Ilog Beata"
sa kakisigan ng "Kami Naman" ay tinula niya ang kasunod:



    "KAMI NAMAN"

    Bayang inaapi, ako'y nananalig
    na ang bawa't sikat ng araw sa langit,
    taglay ang tinig mong malungkot na tinig.
    At iya'y hindi ko matalos kung bakit
    ikaw'y lumuluha, ikaw'y tumatangis
    gayong may lakas ka't may Bayaning Bisig.

    Subali't hintay ka; aking ibubuhay
    ang isang alagad na dapat asahan.
    Lumingon ka roon, sa dakong Timugan
    at mamamalas mong na nawawagayway
    ang isang Bandilang kapitapitagan
    ng kilala't bantog na ang KAMI NAMAN.

    Yao'y Kapisanang sagana sa lahat,
    sagana sa dunong, sagana sa lakas
    at hindi marunong matakot sa tawag
    ng kanyang kalabang mayaman sa gilas,
    pagka't alam niya't kanyang natatatap
    na ang Mundong ito'y Mundo ng pangarap.

    Isang Kapisanang ang bawa't kasapi
    ay may siglang taglay na kahilihili:
    isang Kapisanang ang hakbang ay laging
    tungo sa pagsulong, tungo sa lwalhati:
    sapagka't ang kanyang darakilang Mithi'y
    itanggol ang api: matwid ay maghari.

    Yao'y binubuu ng dukha't mayaman
    ng mangmang at paham, bata at may gulang,
    sapagka't ang kanyang isang patakaran
    na salig sa loob noong Kapisanan,
    ang dukha'y ibangon, ang aba'y tulungan,
    wala ni mataas; pawang pantaypantay.

    At, ito'y tulain ng mga makata,
    dakila sa lalong Samahang dakila,
    maningning sa lalong maningning na tala;
    at sapagka't ito'y butihing diwata,
    ako, ikaw, sila, ang lahat na'y pawa
    namang gumigiliw at nagsisihanga.

    Kay Francisco Dizon dapat kilalanin
    ang pagkakatatag ng napakagiting
    na Samahang yaong may tanging layunin:
    siya ang pumukaw, siya ang gumising
    sa nangatutulog na mga damdaming
    na nangalalango sa pagkakahimbing.

    Angel de los Reyes: iyan ang pamagat
    ng kanyang pangulo nang ito'y matanyag;
    Rosendo S. Cruz: isa ring masikap;
    Yaman na ang Bayan sa gitna ng gubat
    ay hindi nagtamo ng magandang palad
    kung kaya nangyaring yao'y itinatag.

    Hindi ba't ang taong likha ni Bathala
    ay taglay sa kanyang pagsipot sa lupa
    ang mga Tuntuni't Batas ng Paglaya?
    Kung ito'y totoo: ¿bakit lumuluha
    tayong naririto? Pangarap nga yata
    lamang ang umasa't maghintay sa wala.

    Hindi lamang yoon para sa lalaki
    kung hindi laan din sa mga babai:
    naron si Pascuala Pintor na may iwing
    ngiti na ang bawa't ngiti ay pagkasi;
    naron si Conchita; at isa pang saksi,
    si Anitang laging dinidilidili.

    Nangagsapisapi ang mga binata,
    ang kadalagaha'y humalo sa haka
    na ang Langit nati'y itanghal, ipala,
    sapagka't ang ating darakilang nasa'y
    ibangon ang bayan nating lumuluha't
    humarap sa lalong malakas sa lupa.

    Oo nga at tunay na dito'y nagkalat
    ang mga Samaha't Kapisanang tanyag
    subali't tulutang aking maisaad
    na ang KAMI NAMAN Samahang mahirap,
    sa matuling agos ng luha ng palad,
    ay ito ang siyang darampi, huhugas.


                                Ramon S. Torres
                                Taga "Ilog-Beata".

Tundo, Maynila, K. P.



Sa likod ng mga papuring ito sa "Kami Naman" ay mayroon namang mga
naiinis sa di maalamang sanhi. Aywan kung anong suliranin ang nagbubuyo
at ang mga ito ay nagpapakaimbi sa pagwawasak ng Samahan. Kinakalaban
ang sariling damdamin, niyuyurakan ang sariling dangal, at binubulag
ang sariling paningin. Hindi pa man ipinanganganak ang "Kami Naman"
ay binanta ng lasunin. Sa kanila ang lahat ng kilos ng "Kami Naman"
ay pawang hindi matwid. Salamat sa pusong matimpi ng Pangulong De
los Reyes at di man siya natukso. Salamat din sa kalamigang loob ng
mga kasapi at di man sila nabalino. Talagang gayon: ang tao habang
natatanyag ay lalong dumadami ang kaaway. At ang Samahan upang mabuhay
kung minsa'y dapat magkaroon ng mga kalaban.

Kung paanong sa kasaysayan ng Pilipinas ay may isang siglo oscuro o
isang daang taong madilim, ang "Kami Naman" ay nagkaroon din. Dahil
sa katapangan ng isang kalulwa at dahil sa pagkatupad ng wikang ang
pagtitiwala'y nakamamatay, ay nagkaroon ng isang maalingawngaw na
usapin ang mga nagtataguyod ng Samahan. Dapat malamang ang usapin ay sa
ilang tao lamang at di ng boong Samahan. Ang Pangulo at ang Ingatyaman
ay kapuwa inupasalaang umano'y mga magnanakaw. Hinubaran ng puri at
tinanghal na mga magdaraya. Hindi na kinilala ang pagkatao ng mga
nagbintang at pinagbibintangan. Hindi na siniyasat ang kasaysayan
ng isa't isa. ¡Kay taas na ganting pala sa nagpapakamatay sa
pagtataguyod ng isang Samahan! Sa gayo'y umawit ng tagumpay ang mga
sumasamantala sa sigalot. Ang pagkatagpo nila ng babaing lumabag sa
kanyang kahinhinan ay siyang nagpatibay sa paguusig na ito. Nguni't
sa pitak ng mga pahayagan ay tahasang inilahad ni G. De los Reyes,
ang boong nangyari. At sa likod ng sigalot na ito ang mga umusig din
ang nagpapahayag na batid nilang walang salaping nawawala. Ano pa't
paghihiganti o pagkainis lamang ang kanilang ginawa. Matapat na awa
ang dapat iyukol sa namamatay sa pagtupad sa kanyang pananalig....

Ipalagay ng ang Pangulong De los Reyes at ang Ingatyamang Malonzo,
ay nagkasala; bulagin na natin ang ating dangal at bingihin na natin
ang ating damdamin; aminin ng sila'y nagkamali: ¿ano ngayon? ¿Anong
kapinsalaan mayroon sa Samahan? ¿Ang G. De los Reyes ba at ang
G. Malonzo ang "Kami Naman"? ¿Sila bang dalawa ang bumubuo ng
Samahan? ¡Hindi! ¡Hindi! At ang sumamba sa gayon ay walang pagsampataya
sa kanyang dangal....

Upang pabulaanan pa ang kumalat na balita, na ang "Kami Naman" ay
naligalig, ay na ito naman ang bahagi ng ilang salaysay ni G. De
los Reyes:


    "....Sa isang Samahang na walang tumitiwalag ni itinitiwalag
    na kaanib, ang Samahang iyan ay buo, matatag, at buhay. Iyan ay
    pinaghaharian ng kapayapaan at sapupo ng lalong matamis, dalisay,
    at matimyas na pagkakapatiran...."


Palibhasa'y lubos ang pagtitiwala ng mga kaanib sa "Kami Naman"
sa kanilang Pangulo at Ingatyaman ang Samahan ay di mang naligalig
sa sigalot na nangyari sa mga nagtataguyod ng Samahan. Bagkus lalong
nagibayo ang sikap at sigla. At upang lalong mapaayos ang Damayan ay
itinigil ng may dalawang buwan. Ang Damayan lamang ang itinigil dahil
sa pagbibitiw ng tungkulin ni G. De los Reyes. Pagkatapos ayusin ay
naghahalili ng Pamahalaan ng Samahan. Ano pa't malaking kabulaanan ang
ipinamamansag ng iba na nalansag na raw ang "Kami Naman". Hindi, hindi
nalalansag. Hayan at kumilos ng boong sigla at boong ningning. Gaya
rin ng dati ay nakatayo pa ang kanyang mga haligi.

Sa kabantugan ng "Kami Naman" ay malaki ang naitutulong ng Lupon ng
mga Manunulat. Nagbukas ito ng isang aklatan sa kapakinabangan ng
lahat. Kasapi at hindi sa "Kami Naman" ay binibigyan ng laya. Doon
ay sarisaring pahayagan at iba't ibang aklat ang nagaantabay sa
kahi't kanino.

Bukod sa pagsisikap ng Lupon ng mga Manunulat ng "Kami Naman" na
makapagpalabas ng mga akda, ay naguukol din ng panahon sa paglilinang
ng wikang tagalog. Ang katotohana'y napalaban na sila sa tanyag
na Aklatang Barusog. Ang mga taga "Kami Naman" ay ayaw gumalang sa
pagpatay ng N sa piling ng G. Ano pa't hindi sila kaayon sa modang
ang ANG ay isulat ng AG (pinatay ang N). Ang mga taga Aklatang Barusog
ay nagtanggol naman sa kabilang panig.

Sa mga ikinilos na ito ng Lupon ng mga Manunulat ng "Kami Naman" ay
kinilala ni G. Sofronio G. Calderon ang kanilang pagsusumakit. At na
ito ang isa niyang lathala na tumutukoy sa:


    KAPAKANAN ÑG WIKANG TAGALOG

    Ito ngang wikang Tagalog, itong wika nina Solima't Lakandula,
    nila Balagtas at Pilapil, nila Rizal na ngayo'y kasalukuyang
    pinagmamasakitan ng Aklatang KAMI NAMAN, ay hindi lihim, at sa
    katunayan ay nariyan ang lagda ng mga bantog na mananalaysay
    na kumilala ng kasakdalan ng wikang ito, palibhasa'y ang wikang
    Tagalog ay isang wikang may sariling likas, may sariling ganda, may
    sariling yaman at isang wikang maipagbabadiya ng tanang saloobin at
    damdaming sumasapuso't ísip ng tao; anopa't sa katagang sabi, itong
    wikang Tagalog na ating kinamulatan, nilakhan at pinaka kaluluwa
    ng ating bayan ay may dakilang kapakanan ayon sa pagkakaakma't
    pagkakabalangkas sa isang paraang tumpak at kagilagilalas.

    Sofronio G. Calderón.


Dahil sa talino ng isa sa mga "Bituin" ng "Kami Naman" ang Lupon ng
mga Manunulat ay nagkamit ng karangalang sa "Kami Naman" nanggaling
ang ikatlo sa mga babaing pilipina na kumatha ng kasaysayan. Iyan
ay si Bb. Pascuala Pintor na sumulat ng nobelang "Tagumpay ng Api",
na siyang unang aklat na pinalabas ng Lupon ng mga Manunulat. Kung
¿ano ang "Tagumpay ng Api"? ang isang liham ni G. Aurelio Tolentino
ang dapat sumagot:


    "Bb. Pascuala Pintor.

    "Mahal na binibini:

    "Tinanggap ko po at pinasasalamatan ang mahalagang handog ninyo sa
    akin, isang salin ng inyong matalinong nobelang "Tagumpay ng Apí".

    "Kulang ang lahat ng papuring kaya kong sabihin, upang tumbasan
    ang hiwagang sarap ng aklat na nabanggit. Bukod sa talagang
    may kalugodlugod na ganda sa pagkakahanay ng mga salitang bihis
    ng kanyang mayayamang isipan, ay naghahandog pa sa damdamin ng
    ulirang buhay na gaya ng kay Teban, aralan gaya ng kay Titay at
    katarungang gaya ng kay Mameng at kay Leon.

    "Palibhasa'y marami na ang mga nobelang Tagalog; dahil sa mga
    mahahalaga rin naman ay maitutulad sa isang kuwintas na gintong
    sinasagisag ng bagong buhay. Ang "Tagumpay ng Apí", ngayong
    mapakituhog sa kuwintas na iyan, ay naging pinakamaluningning
    na «relicariong» tinampakan ng makikinang na batong diamante,
    at may mahal na laman sa loob, ang buhay na larawan ng kabaitang
    nagtagumpay sa dagok ng kapaslangang binigti ng katarungan ng
    sariling damdamin.

    "Naghihintay pagutusan ang talisuyo nilang si


    "Aurelio Tolentino.

    "Maynila, ika 30 ng Junio ng 1914."


Sumunod na pinalabas ng mga manunulat ng "Kami Naman" ang aklat ni
G. Rosendo S. Cruz. "Tuntunin ng Pulong" ang pamagat at gaya rin ng
"Tagumpay ng Api" ay nagtamo ng mga bati at papuri. Isa na rito ang
kalatas ng isang taga Malabon, Rizal, na si G. Amado Jacinto. Aniya'y


    "Malabon, Rizal, S. P.
    "Ika 30 ng Okt., 1914.

    "G. Rosendo S. Cruz.

    "Mahal na kaibigan: Tinanggap ko ang isang salin ng iyong mahalaga
    at munting aklat na ang pamagat ay "Tuntunin ng Pulong", at ako'y
    nagpapasalamat ng marami.

    "Rosendo, ang iyong aklat, sa ganang sarili ko, ay dapat mong
    ipagkapuri. ¿At bakit? Sapagka't sa aklat mong itong maliit at mura
    lamang ay mayroon kang isang dakilang bagay na matuturo. At ito'y
    ang pagpapakilala mo sa iba, na ang kahalagahan ng isang katha'y
    wala sa kapal at sa laki, kundi nasa uri at saka sa layon: uring
    siyang bilang pinakapagaari ng isang aklat, at layon namang siyang
    tunay na ariariang kinapapalamnan ng dañgal ng isang kumatha.

    "Ang uring tinutukoy ko rito ñgayon ay hindi ang tungkol sa
    kalinisan o karumham ng literatura, kundi ang kung nakapagtuturo
    o hindi nakapagtuturo; at ang sa layon nama'y kung mabuti o híndi,
    samakatuwid ay kung ang pakinabañgan o makinabang lamang.

    "Kapag ang isang aklat ñga'y may uring nakapagtuturo at may
    mabuting layon, para sa akin ay sukat na, upang kalugdan kong
    basahin at hanggang sa purihin pa pati ng kumatha.

    "¡At lalo pa marahil, kung ang kumathang iya'y isang kaibigang
    katulad mo! ¿Hindi ba?

    "Tungkol sa pagbabasa ng mga aklat ay aking maipagtatapat sa iyong
    ako ñga'y mayroon ng kakaibang panglasa kay sa dati, at ang sabi
    ko'y ganito, sapagka't hindi na ako nalulugod ñgayon sa mga Felipe
    Trigo at Eduardo Zamacois, diyan sa mga mapaglarawan at mapaglikha
    ng mga kuwadrong nakapagpapagalaw ng laman at nakapagpapakalam
    ng balat, na sa mahinang loob ay sapat makapagdulot ng isang
    masidhing pagkakilití; kundi doon na unti-unting nawiwili ang
    aking loob sa mga Heberto Spencer at Samanuel Smiles, sa mga Noé
    Porter at Tomas Stanley.

    "At dahil sa ganitong pagbabago ng aking hilig, ay huwag ilalaki ng
    iyong loob na ipalagay at sabihing kong ang aklat mo'y lalo pang
    kapuri-puri kay sa di iisa't dadalawang naghahalaga riyan ng 40
    at 50 sentimos, sa pagka't ang iyo'y nakatutulong sa pagtitipid
    ng panahon ng mga samahan kung sila'y may pinagpupuluñgan,
    samantalang ang mga yao'y pawang mga awit ding mistula ng nakalipas
    na panahon natin, iba ñga lamang ang pañgalan, anyo at bihis;
    dapuwa'y sing-isa ring walang nagagawa kundi ang magparami ng
    mga pañgahas, pilyo, at palalo.

    "Iyan ang mga sanhi, kung kaya't baga man may kulang at di mo
    binuó ang "Tuntunin ng Pulong" na iyong sinulat, ay hinahandugan
    din kita ng isang maligayang bati, na kasabay ng pakikikamay ko'y
    tanggapin mo rito sa tapat, at natatalaga mong kaibigan.


    (May lagda.) "Amado Jacinto."


Ang ikatlong aklat na ipinalimbag ay ang "Agawan ng Dangal" na akda
naman ni Bb. Fausta Cortes. Ang nagpanukala't nagtatag ng mga balitang
"Ilaw at Panitik", "Aklatang Barusog" (mga Samahan ng mga manunulat na
tagalog) at "Hijos del Siglo" na si G. Honorato H. de Lara ay siyang
nagpakilala sa madla kung ano ang "Agawan ng Dangal".

Isang liga ng indoor base ball ang itinanyag naman ng Lupon sa
Pagpapalakas. Ang bituing Concepcion Magallanes ay siyang naghagis
ng unang pukol ng bola. Limang team ang lumaro at ito'y ang "Marte",
"Katubusan", "Sinag Kapuluan", "Makabayan", at "Kami Naman". Ang
"Marte" ang nagtamo ng tanging gantingpala.

Ang Lupon ng mga Bituin ay kalabisan ng sabihin pa kung ano ang
nagawa at ginagawa. Sukat ang ipagtapat na utang sa mga "bituing"
ito, ang lahat ng ikinilos ng "Kami Naman". Paano'y sila ang buhay
at kalulwa ng Samahan.

Patuloy sa magiliw na pagdadamayan ang Lupon sa Damayan.

Nguni't ang Lupon sa Kalakal ay napahimbing. Ang Lupon na ito lamang
ang nagmintis. Gayon ma'y nakapagtayo rin ng tindahan noong Febrero
ng 1913, baga man nabuhay ng may anim na buwan lamang.

Sa mga kasiglahang ito ng mga lupon ng "Kami Naman" ang Samahan ay
palaging nakapagwawasiwas ng watawat ng tagumpay sa lahat ng kanyang
balak. At man sa tuwing bago siyang panukala, ang mga pahayagan ay
nangagsabing «Bagong maningning na dahon na naman ang mapaparagdag
sa hinahangaang kasaysayan ng "Kami Naman".»

At dapat namang dakilain ang "Kami Naman", palibhasa'y isang samahang
nakikipagkapatiran sa lahat, sampu sa mga nagpapakaimbi sa pagpatay
sa kanya. Kung totoo mang may mga kamaliang nagawa ay totoo rin namang
lalong marami ang tumpak na pinangatawanan.

Diyan natapos ang dalawang taong pamamahala ni G. Angel de los Reyes
na nagwagi sa tatlong halalang sunod-sunod sa pagka Pangulo ng Samahan.

¡¡¡Panahon ang humatol sa magiging kapalaran ng mga samahang katulad ng
"Kami Naman"!!!



                                 HANGGA






End of the Project Gutenberg EBook of Agawan ng Dangal, by Fausta Cortes

*** END OF THIS PROJECT GUTENBERG EBOOK AGAWAN NG DANGAL ***

***** This file should be named 42851-8.txt or 42851-8.zip *****
This and all associated files of various formats will be found in:
        http://www.gutenberg.org/4/2/8/5/42851/

Produced by Tamiko I. Rollings, Jeroen Hellingman and the
Online Distributed Proofreading Team at http://www.pgdp.net
(This file was made using scans of public domain works
from the University of Michigan Digital Libraries.)


Updated editions will replace the previous one--the old editions
will be renamed.

Creating the works from public domain print editions means that no
one owns a United States copyright in these works, so the Foundation
(and you!) can copy and distribute it in the United States without
permission and without paying copyright royalties.  Special rules,
set forth in the General Terms of Use part of this license, apply to
copying and distributing Project Gutenberg-tm electronic works to
protect the PROJECT GUTENBERG-tm concept and trademark.  Project
Gutenberg is a registered trademark, and may not be used if you
charge for the eBooks, unless you receive specific permission.  If you
do not charge anything for copies of this eBook, complying with the
rules is very easy.  You may use this eBook for nearly any purpose
such as creation of derivative works, reports, performances and
research.  They may be modified and printed and given away--you may do
practically ANYTHING with public domain eBooks.  Redistribution is
subject to the trademark license, especially commercial
redistribution.



*** START: FULL LICENSE ***

THE FULL PROJECT GUTENBERG LICENSE
PLEASE READ THIS BEFORE YOU DISTRIBUTE OR USE THIS WORK

To protect the Project Gutenberg-tm mission of promoting the free
distribution of electronic works, by using or distributing this work
(or any other work associated in any way with the phrase "Project
Gutenberg"), you agree to comply with all the terms of the Full Project
Gutenberg-tm License available with this file or online at
  www.gutenberg.org/license.


Section 1.  General Terms of Use and Redistributing Project Gutenberg-tm
electronic works

1.A.  By reading or using any part of this Project Gutenberg-tm
electronic work, you indicate that you have read, understand, agree to
and accept all the terms of this license and intellectual property
(trademark/copyright) agreement.  If you do not agree to abide by all
the terms of this agreement, you must cease using and return or destroy
all copies of Project Gutenberg-tm electronic works in your possession.
If you paid a fee for obtaining a copy of or access to a Project
Gutenberg-tm electronic work and you do not agree to be bound by the
terms of this agreement, you may obtain a refund from the person or
entity to whom you paid the fee as set forth in paragraph 1.E.8.

1.B.  "Project Gutenberg" is a registered trademark.  It may only be
used on or associated in any way with an electronic work by people who
agree to be bound by the terms of this agreement.  There are a few
things that you can do with most Project Gutenberg-tm electronic works
even without complying with the full terms of this agreement.  See
paragraph 1.C below.  There are a lot of things you can do with Project
Gutenberg-tm electronic works if you follow the terms of this agreement
and help preserve free future access to Project Gutenberg-tm electronic
works.  See paragraph 1.E below.

1.C.  The Project Gutenberg Literary Archive Foundation ("the Foundation"
or PGLAF), owns a compilation copyright in the collection of Project
Gutenberg-tm electronic works.  Nearly all the individual works in the
collection are in the public domain in the United States.  If an
individual work is in the public domain in the United States and you are
located in the United States, we do not claim a right to prevent you from
copying, distributing, performing, displaying or creating derivative
works based on the work as long as all references to Project Gutenberg
are removed.  Of course, we hope that you will support the Project
Gutenberg-tm mission of promoting free access to electronic works by
freely sharing Project Gutenberg-tm works in compliance with the terms of
this agreement for keeping the Project Gutenberg-tm name associated with
the work.  You can easily comply with the terms of this agreement by
keeping this work in the same format with its attached full Project
Gutenberg-tm License when you share it without charge with others.

1.D.  The copyright laws of the place where you are located also govern
what you can do with this work.  Copyright laws in most countries are in
a constant state of change.  If you are outside the United States, check
the laws of your country in addition to the terms of this agreement
before downloading, copying, displaying, performing, distributing or
creating derivative works based on this work or any other Project
Gutenberg-tm work.  The Foundation makes no representations concerning
the copyright status of any work in any country outside the United
States.

1.E.  Unless you have removed all references to Project Gutenberg:

1.E.1.  The following sentence, with active links to, or other immediate
access to, the full Project Gutenberg-tm License must appear prominently
whenever any copy of a Project Gutenberg-tm work (any work on which the
phrase "Project Gutenberg" appears, or with which the phrase "Project
Gutenberg" is associated) is accessed, displayed, performed, viewed,
copied or distributed:

This eBook is for the use of anyone anywhere at no cost and with
almost no restrictions whatsoever.  You may copy it, give it away or
re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included
with this eBook or online at www.gutenberg.org

1.E.2.  If an individual Project Gutenberg-tm electronic work is derived
from the public domain (does not contain a notice indicating that it is
posted with permission of the copyright holder), the work can be copied
and distributed to anyone in the United States without paying any fees
or charges.  If you are redistributing or providing access to a work
with the phrase "Project Gutenberg" associated with or appearing on the
work, you must comply either with the requirements of paragraphs 1.E.1
through 1.E.7 or obtain permission for the use of the work and the
Project Gutenberg-tm trademark as set forth in paragraphs 1.E.8 or
1.E.9.

1.E.3.  If an individual Project Gutenberg-tm electronic work is posted
with the permission of the copyright holder, your use and distribution
must comply with both paragraphs 1.E.1 through 1.E.7 and any additional
terms imposed by the copyright holder.  Additional terms will be linked
to the Project Gutenberg-tm License for all works posted with the
permission of the copyright holder found at the beginning of this work.

1.E.4.  Do not unlink or detach or remove the full Project Gutenberg-tm
License terms from this work, or any files containing a part of this
work or any other work associated with Project Gutenberg-tm.

1.E.5.  Do not copy, display, perform, distribute or redistribute this
electronic work, or any part of this electronic work, without
prominently displaying the sentence set forth in paragraph 1.E.1 with
active links or immediate access to the full terms of the Project
Gutenberg-tm License.

1.E.6.  You may convert to and distribute this work in any binary,
compressed, marked up, nonproprietary or proprietary form, including any
word processing or hypertext form.  However, if you provide access to or
distribute copies of a Project Gutenberg-tm work in a format other than
"Plain Vanilla ASCII" or other format used in the official version
posted on the official Project Gutenberg-tm web site (www.gutenberg.org),
you must, at no additional cost, fee or expense to the user, provide a
copy, a means of exporting a copy, or a means of obtaining a copy upon
request, of the work in its original "Plain Vanilla ASCII" or other
form.  Any alternate format must include the full Project Gutenberg-tm
License as specified in paragraph 1.E.1.

1.E.7.  Do not charge a fee for access to, viewing, displaying,
performing, copying or distributing any Project Gutenberg-tm works
unless you comply with paragraph 1.E.8 or 1.E.9.

1.E.8.  You may charge a reasonable fee for copies of or providing
access to or distributing Project Gutenberg-tm electronic works provided
that

- You pay a royalty fee of 20% of the gross profits you derive from
     the use of Project Gutenberg-tm works calculated using the method
     you already use to calculate your applicable taxes.  The fee is
     owed to the owner of the Project Gutenberg-tm trademark, but he
     has agreed to donate royalties under this paragraph to the
     Project Gutenberg Literary Archive Foundation.  Royalty payments
     must be paid within 60 days following each date on which you
     prepare (or are legally required to prepare) your periodic tax
     returns.  Royalty payments should be clearly marked as such and
     sent to the Project Gutenberg Literary Archive Foundation at the
     address specified in Section 4, "Information about donations to
     the Project Gutenberg Literary Archive Foundation."

- You provide a full refund of any money paid by a user who notifies
     you in writing (or by e-mail) within 30 days of receipt that s/he
     does not agree to the terms of the full Project Gutenberg-tm
     License.  You must require such a user to return or
     destroy all copies of the works possessed in a physical medium
     and discontinue all use of and all access to other copies of
     Project Gutenberg-tm works.

- You provide, in accordance with paragraph 1.F.3, a full refund of any
     money paid for a work or a replacement copy, if a defect in the
     electronic work is discovered and reported to you within 90 days
     of receipt of the work.

- You comply with all other terms of this agreement for free
     distribution of Project Gutenberg-tm works.

1.E.9.  If you wish to charge a fee or distribute a Project Gutenberg-tm
electronic work or group of works on different terms than are set
forth in this agreement, you must obtain permission in writing from
both the Project Gutenberg Literary Archive Foundation and Michael
Hart, the owner of the Project Gutenberg-tm trademark.  Contact the
Foundation as set forth in Section 3 below.

1.F.

1.F.1.  Project Gutenberg volunteers and employees expend considerable
effort to identify, do copyright research on, transcribe and proofread
public domain works in creating the Project Gutenberg-tm
collection.  Despite these efforts, Project Gutenberg-tm electronic
works, and the medium on which they may be stored, may contain
"Defects," such as, but not limited to, incomplete, inaccurate or
corrupt data, transcription errors, a copyright or other intellectual
property infringement, a defective or damaged disk or other medium, a
computer virus, or computer codes that damage or cannot be read by
your equipment.

1.F.2.  LIMITED WARRANTY, DISCLAIMER OF DAMAGES - Except for the "Right
of Replacement or Refund" described in paragraph 1.F.3, the Project
Gutenberg Literary Archive Foundation, the owner of the Project
Gutenberg-tm trademark, and any other party distributing a Project
Gutenberg-tm electronic work under this agreement, disclaim all
liability to you for damages, costs and expenses, including legal
fees.  YOU AGREE THAT YOU HAVE NO REMEDIES FOR NEGLIGENCE, STRICT
LIABILITY, BREACH OF WARRANTY OR BREACH OF CONTRACT EXCEPT THOSE
PROVIDED IN PARAGRAPH 1.F.3.  YOU AGREE THAT THE FOUNDATION, THE
TRADEMARK OWNER, AND ANY DISTRIBUTOR UNDER THIS AGREEMENT WILL NOT BE
LIABLE TO YOU FOR ACTUAL, DIRECT, INDIRECT, CONSEQUENTIAL, PUNITIVE OR
INCIDENTAL DAMAGES EVEN IF YOU GIVE NOTICE OF THE POSSIBILITY OF SUCH
DAMAGE.

1.F.3.  LIMITED RIGHT OF REPLACEMENT OR REFUND - If you discover a
defect in this electronic work within 90 days of receiving it, you can
receive a refund of the money (if any) you paid for it by sending a
written explanation to the person you received the work from.  If you
received the work on a physical medium, you must return the medium with
your written explanation.  The person or entity that provided you with
the defective work may elect to provide a replacement copy in lieu of a
refund.  If you received the work electronically, the person or entity
providing it to you may choose to give you a second opportunity to
receive the work electronically in lieu of a refund.  If the second copy
is also defective, you may demand a refund in writing without further
opportunities to fix the problem.

1.F.4.  Except for the limited right of replacement or refund set forth
in paragraph 1.F.3, this work is provided to you 'AS-IS', WITH NO OTHER
WARRANTIES OF ANY KIND, EXPRESS OR IMPLIED, INCLUDING BUT NOT LIMITED TO
WARRANTIES OF MERCHANTABILITY OR FITNESS FOR ANY PURPOSE.

1.F.5.  Some states do not allow disclaimers of certain implied
warranties or the exclusion or limitation of certain types of damages.
If any disclaimer or limitation set forth in this agreement violates the
law of the state applicable to this agreement, the agreement shall be
interpreted to make the maximum disclaimer or limitation permitted by
the applicable state law.  The invalidity or unenforceability of any
provision of this agreement shall not void the remaining provisions.

1.F.6.  INDEMNITY - You agree to indemnify and hold the Foundation, the
trademark owner, any agent or employee of the Foundation, anyone
providing copies of Project Gutenberg-tm electronic works in accordance
with this agreement, and any volunteers associated with the production,
promotion and distribution of Project Gutenberg-tm electronic works,
harmless from all liability, costs and expenses, including legal fees,
that arise directly or indirectly from any of the following which you do
or cause to occur: (a) distribution of this or any Project Gutenberg-tm
work, (b) alteration, modification, or additions or deletions to any
Project Gutenberg-tm work, and (c) any Defect you cause.


Section  2.  Information about the Mission of Project Gutenberg-tm

Project Gutenberg-tm is synonymous with the free distribution of
electronic works in formats readable by the widest variety of computers
including obsolete, old, middle-aged and new computers.  It exists
because of the efforts of hundreds of volunteers and donations from
people in all walks of life.

Volunteers and financial support to provide volunteers with the
assistance they need are critical to reaching Project Gutenberg-tm's
goals and ensuring that the Project Gutenberg-tm collection will
remain freely available for generations to come.  In 2001, the Project
Gutenberg Literary Archive Foundation was created to provide a secure
and permanent future for Project Gutenberg-tm and future generations.
To learn more about the Project Gutenberg Literary Archive Foundation
and how your efforts and donations can help, see Sections 3 and 4
and the Foundation information page at www.gutenberg.org


Section 3.  Information about the Project Gutenberg Literary Archive
Foundation

The Project Gutenberg Literary Archive Foundation is a non profit
501(c)(3) educational corporation organized under the laws of the
state of Mississippi and granted tax exempt status by the Internal
Revenue Service.  The Foundation's EIN or federal tax identification
number is 64-6221541.  Contributions to the Project Gutenberg
Literary Archive Foundation are tax deductible to the full extent
permitted by U.S. federal laws and your state's laws.

The Foundation's principal office is located at 4557 Melan Dr. S.
Fairbanks, AK, 99712., but its volunteers and employees are scattered
throughout numerous locations.  Its business office is located at 809
North 1500 West, Salt Lake City, UT 84116, (801) 596-1887.  Email
contact links and up to date contact information can be found at the
Foundation's web site and official page at www.gutenberg.org/contact

For additional contact information:
     Dr. Gregory B. Newby
     Chief Executive and Director
     [email protected]

Section 4.  Information about Donations to the Project Gutenberg
Literary Archive Foundation

Project Gutenberg-tm depends upon and cannot survive without wide
spread public support and donations to carry out its mission of
increasing the number of public domain and licensed works that can be
freely distributed in machine readable form accessible by the widest
array of equipment including outdated equipment.  Many small donations
($1 to $5,000) are particularly important to maintaining tax exempt
status with the IRS.

The Foundation is committed to complying with the laws regulating
charities and charitable donations in all 50 states of the United
States.  Compliance requirements are not uniform and it takes a
considerable effort, much paperwork and many fees to meet and keep up
with these requirements.  We do not solicit donations in locations
where we have not received written confirmation of compliance.  To
SEND DONATIONS or determine the status of compliance for any
particular state visit www.gutenberg.org/donate

While we cannot and do not solicit contributions from states where we
have not met the solicitation requirements, we know of no prohibition
against accepting unsolicited donations from donors in such states who
approach us with offers to donate.

International donations are gratefully accepted, but we cannot make
any statements concerning tax treatment of donations received from
outside the United States.  U.S. laws alone swamp our small staff.

Please check the Project Gutenberg Web pages for current donation
methods and addresses.  Donations are accepted in a number of other
ways including checks, online payments and credit card donations.
To donate, please visit:  www.gutenberg.org/donate


Section 5.  General Information About Project Gutenberg-tm electronic
works.

Professor Michael S. Hart was the originator of the Project Gutenberg-tm
concept of a library of electronic works that could be freely shared
with anyone.  For forty years, he produced and distributed Project
Gutenberg-tm eBooks with only a loose network of volunteer support.

Project Gutenberg-tm eBooks are often created from several printed
editions, all of which are confirmed as Public Domain in the U.S.
unless a copyright notice is included.  Thus, we do not necessarily
keep eBooks in compliance with any particular paper edition.

Most people start at our Web site which has the main PG search facility:

     www.gutenberg.org

This Web site includes information about Project Gutenberg-tm,
including how to make donations to the Project Gutenberg Literary
Archive Foundation, how to help produce our new eBooks, and how to
subscribe to our email newsletter to hear about new eBooks.