Ang Mestisa. Ikalawang Bahagi (Second Volume)

By Engracio L. Valmonte

The Project Gutenberg EBook of Ang Mestisa, by Engracio Valmonte

This eBook is for the use of anyone anywhere at no cost and with
almost no restrictions whatsoever.  You may copy it, give it away or
re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included
with this eBook or online at www.gutenberg.org


Title: Ang Mestisa
       Ikalawang Bahagi (Second Volume)

Author: Engracio Valmonte

Release Date: October 17, 2004 [EBook #13773]

Language: Tagalog


*** START OF THIS PROJECT GUTENBERG EBOOK ANG MESTISA ***




Produced by Tamiko I. Camacho and PG Distributed Proofreaders.
Produced from page scans provided by University of Michigan.





[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is
marked as ~g.]

[Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa
upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon
ay hindi na ginagamit.]



=ANG MESTISA=

=Mga iba pang Aklat ni E.L. Valmonte=

=ILAW NG KATOTOHANAN= (Unang bahagi) Aklat na naghahatid n~g
liwanag sa isip at umaakay sa kaluluwa sa landas n~g tapat na
pagkakilala sa Diwa at Buhay n~g Sangmaliwanag. Kahinahinayang na di
mabasa. P0.80 ang bawa't sipi.


=Tinatapos sa Limbagan=:

"=Ang Mestisa=" (Unang Bahagi) Ikalawang pagpapalimbag.

"=Mga Inang Walang Anak="

"=Lupit ng Tadhana="

"=Ilaw ng Katotohanan="
(Pan~galawang bahagi)



=NOBELA

ANG MESTISA
(Ikalawang Bahagi)

KATHA NI

ENGRACIO L. VALMONTE
"Kasapi sa Aklatang Bayan"

Unang Pagkapalimbag

Hunio, 1920=

IMP. ILAGAN Y CIA. 775 Juan Luna, Tundo, Maynila Telépono 8836


=Handog=

_Sa karapatdapat na Pan~gulo n~g Aklatang Bayan na si G. Precioso
Palma._

=Ang Maykatha=




XV

¿MAPALAD KAYA SI TIRSO?


"Kahi't saang tumatahip na lupa ako maparoo'y hintayin mo ang sulat
ko, bago ka lumiham sa akin."

Ang hindi pagkakaroon n~g katuparan n~g ganyang pan~gakong iniwan ni
Teang kay Tirso ay di sasalang lumilikha na n~g kabalisahan sa
kalooban n~g makatang ito, pagkatapos na magdaang sunodsunod ang ilang
araw sa gitna n~g kanyang mainip na paghihintay. Nang gabing marinig
niya ang ganyang mahigpit na pan~gako sa bibig n~g kanyang kasi, ay di
niya inakalang pakatatagal na n~g gayon n~g hindi siya tatanggap n~g
sulat, palibhasa, kung totoong sa Nueba Esiha lamang ang uwi, ay di
naman kalayuang gaano ang nasabing lalawigan upang mabilan~gan n~g
maraming araw ang lakad n~g koreo hanggang Maynila. N~guni't n~gayong
panay na "wala po" ang isinasagot sa kanya n~g tagadalang-sulat kailan
pa ma't ito'y kanyang abatan sa pagdating at pagtanun~gan n~g bagay na
inaantabayanan, ayawayaw man niyang maghinala ay hindi rin siya
makalaban sa sarisaring bintang na naguumukilkil sa kanyang ulo.

Kung minsan ay malarawan sa kanyang panimdim ang di bagong pangyayari
na pagkakapariwara n~g matimyas na pagasa n~g isang lalaking paris
niya na mapalayo sa kinaroroonan n~g kanyang giliw. Ang dalaga at ang
binata, bago magtalikod sa isang pahimakas na paguulayaw, ay
nagsusumpaang sinoman sa kanila ay di magmamaliw, mananatili kapwa sa
kawagasan at pagtatapat hanggang sa huling tibok n~g puso. Ang lalaki
ay maiiwang buongbuo ang pagasa sa pan~gako n~g babae: magtataman sa
pagaaral, lilimutin ang pagbubulagsak, magbabawas n~g nilibotlibot at
pagaaksaya n~g panahon, sa paguupanding pagdating n~g tipanan,
pagkatapos n~g pagaaral ay lalo siyang magiging karapatdapat sa mata't
pagmamahal n~g kanyang liyag. Datapwa't ang babae, na kapatid n~g
kahinaang loob at hinlog n~g pagkasalawahan, ay madaling nagmamaliw,
lumilimot sa pan~gako at kumikita n~g bagong ligaya sa lilim n~g
pakikipagsuyuan sa iba. ¡Oh, gaanong pagasa n~g lalaki ang nalibing sa
laot n~g kapariwaraan, sanhi sa ganyang pagkakabilanin n~g di iilang
babae!...

At, si Teang at si Tirso ay naging isang dalaga ri't isang binatang
nagsumpaan na walang maglililo ni magmamaliw bago naghiwalay. Tulad sa
karaniwang nangyayari, si Tirso ay naiwan ding walang tan~ging kasama
sa tanang sandali kundi ang walang pasubaling pananalig sa kadalisayan
n~g budhi at matibay na panghahawak sa kadakilaan n~g pan~gun~gusap ni
Teang. Subali't ... ¿nasaan ang katuparan n~g pan~gakong iniwan sa
kanya n~g babaeng ito? ¿Bakit walang sulat? ¿Siya kaya,--si Tirso,--ay
magiging isa rin diyan sa m~ga lalaking nawalatan n~g dibdib at
nalurayan n~g puso sa ulos n~g balaraw na walang pan~gigiming
itinatarak n~g babae? ¿At si Teang kaya naman ay isa pa ring babaeng
katulad n~g di iilang kabaro niya na humahalakhak lamang sa harap n~g
bangkay n~g m~ga pusong kanilang pinaglalaruan?...

--¡Oh! Hindi naman magkakagayon marahil ...--ang nawiwika n~g
naninimdim na makata, kung dumarating sa dakong ito ang kanyang
pagninilaynilay.

At ang pinakatubig na pangpatay sa siklab n~g masusun~git na hinala,
ay ang ganitong kanya ring nawiwika:

--Kaipala'y hindi lamang siya magkapanahon sa higpit n~g
pan~gan~galaga n~g kanyang ina.

Kung nababanggit namang ganito ang ina ni Teang, ay kasunod nang agad
na magugunita ang ibinalitang pagayaw sa kanya n~g matandang; iyon
dahil sa kanyang pagkamason. Ang kanyang pagkamason ay bikig na
humahalang sa lalamunan n~g naturang matandang nabubulagan n~g
pananampalataya't nahihibuan n~g m~ga tagapan~galaga n~g kadiliman,
kaya't kailan man ay hindi n~ga yata makatutuloy na maluwag sa loob
ang kanyang malinis na pakay. At dito siya untiunting nahihila n~g
pagaakalang marahil ang babaeng pinagsisimpanan niya n~g lahat ay
nagbabago na n~ga n~g loob at tumataliwakas sa kanilang salitaan.
Subali't ang salitaan naman nila ay di na isang salitaan lamang na
maaari pang talimuwan~gin kung ibig: yao'y isa nang sumpang hindi
mababawi, isang pagkakabuhol n~g palad na di na muling makakalag.
¡Diyata't ang kapangyarihan n~g magulang ay makapanghihinaig pa't
makawawalang halaga sa sinumpaan ni Teang na pakikiisang palad sa
kanya?

Dito ay di na maitugon ni Tirso ang hindi ikapangyayari n~g ganyang
hinuha. Nalalaman niyang sa salitaang kinasasangkutan n~g isang
magulang at isang asawa, ang una ang dapat pahalagaha't kilalanin,
kasakdalang itong huli ay maduhagi at mapawakawak. Isang kawikaang
kagalanggalang ang nagsasabing "sampu mang asawa ay makikita kung
mawala, datapwa't hindi ang isang magulang." Nakilala ni Tirso si
Teang na isang anak na may likas na pagkamagalan~gin sa kalooba't
pasya n~g magulang saka nagtataglay pa n~g isang pananampalatayang di
kuno'y nasusumang sa ganang kanya. ¿Maliwanag pa kayang hinagapin, sa
gayong paghihintay na walang napapala kundi pagkabigo, na ang
pagkakaibang iyan n~g kanilang pananampalataya, na siyang nasasabing
sanhi n~g pagayaw n~g ina, ay siya rin namang maging dahil n~g di
pagdating n~g sulat na pinakahihintay?

Singkad na isang linggo ang nagdaang kay Tirso ay walang iniiwan kundi
ang m~ga bakas n~g kalumbayang halos ikasaid n~g kanyang paniniwala sa
kabanalan n~g kaluluwa n~g babaeng pinaguukulan niya n~g boong
pagirog.

Samantala, ang nangyaring pagkakabawi sa kolehio kay Teang, saka ang
hindi pagkaganap n~g pan~gako ni Tirsong paglalathala sa pahayagan n~g
larawan n~g marilag na babaeng iyan na nagtagumpay sa timpalak ay
hindi sa nabanggit na makata lamang nakababahala kundi gayon din sa
m~ga manunulat sa pahayagang pinagtagumpayan, saka sa di iilang
kaibigang tumangkilik sa natukoy na kandidata.

Sa tanggapan n~g m~ga tagapan~gasiwa n~g karnabal sa Luneta ay
nan~gahahanay na n~g boong ayos ang nagpapan~gagaw sa gandang m~ga
larawan n~g m~ga kandidatang nan~gagsipagwagi sa timpalak n~g isa't
isang pahayagan, bukod-tan~ging hindi mahan~gaan n~g balanang
nagsasadya roon ang larawan n~ga ni Teang.

Nang araw na iyon, tanghali n~g ika 31 n~g Disyembre. huling araw n~g
nanghihimakas na taong 1915, at samantalang si Tirso'y walang kibong
nakapan~galumbaba sa isa sa m~ga bukas na durun~gawan n~g kanyang
tahanan, ay natanaw niyang papalapit ang ilang lalaking malayolayo
pa'y nagtaastaas na n~g kamay at humuhudyat sa kanya. At kanyang
nakilala na ang m~ga dumarating ay ilang kaibigang kawal n~g panulat,
ilang kasamahan sa laran~gan n~g Panitikang Tagalog.

--¡Panhik kayo, m~ga kasama!--isinalubong ni Tirso sa nagsisirating.

--¿May aginaldo bang nakahanda?--agad itinanong buhat sa lupa n~g
isang singliit ni Paguia.

--Kahi't wala ay mayroon din ...--pan~giting naitugon n~g maybahay na
makata.

--¡Huwag kang magbiro't sadyang totohanan itong lakad namin!--anang
isa namang singlaki ni Sochong.

At noon di'y sabaysabay ang nagsirating na umakyat sa hagdanan.
Matulin namang sinalubong ni Tirso.

At ... ¡sabihin pa! Ang m~ga manunulat, na kung sabihin n~g iba'y m~ga
hibang, ulol, sinun~galing, nguni't ang totoo'y "nakapagguguho n~g
kahakaharian at nakapagbaban~gon n~g sangbasangbayanan", wika n~ga n~g
isang guro, kung magkasamasama't magpalagayan ay talo pa iyang tunay
na magkapatid na ipinan~ganak n~g iisang ina. Sa kanila, ay wala
niyang pagtutumpik. Bawa't salitang gamiti'y kataga n~g katapatang
loob, bigkas n~g kaisang damdamin, pahayag n~g panibulos na
pagtitiwala. Kaya't sa paguusap nilang yaon ay pawang n~giti n~g saya
at sigla n~g pagbibiro ang naghari sa lahat.

--Silveira,--ang pagkapanhik n~g lahat ay sinabi n~g nakasalaming
kamukha ni Tirso,--Bagong Taon bukas, at sukat nang mahulaan mo ang
bagay na aming ipinagsadya ngayon dito. ¿Ano ang aginaldo namin?

--¡Bukas pa pala naman ang Bagong Taon, eh, n~gayon pa'y aginaldo na
ang inyong itinatanong!--ipinakling natatawa n~g tinukoy.

--Higit sa panghihin~gi n~g aginaldo, ang ipinarito nami'y isang
paninin~gil,--isinambot naman n~g isang singtaba ni Kando.

--¡Magbayad ang may utang!--isinusog pa n~g malakas tatawang kaboses
ni Sauro.

--¡Sa ako'y walang utang na dapat pagbayaran!--ang tugon n~g makata.

--¿Wala? ¿Nasaan ang larawan n~g ating reyna Dorotea?--ang tanong pang
tila nanunumbat n~g mataba.

--¡Ah! ...--ang nasambit na lamang ni Tirso.

--¡Eh! ...--ang tudyo n~g isa.

--¡Ih! ...--ang katlo n~g isa pa.

--¡Oh! ...-ang habol pa rin n~g isa.

--¡Uh! ...--isinusog naman n~g iba.

At ang malakas na tawana'y nagsumikip sa loob n~g bahay.

--¿Nahan ang pan~gako mong larawan?--ang halos panabay pang iniusisa
n~g m~ga panauhin paghulaw n~g tawanan.

Biglang nagtago ang m~ga badha n~g n~giting nagsipanun~gaw sa m~ga
labi n~g makata. At nakapagpanumbalik n~g lungkot sa diwa niya ang
gayong binanggit at ipinagkatawanan pa n~g kanyang m~ga kaharap. ¡Oh,
kung natatalos lamang n~g langkay na yaon n~g m~ga palabiro ang bagay
na nagpapaulap sa kanyang gunamgunam!

--M~ga kasama,--ang itinugon ni Tirsong walang kan~gitin~giti,--tila
sa bagay na iya'y talagang masisira ako, n~guni't ... hindi ako ang
maysala.

--¡Magpapakasira, saka maghihinaw!...

--¡Talagang sinun~galing na makata!

--¡Saka maramot!

--¡At manunuba pa!

--¡Palibhasa'y hindi ninyo nalalaman ang nangyayari!--ang tan~ging
naipakli ni Tirso.

--¿At talaga bang may "nangyayari" na? ¡Kaya pala!...

--¡Ha-ha-ha-ha!

Wala; anhin mang timban~gin ni Tirso ay hindi makagigitaw at lulunurin
lamang sa biro ang anomang paliwanag na ipahiwatig niya sa harap n~g
kawang yaon n~g m~ga may kato sa katawan. Mahan~ga'y magsawalang kibo
na lamang....

Nasa sandaling iyon n~g pagkatila hinahalong binusa ang m~ga panauhin
n~g makata,--na, mayroong bumubuklat sa m~ga dahong sariwa n~g kanyang
kalupi, kaluping kinatitipunan n~g sarisaring hiyas at kayamanan n~g
tulang tagalog, mayroong naghahamon n~g ahedres, domino at dama, saka
mayroon pang nagaagawan sa paghanap n~g larawan ni Teang sa makapal na
_album_ na inabutang nasa ibabaw n~g sulatan--nang walang anoano'y
nakarinig sila n~g m~ga kaluskus n~g isang sasakyang biglang tumigil
sa tapat n~g bahay.

Ang lahat ay dumun~gaw. Datapwa't nakita nilang ang tinurang sasakya'y
muling lumalakad at papalayo na, na kinalululanan n~g isang babaeng
nagtatago n~g mukha't ayaw manding pakilala.

--¿Sino iyon?--ang naging tanun~gan n~g isa't isa,--¡Ah, marahil siya
ang ating reyna Dorotea!

At noon din ay may narinig naman silang kumakatok na tao sa pinto sa
lupa.

At nang kanilang dunghali'y natunghan ang isang babaeng anyong alila
na may bitbit sa kamay na isang magandang buslo n~g m~ga bulaklak. Ang
mukha n~g babaeng iyon ay dating kilala ni Tirso, kaya't oras na
makita'y dagli siyang nanaog na sumalubong. Ang m~ga pilyong panauhin
naman ay di na nakapaghintay: nagpanakbuhan pang nan~gagsipanaog din,
sa paglulunggating agad na matalos ang ibig; sabihin n~g gayong
biyayang balot n~g hiwaga.

N~guni't ang babaeng nagabot ay di na nila nakita. At maliksing umalis
oras na maisakamay ni Tirso ang isang liham na nasa munting sobre,
saka ang buslong yaon n~g bulaklak na pinagkaguluhan n~g m~ga katoto
n~g naturang makata.

--¡Makatang mapalad!--ang bulalas n~g lahat, pagkamalas sa gayong
handog na kapagkaraka'y sinapantaha nang padala n~g magandang si
Teang.

At sa boong kapalagayang loob at malaking pananabik na tila may lakip
pang lihim na pananaghili, ay pinakasiyasat ang boong kayarian n~g
bagay na yaong likhang di sasala n~g m~ga kahan~gahan~gang kamay n~g
isang tunay na alagad n~g arte.

--¡Pagkagandaganda!--ang wika na namang namutawi sa bibig n~g
tanan--¡Singganda n~g puso n~g babaeng nagbigay!

At si Tirso, na pinaghaharian n~g ilang lihim na paghahaka, ay di
makahuma.

¡Talagang maganda nga't kalugodlugod ang handog na iyon! Isang munting
pangnan na yari sa panay na bulaklak, m~ga saglitsaglít na bulaklak
n~g m~ga sariwa't nagbaban~guhang bioleta, pitimini, klabel, tsampaka,
kampupot, ilangilang, rosas-de-pasion, alehandria, kamuning at kung
anoano pang hiyas n~g m~ga halamanan sa Singgalong; na binagayan n~g
man~gilann~gilang dahon n~g papwa, malba-rosa, at m~ga baging n~g
kadena-de-amor; na walang tan~ging laman kundi isang kalapating
singputi n~g gatas, na sa kanyang makinis na tuka'y taglay ang isang
munting tarhetang may ginintuang titik.

Ang tarhetang ito'y pinagsambilatan n~g m~ga kaibigan ni Tirso,
palibhasa ay hinuhulaang dito nahahabilin ang boong hiwaga n~g handog
na yaon.

At sa isang daan n~g mata'y ganito ang nabasa n~g lahat:


     _Sa karangalan n~g makatang kapatid n~g m~ga salamisim kay Tirso
     Silveira: alangalang sa kadakilaan ng Bagong Taon. Kalakip ang
     pusong nagtatangi ni

     ELSA BALBOA 12-31-15_


Gayon na lamang ang pagkakain~gay n~g di magkamayaw na m~ga kaibigan
ni Tirso sa harap n~g handog na yaong nakapananaghili. Mula sa silong
hanggang sa bahay, ang panunukso'y siya na lamang inaatupag.

--¡Sadyang kung sa taas n~g kapalara'y wala tayong ikaaabot kay
Silveira!--ang wika n~g pandak.

--¡Tatawagin pa ba namang "mapagwaging makata," kung hindi talagang
karapatdapat sa ganyang palayaw!--ang agaw naman n~g tila higante sa
taas at laki.

--¡Mabuhay ang mapalad! ¡Mabuhay ang mapagwagi!--ang katlo pa n~g
nakasalamin.

--"¡Mamatay!" at hindi "¡mabuhay!" ang isisigaw ko, kapag ako'y hindi
ipinakilala ni Silveira sa masintahing iyan na si Elsa Balboa,
--isinabad pa rin n~g malakas tatawa.--¡Ay Elsa! ... ¡Ay,
Balboa!...

-¿Di mo ba nakikilala ang Elsang iyan?--ang halos magkatiyap na tanong
sa nagsalita n~g kanyang m~ga kasamahan.--¡_Atrasado_ ka rin
pala!--idinugtong pa.

--¿Sino n~ga ba ang babaeng ito?

--¡Walang iba kundi ang mestisang kaluluwa at buhay n~g m~ga sayawan
dito't n~g alinmang malalaking piging at pagtatao!

--¡Ah! ¿Ang mestisang nakita kong minsan sa lamayan n~g "Aklatang
Bayan"? ¡_Balu ku na ketang misterio_!

Subali't ang m~ga patilanduya'y hindi humangga sa pagkabatid na si
Elsa Balboa ang nagukol n~g magandang handog na iyon kay Tirso
Silveira. Lalong nagdulot n~g malaking alin~gasn~gas na hindi matimpi
ang pagkatalos na ang pagkamakata ni Tirso ay naglalayag pala sa
dalawang bangka, naliligo sa dalawang batis ... Kahapo'y isang Dorotea
Iris daw ang ipinakitunggaling kandidata sa isang pahayagan; n~gayo'y
isang kaakitakit na mestisa naman ang may kalapati't bulaklak na
iniaalay. ¡Katan~gian n~g makatang labis na nakatawag sa pananaghili
n~g m~ga lalaking may malilikot ding isip!

At si Tirso, na di naninibago sa gayong kilos at palagay n~g taga
kamanunulat niya, ay gumamit noon n~g lubos na paglilihim. At sa
tulong n~g kanyang maayos na pakikiagpang sa m~ga kaharap, ay nagawa
niyang ibaling sa iba't ibang bagay ang kanilang salitaan, hanggang sa
nang lisanin siya n~g m~ga pilyong yaong kung sa kilos lamang
hahatula'y mawiwikang hindi makagagawa n~g anoman, ay di na
napagukulan n~g kahi't isang kataga, ang sinoman kay Teang at sa
mestisang kay Elsa.

Pagkapanaog n~g m~ga panauhi'y saka lamang inilabas na binasa ni Tirso
ang kalatas na ibinigay na lihim sa kanya n~g alila n~g kaibigang
mestisa. At ganito ang natunghayan:


     TIRSO:

     Ibig mo bang makatanggap ng ilang balitang mahalaga ukol sa iyong
     kasaysayan? Kung gayon, ay hinihintay kitang magpapaunlak na
     makisalo sa akin mamayang gabi,--yamang gabi rin lamang ito ng
     mga pagpupuyat,--at sa pagsasalo nati'y saka ko ibabalita sa iyo
     ang ilang bagay na totoong kanaisnais na iyong matalastas
     hangga't may panahon.

     Pagkakai'y magpapasyal pa tayo sa Escolta, at manonood sandali ng
     sayawan sa Plaza Moraga, bago pagkatapos ay dadalo tayo sa
     Pandakan sa isang di karaniwang piging na ipinagaanyaya ng isang
     tagaroong matalik na kaibigan ng aking kapatid.

     Kapag hindi ka dumating, ay ituring mong nabigo na naman ang isa
     sa mga ninanasa nitong "kapatid" mong walang itinatangi sa ubod
     ng kanyang puso kundi isa....

     Naghihintay,

     ELSA.

     Habol--Tanggapin mo sa maydala nito ang isang "maralitang handog"
     ...--AKO RIN.


Isang kibit lamang n~g balikat ang ginawa ni Tirso pagkatalos sa
laman n~g sulat, saka pan~giting nasabi ang ganitong m~ga kataga:

--¿May katuwiran na n~ga kaya akong magturing sa sarili na mapalad na,
dahil sa ganitong buhay na tinatawid ko?...




XVI

"¡KAY GANDA MO, ELSA!"


Kung may hilig sa pagsusuri sa taglay na kahulugan n~g bawa't bagay na
nangyayari ang makasusubaybay sa lakad n~g katan~gitan~ging buhay ni
Elsa, ay sukat nang mapaghalata ang isang katotohanan na bawa't gawi,
kilos at pan~gu~gusap n~g matalinong mestisa ay dili ang hindi
nasasalig sa alinman sa m~ga sadya niyang layon at lihim na han~garin.
Kaya, kung isasagunita ang pangyayaring ikinatuwa niya n~g gayon na
lamang ang balitang galing sa "malaking kababalaghang ipinaghimala n~g
_martir_ na si pari Casio sa bahay ni donya Basilia", ay kaagad
matatanggap na isa m~ga talagang dapat niyang gawin ang kanyang
ginawang pagaanyaya kay Tirso na siyang makaabay niya sa pagdalo sa
Pandakan upang makipaglamay sa isang malaking piging at isang
magdamagang sayawang ipasasalubong sa manigong pasok n~g pumipintong
Bagong Taon.

Minarapat n~ga n~g mestisa na ang makatang sa palagay niya'y
nagbabagong loob sa kanya ay siya niyang makasama sa pagsasadya sa
Pandakan, upang sa gayon ay magkaroon siya n~g pagkakataon na mailipat
sa kabatiran n~g tinukoy na makata ang balitang kanyang natanggap
tungkol sa nangyari sa San Lazaro.

At, binubuko pa lamang sa isip ang ganitong balak ay malunodlunod na
ang puso sa di masayod na kagalakan. Para na niyang natatanaw, kahi't
malayolayo pa, ang mabuting magiging wakas n~g kanyang m~ga gagawin.

--Inaasahan kong hindi ipagwawalang bahala ni Tirso ang aking
sulat,--ang naibulong sa sarili sa gitna n~g kanyang pagmumuni.--Kapag
nabigo pa naman ako sa pagkakataong ito'y talaga na lamang na sa
kasawian ako nauukol....

Nalalaman niya na sa gabing yaon na kanyang ipinagaanyaya ang isang
pagsasalo, ang kapatid niya't hipag ay hindi daratnan ni Tirso sa
bahay, sapagka't ayon sa gayakang pinagkasunduan, hapon pa n~g araw na
iyo'y magpapauna na sa Pandakan ang magasawa upang dalhin ang ilang
bagay na iaalay sa maypiging. Kung si Elsa ay maiiwan, ay sapagka't
gayon ang kanyang pinakikunang hilin~gin sa kapatid at hipag, at di
umano'y ayaw siyang tantanang hindi isabay sa pagparoon n~g ilang
binibining masdaraan sa kanyang bahay sa gabing iyon. At ang gayo'y
kanyang binalangkas, upang madulutan n~ga n~g kasiyahan ang m~ga mithi
n~g kanyang kaluluwang lihi at isinilang sa biyaya n~g kaligayaha't
tamis n~g buhay.

Hangga't hindi niya nakukuhang masarili ang paghahari sa puso't
kalooban n~g makatang kinahihiban~gang labis n~g kanyang boong
pagkababae, at hangga't nagugunita niyang may isang "mulalang taga
lalawigan", na kinabubulagan n~g m~ga panin~gi't "tila"
nagkakapan~galan sa pitak n~g dibdib n~g nabanggit na makata, sa
pakiramdam n~g mestisa ay palusong na yata sa libin~gan ang tun~go n~g
kanyang kabuhayang di pa gaanong nagnanawnaw n~g ligaya sa
pakikihalubilo sa daigdigang ito. At yamang nalalaman niyang gayon, ay
kautan~gan na naman niya ang gumawa n~g tanang marapat gawin, upang
maiwasan ang bumabalang kapariwaraan.

"...At ang tao ay nalikha na may isip na kasama" ang narinig niya sa
isang tula ni Tirso. At ang isip na iya'y nakay Elsa: kinakailan~gang
gamitin niya sa lahat n~g bagay at sa lahat n~g pagkakataon.
Nararamdaman niyang ang kanyang puso ay tinitibukan n~g walang
kasingdubdob na pagibig sa makatang si Tirso; nahahabilin naman sa
isip niya ang paglikha n~g tanang kaparaanang kailan~gan upang
masunduan ang ikapagtatagumpay n~g pagibig na iyan. Ang tunay na
katamisang idinudulot n~g pagibig ay di maaaring sayurin n~g kahi't
sino, samantalang ang puso ay ipinasisikil sa makipot na galawang gawa
n~g pagpapakunwari, n~g pagbabalobalo at n~g kung sabihi'y pakikibagay
sa lakad n~g kaugalian. Ang hinhin, yumi, kahihiyaan ... ¿ano ang m~ga
katagang ito kundi m~ga patibong lamang na nililikha n~g Kapisanan
upang mapagkasanhian n~g pagkaduhagi n~g m~ga kaloobang madaling
malamuyot at n~g m~ga damdaming walang tatag sa pakikilaban sa habagat
n~g buhay? Ang tunay na tamis n~g buhay ay wala sa parating
pagpapakunwari, sa pagimpit na palagi sa m~ga dalisay na itinitibok
n~g damdamin. Namamali iyang m~ga nagpapalagay na kabanalan n~g isang
babae ang tuwina'y kikimikimi, hindi makapagpahayag n~g kanyang
isinasaloob, ilas na parati sa bahagyang silay n~g mata n~g kapwa ...
Ang nararapat ikakimi, ang nababagay ikahiya, ay wala kundi ang
anomang baga'y at gawang nan~gan~gahulugan n~g pagkakasala. N~guni't
¿pagkakasala baga ang pagsunod sa malalayang pitlag n~g pusong
dumaramdam n~g paggiliw? Ang pagkakasala, ay ang pagsuway sa iniaatas
n~g pusong iyan.

--¡Nararapat nang mawakasan ang m~ga paghihirap kong ito!--ang
nanggigitil na nawika, matapos paglimilimiin ang ganyang hakahakang
sarilingsarili n~g kanyang pagkamestisa.

At, nang sumapit ang gabing idarating ni Tirso sa kanyang bahay, si
Elsa ay kinahalataan kaagad n~g m~ga alila n~g isang kabalisahang
hindi mailin~gid.

       *       *       *       *       *

Sa loob n~g bahay ay lumabas-masok siyang kung minsa'y sasayawsayaw at
kung minsan nama'y huhunihuni n~g alinman sa m~ga kundimang kanyang
nakakagiliwan. Mayamaya'y siyang lalapitan ang bukas na pianong parang
nagyayaya, at sandaling titipa ang maliliksing daliring tila m~ga
kandila, samantalang ang m~ga mata'y ipapakong walang kurap halos sa
papel n~g tugtuging lahad ang m~ga dahon. Ang inaagpan~gan niya n~g
gayong pagtugtog ay isang _fox trot_[A] na naglalarawan n~g sarili
niyang haka.

  Kung ang mga ibon at maging halaman
ay nagkakalaya sa pagiibigan,
ang isang mestisa'y dapat ding magnawnaw
ng mga biyaya ng Katalagahan.

  Ang mestisa'y may pagirog na kaparis ng balana,
at anak din ni Bathalang tumanggap ng isang mana;
mana'y dapat na gamitin ng ayon sa pinipita
ng likas na pagkatao at sariling kaluluwa.

  Sa harap ng Batas ng Pagkakalikha.
babae't lalaki ay pantaypantay nga;
kung gayon, mestisa, di dapat lumuha
sa piling ng ibang kapwa mo diwata.

Kapagkuwa'y siya namang haharapin ang malaki't malinaw na salamin, at
dito'y waring ipagtatanong kung ano pa kayang ayos ang marapat niyang
gawin sa kanyang maganda nang pusód, kung ilan pang daan n~g espongha
ang marapat niyang gamitin upang mawalan n~g balantan ang pulbos n~g
kanyang mukha; at kung alin pa kayang kasuutan ang sukat niyang
ipalamuti sa kanyang baling-kinitang pan~gan~gatawan upang maging
kahalihalinang lalo ang kanyang anyo na ipasasalubong sa makatang
kinahuhumalin~gan n~g kanyang pagibig.

Nahagisan n~g tin~gin ni Elsa ang isang alilang babae na patagong
sumisilip sa pinto n~g kusina na wari'y nan~gin~gimbulo sa kanyang
pagbikas, at kanyang tinanong:

--¿Maganda na ba ako?

--Wala na pong maipipintas ang lalong pihikang makamamasid,--ang may
lakip na n~giting itinugon n~g alila.

--¿Kung ikaw ba'y lalaki ay mahahalina ka na sa akin?

--¡Patay na lamang po ang hindi tablan n~g pagkahalina!

At ikinasiya n~g mestisa ang m~ga patunay na narinig sa alilang yaong
babae ring paris niya.

Subali't gayon man, upang huwag yatang maging an~gap ang kanyang m~ga
kilos, at nang mawalan na n~g sukat makasaksi sa kanyang pagbibigay
panahon sa pagpapakaliklik sa pan~gan~garap n~g gising sa laot n~g
m~ga hiwaga n~g pusong inaalihan n~g bulag at walang habas na
pagsinta, ang ginawa'y inutusan ang dalawang alilang tan~ging kasama
noon sa bahay, na bumili n~g kahi't anong bun~gang kahoy na maaaring
magulasina, gaya n~g siko, mansanas o anoman.

--Kung dito po sa malapit sa ati'y walang mabibili
niyan,--ipinasubaling tugon n~g m~ga inuutusan.

--Kahi't doon sa palengke'y sumaglit na kayo; at magtagaltagal ma'y
makapaghihintay na ako.

At nawala noon din sa harap ni Elsa ang kanyang mababait na alagad.

Nang mapanaog ang m~ga alila ay wala na siyang sukat pan~gilagan sa
loob n~g bahay.

Binuksan ni Elsa ang isang lagpas taong aparador na sikip na sikip sa
kanyang mahahalagang kasuutan. Kumuha n~g isang sayang sutla; isinunod
ang isang may burdang baro; saka ang panyong nauukol na pangalampay.
Inilaglag sa sahig ang nasa katawan. At iyon ang inihalili. Lumakad.
Lumin~gon sa likod. Lumin~gay. Kumendeng ... At nagparaandaan sa harap
n~g isang malaking salamin, at binikasang maigi ang kanyang anyo.
Bawa't lupi n~g panyo'y iniayos na mabuti; bawa't lukot n~g baro ay
main~gat na pinantay: at ang mahabang buntot n~g saya ay boong husay
na binitbit n~g kamay na kaliwa.

Datapwa't ... ¡ayaw niya niyon! Hindi iyon ang dapat niyang
ipasalubong kay Tirso. Kung kapagkaraka'y gayak na siya, mawiwika
nitong talagang sinadya niya ang gayong pagbibihis.

Naglabas na naman n~g iba: ang isa sa kanyang pinakamagagarang
pangbahay ang napiling kunin. At gaya n~g una, ay isaisang inilaglag
ang kasuutang nasa katawan. N~guni't hindi rin tumama sa kanyang loob
ang damit na huling pinili, kaya't di na naman ipinagpatuloy ang
pagsusuot.

¿Alin n~ga kaya ang kanyang marapat gamítin?

Narinig niyang tinugtog n~g isang orasang nakasabit sa dingding ang
ikapito n~g gabi; at napadun~gaw siyang saglit sa bintana, gawa n~g
pagkainip, wari sa paghihintay sa kanyang tinipanang makata.

--Wala pa,--ang nasabi,--marahil ay mahahatinggabihan n~g dating ni
Tirso, yamang ang m~ga tao'y nalalaang magpuyat n~gayon dahil sa
pagsalubong sa bumubun~gad na Bagong Taon.

At pagalis sa durun~gawan ay napataas ang kanyang tin~gin sa mukha n~g
salaming kaharap. At kanyang nakitang sa boong hugis n~g katawan niya
ay walang nalalabing tagapagkubli n~g kahihiyaan liban sa isang
manipis at maputing damit pangloob na mula sa dibdib na nakaluwa ay
nagtatapos ang luwang sa may kalamnan n~g binting yari mandin sa
lalikan. Subali, dahil sa kanyang pagiisa, hindi inalumana ang kanyang
pagaanyo, at nagyao't dito pa sa bulwagang binibigkas ang ganito:

  Sinungaling iyang tubig, kapag hindi napilitang
maginalon at sumulak, kung may apoy na nadarang;
ang isda ay mailap nga't di mahuli sa baklaran
nguni't dagling nabibinwit, pag may paing nakaumang.

  Bulaan ang paroparong di maaakit sa bulaklak.
pag ang ganda't kulay nito ay may tamis na kalangkap;
gamogamo'y hamak lamang, pag ang ilaw'y walang ningas,
datapwa't kung may sindi na'y bayani ring matatawag.

  May halamang gabigabi'y tikom nga ang mga dahon.
parang taong natutulog na nahapo sa maghapon;
n~guni't tao't halaman ma'y nagigising, nagbabangon.
pag ang araw'y may sikat nang sa lahat na ay pagukol.

Katiyap n~g panghuling alin~gawn~gaw n~g tulang itong bininigkas sa
sarili ay naulinigan n~g mestisa ang ilang sunodsunod na yabag n~g
m~ga paang mandi'y pumapanhik sa hagdan. Siya noo'y nabubun~gad sa
pintong paharap sa hagdanan, at sa isang pihit n~g tin~gi'y hindi
mangyayaring di niya mapagsino ang pumapanhik na iyon. At nakilala
n~ga: ang makatang hinihintay na darating.

--¡Ah!...

--¡Oh!...

Sa pagsasagupa n~g kanilang m~ga mata, dalaw at dadalawi'y kapwa
napatdahan n~g dila't tila nan~gapatulos sa kanikanyang
kinatatayuan....

Inibig ni Elsa na tumakbong magtago o magtun~go sa may sisidlan n~g
damit, datapwa't ang kanyang m~ga paa'y hindi naian~gat sa
pagkakayapak sa ibabaw n~g tabla.

Si Tirso nama'y nagtangkang manaog na walang paalam upang makaiwas sa
gayong napakatuksong pagkakataon. Subali't walang anoano'y tinanggap
n~g kanyang m~ga tayn~ga ang ganitong malambing na tawag n~g birheng
iyon na wari'y naghihimala sa harap niya:

--¡Magtuloy ka, Tirso!

At ang lalaki'y napalin~gon sa kabila. At ang babae, sa gayong
pagkakimi, ay madaling nakahalata. Kaya't sa nakakikiliting kilos ay
itinanong n~g boong lamyos:

--¿May hinihintay ka bang kasama?

At si Tirso, sa narinig, ay parang dumamdam n~g hiya. Muling inilantad
ang mukha sa harap n~g himalang iyon n~g karilagan, n~guni't noon di'y
waring nan~gasilaw ang kanyang m~ga mata. Kaya't ang m~ga ito ay
mabanayad na kinublihan n~g isang palad, bagay na siya namang
ikinatanong ni Elsa n~g isang paaglahing turing:

--¿At ikaw ba ay napuwing?

At ang makata ay wala nang nagawa kundi sumuko at pabihag na buongbuo
sa diwatang iyong naghahatid sa puso niya n~g di mailarawang m~ga
tibukin.

Sinaksihan n~g m~ga namamalikmatang balintataw ni Tirso ang
banaybanay na pagan~gat at pagdipa n~g dalawang bisig ni Elsa, na,
nang m~ga unang sandali'y nagmistulang lawin na dadagit n~g sisiw,
datapwa't kaginsaginsa ay nagsalan~gaylan~gayang mandi'y lumalan~goy
sa gitna n~g alapaap.

--Nagiisa ka yata ...--pautal halos na namitiw sa m~ga labi n~g
lalaki, pagkalipas n~g saglit na walang imikan.

--¿At kung nagiisa man?--isinambot n~g mestisang sinundan n~g isang
hakbang na papalapit sa kausap.--¿Nahahalayan ka bang makiharap sa
akin n~g sarilihan'?--idinugtong pang punongpuno n~g lambing.

--Hindi naman, Elsa ...--tan~ging naitugong lipos n~g pagkakimi n~g
makatang pinaghaharian n~g kabaklahan.

Mabilis na gaya n~g isang nakasisilaw na kidlat, ay kagyat na nagdaan
sa papawirin n~g alaala ni Tirso ang larawang mistula n~g kanyang
kabiyak n~g dibdib na hindi niya matulusan kung saan naroroon.

--¡Teang! ...--ang naibulong na lamang sa sarili.

Datapwa, ang paglalatang n~g budhi n~g mestisa ay patuloy na walang
untoluntol, sumusulak na tubig na nahahandang mamayani sa kanyang
maaaring lakumin.

--Halika sa loob, Tirso, kung hindi ka talagang nahahalayang makiharap
sa akin sa ganitong ayos,--anya.--Masok ka, at may m~ga kalugodlugod
na balita akong iuulat sa iyo.

Pagkarinig sa gayong binigkas n~g dalaga, isang pagkahalinang hindi
mapaglabanan ang kaagad naramdaman n~g makata sa kaibuturan n~g
kanyang sumisikdong puso. Kaya't pigil halos ang paghin~gang sumunod
sa nais n~g magandang si Elsa.

Dalawang mesedorang magkaagapay na anaki'y tinatanuran n~g isang
nakapatun~gong salamin ang napili nilang pagtigisahan. At pagkahilig
sa tinurang likmuan ay si Elsa ang unang nagbukas n~g pananalita.

--¡Pinapagtataka mo akong lubha sa m~ga kilos na iyong ipinamamalas
sa akin!--ang wika.--Natatalastas kong ikaw ay makata, isang lalaking
anak sa tulaan at marahil ay magpapakatapos sa m~ga tulain. Datapwa,
sa di iilang pangyayari'y napagkilala kong ikaw ay isa pa pala riyan
sa m~ga kawal n~g pagpapakunwari ... Gayon man, ay pakikibagayan din
kita....

--¡Elsa!

--¿Na ikinahihiya mo ang ganito kong ayos na iyong nataunan sa iyong
pagdating? Magdadamit ako, kung gayon.

Pagkawika nito, ang mestisa ay maliksing tumindig; tinun~go ang
magarang aparador at nuha n~g isang marin~gal na kasuutan, yaong
kakulay n~g apoy na nakadadarang at nakapapaso hanggang sa puso ...
Pagkapagbihis ay muling pumiling sa kinahihiligan n~g lalaki. ¡Oh,
gaanong pagkasilaw ang nangyari noon sa m~ga balintataw n~g makata!

--¿Di ba tayo pasasa Pandakan?--ang mayamaya'y naitanong ni Tirso,
nang mamasdan niyang si Elsa'y parang naghihintay sa kanya n~g anomang
sasabihin.

--Oo n~ga,--isinagot n~g mestisa,--n~guni't mamayang maghahatinggabi,
pagkatapos na tayo ay makapagpasyal sa Escolta at makapanood sandali
n~g sayawan sa Plaza Moraga.

--Kung gayon, ay tayo na.

--Bago tayo lumakad ay ibig ko munang man~gako ka: ¿hindi mo na kaya
ako lilisaning walang paalam na gaya n~g iyong ginawa noong tayo'y
nakaautong magtun~go sa Luneta?

Hindi naikubli ni Tirso ang isang n~giting may lihim na kahulugan,
bago nakapakli.

--Ibig kong ibalita sa iyo, Elsa,--anya,--na sa m~ga sandaling ito
marahil ay pinasisimulan na ang taunang sayawan n~g "Club Filipino",
at gaya n~g pagkaalam mo, ako ay kaanib sa klub na iyan. Gayon ma'y
wala ako sa sayawang iyon at n~gayo'y nasa piling mo, alangalang sa
isa mong hiling na samahan kita sa Pandakan. Sa pangyayaring ito, ay
dapat nang mahulaan mo na kahi't abutin tayo roon n~g umaga, ay
nalalaan akong hindi magsasawa ni lalayo sa iyong piling.

--¿Diyata? ¿At sino ang kapareha mo?

--¡Sino pa! Walang iba kundi ang aking mabait at butihing kaibigang
nagpahatid sa akin kanina n~g isang mahalagang aginaldo, ang
pinakatatan~ging mestisa na kausap ko n~gayon....

--¡Mestisa! ... ¡ang mestisang lagi mong inihahatid sa alan~ganing
kalagayan!...

--¿Inihahatid sa alan~ganing kalagayan?

--Sukat na, Tirso. May sayawan n~ga pala kayo sa "Club Filipino", ang
sabihin mo sa aki'y kung ano't hindi ka na naganyaya....

--Alalahanin mong may sulat ka sa akin tungkol sa sayawan sa Pandakan;
anyayahan kita sa klub ay sasabihin mo na lamang na talagang binibigo
ko ang iyong m~ga lakad.

--Tirso, tila bumabait ka na n~gayon....

--Mangyari'y nagaaral sa m~ga turo mo....

Sa lihim na pitak n~g dibdib ni Elsa ay dumalaw noon ang ilang
tilamsik n~g liwayway na waring naghatid sa kanyang kaluluwa n~g m~ga
unang balita n~g isang kapalarang di maglalao't mapapakanya. Nang
sandaling iyon ay naitanong ni Elsa sa kanyang sarili kung tunay nang
ang kilos na yaong namamasdan sa makata ay nagtataglay n~g ibang
damdamin, ibangiba, yaong di papalayong gaya n~g una, kundi papalapit
na't magbibigay kasiyahan sa kanyang m~ga lihim na pan~garap.
Tiningnan niya si Tirso n~g isang tin~ging parang nan~gun~gusap. At
ang bilang naging tugon n~g makata:

--¡Kay ganda mo, Elsa!

Kaikailan man sa boong pagkikilala nila ay di magunita n~g mestisa na
siya ay nakarinig na n~g gayong hayagang pagpuri n~g makatang si
Tirso, kundi nang gabing iyon. ¿Magdudulot na n~ga kaya n~g masaganang
ani ang m~ga pananim ni Elsang inaalagaan sa pitak n~g kanyang
dibdib?...

--Maalaala ko pala,--ang mayamaya'y narinig kay Tirso,--¿di ba't wika
mo sa iyong sulat na ako'y babalitaan mo n~g ilang bagay na mahalaga
ukol sa aking kasaysayan, kaya mo ninasang n~gayo'y maparito ako?

--Oo n~ga,--ang amin n~g dalaga,--n~guni't nagaalaala akong baka hindi
mo na naman paniwalaan....

--¿At bakit hindi? Huwag lamang bang hindi ikaw ang magbabalita eh....

--¡Nanuya ka na naman!

--Sabihin mo na n~ga, Elsa.

--Mabuti'y panggagaling na natin sa Pandakan.

--¡Ayoko!

--¡Anhin ko kung ayaw ka! ¡Di mo matatamo ang mahalagang balitang may
kinaalaman sa babaeng kinauululan mo!

At dagling nakaramdam si Tirso n~g malaking pananabik.

--¿May kinaalaman kay Teang?--itinanong na agaran.

--Hindi ako nagbibiro,--ang matatag na sambot n~g mestisa.

--¿Ay bakit ayaw mo pang sabihin n~gayon?

--Sinasabi ko sa iyong mamaya na.

--Kung gayo'y tayna sa Pandakan.

--Subali't ... ayoko na yatang sa Pandakan tayo magtun~go.

--¿Ibig mo sa aming klub? Mabuti, kung magkagayon. N~guni't lalong
mabuti kung madaluhan natin kapwa ang dalawang sayawan sa gabing ito.

--¿Sa klub at saka sa Pandakan pa?

--Una muna sa "Club Filipino", saka kapag maghahatinggabi na'y tumawid
tayo sa Pandakan.

Ikinatuwa n~g mestisa ang mungkahi n~g makata. At noon di'y inilabas
na ang kanyang mahahalagang hiyas, isinakatawan ang m~ga ito, at
pagkatapos ay isinuot ang kanyang bagong sapatos na kakulay n~g ginto.

Dumating ang m~ga alila na taglay ang m~ga ipinabili ni Elsa.

--Hinuhulaan ko na n~ga bang paririto n~gayon si mang Silveira,--ang
manawanawang ibinulong n~g isa sa m~ga alila sa kanyang kasama,
pagkaabot kay Elsa n~g kanilang m~ga binili.

--Kapag naghintay ay talagang may darating ...--itinugon namang lihim
n~g pinagsabihan.

At hindi naglipat sandali't nasarili na naman n~g makata at n~g
mestisa ang loob n~g kabahayan.

--Naito ang mansanas,--ang magiliw na alok ni Elsa sa kanyang
panauhin.

--Nagpabili ka pa pala niyan,--ang nawika ni Tirso pagkamalas sa
ipinagaanyaya n~g mestisa.

--Nagpabili ako nito, Tirso, at nais kong sa pamamagitan nito ay
mahulaan ko ang iyong m~ga niloloob....

--¿Sa paanong paraan?

--Kung mamasarapin mo ang m~ga _frutas_ na ito, ay ituturing kong
mamasarapin mo rin ang pakikipareha sa akin ngayon; datapwa't kung
mapuna kong hindi mo ito ikinasisiya, ay ipalalagay ko namang
magpaunlak ka ma'y napipilitan lamang....

--¡Mabuting panghuhula! At sa panghuhula mong iya'y walang pagsalang
matutunayan mong boong kaluluwa't boong pagkataong ikagagalak ko ang
pagdalo nating magkapareha sa sayawan n~gayon, sapagka't kakanin ko
n~g boong pananabik ang ... iyong mansanas.

Natawa si Elsa. At natawa rin si Tirso.

Makasandali ay saka nagsalita ang mestisa.

--Natatandaan mo marahil na sa sulat ko'y nasasabing magsasalo tayo sa
gabing ito,--anya, samantalang tinatapos sa bibig ang huling kagat n~g
isang mansanas na kanyang tinalupan.--Ang pagsasalong iya'y matutuloy;
hindi n~ga lamang dito kundi sa isa sa m~ga _hotel_ o _restaurant_ sa
Maynila, sapagka't hindi na napigil ang pagpapauna sa Pandakan kanina
pa n~g m~ga kapatid ko.

--Tayna, kung gayon,--tan~ging naipulas sa bibig ni Tirso.--May
kalesang naghihintay sa atin sa daan.

--¿Mayroon ba?

--Óo.

At pagkapagiwan n~g ilang tagubilin sa m~ga alila, ang mestisa't ang
makata ay magkasunod nang nanaog at nawala noon din sa dilim n~g
gabi....




XVII

¡ANG BUWISIT NA _NEGRO_!


Ang kalesang sinasakyan ni Elsa at ni Tirso na isang _de primerang_
walang taglay na bilang sa likod at hila n~g isang masipag na
kastanyong ayaw manding madiktan n~g pamalo sa katawan, ay sinusundan
n~g dalawa pang mahahagibis ding kalesa na lumiwa sa tapat n~g gusali
n~g "Germinal" at paakyat sa tulay n~g Ayala, nang masalubong n~g isa
pa ring kalesang kinalululanan naman n~g dalawang lalaking sa wika ni
Cervantes naguusap.

Pagkalampas n~g sasakyan nina Tirso ay halos nagkasabay ang pagulat na
turing n~g dalawang lalaking kasalubong:

--¡Si Silveira at ang mestisa!

At kapwa hinabol n~g tanaw ang kanilang nakita.

At ang kanilang kutsero ay hinudyatang huminto.

--¿Nakilala ba ninyong mabuti? Dr. Nicandro?--itinanong n~g nasa kanan
sa kanyang kaagapay.

--Kailan ma'y hindi ako pinagdadayaan n~g m~ga mata ko, G.
Martinez,--ang naging sagot n~g nasa kaliwa.

--Sa pagkatin~gin ko man ay sila rin.

--Kung gayo'y madali tayong magpihit at sila'y tultulan natin.

--Mabuti n~ga,--at sa isang tukoy sa tagapagpalakad n~g sasakya'y
sinabi:--Kutsero, _vuelta_.

N~guni't ang hayop na humihila ay tila suwail na hindi kadaglidagling
nakukuha sa m~ga pabiglabiglang ubos. Nagumurong pa muna sa m~ga tabi
n~g bakod na parang tumututol sa m~ga hampas na tinatanggap sa
kutsero bago pumayag na bumalik n~g lakad at muling tumakbo.

Nang makapihit ang sasakyan ni Dr. Nicandro at ni Martinez ay di na
nila mapagsiya kung alin sa tatlong kalesang nagpapatulinan ang kina
Tirso at Elsa. Gayon ma'y pinilit nilang magdagdag n~g bilis ang
mabilis nang takbo n~g kanilang kabayo, sa nais na mapalapit din sa
tatlong nagpapalusutan.

--¡Palo, kaibigan!--ang utos pang nagkakanggagahol ni Martinez sa
kutsero.

--¡Buwisit na kabayo!--ang payamot namang saad ni Dr. Nicandro na
sinasabayan pa n~g kamot n~g ulo.

--¡Pagkabagalbagal!

--Babayaran ka namin n~g _doble_, abutan lamang natin ang isa sa
tatlong kalesang iyon,--sinabi pa ni Martinez sa kutsero.

At ang kutsero, sa panghahawak sa karan~galan n~g pan~gun~gusap n~g
m~ga maginoong sakay niya ay walang imik na sunod na lamang n~g sunod
sa bawa't sa kanya'y sabihin, samantalang ang likod n~g kabayo'y
siyang nag-uumasó halos sa malimit na lagpak n~g pamalo.

--¡Kaliwa!

--¡Kanan!

Ilan pang sandali sa paghahabulan at nakita nina Martinez na iisa na
lamang ang kalesang kanilang nasusundan. At nagtibay sa kanilang
paniwala na iyon ang kinasasakyan n~ga n~g makata't n~g mestisa. Ang
iba ay nagsiliko marahil sa ibang daan at hindi na nila mabakas.

--¡Habol, at malapit na tayo!--ani Dr. Nicandro.

--¡Huwag na tayong hihiwalay sa sinusundang iyan kahi't saan
makarating!--ang wika naman n~g isa.

Samantala, ang m~ga sanhing naguutos n~g gayong pagtultol n~g dalawang
lalaking magkasama sa lakad n~g sasakyan nina Elsa at Tirso, ay
mapagkikilala sa ganito nilang salitaan:

--N~gayon tayo dapat maniwala sa kutob n~g ating loob,--ang sabi n~g
isa kay Martinez.

--Siya n~ga po, Dr. Nicandro,--ang ayon n~g kapiling.--at ito po'y
hindi na kutob lamang n~g loob, kundi isang katotohanan nang
itinatalampak n~g m~ga pangyayari sa ating m~ga mata.

--Ako rin ang may kasalanan, kung sa bagay, sa ganitong aking
napagsapit,--ang wika pa n~g manggagamot habang nagkukumamot halos ang
kanilang kabayo.

--¿Bakit po?

--Sapagka't gayong sa "Club Nacionalista" ay may nahalata na ako ay
kung ano't hindi pa nagbago n~g loob sapul noon.

--¿At matagal na rin bang nahahalina kayo sa mestisang iyan?

--Mula pa po noong una kong makita iyan at makatabi sa sine "Ideal".
¿Kayo naman, kailan pa naging paris kong umasaasa sa pagkakapalad sa
nasabing mestisa?

-¿Ako? ¡Oh, di ko na ibig alalahanin, doktor! Sukat ang nalalaman na
ninyong kapwa tayo sinawi n~g ating pagasa, at wala na. Sa ganang
aki'y wala na n~ga pong nalalabi kundi ang masunduan ko n~gayon kung
saan naroroon ang pugad na pinagpapasasaan n~g aliw n~g dalawang ibong
iyan....

--¡Kundan~gan naman kasi'y nagpakahilam tayo sa babaeng iyan! ¡Parang
ipinagtatanong pa natin kung ano ang mestisa!...

--N~guni't kung ang babae po ay di ko pinagn~gin~gitn~gitan; at ang
kanyang pagpapahalaga sa iba ay walang anoman sa akin na gaya rin n~g
pagkawalang anoman n~g pagkahalina ninyo sa kanya. ¿At di ba ninyo
natatantong tayo ay wala kundi dadalawa lamang sa hanay n~g di
mabilang na m~ga lalaking paris natin na naaakit din ni Elsa sa
minsang pagbabati o sa isang pagkakatitigan kaya? At ang kilos na iyan
ni Elsa ay siyang talagang kilos na sarili n~g mestisa.

--¿Samakatwid ay kay Silveira kayo nagtatanim?

--Paano po'y pinamuhunanan ko n~g magandang loob ang lalaking iyan,
saka ganito ang iginanti sa akin....

--¡Ah, magkasama n~ga raw yata kayo sa "Philippine Law School"!

--Tangi po sa riya'y nakatukatulong din niya ako sa kanyang m~ga lakad
para sa isa pang babaeng kababayan ko pa naman.

--¿At may nililigawan pa bang iba?

--Di po lamang nililigawan, kundi talagang nobya na.

--¿At saka n~gayo'y si Elsa Balboa naman ang kasama?

--¡Iyan po ang labis kong ipinagdurugo n~g puso!

--Tunay n~ga palang ang _poeta_ ay walang kabusugan, walang hindi
pinipintuho, walang hindi inaawitan n~g kanilang m~ga tulain. ¡Paano
ka n~ga ba sa m~ga taong iyan!

--¡Pasasaan ba't hindi ako makagaganti!

Pagsapit dito n~g salitaan n~g dalawa, ay namalas nilang ang
sinusunda't ayaw hiwalayang sasakyan ay biglang nagtigil sa isa sa
m~ga tagong lansan~gan sa Sampalok.

--¡Aha, at dito pala!--ang sabi ni Martinez, kasabay n~g pigil sa
balikat n~g kutsero.

-¡Nalalaman na natin n~gayon!--ang susog naman ni Dr.
Nicandro.--Kutsero, huwag tayong pakalapit at baka makita nila.

N~guni't ang kabayong nagn~gin~gitn~git mandi'y hindi napigil n~g
nagpapalakad kung hindi nang halos ay mabunggo na lamang n~g kanilang
kalesa ang kalesang sinasapantaha nilang kinaroroonan ni Tirso at ni
Elsa. Sa gayo'y kapwa walang maalamang gawin sa pan~gun~gubli, dahil
sa malaking pagaalaalang sila'y makikita n~g makata at n~g mestisa,
kung ang m~ga ito'y magsiibis sa sasakyan. Datapwa't wala nang
magagawa; nagkasubuan na. Maghintay na lamang sa pagibis n~g dalawa.
Ang dilim n~g gabi ay maaari na marahil na maglin~gid sa kanila sa
m~ga mata ni Tirso at ni Elsa.

Nang m~ga sandaling hinihintay nina Martinez at Dr. Nicandro ang
panunod na pagpanaog sa sasakyan n~g mestisa't n~g makata, ay siyang
paglunsad sa malapit sa kanila n~g isang malaki't mabigat na katawan
n~g isang lalaking ang kulay n~g mukha ay nakikipan~gagaw sa dilim n~g
gabi.

--¡Isang matabang negro!--ang naibulong na punongpuno n~g mangha n~g
kutsero sa dalawa niyang sakay.

--¡Negro! ¡Negro n~ga!--ang hindi naman magkantututong sambot n~g
dalawa.

At noon di'y namasdan nilang sila'y nilapita't kinikilala n~g tinurang
_negro_. At pagkalapit sa kanila'y tumanong:

--_What are you doin, here, hombre? Por que sigue conmigo_?

Ang kutsero, sa kabiglaana't pagaakalang siya ang tinatanong, ay halos
mautal sa pagsagot n~g:

--No gat, sinyor, no gat; mi bueno hombre....

Salamat sa ganitong nakatatawang tugon n~g kutserong nahintakutan n~ga
yata sa itim at laki n~g tinukoy na amerikano, si Martinez at si Dr.
Nicandro ay kapwa malamig ang loob na humin~gi n~g nauukol na
paumanhin matapos na ipaliwanag ang kanilang pagkakamali. Ang
amerikano'y anyong nagalinlan~gan pa sa m~ga ipinahayag n~g dalawang
magkasama, subali't dahil sa napaghalatang sila'y m~ga tao ring may
pinagaralan, alangalang sa kanilang malinis at sanay na paggamit n~g
inggles, saka sa mabuting ayos n~g kanilang pananamit na di mahihintay
sa m~ga may masasamang loob na dapat paghinalaan sa gayong pangyayari,
ay nagkibit na lamang n~g balikat bago tumalikod na pumanhik sa isang
bahay na nakaurong sa daan.

Gayon na lamang ang nangyaring tawanan n~g m~ga naliho n~g kadiliman
n~g gabi. At habang nililisan nila ang pook na yaon, ang
pagn~gin~gitn~git n~g loob ay pinararaan sa matunog na halakhakan.

--¿_Pero_ wala ka bang nakitang isang babae't isang lalaki sa m~ga
nasalubong natin sa may tapat n~g "Germinal"?--itinanong ni Martinez
sa kutserong nagtututop n~g tiyan sa di mapigil na tawa.

--Mayroon n~ga po....

--¿Ay saan nagtun~go?

--Aywan po ba; ang boong asa ko'y talagang ang nasusundan natin.

At si Dr. Nicandro'y halos hindi makapagsalita sa pagiihit n~g tawa.

--¿Ano, G. Martinez, ibig ninyong magbalik tayo sa Pasay upang matiyak
kung siya n~ga o hindi ang ating nakita?--ang tanong makailang saglit.

--Hindi na po kailan~gan,--ang tanggi n~g tinukoy.--¿At di ba kayo
naniniwalang talagang siya at si Silveira ang nasalubong natin?

--Naniniwala rin, n~guni't ¿nasaan sila? ¿Ano't isang matabang _negro_
ang nakatun~go natin pahinto n~g ating sasakyan?

--¡Ang buwisit na _negro_!

At sumunod na naman ang pagkakain~gay n~g tawanan.

Sa mungkahi ni Martinez, ay minarapat n~g dalawang makikisig na
binatang kabilang sa, hanay n~g m~ga nabibighani n~g dilag ni Elsa
n~guni't di nagtatamong pala, na magtuloy sa isang _bar_ sa Santa Cruz
upang kung mangyayari'y lunurin ang malaking pagkabigong kanilang
kinamtan sa loob n~g ilang kopita n~g alinmang inuming pumapaso sa
lalamuna't dumadarang sa diwa. Anopa't dahil n~ga sa kabiguang iyon at
pagkapahiya pa sa harap n~g isang amerikanong itim, ang
pagkamanggagamot ni Dr. Nicandro ay walang nagawa kundi makiayon sa
gayong mungkahi n~g kasama.

       *       *       *       *       *

Sinarili ni Martinez at ni Dr. Nicandro ang isang munting mesa na nasa
isang dulo n~g tindahang iyon n~g sarisaring alak, n~g sa isipan
nila'y walang namumugad kundi ang larawan ni Elsa at ni Tirso na
magkapiling n~g boong laya, sa loob n~g isang kalesang aywan nila kung
saan nagtun~go.

Ang dalawang binatang ito ay nagkita nang gabing iyon sa liwasang
Goiti. At sapagka't nagkakilala sila sa sayawan sa "Club Nacionalista"
nang isang gabing kasama ni Martinez si Elsa, ang ginawa n~g
manggagamot ay kinaulong ang lalaking ito n~g ang mestisang sinabi ang
tukoy n~g kanyang pakikipagusap.

Sa pagniniig nilang iyon ay dili ang hindi sila nagkatapatan n~g
kanikanyang loob hinggil kay Elsa, at napagkaisahan n~ga tuloy na
sila'y magsadya kapwa sa Pasay, at magpasumalang maganyaya sa mestisa
sa pakikigalak sa Bagong Taong bumubun~gad,

Si Martinez na sadyang may ugaling di makapagsarili n~g lihim, at si
Dr. Nicandro na masasabi namang halos mahibanghibang na sa n~galan at
larawan n~g mestisa, ay kapwa hindi gumamit noon n~g pagkakaila at ang
tuyo at lagay n~g isa ay ganap na sumakaalaman n~g isa pa. Anopa't sa
wakas n~g kanilang salitaang iyon ay lubusang napagtalastas n~g isa't
isa na sila ay kapwa nabibilang sa m~ga lalaking gayong
pinagpapakitaan n~g mabuting loob ni Elsa ay kung ano't hindi naman
magkamit n~g kanilang minimithimithi. At kapwa sila umamin, lubha pa
nitong masalubong n~ga nilang kasarilihan ni Elsa sa dilim n~g gabi si
Tirso, na ang m~ga lakad n~g makatang ito ay talagang malayo na ang
nararating na kung pakahahabulin pa nila'y dili ang hindi mangyari ang
sila'y uyamuyamin at n~gisihan na lamang.

--Wala na tayong nararapat gawin, G. Martinez, kundi ang pawiin na sa
ating alaala ang mestisang iyan, ang wika n~g manggagamot nang
maparaan sa lalamunan ang unang tungga n~g nakalalasing na inumin.

--¡Ah! Kung sa ganang akin n~ga ay walangwala na ang lahat,--iniayon
naman n~g pinagpayuhan.--N~guni't ang hindi lamang yata karakarakang
mapaparam sa gunita ko ay ang di mabuting iginanti sa akin n~g
lalaking pinautan~gan ko n~g magandang kalooban: si Silveira. Ang
ginawi n~g lalaking ito anhin ko mang limii'y humihin~gi n~g nababagay
na kapalit, n~g nauukol na paghihiganti....

--¡Hintay kayo!--biglang inihadlang ni Dr. Nicandro sa pan~gun~gusap
ni Martinez, at ang m~ga mata'y palihim na itinudla't saka binawi sa
dalawa pang lalaking nasa isang mesitang di lubhang kalayuan sa
kanila,--Sa may tinatalikuran nati'y tila nauulinigan kong ang
pinaguusapa'y dili iba't ang pinaguusapan din natin. ¿Ibig ba ninyong
makimatyag?

Ang dalawa ay kapwa nanahimik at tinalasan n~g tayn~ga ang sinasabi
n~g nasa kanilang likuran na nang kanilang lin~guni'y hindi naman
namukhaan.

At ang narinig nila:

--¡Ganoon ang lalaki! ¡Nasusulit ang pagod! Hindi paris mong sa
pamamalakaya sa mestisang iyan ay panay na "talo" at walang
"panalo"....

--Ang sabihin mo'y lalong mapalad siya kaysa akin. ¿At ano? Kung ako
ang nasa katayuan ni Silveira, ¡hindi ko masabi kung saan na kami
nakarating!

--¿Ibig mo bang sabihi'y hindi mo magagawa ang paris n~g ginagawa ni
Silveira?

--Ang sinasabi ko ay magagawa ko ang paris n~g iyong hinahan~gaan sa
kanya, kung ako ang nagkaroon n~g kapalarang maghari sa kalooban at
pagibig ni Elsa.

--¡Ikaw pala! Sa salitaang nauukol sa babaeng mestisa, ay di na
kailan~gan ang paghahanap o paghihintay n~g kapalaran. Ang
pagkakapalad n~g isang gaya natin sa harap n~g mestisa, ay di sa
mestisa nanggagaling kundi sa atin din. Ang mestisa ay hindi kagaya
n~g ating m~ga babaeng ibig na'y ayaw pa. Ang kaibang sangkap n~g dugo
n~g isang paris ni Elsa ang nagbibigay sa kanya n~g kaibhan sa wagas
na pilipina. Kung sa bagay ay di ko natatalos ang "hulo at luwasan"
n~g m~ga lakad sa kanya ni Silveira, n~guni't gayon ma'y hinuhulaan
kong kung nagkapalad man ang lalaking iyan ay sapagka't natutuhan
niyang tugunan ang m~ga lihim na han~garin n~g mestisa. Nalurok
niyang si Elsa ay may kaluluwa na laging nauuhaw sa hamog n~g
kabataan, na ang puso'y lahad na parati sa dilig n~g sarisaring aliw
na idinudulot n~g kamunduhan; si Silveira nama'y walang sinayang na
pagkakataon, at ang lahat n~g iyo'y kanyang inihahandog n~g ubos kaya
 ... At kung kayo n~g makatang iya'y may pagkakaiba, ay sa dakong iyan
kayo talagang nagkakalayo.

--N~guni't si Elsa Balboa ay hindi paris n~g balanang mestisa. Sa
dinamidami n~g naaamuyan kong nan~gin~gibig sa kanya, ay iisa lamang
naman si Silveira na nakalalamang sa akin. Di siya katulad n~g ibig
mong ilarawan na may pusong tuwina'y may pitak sa sangdaan mang
pan~galan.

--Kung bagaman ay sa dahilang hangga n~gayo'y nagiisa pa rin si
Silveira na natututong bumagay sa maiinit na sulak n~g dugo ni Elsa.
Subukin mong gawin ang m~ga "kasanayan" n~g makatang iyan, at makikita
mong ako'y hindi nagpapakalabis sa aking m~ga hakahaka.

--¡Aywan n~ga ba sa mestisang iyan!...

--Paris n~gayon: ¿ano ang napanood natin? Samantalang ikaw at ang
tanang paris mong tutulogtulog ang damdami't waring naglalaway sanhi
sa pagkatin~gala sa isang manggang nakabitin sa puno, si Silveira
naman ay boong pagwawaging nagdaan sa harap nati't kakawit-bisig ang
mestisa na pumanhik sa isang _hotel_....

Pagkarinig nina Dr. Nicandro't Martinez sa dakong ito n~g salitaan n~g
dalawang lalaking hindi nakikilala, bagaman alan~gang asalin n~g gaya
nila ay kapwa sila nagtangkang makilahok sa gayong paguusap, upang
kung sakasakali'y kanilang matalos kung aling _hotel_ ang binanggit na
iyon. Datapwa't hindi naman nangyari, palibhasa ay panunod nang
nagsilabas noon din sa pintuan n~g tindahan ang m~ga lalaking
kinaringgan n~g gayong salitaan.

--¡Si Elsa at si Silveira sa _hotel_ sa ganitong oras!
--ang pakagat-labing nasambit ni Martinez.--¡Ah, talagang ang
kapalaran ay kanila na!

--Kaya dapat na tayong magpugay sa kanila,--ang wika naman n~g
manggagamot.

--N~guni't kung hindi ang buwisit na _negro_, sana'y hindi nila tayo
napaglihuan.

At ang dalawa man naman ay nagsilabas na rin.

Sa nais manding ganap na malimutan ang gayong dagok n~g kasaliwaan ay
nagkaisang magpapauwi na kapwa n~g bahay at hindi na tuloy
makikibahagi sa kasayahang pinagpupuyatan sa lahat n~g dako.




XVIII

MGA PUSONG NAGLALAMAY


--Kinakailangang gamitin ko na n~gayon ang lahat n~g paraang aking
magagamit sa ikapagwawagi n~g aking m~ga adhika,--ang naibulong ni
Elsa sa kanyang sarili samantalang pinagmamasdan niya ang masasayang
kilos ni Tirso nang sila ay nagsasalo n~g boong lugod sa isa sa m~ga
mesa n~g "Hotel de Francia".

At may katuwiran si Elsa upang magsaloob n~g ganyang balak. Ang
damdamin at palagay na kanyang nadadama sa bawa't kilos at
pan~gun~gusap n~g makata nang gabing iyon, ay talagang di na kagaya
n~g dating may lamig n~g yelo n~g pagkawalang pakiramdam, kundi may
init na n~g apoy n~g isang kaloobang pinapagaalimpuyo n~g lihim na
pagiimbot. Ang ginawang paghawak ni Tirso habang nasa kalesa sila sa
kanyang dalawang maliliit na kamay na binibigyan pa n~g bahabahagyang
pisil na isinasaliw sa kahi't anong sabihin; ang pagpaparinig sa kanya
noon n~g m~ga halimbawang may dalawang kahulugan na kung minsa'y
makakiliti at kung minsa'y makakalamkam; at ang malimit na paglalagay
sa pinggan niya n~g sarisaring ulam nitong nagsasalo na sila; saka ang
mahigpit na pagtanggi't pagkakaila ni Tirso nang banggitin niya't
pakibalitaan si Teang; ang lahat n~g ito ay m~ga pangyayaring mahigpit
sa kailan~gan upang siya, si Elsa, ay magkapaniwalang si Tirso ay dili
ang hindi n~ga natatawag na sa di karaniwang alindog na tinataglay n~g
kanyang pagkamestisa.

--At ang paraang dapat kong gamiti'y ang lunurin siya sa galak,
lasin~gin ang puso niya sa alak n~g aliw at kung mangyayari'y suubin
ang kaluluwa niya n~g kamanyang n~g ligaya, hanggang sa pumaimbuyog sa
lawak n~g pan~gan~garap ang kanyang diwang kapatid n~g m~ga
salamisim,--ang wika pa ni Elsa, habang tanggap siya n~g tanggap sa
bawa't putaheng sa kanya'y idulot n~g makatang kapiling.

Sinabayan muna n~g mestisa ang pagtagay n~g _valdepeñas_ ni Tirso bago
muling ipinagpatuloy ang lihim na pagduduklay sa sarili n~g ganito:

--Ang ginawa n~g pari sa hihigan ni Teang na natutop ni manang Magda
sa tahanan ni tia Basilia ay mabuting ipaghintay ko na muna n~g ibang
pagkakataon para ibalita sa kanya sa ayos na magalin~gin ko. Kung
iyo'y n~gayon ko sasabihin, anomang balatkayo'y hindi makagigitaw at
ang dibdib niya'y papasuking walang sala n~g malaking kalumbayan. Kung
magkagayon ay nan~gan~ganib akong maparam na nama't sukat ang ganitong
kanyang m~ga kilos at palagay na sa masid ko'y nan~gan~gako n~g aking
nalalapit na tagumpay....

--Elsa,--ang sa malambing na tinig ay itinawag sa kanya n~g makatang
kasalo, tawag na siyang gumambala sa kanyang pagmumunimuni.
--¿Nahuhulaan mo kaya ang sukat isaloob n~g m~ga taong nakamamalas
sa ganito nating anyo?...

At ang tanong na iyo'y lalo pang nagparamdam n~g kasiglahan n~g pagasa
sa m~ga lamad n~g puso n~g dalaga at siyang nagpapula n~g kanyang
mukha sa sandaling iyon. Kaikailan man ay di siya nakaririnig n~g
gayong pan~gun~gusap na iniuukol sa kanya ni Tirso. Subali't ¿ano ang
marapat niyang itugon?

--Hulaan mo n~ga, Elsa, ang iniisip n~gayon n~g m~ga taong iyang
nagtin~gintin~gin sa atin,--ang pan~giti pang saad n~g makata, kasabay
ang panakaw na pagpupukol n~g sulyap sa m~ga iba pang taong
nagpapasikip sa malaking _hotel_ na iyon.

--¿Hulaan ko?--ang sa di kawasa'y ipinakli n~g mestisa,--Ang aking
hula ay iniisip nilang sila'y nakakikita n~g isang lalaki at isang
babae na nagsasalo sa mesitang itong ating pinaghaharapan....

--¡Mabuting panghuhula! N~guni't hindi iyan ang ibig kong marinig sa
iyo....

--¿At alin pa?

--Nakakikita n~ga sila n~g isang babae't isang lalaki sa mesitang ito;
n~guni't ang kung ano ang kanilang ipinalalagay na sanhi n~g ganitong
pagsasalo ay siyang ibig kong hulaan mo.

--¿Sanhi n~g pagsasalo? ¡Alin pa kung hindi ang pagkain!

--¡Kay pilyapilya mo!

--¿At ano? ¿hindi ba tama ang aking hula?

--Pagkain n~ga ... subali't ¿magano ang palagay nila sa atin? Alalaong
baga: ¿magkapatid o magkaibigan? ¿magkaibigan o magsinggiliw,
¿magsinggiliw o magkaaway?

--¡Magkaaway!...

--¡Diyan ka natalo!

--¿Ikaw: ano ang hula mo?

--¿Ang hula ko? Ang hula ko'y ... itinuturing nilang tayo ay dalawang
pusong iisa ang tibukin....

--¡Tirso!...

--¿At ano? ¿Hindi?

--Makikita mo't iiwan kita, kapag ganyan pagkapilyopilyo mo....

--¿Iiwan mo ako? ¿At kanino ka sasama?

--¡Salbahe!

--¿Kung kanino n~ga, eh?

--¡Sa lelang mong panot!

--¡Pilya!

At biglang itinungga ni Tirso ang nalalabing laman n~g kopang nasa
harap niya. Pagkatapos ay nagmukhang malungkot, saka itinanong sa
mestisa:

--¿Kung iiwan mo n~ga ako, Elsa, ay kanino ka sasama?

--¿Nahihibang ka ba, Tirso? ¿Ano ang nangyayari sa iyo?

--¿Malinaw ang aking pagiisip. Datapwa't nais ko lamang na magkaroon
na n~g wakas ang m~ga pagaalinlan~gan ko....

Sumikdo ang dibdib ni Elsa.

--¿Pagaalinlan~gang paano?--kanyang itinanong.--¡Sukat na n~ga, Tirso,
iyang m~ga kaululan! Limutin mo muna ang iyong pagkamakata....

--¡Kaululan ... pagkamakata!...

--Ako'y bantad na sa iyo....

--¿Bantad na paano?

--Na ako'y may labis nang pagkakilala na ikaw ay nagsasalitang
lumilipad sa malayo ang isip....

--Iyan ang hindinghindi mo mapatutunayan.

--Ako ay may pinagbabatayang m~ga pangyayari....

--¿Pangyayaring ano?

--Itigil mo na muna iyang kaululan, sabi eh ... Ang isipin mo ay kung
saan tayo nararapat dumalo pagkakain natin: o sa Pandakan na o magdaan
pa kaya sa inyong klub.

--Sa klub muna namin.

--Maging saan man ang tun~go nati'y dapat mong paggayakan kung ano ang
imamatuwid mo, sakaling makarating sa m~ga tayn~ga ni Teang ang
ganitong ating pakikipaglamay sa kasayahan n~g gabing ito.

--Si Teang ay wala na sa akin, at ni di ko maalaman kung saan siya
naroroon sa m~ga oras na ito.

--¿Wala na sa iyo? ¿Ay kapag naalaman mo kung saan siya naroroon?

--Magkagayon ma'y wala akong sukat na ikabahala.

--¿Tunay?

--¡Tunay na tunay!

At ang mestisa ay nan~giti. At ang makata ay napatitig.

--Sabihin mo n~ga, Elsa, kung saan naroon si Teang.--ani Tirso
mayamaya.

--¿Sabihin ko sa iyo?--ang tanong n~g dalaga.

--Kahi't wala na siyang anoman sa aki'y ibig ko lamang matalos ang
kinadoroonan niya.

--¡Talagang may pagmamalasakit!

--Wala, Elsa....

--Hamo't mayamaya, at kung hindi matuloy ay sa iba nang araw.

Nagkataon namang sa lalapit ang tagapaglingkod na may idinudulot na
malamig na sorbetes, bilang pangwakas na nasasaysay sa di
pangkaraniwang _menu_ na inihandang pangbagong taon n~g "Hotel de
Francia."

Nang sila ay manaog sa gusaling yaon, ay kasunod na nila ang kung
anoanong bulun~gan n~g m~ga taong mapagbigay n~g kahulugan sa kahi't
anong makitang kilusan n~g isang babae't isang lalaki na gaya na n~ga
n~g kina Tirso at Elsa.

--¡Masama ang lagay n~g dalawang iyon!

--Malamang na malayo ang abutin n~g kanilang m~ga lakad....

--Pagkakabisala'y may maipagsusulit silang masarap na ... Bagong Taon
n~gayon sa kanikanilang m~ga magulang.

--¡Ang asal n~ga naman n~g kabataan sapanahong ito!

--¡Sa aba n~g m~ga ina at ama na naninibulos n~g pagtitiwala sa
kabaitan n~g anak!

       *       *       *       *       *

At ang mestisa't ang makata, makailang saglit pa, ay kasalamuha na sa
di magkamayaw na taong naglisawlisaw mula sa Plaza Moraga hanggang sa
pasalapang na dulo n~g Escolta.

Sa m~ga pook na sinabi, gaya n~g ginagawa sa taon-taon, nang gabing
iyo'y lumundo ang di mabilang na taong kung saansaang dako nagbuhat,
m~ga taong paraparang kinababadhaan sa mukha n~g kagalakang hindi
masayod. Sa magkabilang bangketa at hanggang sa gitna n~g lansan~gan
ay salusalubong ang m~ga nagbibiruan n~g boong tiwala. Naghihiyawang
animo'y m~ga kawal na galing sa pinagwagihang digma. May pinatutunog
n~g ubos lakas na m~ga pakakak o tambol, lata o anomang bagay na
makatutulong sa kaingayan. Naghahagisan n~g _confetti_ hanggang sa
man~gapuwing at man~gasamid. Nagsisiluan n~g mahahabang _serpentina_.
Lumalakad n~g papasingpasing; umaanyo n~g katawatawa; nagpapahid sa
mukha n~g kung anoanong kulay; n~gumin~gisi, sumisigaw,
humahalaklak ... Anopa't kung ang Bathalang sinasamba n~g m~ga taga
mundong ito ay siyang tunay na Bathalang nakababatid n~g tanang
ginagawa n~g Kanyang m~ga nilikha, ay labis na sanang makapagpalubag
n~g Kanyang poot ang gayong pagdurumog n~g Kamaynilaan sa walang habas
na pagdiriwang bilang tanda raw n~g pasasalamat sa Kanya tuwing
sasapit ang paghahalili n~g m~ga taóng binibilang sa kabuhayan n~g
m~ga tao. At ang bayang ito ay di na sana Niya inibig na ipadalaw na
lagi sa sarisaring salot at kapan~ganyayaang gaya n~g kolera,
pagsasalat sa ani at pangdadayupay n~g m~ga dayuhan....

Subali, sa may napapala o wala man, sa natatalos o hindi ni Bathala
ang gayong inaasal, ang totoo'y mistulang ulol n~ga ang lahat kapag
gayong gabi na n~g pagsalubong sa Bagong Taon. Sa m~ga, bahaybahay ay
halos m~ga sanggol lamang na walang isip ang natitira sa higaan.
Babae't lalaki, lipas ma't nasa kapanahunan, ay dili ang hindi
nagbabata n~g puyat at nakakayag na magsadya sa Escolta at sa
pakikipaggiitan sa kapal n~g tao'y doon na naghihintay n~g pagtugtog
n~g ika-12 n~g hatinggabi. Pagsapit n~g oras na ito, ay
nagsasabaysabay namang gigimbal sa apat na panulukan n~g himpapawid
ang m~ga sipul n~g m~ga pagawaan at sasakyang dagat; ang m~ga
batin~gaw ay magsisiawit n~g ubos kaya mula sa kanikanilang
kinalalagyan sa m~ga taluktok n~g simbahan, hudyat na nagbabalita sa
lahat na bagong yugto na naman n~g panahon ang humahandog sa buhay n~g
tao.

At si Elsa at si Tirso ay nagdaan pa n~ga muna sa Escolta na kaparis
n~g balana.

Ang buhok n~g mestisa ay sinaliksik at ginusot n~g m~ga saboy n~g
_confetti_; ang m~ga tayn~ga ni Tirso ay nabin~gaw halos sa itinututok
na sigaw n~g m~ga tambuli, at sila kapwa, bagaman magkakawit n~g
bisig at di naglalayo bahagya man, ay nagbata n~g di gagaanong
pagkalukot n~g damit at pagkalupiras halos n~g boong katawan ... Gayon
man ay lalo pa silang nagalak, katulad n~g madlang nakasalamuha nila.
At kung hindi lamang totohanan nang wala silang daan upang masilip man
lamang ang sayawang ginagawa sa binilogbilog n~g liwasang Moraga,
disi'y nalimutan na nila ang pagsasadya sa Pandakan, matapos na
magpalipas n~g m~ga lima o sampung tugtugin sa sayawan sa balitang klub
sa Avenida Rizal.

       *       *       *       *       *

Ibinabalita na n~gang kasalukuyan n~g m~ga sipul n~g pagawaan n~g yelo
n~g pamahalaan at n~g m~ga sasakyang nalilimpi sa palibidlibid n~g
ilog Pasig ang maluwalhating pagpasok n~g taong 1916, nang si Elsa at
si Tirso ay magkakawit ang m~ga palad na sumasakay sa isang munting
bangka na, animo'y maitim na kabaong na lumulutang sa ibabaw n~g
mahinhing agos n~g ilog sa may Nagtaha na ang tubig noo'y nakikikulay
sa kadiliman.

--¡Elsa, lumigaya ka nawa sa Bagong Taong ito!

--¡Tirso, maging mapalad ka sana sa m~ga pan~garap mo!

Dinatnan n~g dalawa ang isang lalaking may kagulan~gan na, na sa anyo
at pagbabansag ay napagkilala nilang siyang tagapagpalakad n~g
tinurang sasakyan. Ayon sa pahayag n~g lalaking iyon, ang bangka niya
ay isa sa labingdalawang bangkang sadyang inilaan n~g maypiging sa
Pandakan upang ipaglingkod na talaga sa tanang dumating na panauhin.
At ang ganyang pahayag ay pinatitibayan naman n~g m~ga napapansin n~g
magkasama na m~ga palamuting palaspas n~g niyog, maliliit na watawat
at m~ga parol hapóng walang sindi, saka tanikalang papel na nagsalabat
sa lahat n~g panig n~g nasabing bangka.

Narinig ni Tirso na painong itinanong ni Elsa sa matanda:

--¿Bakit po wala kayong ilaw?

At ang naging sagot n~g pinagtanun~gan:

--Kanina pong maagaaga pa'y mayroon, n~guni't pawang nan~gamatay sa
hihip n~g han~gin.

Si Tirso, na nang gabing iyo'y napanibaguhan n~g malaki ni Elsa dahil
sa m~ga kilos at pananalitang kung tayahi'y parang nagpapahayag na ang
mestisang ito na lamang ang tan~ging naghahari sa kaibuturan n~g puso
niya; pagkarinig sa gayong pagbanggit n~g tungkol sa ilaw ay malamyos
na bumulong sa kanyang kapiling.

--¿Bakit, Elsa, iniino mo pa ang pakawalang ilaw?--anya.

--¿Nadidimlan ka ba sa piling ko?

Si Elsa'y biglang nakaramdam n~g kaba n~g dibdib. ¿Ano na kaya ang
ibig sabihin n~g gayong pagtatanong?...

--Sabihin mo, Elsa,--ang wika na namang narinig sa lalaki,--¿natatakot
ka bang makipagsarilihan sa akin sa laot n~g kadiliman at sa loob n~g
isang bangkang paris nito na tila duyang inuugoy sa ibabaw n~g tubig?

At ang mestisa ay nangliliit manding sumagot n~g bahagyang:

--Hindi naman, Tirso....

--Kung hindi, ay ¿bakit mo pa pinapansin ang kawalan n~g ilaw?

--Mangyari ay madilim.

--Tayo, Elsa, ang hindi ko malaaman kung kailan pa mangyayaring
magkaisa n~g iniisip at dinaramdam....

--¿At hindi ba totoong madilim?

--¡Aywan n~ga ba sa iyo! Sa ganang akin, kahi't natuturang madilim na
ganyan ang gabi,--kung ganitong kasama kita, kasarilihan sa laot n~g
katahimikan at lin~gid sa mata n~g m~ga makasalanang tao, ay ...
kalabisan na lamang ang liwanag n~g iba pang ilaw.

Mistulang nasusian ang bibig ni Elsa. Kaikailan man sa malimit na
pagtitiwala niya n~g kanyang pagkadalaga sa pagkalalaki ni Tirso, ay
noon lamang siya totohanang sinidlan n~g takot sa makatang ito.

Kinusa niya ang pagliham kay Tirso upang ito ang kanyang makasama sa
pagdalo sa Pandakan, pagkapalibhasa'y hinahan~gad niyang pataban~gin
ang loob n~g nasabing makata sa pagkababae ni Teang sa bisa n~g
ibabalita niyang "himala ni pari Casio" na napatanghal sa bahay n~g
kanyang ale: at ang pagtabang n~g loob ay kanyang hinahan~gad, upang
mapapagiba niya n~g hilig ang m~ga pan~garap n~g makatang iyan,
matutong umunawa sa masisidhing pitlag n~g kanyang puso, at kung
mayayari'y matuto ring magpahalaga't tumugon n~g nararapat sa lihim na
pita n~g kanyang kaluluwa. Ang ganitong tun~guhin ay siyang namumugad
sa kanyang isipan, kung kaya't nang mapanhikan ni Tirsong siya'y
nakasuot pangloob lamang ay hindi na siya nagkubli. Ito rin ang
nagatas sa kanyang matiwalang pagsalo sa makatang iyan sa _hotel_. At
siya rin namang nagbigay sa kanya n~g balak na kung maaari'y lunurin
na niya noon sa alak n~g aliw ang boong pagkalalaki n~g tinurang
makata upanding magkamit na lamang n~g kasiyahan ang kanyang m~ga
hinahan~gad. Subali't n~gayong ang kanyang pain ay tila hihigitin na,
at ang ibong pagkailapilap ay waring darapo na rin sa iniuumang niyang
bitag, ay aywan ba niya't kung bakit siya na rin ang nagkagayong
nasindakan n~g loob, napatdahan n~g dila at pinanglamigan n~g boong
katawan. Higit kailan man ay noon pa lamang naniwala ang kanyang
pagkamestisa na siya pala ay babae ring katulad n~g manipis na kristal
na napapan~ganib na lubha kapag nalalapit sa matigas na bakal....

--¿Malayo pa po ba tayo sa pampang, mama?--ang naitanong na lamang
makasandali ni Elsa sa tagapagpalakad n~g bangka.

--Malayolayo pa rin po,--itinugon n~g matandang nakapatag n~g upo sa
isang dulo n~g sasakyan at walang tahan n~g kasasagwan.

At si Tirso ay may sinasabi na naman sa lalo pang paanas na salita:

--¿Ikinaiinip mo na ba, Elsa, itong pamamangka natin?

At ang mestisa'y pumakli:

--Baka ako'y pinakahihintay na n~g aking kapatid....

--Sinasabi ko na n~ga ba't talagang nagkakalayo tayong lagi n~g
pagaakala!--pabuntonghinin~ga pang saad n~g makata. Saka
idinugtong:--Samantalang ang ibig mo ay agad tayong makaahon sa
pampang, di ko na lamang naman anhi'y huwag nang matapos ang
pamamangka nating ito....

--Tirso, di ko pala dapat paniwalaan ang sinabi mo kanina nang tayo'y
nasa bahay pa....

--¿Alin iyon?

--Yaong winika mong kahi't abutin tayo n~g umaga sa pakikipagsayaw sa
Pandakan, ay natatalaga ka ring makikipagtagalan at di magsasawa.
¿Alin pang sayawan ang tinukoy mong kahi't abutin n~g umaga, kung
ganyang nasa pamamangka palang ganito ang iyong loob?

--Nasabi ko iyon sa kahulugang saan man tayo makarating at saan man
tayo maparoon ay natatalaga akong umagahin sa iyong piling ... At
sapagka't dito man sa bangka ay nasa piling mo rin ako, kaya baga
aking pinanghihinayan~gan ang madaling ikatatapos n~g ating
pamamangkang ito.

--N~guni't sayawan at hindi pamamangka ang ating ipinarito....

--Sa ganang aki'y iisa ang katuturan niyan, kailan pa ma't tayo rin
ang magkapiling, ang magkapareha, ang magkaakbay ... At kung ako'y
pamimiliin mo kung alin sa pagsasayaw at sa pamamangka ang aking ibig,
ay masasabi ko sa iyo n~g boong pagtatapat na ibig ko na ang ganitong
pagsasarili natin sa ibabaw n~g payapang tubig kaysa magtun~go pa sa
maalin~gasn~gas na sayawan.

Hindi na maalaman n~g babae kung ano ang kanyang isasagot.

Ang himig n~g m~ga katagang iyan, na bagama't marahang ibinubulong sa
kanya'y naririnig naman n~g boong linaw hanggang sa liblib na liha n~g
kanyang puso, ay labis na nakababalisa sa kaluluwa niya at nagdudulot
sa kanyang diwa n~g di mapaglabanang pan~gamba.

Nang ang makatang yao'y anyong nagbibin~gibin~gihan sa m~ga silakbo
n~g kanyang naglalatang na damdamin, marahil ang m~ga katagang iyan at
hindi iba ang pinananabikan niyang marinig. N~guni't ngayong ang m~ga
iya'y boong lambing nang umaalin~gawn~gaw sa kanyang m~ga pangulinig,
nanggagaling sa m~ga labing hirati sa pag-awit n~g mapapanglaw na
hibik n~g puso't taghoy n~g kaluluwa, n~gayon n~ga, ang pagkababae
niya ay kung ano't parang tinatawag n~g kapan~ganyayaang sukat
ikabalino n~g lalong matining na kalooban.

Nagunita ni Elsa na ang lalaking yaon na kinahahabilinan noon n~g boo
niyang puri ay may kinabibighaniang ibang alindog: si Teang. At ang
tinatangka niyang paglalarawan sa babaeng ito sa harap n~g naturang
lalaki sa anyong sukat ipamutla n~g mukha't ipangrimarim n~g budhi, ay
hindi pa niya nagaganap. ¿Hindi kaya isang marun~gis na pagiimbot
lamang ang umaaling iyon kay Tirso upang gumamit n~g gayong m~ga
bigkasin at kilos na lubhang nakababahala sa kanyang pagkadalaga?...

Tila ang m~ga napagdaranasan ay nagtuturo kay Elsa na ang pagiin~gat
kailan ma'y hindi kalabisan, at ang malabis na pagtitiwala sa lalaki
kung minsa'y maaaring magbudlong sa babaeng gaya niya sa ban~gin n~g
pagkapariwara....

--¿Ito po ba, mama, ang ilog na sinasabing pinamangkaan daw yata ni
Balagtas at n~g kanyang Selia?--ang narinig na naman ni Elsa na
itinatanong ni Tirso na nakapalin~gon sa matanda.

--Hindi po,--ang naging sagot,--tila po ang nababanggit sa "Florante
at Laura" ay ang m~ga ilog n~g Kahilom at Beata.

--¿Malayo po ba tayo n~gayon sa m~ga ilog na iyon?--ang usisa pa ni
Tirso.

--Sa Beata po ay malapit na, n~guni't ang Kahilom ay may kalayuan pa.

At ang mestisa na naman ang kinausap na pabulong n~g makata.

--Elsa,--anya,--¿nalalaman mo ba kung bakit pinakikibalitaan ko ang
m~ga ilog na nilakbay n~g Hari n~g m~ga, Makatang Tagalog?

--¿Bakit n~ga?

--Sapagka't ... ibig ko sanang ipagpalagay n~gayon, kung tayo ay nasa
alinman sa m~ga ilog na iyon, na ako ay si Balagtas at ... ikaw naman
ang aking Selia.

--N~guni, Tirso, sa kasaysayan n~g Balagtas na iyan ay ¿nasasabi bang
siya ay nagkaroon n~g dalawang Selia?

--Hindi.

--Kung gayon, kahi't makata ka, ay hindi mo maipagpapalagay na ikaw ay
si Balagtas.

--¿At bakit? ¿Dalawa ba ang Elsang kinakaulayaw ko sa sandaling ito?

--Hindi n~ga; datapwa't samantalang di mo napapawi ang paniwala kong
ang iyong Selia'y si Teang, n~gayong magkasarilihan tayo sa gabing ito
ay di ko masasangayunan ang iyong halimbawa....

--¿Ang Selia ko'y si Teang? ¡Isang paratang na salat na salat sa
katotohanan! Si Teang ay malayo na, nagpakalayolayo upang patibayan
ang wika ko sa iyo na ang pagkikilala namin ay ganap nang natapos; at
sa kalaliman n~g hatinggabing ito ay ikaw ang aking kaniig at siyang
tan~ging pinaghihin~gahan n~g lalong dalisay kong damdamin. ¿May iba
pa kayang Selia ang makata sa sandaling ito, Elsa, liban sa iyo?

Minsan pang natigilan ang mestisa. Nagaagawan sa kanyang panimdim ang
pagibig at pan~gamba. Iniibig niya si Tirso; n~guni't sa dahilang di
niya hinihintay na magkakaroon n~g gayong pagtuturing ang makatang ito
sa gabing iyon n~g kanilang paglalamay, ay nan~gan~gamba naman siyang
baka iyo'y kung ano nang babala n~g kanyang kapariwaraan.

Salamat na lamang at ang pagkakatigilan nilang dalawa ay ginambala n~g
mahinang salita n~g matandang tagapagpalakad n~g bangka.

--Sadsad na po tayo.

At siya n~ga naman. Nang lin~gunin ni Elsa't ni Tirso ang dakong dulo
n~g bangka, ay naanag-agan nilang isang dangkal na lamang halos ang
layo sa lunsarang pampang.

Sa gayo'y maluwag nang nakahin~ga ang dalaga.

Ang makata naman ay dili ang hindi nakapagbitiw n~g isang malalim na
buntonghinin~ga.

--Pandakan na po,--ang saad n~g matanda;--at ang bahay na iyong
natatanaw nating sagana sa ilaw, ay siya ninyong patutun~guhan.

--Marami pong salamat,--ang nagkapanabay na sambot n~g magkasama.

Mula sa malayo ay may makapangyarihang tinig na sumi~gaw:

--¿Elsa?

At ang tinig ay nakilala n~g mestisa: sa kanyang kapatid.

--Oo, ako n~ga,--itinugong kakabakaba ang dibdib sa pagdadalang takot.

At ang tumawag ay napaharap noon din sa dalawa.

--¿Sino ang kasama mo?--ang may katigasan pang tanong n~g sumalubong.

--Si ... Tirso,--ang sagot n~g dalaga.

--Ako,--ang pakilala naman n~g makata.

At, noon din ay samasamang lumakad ang tatlo n~g ang sinoman sa
kanila'y hindi nagbibitiw n~g kahi't isang salita....




XIX

PAGIBIG AT DALAMHATI


Malungkot si Elsa.

Ang mukha niyang datidati'y pinaaaliwalas n~g nagtatamisang n~giti na
malimit mamilaylay sa kanyang mayuyuming labi, nang hapong yao'y
pinapan~gulimlim n~g isang kalumbayang tinutugunan sa puso n~g
mapapait na tibukin. Ang m~ga balintataw niyang may kislap n~g tala ay
nagmistulang alitaptap na bahagya nang makagitaw ang liwanag sa
sun~git n~g kapighatian.

At ang sanhi n~g lahat ay mapagkikilala sa isinasaysay n~g kalatas na
itong kanyang sinusulat sa gayong pagiisa sa loob n~g kanyang tahimik
na silid:

"Pasay, Enero I, 1916."

"TIRSO:"

"Aywan kung nahulaan mo ang tunay na kahulugan n~g m~ga kilos na ating
napuna sa kapatid ko kagabing tayo'y magkaakbay na umahon sa Pandakan,
N~guni't ang totoo, ay tinanggap ko sa kanya, oras na pagkauwi namin
n~g bahay at pagkatalikod mo, ang di maulatang galit na kanyang
ibinabaw sa akin dahil sa pagkabalam n~g ating dating sa bayang
sinabi."

"¡Oh, gayon na lamang ang iyak ko!"

"Kung hindi pa ako nakalasap n~g di gagaanong mabuting pagtin~gin at
pagpapalayaw n~g kapatid kong ito, marahil ay di ko pa pakadaramdamin
ang ganitong poot niya sa akin ... ¡Pagkahiraphirap n~ga n~g ganitong
napagsapit ko!"

"At sapagka't kung tutuusi'y ikaw lamang, Tirso, ang tan~ging
pinagbuhatan n~g lahat n~g ito, ay itulot mong sa iyo ko rin tan~ging
isiwalat ang binabata kong hirap, upang kung tunay na nagbubuhat sa
ubod n~g iyong mahabaging puso ang m~ga pamimigkas na iyong
ipinasinaya sa akin kagabi, ay matapunan mo ako mula riyan sa iyong
katiwasayan hanggang dini sa laot n~g walang kahulilip na pagluha, n~g
iyong mapagkandiling paglin~gap...."

"Lin~gapin mo n~ga, Tirso, ang ganitong kalagayan kong napagsapit
alangalang sa iyo ... Alangalang sa iyo sapagka't ang pagiisa kong
kasama mo nang tayo'y mainip na salubun~gin n~g kapatid ko sa lunsaran
sa Pandakan ay siyang pinagmulan n~g lahat niyang pagkagalit sa akin."

"Dapat kong ipagtapat, Tirso, na nakagawa n~ga ako n~g malaking
pagkakasala. Nang sila n~g hipag ko ay bago magtun~go sa bayang nasabi
ay hiniling ko sa kanilang ako'y iwan na at may katipanan lamang na
ilang kaibigan dalaga na sa gabi na darating doon. Naniwala sila. At
pinakahintay n~gang darating ako sa Pandakan n~g ang kasama'y m~ga
babae ring paris ko. Datapwa't nagdatin~gan daw roong sunodsunod ang
madlang pananuhin at ang tanang kakilala namin, anino ko man anya'y
hindi nila makita at sinoman sa m~ga yao'y walang makapagsabi kung
ako'y saan naroon at kung darating pa o hindi na."

"May palagay ako na ang malimit na pagtatanong tungkol sa di ko
pagsipot n~g kaibigan naming naghanda ang siyang nakapagulol na lalo
sa kainipan at kung anoanong sapantaha n~g aking kapatid. Bakit ay
mahigit daw sa tatlong oras na pinamutian siya n~g mata't nagtila
kaning nagpakapanghal sa pagaabang sa lunsaran, n~guni't ang kung
bakit di ako dumarating ay hindi niya masayod liripin."

"Laban sa dating lubusang pagtitiwala niya sa aking pinagaralan, ay
itinanong sa akin n~g kapatid ko, sa ayos na kapitapitagan at
nakapangyayari, kung ano ang di sasalang sinasapantaha n~g balanang
nakabatid sa gayong ating ginawa, na anopa't para bang inilagay sa
alinlan~gan ang kalinisan n~g pagkababae ko buhat sa gabing iyon...."

"Tinunton at pinanghinayan~gan ang m~ga pagpapalayaw na kanyang
ipina-utang sa akin, at sa paniwala raw niya'y labis ang aking
napagaralan upang mapagtalastas ko ang pan~git at kapuripuri, ang
masama at mabuti. N~guni't ang ginawa ko raw na iyon ay dapat lamang
umanong hintin sa m~ga babaeng talipandas, halaghag at walang
pinagpapakundan~ganang pan~galan sa harap n~g Kapisanan."

"Bakit ang isa pa ay kulang na lamang ang ako'y itulak sa hagdanan
upang masabing ako ay itinataboy. At halos tiyakin na sa aking
ikinahahalay na n~g kanyang pan~galan ang pananatili ko sa lilim n~g
tahanang ito...."

"Ang lalong masakit nito ay ang ginawa niyang walang pigil na
pagsasalita sa akin sa naririnig n~g aking hipag, n~g hipag kong
matagaltagal na ring may hinalang lihim sa ating m~ga palagayan.
Limpaklimpak daw na kahihiyaan ang itinapon ko sa harap n~g m~ga taong
dumalo sa Pandakan...."

"Ako ay ipinagtanggol na mabuti in Dioni, n~g mabait at mapagmahal na
hipag ko: datapwa't ang pamamagitan niya't malulubay na paliwanag ay
nagparang tubig lamang na nabuhos sa buslong butas. Ang kagalitan n~ga
n~g kapatid ko ay di nakarinig sa m~ga katuwiran n~g sinoman sa aming
dalawang babae...."

"Sa lahat n~g ito, Tirso, ay lubos na lubos ang kanyang paniwala na
ako ay nagpain n~g puri sa iyo at ... pinagsamantalahan mo naman. Nang
magmatuwid ako, ay sinabi pang kung talaga raw na nakapananagutan ako
sa aking ginagawa ay makita niya kung paano ang gagawin kong
pagbaban~gon sa aming pan~galang inilagpak ko kagabi sa lusak n~g
dilang kapulaan."

"N~gayon, Tirso, ay nasa iyo ang karapatan sa pagpapasya.
Kapagkarakang magkakilala tayo ay di ko na pinagalinlan~ganan ang
busilak mong budhi at gintong kalooban. At kung tunay na
nagsipamuhatan sa guwang n~g iyong dibdib ang m~ga kataga mong
ipinasinaya sa akin magmula sa bahay, pati sa kalesa, sa _hotel_ at
hanggang sa bangka ... at kung hindi pagsasamantala lamang ang ginawa
mong malimit na pagpisil sa m~ga kamay ko ... ay panahon nan~ga n~g
ayong marapat kang mapukaw, mahabag at matutong human~go sa akin sa
kinasadlakan kong kahihiyaan. ¡Ah, Tirso! Tahasang sinasabi ko na di
ako maaaring mamalagi sa ganitong buhay na pinaghatdan mo sa akin...."

"Inuulit kong ikaw n~ga, Tirso, ang sanhi at kadahilanan n~g lahat na
ito. Kung hindi sa malaking pagtitiwala ko sa kabayanihan n~g puso
mo,--bakit ba't di ko pa ipagtatapat, ay sa ako'y sadyang kalaban n~g
pagpapakunwari,--ay hindi sana ako bumalangkas n~g kasinun~galin~gan
sa harap n~g kapatid ko't hipag, at disi'y di ka naman nagkaroon n~g
maliligayang sandali sa pan~gan~garap n~g gising sa piling ko
kagabi...."

"Kung sa bagay, ay di n~ga kaila sa iyo ang aking pagkamestisa.
N~guni't hindi maikakait n~g sinoman na sa m~ga ugat ko'y tumatakbo
rin naman ang dugong pilipino. Ang pagkakaroon ko n~g kahi't gapatak
n~g dugong ito ay sapat upang angkinin ko rin ang likas na ugali n~g
babaeng pilipina, na kung ganitong napapan~gat na sa kapulaa't
nagiging sanhi n~g m~ga pan~git na sabisabi, ay gumagamit n~g
karapatan sa paghanap n~g katubusan sa kamay n~g lalaking puno at
dahil n~g ganitong kinahinatnan."

"Ako n~ga, Tirso, ay binawian n~gayon n~g pagmamahal n~g bugtong kong
kapatid, at anya'y ipinalalagay na n~g madlang taong nagtitipon sa
Pandaka't nakahiging sa pangyayaring iyon, na ako raw ay isa na lamang
alibughang walang puri, samantalang hindi mo inilalawit ang aking
kaligtasan...."

"Dumudulog n~ga sa iyo n~gayon, Tirso, ang abang babaeng sinundo mo sa
kanyang tahanan, iyong iniangkas sa kalesa, kinasalo mo n~g boong
lugod sa _hotel_ at katalamitam mo't tan~ging kaakbay sa pakikigiit sa
kapal n~g tao sa Escolta, kaparepareha mo sa sayawan sa inyong klub
at sa wakas ay kapilingpiling mo n~g boong laya sa pamamangka sa ilog
sa Pandakan...."

"Ipinaghalimbawa mo kagabi na ikaw ay si Balagtas at ako ang iyong
Selia. Ipinagunita ko naman sa iyo ang n~galan ni Teang, n~g babaeng
hinan~gaan mo sa simbahan Datapwa't walang gayon ang ginawa mong
pagpapatibay na ... ako na lamang ang tan~ging laman n~g iyong dibdib
at kaaliwan n~g iyong puso. At n~gayong nanghahawak ako sa gayong m~ga
winika mo, ay ¿babayaan mo kaya ako, mabait na makatang nagsuob at
gumising sa puso ko n~g m~ga tulain sa buhay?..."

"Sa ano't paano man ang kapasyahan mo, ay ipinamamanhik ko sa iyong
sagutin mo lamang ang napalawig na liham na ito, kapagkarakang mabasa
mo na, upang sa ganya'y mapagtalastas ko kung ako ay totohanan na
n~gang sawi sa mata n~g Kapisanan, at kung ikaw nama'y sadyang may
maran~gal na budhing tan~gi at ibangiba sa karamihan n~g m~ga lalaking
paris mo."

"¿Di mo kaya ako hahabagin?"

"Salamat kung gayon...."

"Naghihintay n~g boong lungkot,"

"ELSA BALBOA."

Matapos lagdaan n~g nan~gin~ginig na m~ga kamay n~g mestisa ang
mahabang kalatas na ito, ay minsan pang ibinaling sa dakong puno ang
kanyang m~ga namumugtong mata at muli pang pinaraanan n~g masiyasip na
pagbasa, bago nagbitiw n~g isang pahimutok na buntonghinin~gang
kinalalangkapan n~g di masukatang sukal n~g loob.

--Nahahabilin sa sulat na ito ang lahat kong pagasa,--ang
nanghihin~gapos niyang wika, kapag nabigo pa ako rito ay tapos na sa
akin ang lahat....

Kapagkuwa'y naglabas n~g isang munting sobre, ito ay sinulatan, tuloy
diniktan n~g nauukol na selyo, at noon di'y tumawag n~g isang utusan
upang ipahulog sa koreo ang kanyang ginawa.

Ang kanyang kapatid na katatapos pagsikpan n~g dibdib dahil sa sasal
n~g poot, ay nanaog umagangumaga pa n~g araw na iyon at ayon sa
iniwang sabi'y sa palaisdaan na niya sa Malabon magpaparaan n~g
pananghalian. Si Dioni namang may likas na mababang luha na madaling
dumadamay sa sinomong dinaratnan n~g ligalig sa buhay, ay maghapong
halos ayaw umalis sa kusina na wari bagang walang pusong maitatagal
kung makarating sa kanyang m~ga pangulinig at mamalas n~g kanyang m~ga
panin~gin ang tinan~gistan~gis n~g kanyang magandang hipag.

Mahigit sa kailan~gang panahon n~ga ang nagamit ni Elsa sa
pagsisiwalat n~g tanang dalamhati n~g kaluluwa niya sa kalatas na
kanyang ipinadala kay Tirso.

N~guni, sa halip na kilalaning paggalang sa kalubhaan n~g m~ga
sandaling tinatawid niya ang katuturan n~g di pan~gan~gahas ni Dioni
na gumambala sa kanyang kusang pagtatago sa silid, na siyang tan~ging
tunay na ibig sabihin n~g ginawa n~g hipag niyang ito, ay ipinalagay
ni Elsa na marahil ay nasusuklam na n~ga sa kanya pati ni Dioning sa
una't una pa'y pinakamahal na niya't itinuring na katapatang lihim na
walang kasingbait. At dahil sa ganitong pagpapalagay ay lalo
nang-naputos n~g luksa ang kanyang puso at lalo nang naganyong
libin~gan ang tanang namamalas n~g kanyang luhaluhaang m~ga
balintataw....

Sa laki n~g hinanakit sa kanyang hipag na sinasapantahang nagiiba n~g
loob sa kanya't pumapanig sa asawa, ay ipinagbiling ni Elsa sa alilang
pinagbigyan n~g sulat na si Dioni'y papasukin sandali't mayroon lamang
siyang sasabihing ilang bagay na lihim.

At, babahagya pang nasusun~gaw sa ginto ang mukhang malamlam n~g hipag
na ipinatawag, ang mestisa ay kaagad nang humagulhol na animo'y batang
paslit na nilisan n~g magiiwi. At mababa rin namang sandali ang
namagitan, bago nakuhang magsalita n~g ganito:

--¡Naku, Dioni! ¡Pati ikaw naman yata!...

At ang hipag n~g mestisa ay natuluan pagdaka n~g luha sa malaking
pagkalunos.

--Elsa, wala kang dapat ipaghinala sa akin,--tan~ging naisambot.

--¿Hindi ba't pati ikaw ay nagagalit na sa akin?--ang malumbay na
tanong n~g dalaga.

--Hindi, at minamahal din kitang kagaya n~g dati.

--Salamat, Dioni, kung gayon ... N~guni't ¿bakit kaya baga't nakaraan
ang singkad na maghapong kibuin dili mo ako sa ganitong pamamahay ko
sa di maulatang kapanglawan?...

--Nahahambal lamang akong totoo sa nanyayari sa iyo....

--Nabahambal ka, ¿samakatwid ay di mo sinasabing ikinahihiya mo ang
pananatili ko sa lilim n~g bubong n~g bahay na ito?

--Hindinghindi, Elsa, at ikaw'y kapatid ko ring pinaguubusan n~g
mabuting pagtin~gi't lubos na pagmamahal.

--Subali't ang kapatid ko, si kuyang, ay ... ¡galit na galit sa akin!

--Siya lamang ang nagagalit sa iyo....

--At sukat ang gayong pagkagalit niya, upang ako ay huwag nang
bilan~gan n~g maraming araw sa tahanang ito....

--¿Saan ka paroroon?

--Aywan, Dioni, at ang lalaking puno at dahil n~g ganitong napagsapit
ko ay akin nang sinulatan n~gayon.

--¿Sinulatan mo si Tirso?

--Oo....

--¿At sa anong bagay?

--Bagay sa nararapat niyang gawin upang ako ay mahan~go sa ganitong
kapulaan....

Napamata na lamang si Dioni, pagkarinig sa ganitong pahayag n~g
mestisa. Ang m~ga unang kutob n~g loob niya hinggil sa gayo't ganitong
maaaring maging katuturan n~g kilusa't palagayang malimit niyang
mapuna sa hipag niya't kay Tirso, n~gayo'y hindi kutob lamang kundi
isang katotohanan nang pinatitibaya't siyang inaamin n~g kanyang
kausap. Dahil sa gayong ginawang pagliham sa makatang hinihinala na
n~ga niyang namamalakay sa bahay na iyon, ay maliwanag na nadama niya
ang kaselanan n~g m~ga sandaling tinatawid n~g kanyang hipag,
palibhasa siya man, si Dioni, nang magdaan na sa mapan~ganib na
katayuang paris niyon, ay gayon ding pagsulat kaagad ang ginawa,
pagsulat na siya tuloy ikinabunsod na maaga n~g kanyang pagaasawa sa
kapatid ni Elsa.

--¿Iiwan mo na n~ga ba ako, kapatid ko?--ang makasandali'y boong
kalumbayang itinanong sa mestisa.

--Siyang tan~ging marapat kong gawin upang manumbalik ang dating
payapang buhay ni kuyang....

--Elsa, kung kinikilala't minamahal mo ang iyong kaisa-isang kapatid,
ay hindi mo siya nararapat pakitikisan. Kinagalitan ka niya, hindi
sapagka't talagang ikinasusuya na ang iyong pamamalagi sa lilim n~g
kanyang kalin~ga, kundi alangalang din sa ikapapanuto n~g malinis na
pagkababae mo.

--N~guni't ako ay wala nang kasingdumi sa tin~gin niya....

--Hindi naman, Elsa, ipinakita lamang sa iyo ang kamalian mo. At
walang taong hindi nagkamali.

Tumagaltagal din ang salitaang iyon n~g dalawang maghipag na kapwa
sinasakbibi n~g dalamhati ang m~ga puso.

At hindi nagkawakas ang hinikbihikbi n~g isa't isa sa kanila, kundi
nang marinig nang tumatawag buhat sa hagdanan ang kapatid ni Elsang
asawa ni Dioni.

Nagwalawalaang sumalubong ang asawa sa kanyang dumating na giliw,
samantalang pinapananauli sa kanyang maaliwalas na mukha ang masayang
anyo na di sukat kahalataan n~g anoman.

Si Elsa naman ay kusang nagpaiwang nagiisa sa loob n~g kanyang silid,
na, nang sandaling iyo'y bahabahagya nang nilalaganapan n~g dilim,
upang kung mangyayari'y mabigyan niya n~g maluwag na pagkakataon ang
pakikipagbulun~gan sa dalamhati n~g kaluluwa niyang ginugutay n~g
bagabag....




XX

SI TEANG AT ANG "HIMALA"


Sabay na tumawag sa pinto n~g hagdanan ni Tirso Silveira si Martinez
at ang tagadalang-sulat na nagabot n~g kalatas ni Elsa.

Pagkatanaw n~g makata sa tagadalang-sulat ay nakaramdam kaagad n~g
biglang pagsinsin n~g pintig n~g puso, pagka't sinapantaha niyang yaon
na kaipala ang sulat na pinakahihintay niyang magbubuhat kay Teang.
Datapwa't ang sikdo n~g dibdib ay tinugunan noon din n~g isang
pamumutlang bumakas na maliwanag sa kanyang mukha, kaya't nahulaang
madali ni Martinez ang pagkabigong tinanggap n~g makata.

--Hindi yata dumating,--ang painong turing n~g binatang kapapanhik.

--¿Alin?--pakailang tanong n~g maybahay.

--Ang sulat na hinihintay mo,--ang wika pa ni Martinez.

--Ako'y walang hinihintay,--lalo pang pakailang iwas n~g makata.--¿At
sino naman ang susulat sa akin sa m~ga araw na ito?

--Si Teang ... si Elsa....

--Si Teang ay hindi. Si Elsa, manapa....

Hindi nalalaman ni Tirsong tinik na sumubyang sa dibdib ni Martinez
ang huli niyang winika. ¿Susulat sa kanya si Elsa? ¡Talagang hindi
namamali n~g hinala si Martinez!

Si Martinez ay naparoong daladala sa isip ang isang lihim na tangka
n~g paghihiganti sa lalaking ikinalupig n~g kanyang m~ga lakad sa
mestisa, gayong pinautan~gan niya n~g tulong ukol naman kay Teang. At
ang narinig niyang sinabi ni Tirso ay parang paghahamon sa ikatutuloy
n~g kanyang tangka.

Subali, ang totoo, sa harap n~g makatang magiliw ring naganyaya sa
kanya hanggang sa silid na sulatan niyon, ay natutubigan siya mandi't
hindi matutuhan kung ano't kung alin ang sasandatahin niya sa gayong
balak.

Sa hindi niya pagimik na parang nawawalan, ay si Tirso ang nagsalita.

--Matagaltagal nang hindi mo ako binabalitaan n~g tungkol sa iyong
kababayan ...--ang wika.

At si Martinez ay lihim na namuhi.

--¿Ano pa ang kailan~gan sa iyo?--itinanong na tuyongtuyo.

--¿Bakit?--anang makata.--¿Alan~gan na ba akong magpatuloy n~g
pakikipagkilala sa kanya?

--Hindi sa alan~gan, kundi sa dalawang dahila'y wala nang kailan~gang
balitaan pa kita n~g anomang natutungkol sa kanya: una, sapagka't wika
mo'y si Elsa at hindi si Teang ang hinihintay mong susulat sa iyo at
ikalawa, sapagka't si Teang nama'y ... malayo na sa mararating n~g
m~ga gunita mo.

--¿Si Teang ay malayo na sa mararating n~g m~ga gunita ko?

--Siyang totoo.

--Martinez, ¿ano ang ibig mong sabihin?

--Silveira, ang ibig kong sabihi'y ang paris n~g iyong narinig.

--¿Tinatalinghagaan mo ba ako?

--Hindi; at ang m~ga sinasabi ko ay maliliwanag.

--Kung maliliwanag ay sukat sanang mawatasan ko kaagad ang tukoy n~g
iyong pan~gun~gusap, n~guni't ang totoo ay nalilito ako.

--Wala akong magagawa kung ikaw ay nalilito; n~guni't
kung sadyang nais mo ring mabatid kung bakit sinabi kong malayo na si
Teang sa mararating n~g m~ga gunita mo, ay wala akong dapat gawin
kundi isa: ang ipaala-ala sa iyo na siya ay wala na sa bahay n~g
kanyang ninang sa San Lazaro.

--¿At saan naroon?

--¡Aywan kay pari Casio!

--¿Ha?

Napuna ni Martinez ang untiunting pagkainis n~g kausap. Ang n~galan ni
pari Casio ay nang oras na iyon na lamang niya naisip, at kung gayong
tila ang natuklasan niya'y magkakabisa, ay kailan~gan nang ipatuloy
yamang nasimulan na. ¿Subali't ano kaya ang kanyang kakathain hinggil
kay Teang at sa binanggit niyang pari? ¡Ah, may nadampot siya! At ang
kanyang isinagot:

--¿Ikaw ba, Silveira, ay patay na loob na di nakabalita, kahi't balita
lamang, tungkol sa _milagrong_ nangyari kina donya Basilia?

Lalong nagibayo ang bakla n~g panimdim n~g makata. At itinanong:

--¿_Milagro_? ¿Kailan?

--Nitong ilang araw na kalilipas na bago maalis sa bahay na iyon ang
babaeng ipinagtatanong mo.

--Iulat mo, Martinez.

--Iulat ay huwag na. Sasabihin ko na lamang sa iyo, kung talagang wala
kang naaamuyan, na marapat mong pagsisihan ang pagkakilala sa babaeng
sayang at naging aking kababayan. ¡Naku, Silveira, may katotohanan
pala ang bulun~gang kumakalat sa amin bayan tungkol kay pari Casio at
kay Teang!

--¿Ano?...

--¡Ano pa raw! ¡Tanun~gin mo si manang Magda, at siya ang nakatutop sa
bayaning pari sa tulugang katre n~g kanyang anak na dalaga!

--¡Martinez, kapag hindi mo napatunayan ang iyong sinasabi'y...!

At biglang dinaluhong ni Tirso at ginagap sa dalawang balikat ang
binatang iyong naparoon yata upang umaglahi n~g walang kasingsakit sa
kanyang kapalaran.

N~guni't si Martinez, na talagang inaalihan noon n~g malaking
paghahan~gad na makapaghiganti sa katotong ipinalalagay niyang umagaw
n~g kanyang ligaya, ay di nabalino sa gayong namamalas na kilos n~g
kausap, kundi bagkus nagpakatatag at parang nakatanaw n~g nalalapit na
pagwawagi.

--¡Ikaw ang bahala, Silveira! ¡Kung ayaw kang maniwala, ay mapanisan
ka n~g laway n~g dilat ang iyong m~ga mata!

Nakaramdam si Tirso n~g isang malaking pagkahapo n~g katawan. Sa
kanyang noo ay gumiti ang malalamig na butil n~g pawis, samantalang
ang m~ga litid n~g dalawang paa'y tila bahabahagyang tinatakasan n~g
lakas. Makasandali pa, ay boong panglalambot nang ibinagsak ang
katawan sa isang peresosang nasa may likuran niya. At ang iba pang
ibig sanang sabihin ay ipinahayag na lamang sa pamamagitan n~g ilang
buhol n~g buntonghinin~gang sakdal n~g pait.

--N~guni't hintay,--ang bawi ni Martinez mapamayamaya.--Hindi ko
makita ang bagay kung bakit ipagdaramdam mo n~g ganyan ang gayo't
ganitong "kababalaghan" ni pari Casio at ni Teang, ay sa n~gan~gayon
pa lamang halos ay sinasabi mong si Elsa ang hinihintay mong susulat
sa iyo. ¿Hindi ba totoong si Teang ay inibig mo sa isang saglit
lamang, samantalang ang magandang mestisa'y siyang talang
nagniningning na lagi sa diwa mo at alaala?

Hindi na sumagot si Tirso. Di na lamang niya anhin ay matapos na ang
gayong paguusap na labis niyang ipinanggigipuspos. Sa bawa't dalawa o
tatlong sabihin ni Martinez ay palad nang siya'y magbitiw n~g isang
kataga. Salamat na lamang at ang isa ay para namang nasiyahan na sa
nangyari kay Tirso, kung kaya't pagkaraan n~g m~ga, sampung minuto sa
pagbubuklat n~g ilang aklat na kanyang natunghan sa sulatan, ay
nagpaalam na't di umano'y may lalakarin siyang bagay na mahalaga sa
bahay n~g isa pang kasama.

Pagkaalis ni Martinez ay sarisaring mapapait na gunitain ang sumilid
sa panimdim n~g makata. Ang balitang natanggap kay Martinez ay lumikha
n~g isang malaking sugat sa guwang n~g kanyang puso, sugat na walang
tan~ging ikababahaw kundi ang alinman sa dalawang ito: o pagusigin
niya kahi't saan naroon ang babaeng alibugha na naglaro sa kanyang
kapurihan upang papanagutin sa bigat n~g salang ginawa sa kanya, o
yao'y ilibing niya sa hukay n~g limot na parang hindi niya naging
kakilala kailan man. Datapwa't maging alinman naman sa dalawang ito ay
tila malayo sa ikabubunsod, palibhasa'y kung magpapakapusok siyang
magusig kay Teang sa m~ga araw ding iyon ay sapilitang mababalatong
ang pagtatapos n~g kanyang pagaaral, at kung limutin nama'y lalong
hindi mangyayari pagka't buhol na walang kalag ang sinumpaan niyang
higpit n~g kanyang pakikiisang kapalaran sa babaeng iyon. ¿Paano ang
mabuti niyang gawin?

Unaunang marapat niyang matiyak ay kung, hanggang saan ang taglay na
katotohanan n~g m~ga ipinahayag sa kanya ni Martinez. Kinakailan~gan
niya ang patotoo n~g kahi't isa man lamang saksi, kung baga sa isang
usaping nililitis sa hukuman, upang mabigyan niyang halaga ang m~ga
balitang kanyang tinanggap. At sa bagay na ito'y ¿sino ang kanyang
lalapitan? ¿Sino ang makapagbibigay n~g patibay na kinakaila~gan niya?

Sa katatanong n~g ganito sa kanyang sarili, ay nagunita ni Tirso ang
mestisang si Elsa, ang pamangking buo ni donya Basilia. Tunay na si
Elsa at si Teang ay untiunting pinapaglayo n~g m~ga hiwaga n~g puso,
n~guni't sa dahilang ale n~g una ang may-ari n~g bahay na sinasabing
pinangyarihan n~g "himalang" ibinalita ni Martinez ay dili ang hindi
kahihiwatigan ang tinukoy na mestisa n~g anomang tandang sukat
mapagkakilanlan kung tunay o hindi ang sinasabing "himala". Bakit ay
nagunita pa ni Tirso na kaya raw siya inanyayahan ni Elsang sumama sa
Pandakan n~g gabing kalilipas, ay sa dahilang may ibig ibalita sa
kanyang ilang ulat na may kinaalaman kay Teang at sa kanya. ¿Isa
lamang kayang biro n~g mestisa ang gayong pahayag?

Naalaala ni Tirso ang sulat na tinanggap na galing kay Elsa. Madali
niyang dinukot sa isang kahon n~g kanyang sulatan na pinagtaguan niya
upang iyo'y huwag nang makilala ni Martinez, at pagdaka'y binuksan.

¡Ah, anong kalatas na pagkahabahaba ang kanyang nabasa! ¡Anong
pagkalungkotlungkot na m~ga katagang animo'y sigaw na napaaawa n~g
isang inabot n~g sigwa sa laot n~g dagat!

Sinasabi n~g kalatas na yaong ang sigwa ay kay Tirso nagbuhat,
¿nababagay n~ga kayang ang makatang ito ang sumaklolo't sumagip kay
Elsa?

Sa laran~gan n~g pagibig, kung may nakikilalang hiwaga ang puso n~g
tao, ang hiwagang umaakibat sa kapalaran n~g makatang si Tirso ay isa
nang hindi karaniwan halos masasabing walang kapan~galawa sa tanang
nangyayari, at kung sakali't mayroon ay bihirangbihira.

Sa isang dako'y ipinagtatalo n~g kanyang loob ang hindi pagkatupad n~g
kapan~gakuang iniwan sa kanya n~g babaeng pinagsanglaan n~g walang
tubos n~g kanyang kaisa-isang pusong namana sa magulang, saka ang m~ga
balitang tungkol sa babaeng iya'y inihatid sa kanya n~g isang binatang
itinuturing na kaibigan; samantalang sa kabila nama'y hayan ang
kalatag n~g mestisang sa mula't mula pa n~g kanilang pagkikilala'y
wala nang ipinatamasa sa kanya liban sa di karaniwang pagtatan~gi't
tuwina'y pagkahalina sa anomang kanyang ginagawa, sa lahat niyang m~ga
tula ... Samantalang ang m~ga pangyayari at ang m~ga natatanggap na
balita'y nagtataboy sa kanya upang pagbuntuhan niya n~g n~gitn~git at
ikahiya sa kabatiran n~g iba si Teang, si Elsa naman ay patuloy na
nagpapasinaya sa kanya n~g, mataas na pagtin~ging sukat lamang hintin
sa isang tunay na kasuyo, sa isang tapat na kasing nananagisag n~g
kawagasan. Sa m~ga sandaling yao'y hindi niya maturol kung sa kaninong
anak n~g Dios nahahabilin ang palad ni Teang, at sa m~ga sandali ring
yaon ay nasa harap naman niya ang liham ni Elsang naglalahad n~g
walang pagtutumpik sa tanang pithaya n~g pusong nauuhaw sa pagirog ...
At ang sulat na iyong kinakaharap niya, higit sa isang pagpapahayag
n~g mataas na pagtin~gin, ay isang tunay na paghin~gi't paghihintay
n~g kanyang magagawa, n~g sukat niyang ilin~gap sa isang minamahal at
itinatan~gi sa buhay ... ¿Paano ang marapat niyang gawin sa
pagpapabaya ni Teang? ¿At paano ang gagawin naman niya sa gayong
pagbubukas n~g dibdib n~g mestisang nabihag n~g kanyang pagkamakata?
¿Saang panig siya dadako? ¿Doon? ¿Dito?...

Sa wakas ay minarapat ni Tirsong ibilang pa n~g ilang araw, n~g ilang
panahon, ang paghihintay n~g sulat n~g babaeng pinagtiwalaan niya n~g
puri't karan~galan, samantalang ang sukat itugon sa sulat n~g mestisa
ay siya namang pinagliming masusi n~g kanyang bait at siyang nihanap
n~g hatol sa kahinahunan n~g kanyang pagkukuro.

N~guni, lahat n~g kanyang naisip tungkol sa isasagot kay Elsa, ay di
niya inibig na sulatin sa ayos n~g isang kalatas na ipadadala sa
tinukoy na mestisa. Ang sulat ay isang katibayang kanawanawang
maipapalad sa harap n~g ibang tao. At ang kaselanan n~g kanyang tayo
dahil sa sinumpaang pakikiisang dibdib sa harap n~g hukuman sa
Sampiro, ay nagaatas sa kanya upang magpakain~gat sa ikapagkakaroon
n~g masasangguning katibayan n~g pakikitalamitam niya sa sinomang
babaeng naiiba kay Teang.

--Mabuti'y makipagkita ako sa kanya, at sa harapang paguusap nami'y
saka ko siya tutugunin n~g nararapat,--ang tapos ni Tirso sa kanyang
magulong pagninilay.

Makailang saglit ay may tumawag kay Tirso, at ipinagbigay alam na sa
telepono n~g botikang nasa silong n~g gusaling kanyang tinitirha'y
mayroong naghinintay na ibig makipagusap sa kanya.

Nagdudumali siyang nanaog.

At pagkahawak sa telepono'y tinig n~g babae ang kanyang narinig.

--¿...?

--Si Silveira n~ga po itong kausap ninyo. ¿Sino po ba naman sila?

--....

--¡Ah, ikaw pala, Elsa!

--¿...?

--Oo, natanggap ko.

--¿...?

--¿Kung kailan mo tatanggapin ang sagot? Ang ibig ko sana ay sagutin
kita n~g harapan sa isang pagniniig ... ¿Paiirugan mo ba ako?

--....

--Kung kailan ka may panahon ay tumipan ka't ating pagusapan ang bagay
na iyan.

--¡...!

--¿Pariyan ako sa m~ga araw na ito? Iyan ang hindi mabuti.
Maipalalagay niyang tayo ay naninikis....

--¡...!

--Huwag ka sanang mabiglain. Ang galit n~g kapatid ay pagmamahal. Kung
hindi ka minamahal, ay di ka kagagalitan....

--¿...?

--Isang araw ay masok tayo kahi't sa aling sine at doon natin
pagusapan.

--¿...?

--Ikaw ang bahala: pasama ka kahi't kay Dioni, kung nan~gan~gamba ka
nang makipagniig sa akin n~g sarilihan. Nalalaman ko namang paibaibang
talaga ang lagay n~g panahon....

--¿...?

--Wala akong ibig sabihin kundi ang pagpapaubaya sa iyo n~g boong
kapasiyahan. Marapatin mong magsarili kita, salamat: magsama ka naman
n~g kahi't sinong mabutihin mo, salamat din ... Ako ay walang hindi
kinadoroonan.

--....

-Kung gayo'y hihintayin ko ang araw at pook na iyong itatakda.

--....

--Salamat, Elsa.

--¡...!

--¡Adios! Taglayin mo ang aking alaala....

Bahagyang naibsan n~g pabigat ang kaluluwa ni Tirso sa pagkapagusap
nilang iyon n~g mestisang sumulat sa kanya.

Gayon ma'y nakalipas ang singkad na maghapong hindi niya halos
namamalayan, n~g siya ay nanghihinamad mandi't walang alis sa
pagkakatun~go sa ibabaw n~g kanyang sulatan.




XXI

PAGSISISI AT PAGBABAGONG LOOB


Dalawang linggong mahigit ang nadaan. Bagama't gayon na lamang ang
pusok n~g loob ni Elsa nang kanyang sulatin ang liham na ipinadala kay
Tirso, ay nakalipas din ang gayong dami n~g m~ga araw n~g ang tipanan
nilang paguusap na sarilihan sa bagay na iyon ay hindi pa nabibigyang
katuparan. Paano'y sa siyang pinaiiyahan n~g lalaki, ay parating
nagkakaroon n~g salabid tuwing ipagbabalak n~g araw at pook ang
ikabubunsod n~g gayong salitaan.

Sa loob n~g panahong iyan na hindi rin idinarating n~g sulat ni Teang,
kay Tirso naman ay lalong nagtitibay ang paniniwalang napalun~gi n~ga
ang kanyang palad sa babaeng kung bakit ba't napaghabilinan niya n~g
kanyang boong pagtitiwala.

Ang pagpapahalaga sa m~ga balitang tinanggap niya kay Martinez ay
untiunti n~guni't patuloy na naguugat sa guwang n~g kanyang puso, at
nakatutulong n~g malaki upang ang pan~galan ni Teang ay maging
buntuhan n~g kanyang kasuklama't lalong masasaklap na hinala. Pati n~g
unang balak na paghanap o pakikibalita sa kinaroroonan n~g babaeng
iyon ay bahabahagya nang iniwawaksi sa kanyang isip, yamang kung gayon
anyang kay Teang nanggaling ang paghamak sa kanilang sumpaan, magusig
man siya'y ibayong hirap na lamang n~g loob ang kanyang mapapala. Si
Tirso ay kasal sa babaeng iyon, oo, nalalaman niya; n~guni't ¿bakit pa
niya hahan~garin ang mapapisan sa isang talipandas na walang tunay na
pagibig sa kanya? Saka, ang kanilang pagkakasal ay lihim na lihim at
walang sinomang nakamamalay liban sa hukom na sa kanila'y nakialam.
Ang pagmamakain~gay tungkol sa paguusig ay magiging isang tunay na
pagkakalat na lamang n~g kanyang sariling kahihiyaan. "Patawarin ang
nagkakasala at ipagparaya ang nagkukulang" ang aral na itinuturo n~g
Kapisanang kanyang kinaaaniban; at malalabag na lamang sa itinuturo
n~g aral na iyan ang paguusig sa babaeng kusang tumaliwakas sa
kadakilaan n~g sumpa, ang yumurak at gumutay sa kahalagahan n~g
pan~gako. Manan~ga'y tumahimik na n~ga siya't kanyang pagaralang
pawiin sa alaala ang pan~gala't larawan n~g babaeng bumitay n~g
kanyang magandang pagasa.

Samantala, sa isa sa m~ga bulsa niya ay laging hindi nahihiwalay ang
sulat ni Elsa na kinalilimbagan n~g isang pagibig na walang kapantay
sa karubduban. Ang pagibig na iyong sa kanya iniuukol ay hindi
nakakikilala n~g pagmamaliw. Ulani't arawin man sa laot n~g kanyang
pagkawalang loob, na sa nagdaang m~ga araw ay siya niyang ipinahalata
sa naturang mestisa, ay patuloy ring; taglay ang dakilang uri, ang
kawagasan, na sa wari niya'y sukat ang kanyang naisin upang
pagtamasahan niya n~g dilang lugod, n~g madlang biyaya at tanang
luwalhati, na sa buhay na ito'y siya na lamang mahihintay n~g kinapal
na paris niya.

Sa harap n~g sulat na iyong hindi gumagamit n~g anomang bahid n~g
pagpapakunwari, ¿ano pa ang magiging katuturan n~g pagpapakabalisa ni
Tirso sa isang babaeng gaya ni Teang kung hindi kabaliwan?
Magpakabaliw kung kinababaliwan ay hindi masama at lilikha pa kaipala
n~g paghan~ga sa sinapupunan n~g Kapisanan. Datapwa't magpakabaliw sa
babaeng humahalakhak at umooroy sa kanyang kasawian ay iyan na ang
sukdulan n~g kahalayan na hindi sukat makita sa isang paris ni Tirsong
paano't paano man ay may pan~galan na ring nakikilala sa maraming
lipunan.

Kaya, masakit mang walang kasingsakit, ay kailan~gan na ni Tirso ang
makiayon sa tadhana n~g kanyang palad. Ang tadhana ay waring
nagaanyaya sa kanya sa isang dako upang sayurin niya ang kadalisayan
n~g pagibig ni Elsa, hindi siya dapat magmalaking huwag
magpakundan~gan sa anyayang iyan.

At, habang dumarami ang m~ga araw na hindi idinarating n~g sulat na
pan~gako ni Teang, ay patuloy namang pumapanaw kay Tirso na parang
kimpal n~g ulap na nawawala sa katingkaran n~g sikat n~g araw, ang
pan~gala't alaala n~g babaeng binanggit, katiyap n~g untiunting
paguusbong sa pitak n~g kanyang puso, tulad sa halamang busog sa
alaga, n~g pagkahalina sa m~ga pakibang loob n~g malulugding mestisa.

       *       *       *       *       *

Minsan, isang gabi, ay minarapat ni Tirso ang gumawi sa may pook nina
Elsa, n~guni't hindi ang tangka'y manhik n~g bahay kundi mula sa
palibidlibid n~g looban niyon ay pakimatyagan ang kalagayan n~g
dalagang untiunting nagpupunla n~g balisa sa kanyang gunamgunam. At
gayong pakikimatyag na n~ga lamang ang kanyang minabuting gawin,
sapagka't sa bahay na yaon ay ayaw muna niyang lumantad magmula nang
may mahalata siyang sukal n~g loob sa kapatid n~g nasabing mestisa.

Si Tirso ay sa may gawing baybayin n~g dagat nagdaang paahon sa bulaos
na patu~ngo kina Elsa. Pinili ang lalong madidilim na palumpong,
naglagos sa m~ga palikolikong landas, at pagkalapit sa may
tinatalikuran n~g silid n~g mestisa, ay naghagis n~g tin~gin sa dakong
itaas at tinangkang makilala sa siwang n~g sarisaring halamang
gumugubat sa looban kung sinosino ang m~ga lalaking narinig niyang
nagkakatuwa. N~guni't wala siyang nakilala isa man. Ang tinig ni Elsa
ay naulinigan din niya, subali't kung ano ang sinasabi'y hindi niya
mawatasan.

Makasandali ay kanyang narinig ang piano, pasimula n~g isang
_one-step_ ang tinutugtog, tugtog na noon din ay sinundan n~g
mahihinang sagitsitan n~g m~ga paang nagsasalimbayan sa ibabaw n~g
tabla.

--¡May sayawan!

Datapwa't ang namalas ni Tirso ay pawang m~ga lalaki rin ang
nagsisiindak na magkakayapos sa gitna n~g bulwagan, at anino man ni
Elsa ay di niya matanaw.

Inakala niyang si Elsa ang nunugtog n~g piano. N~guni't ¡ano bang
tugtog! _one-step_ n~ga ang narinig niyang pinasimulan, na siyang
sinundan n~g pagsasayawan n~g m~ga lalaking panauhin ni Elsa, dapwa't
hindi pa halos nakabubuo n~g tigisang inog ang bawa't magkapareha, ay
_marcha funebre_ na ni Chopin ang pagdaka'y kanyang naulinigan.

Ang sayawan ay biglang natigil. At ang humalili'y ang matunog na
halakhakan n~g m~ga lalaki.

--¡Napilya na naman tayo ni Elsa!--ang malakas na wika n~g isang
nanun~gaw pa sa bintana pagkabalatong n~g pagsasayaw.--Sapul pa
kanina'y pawang sa ganyang tugtog sa patay tinatapos ang alinmang
_tandang_ ating sayawan.

At malinaw nang nawatasan ni Tirso ang tinig n~g maganda niyang
paraluman.

--Kayo ay hindi ko pinipilya,--ang sabi.--Itinanong ko kung ano ang
ibig ninyong aking tugtugin, at aninyo'y ako ang bahala kung alin at
kung paano ang tumutugon sa loob ko.

--¿At sa lagay ay siyang tumutugon sa loob mo ang _marcha_ ni
Chopin?--itinanong pa n~g isa.

--Mangyari,--ang sambot n~g mestisa,--ay sa dinatnan ninyong patay sa
akin ang dating kaligayahan n~g puso; at bagaman namamalas ninyong
ako'y nakatawa rin, ang kaluluwa ko ay putos n~g luksa't may nilulunok
na apdo n~g kadalamhatian.

Ang dating tawana'y nasaksihan ni Tirso na napaltan n~g sandaling
pananahimik.

Kung ang m~ga lalaking iyon ay walang napunang panglalamlam n~g dating
masayang mukha ni Elsa kapagkarakang ito'y makiharap sa kanila nang
gabing iyon, disin ay may nagdamdam na sa ganyang m~ga kataga na
walang kagatolgatol na kanilang narinig. N~guni, ang totoo, si Elsa
n~ga ay madali nilang napanibaguhang malungkot noon at siya rin namang
kaagad ibinulong n~g hipag na si Dioni at ipinagbilin pang huwag
pagpapansinin pagka't walang anoman. Kaya, ang isinagot na lamang n~g
isa sa kanila'y:

--Kung ganyang ikaw ay may dinaramdam na kalungkutan, ay ibig naming
makiramay sa iyo, Elsa.

--Inaakala kong iya'y hindi ninyo magagawa, sapagka't ang m~ga
damdaming ito ay para lamang sa aking sarili....

--Sarili mo ma'y makapakikiramay rin kami, kung huwag na kaming
magtagal na gaano sa pagkakatuwang ito rito.

--N~guni't hindi ko sinasabi, m~ga kaibigan, na ikinaiinip ko itong
ating matiwalang paghaharap.

--Gayon ma'y kami ang nagaakalang marapat igalang ang m~ga sandaling
ipinakikilaban mo sa iyong m~ga kalumbayan.

--Kung ayaw na kayong magsayaw ay magusapusap na lamang tayo.

--¿Ano pa ang paguusapan natin ay sa hindi mo naman ipagtatapat sa
amin kaipala ang sanhi n~g iyong m~ga lungkot?

--Hindi kayo mawawalan n~g anomang sukat maikuwento sa akin....

At ang m~ga panauhi'y namalas ni Tirsong may m~ga hawak nang sombrero
at anyong nagaabot n~g kamay sa mestisa.

--Hintay muna pala sandali,--ang pigil n~g dalaga,--paunlakan muna,
ninyo ang munting bagay na pinagaabalahan n~g aking mabait na hipag.

--¡At may pinagaabalahan pa pala si aling Dioni! Sa wakas ay
napahinuhod din ang m~ga panauhin.

N~guni't saglit n~ga lamang, at matapos pairugan ang ilang
pamatid-uhaw na magiliw na ipinaganyaya ni Dioni, ay nan~gagpaalam na
rin.

Si Tirso, na nakasaksi sa tanang nanyari, nang umalis sa pook na iyon
ay taglay sa dilidili't siyang pinaglilimi ang m~ga katagang narinig
niyang binigkas ni Elsa,

¿Tunay n~ga kayang patuloy kay Elsa ang m~ga pagdadalamhating nasasabi
sa kanyang sulat?

¿Si Elsa kaya, hanggang sa m~ga araw na iyong hindi pa nagkakaroon n~g
katuparan ang salitaan nilang pagtatagpo sa panonood n~g sine upang
doon pagpasyahan ang suliraning ipinaghihintay n~g magiging loobloob
n~g makata, ay hindi pa dinadalaw n~g dating katiwasayan n~g kaluluwa?

Naramdaman ni Tirsong ikinaiinip niya ang hindi pagkakatuloy n~g
kanilang tipanan n~g mestisa. At sa pagkainip ay iniisip niya kung
saan sila lalong maluwag na magkakausap ni Elsa, kung gayong tila may
kahirapan ang pagkikita nila sa sine.

Kanyang binalak ang sa isang paliligo sa dagat, yamang arawaraw ring
lamang halos ay lumulusong ang dalaga; at binalak din naman ang sa
alinman sa m~ga bahay n~g ibang kakilala sa Pasay na rin, sa may di
gaanong kalayuan sa pook na iyon, upang huwag maging halatain sa
kapatid na pinakikitimban~gan ang gagawing paguusap na lihim.
Datapwa't ¿paanong ang gayo'y maisasangguni niya kay Elsa ay sa
matagaltagal nang ito'y hindi man lamang lumiliham ni tumatawag sa
kanya? Kung may telepono man lamang sana sa bahay nina Elsa, disi'y
nan~gahas nang magpaunang tumawag si Tirso. Subali't sa kasamaang
sukat ay wala n~ga, ¿paano ang kanyang gagawin?

Samantala'y nalalapit na untiunti ang m~ga araw na ipagdiriwang kay
Momo. Nagunita n~g makata na ang siyudad nito na tinitigib n~g m~ga
halakhakang ginaganap sa likod n~g m~ga n~giwi n~g sarisaring
balatkayo, ay siyang malimit pagsinayaan n~g m~ga pusong uhaw sa
ligaya, siyang kadalasang pinagtitiyapan n~g m~ga kaluluwang malaon
nang naghihintay n~g isang dakilang pagkakataon, ¿hindi pa kaya sila
makapakibahagi sa m~ga biyayang iyang idinudulot n~g karnabal sa m~ga
nasa kapanahunang paris niya't ni Elsa?

Sunodsunod na nagdaan sa papawirin n~g alaala n~g makata ang m~ga
pangyayaring kanyang napanood sa loob n~g bakod n~g m~ga karnabal na
idinaos sa ilang taong tinalikdan. Yaong isang Pierrot at isang
Columbinang nahigin~gan niyang nagkaisang magtanan sa m~ga kasama't
maliksing nakay sa isang autong aywan niya kung saan nagtun~go; yaong
isang dimonyong pula at isang dimonyong itim na nakipagindakan muna sa
kapal n~g tao sa "Auditorium", saka pagkatapos ay magkakawit ang m~ga
bisig na nagkubli sa dilim, nanunton sa m~ga pook na lin~gid at
makasandali'y matagal na nawala sa kung saang bahagi n~g maluwang na
siyudad na iyon; yaong isang Aida at isang Radames na nagpakalan~go
muna sa malaking _bar_ n~g "San Miguel Brewery" sa loob n~g siyudad at
kapagkuwa'y naghudyatang tila may paroroonang mahalagang bagay, bago'y
pagkatalin~gid sa m~ga taong sukat makapuna sa kanila'y boong bilis na
inihatid n~g isang auto sa isa sa m~ga ligpit na _hotel_ sa San
Sebastian, samantalang ang kanilang m~ga kasama'y nakikipagbiruang
walang hulaw sa loob n~g mailaw na siyudad ... ang lahat n~g iyon ay
m~ga alalahaning kumakayag sa budhi ni Tirso upang siya ay magmunukala
n~g isang kaparaanang sukat bagang ... ikaganap n~g kanilang
nabibiting tipanan ni Elsa.

--Bahala na sa karnabal, kapag hindi pa natupad sa m~ga araw na
ito,--ang nawika sa sarili ni Tirso, matapos sayurin n~g kanyang
guniguni ang nan~gabanggit na pangyayaring napanood niya sa siyudad ni
Momo.

At parang babala n~g mabuting kapalaran, isang umagang siya'y magawi
sa Escolta ay nakatagpo niya ang mestisa na kasama ni Dioni at n~g isa
pang babaeng marahil ay kamaganak, kaibigan o kaya'y kanyang
kapit-bahay.

Sa pagkikita nilang dalawa noon, ay masasabing mabuti na rin ang
nangyari, sapagka't bagaman sasandali at panakaw pa ang pagkakausap
nilang lihim at sarilihan ay napagtalastas ni Tirso kay Elsa; na ang
bagay na ipinagtipan nilang manonood n~g sine ay sa karnabal na
paguusapan; na yao'y maluwag nang mabubunsod kaipala, yamang ang
kapatid na lalaking pinan~gin~gilagan n~g dalaga ay nagtun~go sa Nueba
Esiha at malamang na hindi mabalik kundi kung makaraan na ang
nabanggit na karnabal; na ang binibili nina Elsa nang umagang iyon ay
m~ga kayong gagawing balatkayo, at ang may kagustuhan niyon, bilang
pinakapangaliw sa m~ga pan~gun~gulungkot na palagi ni Elsa, ay dili
iba't ang kanyang hipag na si Dioni.

--Kung ano ang sidhi n~g loob mo, Elsa, sa iyong sulat ay siya namang
sidhi n~g loob kong magkaniig tayo, paris n~g ating pinagusapang
minsan: datapwa't hangga n~gayon ay nasa paghihintay na lamang ako
 ...--- ang may himig n~g panunumbat na nasabi n~g makata sa
pagkapagusap nilang iyon.

--Panahon lamang, Tirso, ang wala sa atin ...--ang nagpapasigla n~g
pagasang isinagot noon n~g mestisa.

--Gawan mo sana n~g paraan na maibalita agad sa akin ang itatakda mong
araw, hane,--ang pasamong bilin pa ni Tirso.

--Hamo't kung hindi kita mapadalhan n~g kahi't isang _postal_ ay
tatawagan kita sa telepono,--matibay namang pan~gako ni Elsa.

--¿Hanggang kailan ang ipaghihintay ko?

--Hanggang sa bago dumating ang m~ga araw n~g karnabal.

--Maghihintay ako, kung gayon.

--Asahan mong gagawin ko ang lahat n~g maaaring gawin.

--Salamat, Elsa.

--Wala kang sukat ipagpasasalamat, Tirso. Ako ang nararapat
magpasalamat sa iyo, sapagka't sa di kawasa'y ... nakilala na rin
n~ga yata n~g iyong puso na may isang sawing babae ritong....

--Akin ang kasawian, Elsa, at sinomang babaeng nakikilala ko ay
sadyang tinatangkilik n~g magandang kapalaran.

--Aywan n~ga ba kung ako ang bukod na natatan~gi sa m~ga mapapalad na
iyan....

At minsan pang namalas ni Tirso noon ang talagang pagmumukhang
nahahapis n~g diwatang yaong kapatid n~g kasayahan.

Ang mestisa't ang makata ay nagkatalikod noong taglay-taglay sa ubod
n~g puso nitong huli ang m~ga bagong tibukin....

Ang dating pagpapalagay sa mestisang iyon na may tamis n~g
pagtatan~ging kapatid, nitong magpakasira si Teang sa kapan~gakuang
iniwan kay Tirso, tan~gi sa katamisa'y nalahukan pa n~g init n~g
paglulunggating ibinubuyo n~g isang pagmamahal na mahigit sa nagagawa
n~g pagkakapatiran. Anopa't sapul nang gumitaw sa kanyang dibdib ang
kutob na pinagmamaliwan na't nililimot siya n~g babaeng nan~gako n~g
pagtatapat, ang nakakikiliting kilos at anyo ni Elsa nang gabing
mapanhikan niyang aawitawit na nagiisa sa loob n~g bahay, at ang
matiwalang pagsama sa kanya noon hanggang sa bangka, saka ang
nilalaman n~g mahabang liham na ipinadala sa kanya, ay hindi lamang
m~ga pangyayaring laging sariwa sa alaala ni Tirso kundi nagdudulot
din naman sa kanyang puso n~g bagong damdaming sinisibulan n~g bago
ring pagasa ... Ang buhay n~g tao ay nasasalalay sa gulong n~g
Kapalarang walang humpay na umiinog. Kung sa ganang kay Tirso'y
napailalim siya sa pagkabighani niya kay Teang, nitong nalulurok na
n~g boong pagpapahalaga n~g kanyang kaluluwaang bawa't bugtong o
talinghagang iniuukol sa kanya n~g magandang mestisa ay parang
ibinubulong n~g kanyang sarili na nalalapit na naman ang kanyang
pamamaibabaw at ikatatampok sa karurukan n~g tagumpay.

At buhat noo'y hinintay na niya arawaraw ang pagdating n~g
tagadalang-sulat na magaabot sa kanya n~g pan~gako ni Elsa, o kaya'y
ang pagtawag nito sa teleponong nasa silong n~g gusaling kanyang
tinatahanan....

Ang makata ay nabigo na sa paghihintay n~g sulat ni Teang, ¿sa
paghihintay n~g _postal_ o sa pagtelepono naman ni Elsa ay mabibigo pa
rin kaya siya?...




XXII

MGA NAGAGAWA NG BALATKAYO


¡Karnabal!

Lubhang makapangyarihan kung magutos ang dios n~g m~ga halakhak at
pagbibiro, ang hari n~g balatkayuang lunas sa m~ga dalamhati n~g
kaluluwa at puso....

Babago pang napaguusapan ang m~ga araw n~g kanyang pagdiriwang, sa
iba't ibang panig n~g Maynila ang m~ga tao'y abalangabala na sa
sarisaring paghahanda. Ang m~ga masalapi ay nagsisipagpagawa sa
kanikanilang mananahi n~g m~ga kasuutang ikatatampok nila't ikauun~gos
sa gayak n~g iba: m~ga sutlang kayong pulangpula na animo'y dugo,
mayroon namang dilaw na nakikipan~gagaw sa kulay n~g apoy, at may
lungtian pang nagbabalita wari n~g pananagana sa lahat n~g bagay n~g
taong sa kanya'y nagpapakahibang ... Ang m~ga maralita naman, sa
kabilang dako, ay nagtatamad sa paggawa, ilang araw na di sisipot sa
pinapasukan, nagsasangla n~g isang tumbagang singsing o n~g isang
hilakong hikaw, na tan~ging hiyas n~g kanilang karukhaan,
nan~gun~gutang n~g salaping patubuan at ... bumibili n~g isang murang
balatkayo, isang nakan~gising maskara, upang sa likod n~g m~ga ito'y
sandaling limutin ang kanilang kahinubong pagkasahol sa buhay, at
sandali ring makilahok sa m~ga halakhaka't panunukso sa kakilala't
hindi man. Ang m~ga dalaga ay karaniwang magsuot n~g gayak Columbinang
kaakitakit sa bawa't makakita, at ang m~ga binata nama'y nagdadami't
Pierrot na lubhang katawatawa. Bawa't pusong pinasisigla n~g apoy n~g
kabataan, bawa't kinapal na nasa panahon pa n~g kasariwaan, ay dili
ang hindi naguubos n~g kaya sa paghahanda n~g tanang nararapat niyang
gamitin sa pagsagap n~g luwalhati sa sinapupunan n~g dakilang
karnabal. At yaong may kaluluwang hindi nagtitikim n~g biyaya n~g
maligayang kapalaran, ay nagsisipan~garap na sa m~ga araw na iyan ay
mabibihis ang kanilang kasawian, mapapaltan n~g tuwa ang kanilang m~ga
paghihirap at sa duyan n~g luwalhati'y sandali silang aawit n~g
kasiyaha't mahahalinhan n~g kabusugan ang binabata nilang uhaw....

At, hindi malilihis sa katotohanan kung ang mestisa at ang makata ay
ibilang sa ganyang m~ga may hinihintay.

Si Dioni, na nagpanukala n~g pagpapayari n~g magagarang balatkayo na
magagamit niya't n~g kanyang iminamahal na hipag, ay dili ang hindi
nagsaloob n~g paninibago sa m~ga kilos nito, nang mapuna niyang
tinatangihang pawa at sinasalubong n~g paghingi n~g paumanhin ni Elsa
ang lahat n~g anyaya n~g m~ga tanyag na ginoong kaibigan at dating
kasamasama sa m~ga liwaliwan, m~ga anyaya para sa isang gabi sa
"Auditorium" o sa panonood kaya n~g _coronacion_ o n~g alinman sa m~ga
magaganda't malalaking kasayahang idaraos sa loob n~g karnabal.

--Tila nagiiba na n~gayon si Elsa,--ang naibulong niya sa kanyang
sarili, nang ang mestisa'y ayaw n~gang magbitiw n~g anomang pan~gako
sa m~ga lalaking namumuhunan n~g masuyong pakiusap.

Bahagya ma'y hindi sumagi sa isip ni Dioni na ang sulat na ipinadala
ni Elsa kay Tirso noong kararaang Bagong Taon ay maaaring siyang
magbulos sa dalawa sa isang lihim na pagtatagpo sa loob n~g siyudad na
kinaliligpitan n~g maraming hiwaga. Sa katotohanan, nang tagpuin sila
n~g tinukoy na makata noong ikatlong gabi n~g m~ga pagdiriwang sa
kaharian ni Momo, ay saka lamang napaguwiuwi, ni Dioni ang bagay at
sanhi n~g m~ga kilos na kanyang napapanibaguhan sa kanyang hipag.

--Naalaman ko na n~gayon, Elsa, kung bakit hindi mo pinaunlakan ang
alinman sa m~ga anyaya n~g iba't ibang kaibigan mo,--ang manawanawang
naibulong niya sa mestisa nang lapitan sila ni Tirso.

At si Elsa na nakalurok kaagad sa ibig sabihin ni Dioni, ay
nagbalobalong sumagot:

--Hindi ko sila ibig na makasama rito, iyan lamang ang sanhi n~g di ko
pagpayag sa kanilang anyaya.

--Higit diyan ay mayroon pa....

--Ikaw ang napakamapaghinala n~g hindi tama....

--¿Ano? ¿Di ba totoong hindi iyan ang tunay na pinagpaparoonan mo?

--¡Hindi!

--¿At ibig mong tukoyin ko?

--¡Ayoko na n~ga n~g malabis na tuksuhan!

--¡Sa ako'y hindi nanunukso lamang, kundi...!

--Kinalilimutan ko na ang pagtawa, Dioni....

--N~guni't n~gayon sa gabing ito ay may matuwid ka nang tumawa ... At
di lamang tumawa kundi marapat pang magalak, malugod at
magpasalamat....

--¡Sukat na n~ga iyan!

--¡Kundan~gan pati ako'y ibig mo na yatang paglakuan!

Masaya n~ga ang dalawa.

At ang gayong malamang nang pagkabunsod n~g tipanang pagkikita nila ni
Tirso, ay sapat nang makapag-pasigla sa diwa at katawan ni Elsa.

Noon ay siyang gabi n~g nababalitang pagpuputong sa napahalal na
reyna.

Si Tirso, panggagaling sa paaralan ay nagdudumaling nagsuot n~g
kanyang damit Pierrot na lungtiang magulang at yari sa sutla, may
malalaking botones na dilaw sa m~ga manggas n~g baro at laylayan n~g
salawal, saka may nagbiting bembe sa paligid n~g kanyang leeg; at
han~gos nang nagabang sa isang pook sa loob n~g siyudad, alinsunod sa
itinipan n~g mestisa sa araw na sinundan. Hindi naman siya gaanong
nainip at dumating sa harap niya ang dalawang Columbinang dilaw, tila
kambal sa pagkakawan~gis n~g tabas at kulay n~g kanilang balatkayo.

Ang pagkakaparis na iyon ay nakapagpaulikulik kay Tirso, palibhasa'y
hindi niya makilala kung sino roon si Elsa at kung sino naman ang
isang kasama. Datapwa, pagkapuna n~g mestisa sa, gayong paguulikulik
n~g makata ay siya ang unang humudyat na magpakilala, saka pagkatapos
ay ipinakilala rin kung sino ang kanyang kasama.

--Si Dioni iyan,--ang sa paimpit na tinig ay ibinulong. Saka bumaling
sa hipag at sinabi:--Si Tirso ito....

Nagyao't dito muna ang tatlong magkakasama sa magkabikabilang panig
n~g siyudad na pinanaganaan n~g liwanag. At nang makaubos na n~g kung
ilang supot n~g _confetti_ sa walang tuos na pakikipagsabuyan sa
balana, ay saka lamang nagyayaang masok n~g "Auditorium", yamang
malapit na rin namang dumating ang oras natatakda sa _coronacion_.

Walang hulugang karayom ang kapal n~g tao sa loob n~g nasabing
"Auditorium" nang magsipasok ang tatlo. Kahi't saang gawi sila
magbaling n~g tin~gin ay hindi nila mapagwari kung saang bahagi roon
maaaring idaos ang ibinabalitang _baile de coronacion_.

--¿Paano tayo rito?--ang tila may yamot na tanong ni Elsa sa dalawa
niyang kasama, pagkamalas sa gayong sikip n~g m~ga taong nagtuwid na
lamang sa pagkakatayo at ibig mang lumipat sa, ibang pook ay tila
hindi magawa.

--Maghintayhintay muna tayong sandali, at baka mabawasbawasan ang
tao'y lumuwagluwag naman n~g kaunti.--ang salo ni Tirso.

--¡Suss! Halos di pala makahinga sa sikip ang taong napaparito!--ang
katlo naman ni Dioni.

At sa mungkahi n~g lalaki, ay nagsipagalis na sila n~g takip sa mukha,
bilang pakikiugali sa karamihan doon.

At samantalang nagdaraan ang panahon sa gayong pagtitiis n~g di
birobirong hirap, di nila napupuna ay untiunti silang napapalayo sa
bun~gad n~g pintong kanilang kinatulusan, natatan~gay palibhasa n~g
pabugsobugsong dating n~g m~ga tao. At ilang saglit pa rin ang
lumipas bago nila natiyak na sila ay napapadpad pala sa isang gilid na
malapit sa dingding na tinatalikuran n~g madla.

Sa pook na yaon, na bahagya nang inaabot n~g liwanag n~g kumpolkumpol
na ilaw sa may panggitnang panig n~g bulwagang wala yatang kasinglaki,
kaginsaginsa'y nalin~gapan ni Elsa't ni Tirso, samantalang si Dioni'y
sa kaibayong gawi nakamata, ang isang babae't isang lalaking marahil
ang isip ay wala sa gayong pagdiriwang kundi naglalakbay sa dako pa
roon n~g m~ga pangarap ... At ang kanilang anyo't m~ga kilos ay siyang
nagpapaakala n~g ganito. Ang _disfraz_ nilang gamit ay maituturing na
kabilang sa m~ga lalong mahal at kaakitakit, hindi n~ga lamang gaanong
bagay sa babae na gaya n~g sa lalaki. Parang walang namamalas na tao
sa kanilang palibid, ay sapupo n~g isang kamay n~g lalaki ang maliit
na baywang n~g babae, at ang isang palad nito'y matiwalang nakakapit
sa balikat niyon, samantalang sa bawa't bulun~gan ay halos
nagkakadampian na ang kanilang labi at ang nakahilig na mukha n~g isa
ay di binabaklas sa pagkakadikit sa isa pa ... Ang masasayang n~giti't
makahulugang m~ga sulyap ay di ikinukubli sa sinomang maaaring
makapuna sa kanilang anyong nakatatawag n~g loob, at ang m~ga puso ay
mahihinuhang sinasakbibi noon n~g kaligayahang pabihibihirang
ipagbiyaya n~g panahon sa tao.

--Magasawa marahil,--ang marahang inianas n~g mestisa sa makata na di
kinukusa'y napasundan n~g isang munting kurot sa bisig n~g
pinagsabihan.

--Malayo ang hula mo,--ang pakli n~g makata, na dili ang hindi
nakaramdam sa kurot na ibinigay sa kanya.

--¿Ay bakit ganyan na ang asta?

--Iya'y isa lamang sa karaniwang gawin n~g sinomang kinakandili n~g
mabuting palad.

--N~guni't ang babae ay di papayag sa ganyan, kung hindi niya ibig ang
lalaki.

--Iyan ang tama: walang pagsalang ang lalaki ay siyang hantun~gan n~g
kanyang boong pagibig, kaya ganyan ang kanilang laya. ¡Mapalad na
lalaki!

--¡Mapagsamantala ang sabihin mo!

--Sa ano't anoman, ay nananaghili ako sa kapalaran niya.

--Maaari n~gang managhili ka, sapagka't ... hindi si Teang ang kasama
mo n~gayon.

--¡Si Teang na naman!

--¿At ano? Kung siya lamang ang narito't kakawit-bisig mo, kaipala ay
wala kayong sukat ipanaghili sa dalawang iyan....

--Kung siya ang aking iniibig n~g boong pagkatao, oo; datapwa't ang
totoo'y ... nalalaman mo nang hindi siya.

--¿At sino?

--¿Kailan~gan pa bang sabihin ko?

--¡Sa di ko nakikilala!

--¡Elsa! ... Nakikilala mo kung sino ang inabayan ko sa bangka sa
Pandakan; nakikilala mo kung sino ang nagpadala sa akin n~g mahabang
sulat na nasa bulsa ko sa m~ga sandaling ito; nakikilala mo kung sino
ang kaulaulayaw at kinakausap ko n~gayon dito....

Ang mestisa ay pinamulahan n~g mukha't hindi nakakibo. Dinalaw na
naman n~g lugod ang puso niyang tuwina'y sabik sa paggiliw n~g
makatang iyong tan~ging naghahari sa kanyang kaluluwa. ¡Labas nang
talaga sa dilang alinlan~gan ang pagwawagi n~g kanyang m~ga han~garin!

Subali't n~gayong natitiyak na ang kanyang pagwawagi, ay n~gayon naman
siya nauumid mandin sa naglalambin~gang bigkasin n~g makata at sa m~ga
kilos nitong maaaring mahalata n~g iba.

--Huwag ka nang main~gay, Tirso,--ang saway na amang sa lalaki,--hayan
lamang si Dioni baka naririnig na tayo.

At ... ang m~ga bisig nilang nagkakakawit ay siya na lamang
nagpahayagan n~g kanikanyang ibig sabihin sa bisa n~g bahagyang
pagsiko n~g isa sa isa na ipinagkaunawaan nila.

Sa isang dako, si Dioni, na di naman patay na loob sa balabalaki n~g
kabataan, ay talaga palang may napaghahalata na sa dalawa niyang
kasama, kaya't sa simula pa n~g nahigin~gan niyang paguusap, ay kinusa
na ang di pagaalis n~g mukhang paharap sa dakong malayo.

--Hindi masama ang pagbibigay ...--ang bulong niyang man~gitin~giti sa
kanyang sarili.

Ilang saglit na walang nagbubuka n~g bibig.

--Dioni,--ang tawag mayamaya n~g mestisa.--¿Baka naiinip ka na?

--Kung hindi kayo naiinip ay hindi rin ako ...-masiglang itinugon n~g
tinukoy.

--Hindi kami mangyayaring mainip, Dioni, sapagka't mayroon kami rining
isang nakapupukaw n~g loob na panoorin,--pan~giti namang ikinatlo ni
Tirso, saka inihudyat n~g n~guso ang dalawing pinanonood sa gawing
padako kay Elsa.

Napatawa si Dioni sa anyo n~g itinuturo n~g makata.

--¡Dito ka n~ga naman sa karnabal makakikita n~g sarisaring
palabas!--ang pakagat-labing sabi sa mahinang turing.

--¡Talaga!--ang ayon ni Tirso.

--At ¿naalaman mo, Dioni? nananaghili raw siya sa dalawang iyan,
sapagka't hindi niya kasama ang kanyang minumutyang si T....

--¡Ehem!--anang hipag na tinukoy.--¡Baka kung ano na iyan!...

--¡Hindi!--ang tanggi n~g makata.--Nagbibiro lamang itong si Elsa.

--¿N~guni't hindi mo ba natatandaan, Dioni, kung sino ang kasama n~g
maginoong ito noong minsang makita natin siya sa salon n~g "La Perla"?

--¿Si Teang na inaanak n~g tia Basilia?

--¡Wala pong iba!

--¡Aha!...

At ang lalaki ay manawanawang pumakli:

--Magpaniwala ka, Dioni, kay Elsa ay kung saan ka tuloy dadalhin
nito....

--¡Tumatalikod n~gayon ang bata!--ang palabing agaw pa n~g mestisang
sa hipag nakatin~gin. ¡Ikinahihiya yata ang "himala" ni pari Casio!
¡Kawawa naman!...

Hindi nalalaman n~g dalawang babae na ang m~ga winikang iyan ni Elsa'y
balaraw na umiwa sa damdamin ni Tirso. Naalaala ang m~ga balita ni
Martinez.

Si Dioni naman, kaya napapamata, sa hipag at walang isinasagot kundi
tatawatawa lamang, ang totoo'y hindi pala nakauunawa sa ibig sabihin
n~g "himalang" binanggit n~g mestisa.

--Maalaala ko pala'y matagaltagal nang hindi ko nababalitaan kung saan
naroon ang Teang na iyan,--ang tan~ging nasabi ni Dioni.

--¿Saan n~ga ba naroon?--ang di napigilang itinanong din ni Tirso na
nadadala yata n~g pananabik.

--Kung sino ang dapat makabatid niyan ay siyang dapat
makapagsabi,--ang sunggab ni Elsa.

--¡Ikaw!--ang tukoy ni Tirso sa mestisa.

--¡Ikaw!--ang batik naman ni Elsa sa makata.

--Tila narinig ko kung kanino na siya'y inauwi sa probinsia, n~guni't
ito naman yatang si Elsa ang nagsabi sa aking minsan na siya ay nasa
kolehio,--ang badya naman ni Dioni.

--¿Nasa kolehio?--anang lalaki.

--Noong araw,--ang saklaw n~g dalaga.

--¿N~guni't n~gayon?--itinanong n~g hipag.

Naghilian sa pagsagot ang dalawa.

Tuwinang mapaguusapan ang n~galan ni Teang ay di matimpi ni Tirso ang
pananabik na gumigiyagis sa kanya. At tuwina namang may mahahalatang
ganyan si Elsa, ay lalong nagdaragdag n~g sikap para siya ang
makapangyari sa isip at damdamin n~g makata.

Siyang paglin~gon sa kanila n~g lalaking pinanonood na kayaposyapos
n~g isang babae. At nakilalang maliwanag ni Elsa.

--¡Susss!--ang pamanghang wika.--¡Si Dr. Nicandro!

--¿Siya n~ga ba?--ang pataka ring sambot n~g dalawa.

--¡Siya n~ga!

--¿At sino kaya ang babae?--ang tanong ni Dioni.

--Namumukhaan ko; isang "maamong kalapati" sa "mayamang alagaan" sa
San Juan ...--ang pahayag n~g lalaki.

--¿Ano ang sinabi mo?--ani Elsa.

--Isang makisig na mananayaw ...--ipinaliwanag ni Tirso.

--¡Isang doktor sa piling n~g isang bailarina!--mahinayang pang sambit
ni Dioni.

--¡Bah! Iyan, Dioni, ay di humihigit sa karaniwang makita n~gayon dito
sa Maynila at sa m~ga karatig na bayan,--ang baling n~g makata,--Ang
naririto n~gayong ating namamalas ay isang doktor, at sa m~ga
_cabaret_, m~ga _hotel_, at iba't ibang pook na sagapan n~g aliw,
dapat ninyong maalamang hindi iilan ang m~ga matutunog na abogado,
m~ga matalakatak na kinatawang bayan, matataas na kagawad n~g
pamahalaan, m~ga batikang politiko, m~ga mayayamang man~gan~galakal,
m~ga mamahayag at iba pang nabibilang sa unahang hanay n~g m~ga
pagasa't dan~gal n~g bayan, na nagpapakalasing sa kandun~ga't bisig
n~g kung sinosinong babaeng nakapagaalinlan~gan ang linis n~g
pamumuhay.

--¡Ang lalaki n~ga naman! ¡kailan ma'y lalaki rin!--ang parinig ni
Elsa.

--¡Mangyari pa! Gaya rin naman n~g katotohanang ang babae ay babae rin
kailan man,--isinaklaw ni Tirso.--Datapwa't hindi ang lahat ay may
hilig sa ganyan....

--Humigit-kumulang ay parisparis na kayo,--ang sabad ni Dioni.

--Mayroon din naman sa aming kalaban n~g ganyang ugali. Halimbawa:
ako....

--¿Ikaw?

--Oo.

--¿Ay bakit nalalaman mong pagsabihing may abogado, periodista,
man~gan~galakal at iba pang umaasal n~g ganyan, kung diyan ay hindi ka
kabilang?

--Sapagka't natatagpuan sila kahi't hindi hanapin. Paris n~gayon;
hayan ang isang manggagamot, at nakita natin sa piling n~g isang
mananayaw n~g di tayo tumutuntong sa _cabaret_.

--¡Hintay kayo't may iba naman akong nakikita!--ang biglang hadlang ni
Dioni, saka patagong inihudyat ang isang babae't isang lalaki pang may
kapunapuna ring palagayan sa isang panig na di lubhang malayo sa
kinaroroonan nila,--Nakikilala ko ang lalaki: si abogado X***,
n~guni't ang babae'y....

--¡Ah, ako ang nakakikilala pati sa babae!--isinaklaw ni Elsa.--Iyan
ang may asawang si aling K*** na pinakapintasan nang minsan sa harap
ko ni Martinez.

--¿May asawa ang babae?--itinanong ni Tirso.

--Mayroon, n~guni't ang kasamang iya'y hindi siyang nagmamay-ari sa
kanyang pan~galan,--ang paliwanag pa n~g mestisa.

--Saka ang asawa raw n~g babaeng iyan, Tirso, ay walang pan~galawa sa
kabaitan,--ang susog pa ni Dioni. Balana umano ay kinapitan sa manggas
n~g babae at ang sinasangkalan ay ang m~ga, sayawang malimit niyang
daluhan, samantalang siyang lalaki naman ay panatag daw na naghihilik
sa kanyang bahay at di man napapanaginip ang pananagumpay n~g kanyang
 ... kabaitan.

--Gaya n~gayon,--pan~giting naitugon n~g makata,--narito ang
natuturang kabiyak n~g kanyang puso, subali't nariritong hindi sa
kanyang kandun~gan nagpapasasa n~g ligaya....

Walang anoano ay may tugtog n~g kornetang naulinigan sa dakong
hinaharap n~g madla, tugtog na sinundan n~g biglang pagkabalisa't
pagdadagitgitan n~g m~ga tao sa pagaakalang yaon na kaipala ang unang
babala n~g gagawing pagpuputong.

Kaginsaginsa nama'y sa sisipot sa harap nina Tirso ang magasawang
nagpiging sa Pandakan, at han~gos, pagulat at nagdudumaling ginagap
n~g babae ang m~ga kamay ni Elsa't ni Dioni, saka ang m~ga ito'y
niyayang sumama sa kanila na humanap n~g mabuting pook upang kahi't
paano'y masilip man lamang ang mukha n~g reynang sanhi at dahil n~g
maraming bulun~gan.

At palibhasa'y hindi lamang sila kundi lahat ang naghahan~gad na
makapanood n~g pagpuputong, ay di sila nagkapanahong magusap n~g
marami, at sa m~ga tin~ginan ay nagkaalam nang susunod sila sa
biglaang pagbatak kina Dioni n~g m~ga kaibigang magasawa.

Sapagka't hindi naman manyayaring manatili ang pagaakayan n~g isa't
isa, sanhi sa walang kasingsikip na taong umuho n~ga sa loob n~g
tanghalang iyon n~g malaking kasayahan, hindi kinukusa n~g sinoma'y
nagkalayolayo sila: ang magasawa ay napabukod; si Elsa't si Tirso ay
kung saan napatun~go; at si Dioni ay napagisang hahanaphanap sa m~ga
kasama.

Sinapantaha ni Dioni na kasama n~g magasawa ang makata't ang mestisa;
inakala naman n~g m~ga ito na si Dioni ang kasama n~g m~ga yaon;
n~guni't sa palagay n~g magasawa'y humiwalay nang kusa ang tatlong
magkakaabay.

Sa gayong pagkakaligawligaw, ang dalawang nasa kasariwaan ay
pinatnugutan n~g mabuting pagkakataon.

--Kung ako lamang ang masusunod ay minamabuti ko pang maupo na lamang
tayo rito at paraanin nang idaos ang pagpuputong na iyang
pinagkakaguluhan n~g tao,--ang wika ni Tirso.

--¿Hindi kaya tayo hanapin ni Dioni?--ang tanong ni Elsa.

--Hanapin man ba, kung hindi tayo umaalis sa pook na ito, ay di lalo
pang madali tayong magkikitakita....

--Mabuti pa n~gang magpahipahin~ga muna tayo; n~galay na n~galay na
ang m~ga binti ko sa malaong pagkakatayo.

At magkapiling na nagsilikmo ang dalawa sa pook na yaong
tinatalikuran n~g makapal na taong sa iisang dako nakaharap.

--¿Nasa iyo n~ga ba n~gayon ang sulat ko?--itinanong makasandali n~g
babae.

--Nasa akin,--ang pakli n~g lalaki.

--Mabuti pa kaya'y isauli mo na....

--¿Bakit?

--Kung wala rin lamang kahihinatnan, eh bakit mo pa
iin~gatin~gatan....

--¿Walang kahihinatnang paano?

--¿At, mayroon ba?

--¡Elsa, parang ikaw pa pala ang may hinanakit sa akin, gayong kay
daming araw na ipinamahay ko sa malaking pananabik sa ikapagkakaroon
natin n~g panahon sa paguusap n~g niig na paris nito!...

--¿N~guni't n~gayon ay ano ang iyong sasabihin?

--Unanguna'y ibig kong ipahayag ang malabis kong pagdaramdam dahil sa
pagkapagsalita sa iyo n~g kapatid mo; ikalawa'y ibig ko rin namang
ipayo sa iyo na ipagpaumanhin mo't iwaksi na sa loob ang lahat n~g
iyon, yayamang kapatid mo namang nagmamahal ang nagsalita.

--¿Wala nang iba?

--At ... at ... ¿ano pa ba ang hinihintay mong gawin ko?

--¡Ay, Tirso! ¡Salamat kung iyan na lamang ang iyong inaakalang dapat
gawin!...

At pagkasambit nito ay papiksing tumayo at umanyong nagtatampo.

--Elsa ...--malumanay na tawag n~g makata,--sasandali ang pagkakataong
ito na masasamantala natin; mangyayaring sa sisipot na lamang dito't
sukat ang iyong hipag, maanong kung baga't ibig mo ay magusap na
tayong mahinahon....

--¿Ano pa ang kailan~gan? Naipahayag mo na ang iyong loobloob....

--Maupo ka sanang muli't may sasabihin pa ako....

Dili ang hindi nanumbalik na lumikmo ang dalaga.

--O eh ¿ano n~gayon?--ang tanong na tila nakapangyayari.

--Elsa, dahil sa kahalagahan n~g bagay na ipinaghihintay mo sa akin
n~g pasya, ay ibig ko sanang ipamanhik sa iyong pagusapan natin ito
n~g lalong mahinahon....

--¡Pshe!

--Siya n~ga, Elsa. Ang nais ko ay maunawaan mo ang kalinisan n~g aking
budhi't kadalisayan n~g ... pagmamahal ko sa iyo.

--¡Pagmamahal!...

--Oo, Elsa, minamahal kita; at hindi lamang minamahal, kundi
itinatan~gi sa lahat: iniibig n~g boong puso....

--¡Kay buting pagibig! ¡Iniibig na pinasasakitan!...

--Ang ginhawa mo'y siya kong pinakahahan~gad....

--Salamat, n~guni't marahil ay ... talagang hindi tayo nagkakaisa n~g
pagkukuro.

--Pagaaralan ko ang iyong ikasisiyang loob.

--Subali't ¿ano ang maipagsusulit mong pagbibigay kasiyahan sa akin
tungkol sa nilalaman n~g sulat kong pinagpaguran ko pang pakahabaan?

--Ang pagpapagunita sa iyo, tan~gi sa aking m~ga sinabi, na ang
pangusap n~g kapatid, gaya n~g sa magulang, ay nakatataba sa puso n~g
pinan~gun~gusapan.

--Maipalalagay mo na ang tanang ibig mong ipalagay; datapwa't ang
sinasabi ko naman, Tirso, ay mahirap nang magtagal ako sa bahay na
iyon. ¡Kung narinig mo sana ang m~ga salita niyang halos masasabing
pagtataboy sa akin!

--Yao'y hindi pagtataboy, kundi pagpapakilala lamang sa nagawang
kasalanan....

--¡How! Kaya niya ako pinagsalitaang gayon na walang kapatupatumangga
ay sa dahilang may paniwala siyang ako'y paglalaruan mo lang. At kung
ganyan ang nadadama ko sa iyo ay ... ¡tila hindi siya nagkakamali!...

Pagkawika nito'y namasdan ni Tirsong umanod sa pisn~gi n~g mestisa ang
ilang patak n~g luhang nagpapahayag n~g malaking paghihinagpis.
¡Kaunaunahang patak n~g luhang nasaksihan niyang namalisbis sa
mukhang iyong puspos n~g sanghaya! Nan~gilabot si Tirso.

--Elsa, inuulit ko sa iyong iniibig kita n~g isang pagibig na walang
katapusan....

--Tirso, ang pagibig na iya'y sayang lamang, kapag di mo natutuhang
ilin~gap sa isang abang sawing inabot n~g sigwa sa dagat n~g buhay....

--Ako ay nasa piling mo sa lahat n~g sandaling kailan~gan ang aking
magagawa; n~guni't ang nagdaan sa palad mo, Elsa, ay di pa isang
sigwa, kundi isa lamang bahagyang biro n~g Panahon sa gaya nating
paharap sa pintuan n~g Luwalhati ... Huminahon ka, at hindi kita
pababayaan....

Naito na si Dioning han~gos at putlangputlang di halos makapan~gusap.

--¡Pinakaba ninyo ang dibdib ko!--ang di napigilang sabi sa m~ga
dinatnan.

At sina Tirso'y nagtindiga't sumalubong.

--¿Saan ka napatungo't nawala ka rito?--ang madaling itinanong ni
Elsa.

--Hindi na kami umalis dito't baka aniko'y magkita tayo agad, yamang
dito tayo nagkahiwalay,--ang sambot naman n~g lalaki.

--¡Naku! ... ¡Nanglalata ako!--ang daing ni Dioni, at napalun~gayn~gay
na lamang sa balikat n~g hipag.

Sa isang tin~ginang n~g makata't n~g mestisa, ay nagkaunawaan ang
dalawang ito sa pagpapakahulugang hindi pagod o anoman ang
ipinagkagayon ni Dioni, kundi ang pagsasapantahang "baka ang sisiw na
kanyang alaga ay kung saan na tinan~gay n~g lawin" ... Kaya't
nagkan~gitian tuloy n~g lihim.

Kay Dioni naman, ang nadatnan niyang bakas n~g luhang umagos sa
pisn~gi ni Elsa ay naging isa pang patibay n~g kanyang m~ga
salagimsim.

Ang paliwanag ni Tirsong hindi pagalis sa pook na iyon, ay ipinalagay
lamang na isang mababaw na salamangka. Gayon ma'y nagpakatimpitimpi na
lamang at hindi na umimik, kundi nang mapilitang imungkahi ang
ganito:

--Totoo na akong nanghihimagal; kung tayahin ko'y sumasama pa ang
aking katawan, ¿hindi kaya magiging pan~git sa inyo, Tirso, kung
magpauwi na muna tayo n~g hindi pa natatapos ang kasayahang sinadya
natin dito?

--Hindi, Dioni,--ang panabay na sambot n~g dalawa;--tayna, kung ibig
mo na. Ikaw n~ga lamang ang hinihintay namin.

--Kayo na sana ang bahalang magpaparaya sa akin, hane.

--Wala kang sukat ipagalaala.

At ilang saglit pa't tinun~go na n~g tatlo ang dakong pinto n~g
maluwang na "Auditorium".




XXIII

LANGIT NA MAALIWALAS


Pagkatapos n~g karnabal ay wala nang agamagam na sukat malabi kay Elsa
upang huwag malubos ang kanyang kaligayahan. Ang malaong
pinan~gapan~garap niyang pagtatagumpay sa puso n~g makatang nihag na
buongbuo sa kanyang pagkababae ay isa nang katotohanang itinatambad sa
harap niya n~g m~ga huling pangyayari.

Inniibig niya si Tirso, at ang makatang ito ay umiibig sa kanya.
¡Narito ang tamis, ban~go, liwanag, luwalhati at buhay n~g magandang
si Elsa! Ito ang kanyang kahapon, n~gayon at bukas; ang tanging sanhi
n~g kung bakit ninanais niya ang mabuhay pa n~g malawig sa mundong
ito....

Arawaraw, pagkamulat n~g m~ga mata, ang unang sumisilid sa isip ni
Elsa ay ang pagmumunimuni kung paano't saan sila muling magkakaulayaw
ni Tirso, at kung anong bagay ang kailan~gan niyang gawi't iukol pa sa
makatang iyan upang huwag magkawakas kundi bagkus magibayo pa ang
katalikan n~g kanilang pagmamahalan. At si Elsa ay isang matiyagang
tagapagalaga n~g halamang iyan. Dinadalaw niya orasoras ang kanyang
bakuran, dinidilig ang pananim, ito'y ginagambulan sa puno, hinihimas
sa dahon, hinahagkan sa talulot....

At sa ikalulusog n~g halamang, sinabi, pagtaastaas na n~g sikat n~g
araw ay nagugunita na agad n~g mestisa ang paglusong sa dagat na
kasama n~g kanyang m~ga piling kaibiga't kakilala. Si Tirso ay malimit
na tinitipan niya sa gayong m~ga paliligo sa magandang dagat, at sa
kanilang pagtatagpo roo'y madalas silang nagtatamasa n~g kaligayahan
sa pamamangka, sa pagtatampisaw sa tubig at pagtatapak pagkatapos sa
mabanlik na baybaying hinahagkang lagi n~g mayamang simoy.

Kung linggo n~g hapon, si Elsa ay masigla ang katawang nagsasadya sa
Luneta, at doon, kaabay n~g makata n~g kanyang m~ga pa~ngarap, ay
nagyayao't dito sa lahat n~g dako, samantalang ninanamnam n~g kanyang
kaluluwa ang nagpapainamang tugtugin n~g banda n~g Konstabularia na
nagiging marapat sa dilang paghan~ga. Naroong magpabalikbalik sila sa
pabilog at pasalasalabat na m~ga landas, magtigil at magmasidmasid
sandali sa harap n~g hugis pisóng bantayog ni Rizal, saka mauupo sa
alinmang likmuang mawalan n~g tao. Naroong sila'y dumako sa may
dinudunghal n~g "Manila Hotel", at mula sa ibabaw n~g m~ga
naglalakihang bato't talampas na saganangsagana sa pook na yao'y boong
lugod na pinanonood ang tila naguunahang salpok n~g alon sa lahat n~g
pagilid, saka ang kaakitakit na kulay n~g langit sa dakong Kanluran sa
m~ga sandali n~g pagsibsib n~g araw sa likod n~g m~ga bundok na
natatanaw sa kabila n~g dagat. Kung minsan nama'y siya nilang
tinatalunton ang daang pahabay sa dagat na patugpang Pasay, at doo'y
malinit silang nagtitila m~ga ibong namamayagpag n~g boong lugod at
panabay na umaawit n~g isang pagiirugang walang pagkupas....

Sa "Jardin Botánico" ay madalas din namang sila ay nagpapalipas n~g
mahahabang sandaling puspos n~g tamis at kaluwalhatian. Sa ibabaw n~g
damuhan at sa lilim n~g malalabay na punongkahoy na nagbibigay n~g
kahalihalinang anyo sa pook na yaon, hindi mamakailang sila'y
naguulayaw n~g boong payapa at ang m~ga puso nilang kalong n~g
ligaya'y binibigyang panahong magkapalitan n~g wagas na tibukin ... At
kung mapagod na sa panonood n~g hayop na walang kasingamo sa loob n~g
kulungang bakal gayong pagkailapilap kapag nasa kagubatan, kung
man~galay na ang m~ga mata't magsipamitig ang m~ga litid sa
pagmamasid sa pagsasalimbayan n~g sarisaring ibong may iba't ibang
kulay, sa paghahabulan n~g m~ga dagang-kosta, m~ga koneho, sa
paguumakyat-manaog sa m~ga nagsalabat na kahoy n~g m~ga unggong
mukhang taong pan~git, sa kiniwalkiwal n~g buwaya, sa pamamalupot n~g
sawa, sa paninin~gasing n~g baboy-damo, tamaraw at iba't iba pa; kung
sila ay manghinawa na n~ga sa lahat n~g iyan ay saka lamang nila
lilisanin ang pook na yaon n~g sa puso'y taglay ang m~ga alaalang
labis na makabuo n~g isang gintong kabanata sa kasaysayan n~g kanilang
pagsisintahan....

Ang m~ga tula n~g makata ay bihirang hindi naglalarawan n~g alinman sa
m~ga pook na yaong pinagtatamasahan n~g aliw n~g kanilang kaluluwa.
Bihirang hindi bumabanggit sa maliligayang sandali n~g kanilang
pagsisinaya sa kahilihiling kapalaran. At walang bigong talatang di
nagpapagunita sa mestisa n~g nagtatamisang pangyayaring nangyari sa
mabiyayang panahon n~g kanilang suyuan....

Si Elsa't si Tirso ay dalawang kinapal n~gang sa kabila n~g maraming
araw na di pagkakatugunan n~g m~ga damdamin ay magkayapos din ang m~ga
palad na nakapasok sa di kawasa sa isang panahong ang lahat ay tamis,
layaw at pagibig....

Ang lan~git na namamalas ni Elsa ay sagana sa silahis na kaakitakit,
at ang papawiri'y naghahandog sa diwa niya n~g matatamis na guniguni.
Ibig niyang lumipad, pumaimbuyog sa kalawakang walang wakas, at sa
kabila n~g busilak n~g alapaap ay kanyang ipagdiwang sa apat na
panulukan n~g Katalagahan ang pananagumpay n~g kanyang m~ga adhika sa
puso n~g makatang tanging aliw n~g kanyang kaluluwa.

At si Tirso, ang makatang tuwina'y may salamisim sa diwa, may gayuma
sa mata, may pulot sa labi't may lambing sa bawa't kilos, ay
natatalagang huwag lumayo kaunti man sa piling n~g mestisa. Ibig ding
lumipad magsaibong sasalun~ga sa hihip n~g han~gin upang maawitang
parati n~g kanyang pagibig, masuob n~g kamanyang n~g paghan~ga't
masabugan n~g bulaklak n~g papuri ang karilagang tan~gingtan~gi n~g
kanyang liyag....

Lamang, ay isang sagabal ang nararamdaman niya waring pumipigil sa
kanyang m~ga bagwis, parang lubid na bumabaliti sa m~ga pakpak niya at
siyang hindi ika-panibulos n~g kanyang m~ga lakad. Si Elsa ay malayang
singlaya n~g hangin na maaari n~gang makasunod sa bawa't pithaya n~g
pusong sumisintang wagas. Datapwa't siya, si Tirso, ay may tanikala sa
boong katawan, na ang pagkakagapos ay may mahigpit na buhol na di niya
kayang kalagin.

At ang tanikalang ito, ang gapos na itong ayaw magtulot sa kanya upang
makapakiagapay sa kataasan n~g lipad n~g m~ga pangarap n~g mestisa, ay
dili iba't ang sumpang binitiwan niya't nilagdaan n~g kanyang kamay sa
harap n~g hukuman sa Sampiro.

Ang sumpang iyon ay kusa niyang inilagda noong isang gabing ang
kanyang puso'y inaapawan n~g di masayod na pagibig sa ibang alindog:
kay Teang. At hindi sukat ang masabing ipinagbili n~g babaeng ito sa
mababang tawad ang karan~galan n~g kanyang pagkababae, sakaling
magkaganito man upang mapawian n~g bisa ang naturang sumpa.
Mangyayaring ang hindi pagsipot n~g sulat na ipinangako n~g boong
higpit ni Teang ay magkaroon n~g kahulugang ang babaeng iya'y
nagtaksil na n~ga at kusang lumimot kay Tirso; n~guni't gayon man, sa
harap n~g Batas n~g katuwiran at sa ilalim n~g Katuwiran n~g batas,
ang lalaking ito ay walang kakarakarapatang "bumawi n~g pan~gulugi" sa
kandun~gan n~g sinomang linikhang maiiba sa babaeng sinumpaan na
niyang minsan. Mangyayaring magkatotoo na si Teang ay isang hamak na
manyikang tumatawa't pumipikit sa kamay n~g isang mapaglarong pari,
gaya n~g balita ni Martinez; subali't hindi mangyayaring si Tirsong
napalun~gi sa babaeng iya'y maluwag nang makahahanap n~g panibagong
kapalaran sa sinapupunan n~g ibang langit. Mangyayaring maibunto kay
Teang ang tanang kasamaang magagawa n~g isang babae; datapwa't hindi
dahil diya'y kalapating malaya na si Tirso na makapamamayagpag na
lilipat sa ibang pugad na ibig niyang patun~guhan....

Nariyan ang balakid. Iyan ang malaking sagabal, ang tanikalang gapos
na ang m~ga kawil ay lihim na lumilingkis at bumabaon sa m~ga lamad
n~g puso ni Tirso, kung kaya't ang kanyang pagsunodsunod sa m~ga bakas
ni Elsa ay pawang may katugong masaklap na dilidili sa liblib na pitak
n~g kanyang nasasalimuot na isipan....

Walang kamalaymalay si Elsa sa lihim na itong sinasarili ni Tirso.
Subali, ang kawalang malay na iya'y hindi naman makaganyak sa
kahinubong bait n~g nabanggit na makata upang magsamantala.

Kalaban si Tirso n~g lahat n~g uri n~g pagsasamantala sa kahinaa't
pagtitiwala n~g babae. At kung may naipupula sa kanya ang m~ga kapwa
niya lalaki, ay wala nang iba kundi ang kalamigan n~g kanyang loob at
malabis na pitagan sa babae, kasakdalang ito man ang nagbubukas n~g
daang kanyang mapaglalagusan,

Ang kapunapunang pagwawalang bahala na kanyang inasal sa harap n~g
mapupusok na pitlag n~g damdamin n~g mestisa, na di na kaila sa
marami, ay hindi mamakailang naging dahil n~g panunudyo't paglibak sa
kanya n~g m~ga kapwa niya lalaki. Sinasabing ang kanyang pag kamakata
ay nasa tulaan lamang at wala sa gawa; na ang kanyang pagkalalaki ay
madalas na di nabibigyang halaga sa ginagawi niyang pagpapakadun~gong
lagi sa harap n~g babae. Madla n~ga ang nagpapalagay na ang
pagkalalaki n~g isang paris ni Tirso ay dapat kilatisin ang uri sa
kasanayang magsamantala sa masisimbuyong silakbo n~g damdaming
katutubo sa babae, at ang alinmang pagpapalampas n~g m~ga pagkakataong
nasa naaabot n~g kamay ay itinuturing na isang kadun~guang nararapat
sa dilang paglait.

Datapwa, sa katotohanan, ang bagay na iyan ay tinitingnan ni Tirso n~g
alinsunod sa kanyang kabaligtaran. Alalaong baga: iyang kakutyaang
ipinalalagay n~g tanang may laos na ugali, ay siyang sa ganang sa
makatang sinabi'y karan~galang nararapat ipagmalaki. Ang pagpipitagan
tuwina sa talosaling na kalagayan n~g babae ay isang kapurihang banal
n~g m~ga lalaki. At ang kadakilaan n~g isang lalaki ay dapat kilalanin
sa matimping ugali at hindi sa nararahuyo sa tukso n~g kababaang asal.
Ang babae, bagama't mataginting na tulad sa kristal, ay isang
babasaging pagkarupokdupok na sapat sa lahat n~g kapariwaraan;
samantalang ang lalaki'y bakal na mistulang kalarawan n~g tibay na
sapat naman sa dilang kabayanihan. N~guni't para kay Tirso Silveira,
hindi sapagka't bakal ito at kristal iyon ay kabayanihan na nitong
huli ang pagdiriwang na lagi sa ibabaw n~g kahinaan, karupuka't
pabiglabiglang tibok n~g puso n~g una. Ang babae ay isang bulaklak na
may halimuyak na pinakahahan~gaan n~g kanyang pagkatao, hiyas n~g
lahing may pitak n~g pagmamahal sa guwang n~g kanyang dibdib, dakilang
bathalang may dambana sa kanyang lubos na paggalang. Paban~gong mahal
na iniin~gatan sa gusi n~g kanyang dilang pagpapahalaga, ang babae ay
ikalulunos n~g kanyang budhi kung magtila tubig na mabuhos sa lupa sa
kagasuhan n~g lalaki. Ang babae ay bahagi n~g Katauhan, isang
kailan~gang kapag nawala, ay wala na rin ang buhay.

Dito nasasalig ang paniniwala at m~ga kurokuro ni Tirso tungkol sa
kadakilaan n~g babae. Siyang tuntuning sinasagisag niya sa ibabaw n~g
mababang ugali n~g ibang lalaking gising sa kamaliang dulot n~g mundo.

Kaya, nang panahong si Teang ang tampulan n~g kanyang dilang pan~garap
at boong pagirog, anomang mapamihag na kilos na sa kanya'y ni Elsa ay
han~gin lamang na nagdaraan sa papawirin kanyang pagpapakundan~gan.

Datapwa't....

Kailan man ay hindi naging malamig ang apoy. Walang nagmalikot na
maglaro nito na hindi napaso. At ang babae, sa ibabaw n~g lahat, ay
apoy na may malagablab na nin~gas: laging nagaalimpuyo, nagn~gan~galit
at nahahandang dumarang o tumupok sa sinomang sa kanya'y magpain n~g
buhay....

At si Tirso, tao palibhasa, sa pakikilaguyo sa mestisang si Elsa, ay
nadarang ang puso, nasalab ang kaluluwa at nagalimpuyo ang damdamin,
hanggang sa mawalang parang usok sa gunita niya ang larawan at
pan~galan n~g babaeng una niyang nakilala sa sintahan ... ¡Makailang
ang Tukso n~g Kamunduha'y nagtirik n~g kanyang bandila sa ibabaw n~g
maran~gal na Budhi!

Sa kabilang dako, kung ano ang tunay na katuturan n~g hindi
pagsangayon ni Tirso sa mungkahing sila'y lumagay na sa panatag, ay
siyang hindi nahulaan n~g matalinong si Elsa.

Mangyari'y tuwinang mapaguusapan ang bagay na iyan ay kaagad nang
tatawagan n~g makata ang alaala n~g mestisa tungkol sa kinakailan~gang
pagpapakahinahon n~g sinomang gaya nila na tumutuntong sa gayong
baytang n~g kabuhayan. Sa mahabang lakbayin, ani Tirso, ay hindi
nababagay ang pusok n~g loob at pagsusumugod n~g lakad; kinakailan~gan
ang tiyaga, ang pagiin~gat at tulong n~g panahon. At ang pagaasawa ay
iyang madawag at mahahabang lakbayin na di matatagpusan sa pahan~gos
at walang tuos na pagtakbo. Saka, ang pagaasawa, anya pa, ay bun~ga
n~g halamang may likas na pangakit: may bulo sa balat, masarap ang
amoy, maganda ang hugis at biglaw pa'y may marikit nang kulay na sapat
ipaglaway n~g sinomang pihikang makamamalas. Malinamnam at nakabubusog
kung suko sa gulang, dapwa't mapait na walang kasingpait at lasong
nakamamatay kapag bubot na kinitil sa tangkay. Tubig din namang sakdal
lamig at kusang napaiinom ang pagaasawa, kapag ang binata at dalagang
tutungga sa saro ay hindi gagamit n~g pagpapakalabis; n~guni't alak
na nakalalasing, apdo't sukang nakaduduwal kapag namarusa sa sinomang
kayamua't walang tuto sa paglagok....

Hindi natatalos ni Elsang sa napagdanasan n~g sarili hinahan~go ni
Tirso ang ganyang hakahaka hinggil sa suliraning kanyang
iminumungkahi. Di niya nalalamang nang matutuhan n~g makata ang
ganyang turo ay nitong mapagaralan na lamang sa pagkakarahuyo sa isang
babaeng nawala at sukat matapos na siya'y pahan~gahan~gain sa angking
alindog. At malayong pagsalagimsiman ang makata n~g kahi't anong di
mabuting hinala, kung pinananayn~gahan n~g mestisa ang nan~gabanggit
na parirala n~g kanyang talisuyo, ay ipinalalagay pang siya'y
nakaririnig n~g tinig n~g anghel na tumatawag sa kanya't nan~gan~garal
n~g kabanalan.

Sa wakas, bagaman sugat na dinaramdam n~g mestisa ang nangyaring
pagkapagsalita sa kanya n~g kanyang kapatid dahil kay Tirso, at
kahima't naidadaing niyang malimit ang kinirotkirot n~g sugat na ito,
huwag na hindi magbitiw n~g kahi't anong payo ang makatang hantun~gan
n~g kanyang dilang paghan~ga, ay napipipi siya't nagsasawalang imik na
lamang at sukat. Bagkus kinikilala pa niyang nasa matuwid at mabuti
ang pagunita ni Tirsong masarap ang mamalaging mahabahaba pang panahon
sa pagkadalaga. Ang dalaga ay bulaklak na masamyo at sariwa na laging
katalamitam n~g layaw at kaligayahan. N~guni't kapag nagasawa, na,
ibigin ma't hindi ay pinapanawan na n~g ban~go, kinukupasan n~g kulay
at nalalanta sa tin~gin n~g balana. Nasain mang manatili sa
pagkakatampok sa alaala at pagpapahalaga n~g Kapisanan, ang Kapisanan
ay siya nang kusang lumilimot sa kanya't ang n~galan niya ay
itinuturing na lamang na isang bituing untiunting nawawala sa
masayang lan~git.

At si Elsa ay hindi pa kadaglidagling makatatalikod sa kasayahan. Sa
gitna n~g kasayahan nakilala niya ang makatang nagpatibok n~g tunay na
pagibig sa kanyang murang puso't nihag n~g kanyang tanang paghan~ga;
nagaalaala siyang kung siya'y lumayo sa kasayahang iyan ay baka lumayo
na rin naman ang kapalarang hinihintay niya sa pagtatan~gi n~g
naturang makata.

Si Elsa n~ga ay mamamalagi pang dalaga, hiyas na maningning na gaya
n~g dati'y palamuting ayok sa bawa't kilusan n~g kabinataan; sariwang
bulaklak na naghahalimuyak n~g sanghaya sa halamanan n~g pagibig, na
ang m~ga talulot ay mapan~gan~gayupapaan n~g bawa't paroparong uhaw sa
luwalhati....




XXIV

ISANG SAKUNA


N~gunit habang nagpapatuloy ang di mahahabol na takbo n~g m~ga araw na
sunodsunod na yumayao, ay untiunti namang gumigitaw sa isipan ni Elsa
ang nino n~g alinlan~gang nababanghay sa m~ga tanong na itong iniuukol
niya sa kanyang sarili:

--¿Ano kaya ang tunay na niloloob ni Tirso sa ganito kong katayuan?
¿Bakit kaya't hindi na siya nagbabalak na ako'y ilagay sa kapanatagan,
kung aking inuuntag sa kanya ang bagay na ito'y nililibang pa ako sa
kung anoanong matatamis na pan~gun~gusap at maririkit na halimbawa?
¿Habang panahon kaya'y ganito na lamang ang ibig niyang panatilihan
ko? Kahapo't kamakalawa, ang hindi pa pagkatapos n~g kanyang pagaaral
ay isa sa m~ga mahigpit na idinadahilan, n~guni't ngayong siya'y
maluwalhati nang nakaraos ay ang pagsusulit naman sa _corte suprema_
ang iginigiit ... ¡Kung ako man lamang sana'y nahalataan na niya n~g
pagkamasilawin sa _título!_ ¡Kung sa akin sana'y hindi pa sapat ang
kanyang pagkamakata! ¿Iniimbot kaya niyang pagdayaan o linlan~gin
ako?...

At, si Elsa ay may labis na katuwirang mabalisa sa bahagyang kilos ni
Tirsong kinasisinagan n~g panglilinlang o pagbabagong loob. Kung nang
m~ga araw na kay Teang nabubuhos ang pagibig n~g makata ay kinamalasan
siya n~g m~ga kilos na di maaakalang magawa n~g karaniwang babaeng
silang sa bayang ito, n~gayong ang pagibig na iya'y sa kanya na
nagtatamo n~g tamis at kaluwalhatian, higit doon ay lalo nang sukat
siyang makapagisip at makapagsagawa n~g m~ga bagay na natutun~god sa
ikapapanuto n~g kanyang katiwasayan.

Ang m~ga, araw na lumipas ay naging mapapalad na saksi n~g
pagkakalagak sa sinapupunan n~g mestisang iyan n~g isang tatak na di
makakatkat kundi n~g kamatayan lamang. Sa matabang linang n~g kanyang
pusong nabababad sa tubig n~g paggiliw, n~g paggiliw na dalisay at
marubdob, may malusog na binhing napahasik sa lalang n~g kahilihiling
pagsusuyuan nila n~g makata; isang binhing palibhasa'y laging
nadidilig n~g hamog n~g mayamang pagmamahal, ay patuloy na umuunlad at
balang araw ay tatanghaling isa nang ganap na halamang boong
pamimisagak na umaan~gat sa lupang kinahasikan....

Ang halamang iyon, pagsapit n~g takdang araw, ibigin ma't hindi ni
Elsa ay siyang magwawasiwas sa apat na panulukan n~g Katalagahan n~g
balitang nagkaroon n~g ani ang pagiibigan nila ni Tirso, n~guni't siya
rin namang lilikha n~g maitim na aninong ipanghihilakbot n~g babae sa
harap n~g balana, kapag ang makatang nagkalaya sa loob n~g kanyang
bakuran ay di natutong magpahalaga sa tinurang halaman.

Maraming balak ang nagdaan sa panimdim ni Elsa tungkol sa hinaharap
n~g kanyang palad. Ang pagasang matututuhan din malao't madali ni
Tirso ang pagliligtas sa kanya sa kahihiyaang kinauuman~gan dahil sa
nararamdamang walang untol na pagunlad n~g halamang sinabi, kung sa
bagay ay di pa naman nawawala sa kanya, n~guni't gayon ma'y
nakararating ang kanyang dilidili hanggang doon sa nararapat niyang
gawin kung sakali't maging iba kaysa inaasahan niya ang mangyari.

Natunghan niyang minsan sa isang pahayagan ang balitang sa m~ga botika
ay napansin daw ang pagkamabili n~g gamot na ipinanunugpo sa pagdami
n~g katauhan. At hindi napaglabanan ni Elsa ang pagtatanong sa alaala
niya kung sinong parmaseutiko ang mapapamamanhikan niya n~g bagay na
iyon, sakaling kailan~ganin. Naisip din namang idaing sa kapatid at
hipag ang isang maselang karamdamang kunwa'y nararamdaman niyang
tumutubo sa loob n~g katawan, at sa bisa n~g dahilang ito ay papasok
siya sa isang pagamutan at pabubusbos sa sinomang bihasang manggagamot
na babayaran n~g maraming salapi, upang sa gayo'y magapas sa puno ang
halamang ipinan~gan~ganib niya sa malaki't di masayod na kahihiyaan.

Subali't sa harap n~g mababan~gis na panukalang ito ay
nagsisipanghumindig ang m~ga balahibo ni Elsa. Anhin man niyang
tayahi'y kasalanang humihin~gi n~g kabigatbigatang parusa ang
pagsasagawa n~g tinurang panukala. At siya ay hindi pa naman
nalalabuang gaano upang lumusong sa ban~gin n~g ganyang kabuktutang
gawa.

Gayon man, ang pagkamapagpasumala niya't katutubong lakas n~g loob ay
siyang nakayari n~g isang mabisang kaparaanang ikahuhuli niya sa
nagiilap manding loob n~g makata.

       *       *       *       *       *

Hapon noon n~g araw n~g mierkoles, ika-27 n~g Septiembre, araw na
natatakdang idarating n~g mabunying sugo n~g bayan na galing sa lupain
n~g mabituing watawat.

Hindi kaila kina Tirso't Elsa ang pagdating na yaong pinaggagayakan
n~g marin~gal at karapatdapat na pagsalubong n~g boong bayang galak na
galak sa tagumpay na tinamo sa pagkapatibay sa _Bill Jones_. At sila
ay nagkaisang manood n~g gagawing m~ga pagdiriwang. N~guni't sa
dahilang ang pagpasok pa lamang sa Corregidor n~g sasakyang
kinalululanan n~g dakilang anak n~g bayang ipagbubunyi ay ibabalita na
raw n~g sipul n~g yelo, at sapagka't ayon sa m~ga pahayagan ay
malamang na sa dakong gabi na ang pagahon n~g hinihintay, ay
napahinuhod si Tirso sa mungkahi ni Elsang pumasok muna sila sa sine
"Ideal" samantalang maagaaga pa.

At nasa m~ga sandaling namamalikmata ang lalaki sa panonood n~g
gumagalaw na anino, nang yariin sa sarili n~g dalaga ang kanyang
gagawing pakana upang mabihis ang m~ga pagaalinglan~gan niya.

--Tirso,--ani Elsa sa pabulong na turing, kasabay ang pagkukubli n~g
bibig sa likod n~g kanyang pamaypay,--¿hindi ba maganda ang
pelikulang ito?

--Oo n~ga, Elsa,--ang magiliw na sambot n~g makata na humilig pa
mandin n~g kaunti sa dakong kinalilikmuan n~g kanyang kaagapay,--at
tan~gi sa maganda ay nakapagtuturo pa sa m~ga nanonood. M~ga ganyang
palabas ang talagang nasasarapan ko.

--¿Iiwan pa ba natin ang pelikulang ito hangga't hindi natatapos?

--Kung ibig mo'y dito na natin antabayanan ang paghihip n~g sipul n~g
yelo, at kung malapit nang aahon si Quezon ay saka na tayo lumabas.

--Mabuti n~ga yata. Bakit ay masama pa, ang lagay n~g panahon: ang
ula'y tila papalakas pa.

At ang dalawa ay nagpako n~g nawiwiling m~ga mata sa iba't ibang
pangyayaring nakapagpapakaba n~g loob na ipinakikita n~g palabas na
iyon.

Hindi natataho ni Tirso ang lihim na kinikimkim sa diwa n~g kanyang
magandang liyag. Di niya nahuhulaang nang ibig lamang noon ni Elsa ay
gabihin sila sa loob n~g sineng iyon, upang sa paglabas ay magkaroon
n~g mabuting panahon ang pagsasagawa n~g balak niyang taglay-taglay sa
isip.

At samantalang pinakahihintay sa sarili ni Tirso ang nababalam na
sipul n~g yelo, si Elsa nama'y nakararamdam n~g kasiyahan sapagka't
tila pinapatnubayan n~g mabuting pagkakataon ang kanyang binabalak na
gawin.

At ang kasiyahang iyan ay nalangkapan pa n~g di kakaunting lugod, nang
marinig niya ang ganitong winika n~g makata:

--Elsa, ¿maaari bang turan mo sa akin kung saan pa ang ibig mong
magtun~go tayo pagkatapos n~g ating panonood n~g m~ga paran~gal kay
Quezon?

--¿At hindi pa ba tayo magpapauwi n~g bahay?--pahimbabaw na itinanong
n~g mestisa.

--Kung ibig mong mauwi na kaagad, ako nama'y may ibang patutun~guhan
...--pan~giting pakli n~g lalaki.

--¿Saan?--maagamagam na tanong n~g dalaga.

--Susundan ko ang langkay n~g naggagandahang m~ga _centro escolarina_
na makikilahok sa m~ga pagdiriwang n~gayong hapon ...--ang pabirong
sagot ni Tirso.

--¿At ano?

--At kapag ako ay may napiling isang maganda sa lahat, ay ... hindi na
ako hihiwalay.

--Kung gayo'y makasusulong ka na n~gayon pa; at ... tataglayin mo ang
aking maligayang bati.

--¿At ikaw?

--Maiiwan na ako rito.

--Baka mayroon kang katipanan....

--¡Mayroon n~ga!

--¿Sino?

--Hindi kailan~gang makilala mo.

Nagalaala si Tirsong baka "magpinid n~g tindahan" sa di oras ang
kanyang irog. Kaya't ang sinabi sa malamyos na pamimigkas:

--Elsa, ¿hindi mo ba nahuhulaang sa m~ga taga "Centro Escolar" ay wala
akong mapipiling isa mang maganda?

--Mangyari'y wala na roon si Teang....

--Namamali ka; mangyari ay ... wala nang iba pang babaeng may ganda't
alindog na gaya n~g mestisang nasa piling ko....

--¡Sinun~galing!

--Siyang tunay, Elsa....

--Maano Tirsong magtahan ka niyang m~ga kaululan mo.

--Tin~gnan mo, tin~gnan mo ang babaeng iyang nasa pelikula: ¿maganda,
ano?

--¡Iyan ang talagang maganda!

--_Pues_ maganda ka pang hindi hamak diyan, kapag ganyang tila ka
nagtatampo sa akin....

--¡Pshe!

Siyang pagkarinig sa sipul n~g pagawaan n~g yelo: tatlong mahahabang
huni ang sunodsunod na ipinaghumiyaw sa boong Kamaynilaan.

--Nasa Corregidor na,--ang parang wala sa loob na nasabi ni Tirso.

--Lumabas ka na't baka maiwan ka n~g m~ga _escolarina_ mo,---
paaglahing wika ni Elsa.

--¡Talagang mabuti kang manunukso, hane!--pan~giting salo n~g makata.

--Ako'y hindi nanunukso,--ang tanggi n~g mestisa,--ipinagugunita ko
lamang sa iyo ang isa mong balak na kapay naurong ay sayang.

--¡Anhin ko ba kung maurong man! ¡Huwag lamang bang malayo ako sa
piling n~g aking pinakatatan~ging mutya, eh...!

Sumunod sa salitang ito n~g lalaki ang isang kilusang kamuntik nang
ipaghinala n~g kahi't ano n~g m~ga taong kalapit nila sa upuan.
Salamat at ang katimpian ni Tirso'y siya ring nakapangyari.

--"Magtanim ka n~g magtanim, nang marami kang anihin" ...--pabantang
saad n~g mestisa.

--¡Bah! Ang "halaman" ko ay nakatanim na ...--masiglang sunggab n~g
makata.

--¡Buwisit! ¡Makikita mo, paglabas natin!--ang mahina pang salo ni
Elsa na di nalalaman ni Tirsong kahi't biro ay may kalakip na
katotohanan.

--¿Makita ko? ¿At ipakikita mo ba? Kung gayon ay tayna.

--¡Magtahan ka na n~ga! Hindi ko na tuloy maunawaan itong pinanonood
natin....

Pagkasabi nito'y ipinahiwatig na ni Elsa ang unang bahagi n~g kanyang
salamangka: pasadlak na isinandig ang katawan sa sandalan n~g kanyang
likmuan, biglang tinutop n~g isang palad ang dibdib na tapat n~g puso,
saka nagbuntonghinin~ga n~g malalim. At ang lahat n~g ito ay ginawa
sa paraang sukat mapansin n~g kaagapay na makata. At napansin n~ga.

--¿Bakit, Elsa? ¿Napapaano ka? ¿May sakit ka ba?--ang gulilat na m~ga
tanong n~g lalaki.

Hindi kumibo ang babae.

--Baka mabuti'y lumabas na tayo....

Ipinikit pa ni Elsa ang kanyang m~ga mata at hindi rin kumibo. Lalo
nang nabakla ang loob n~g makata. Makasandali'y saka idinaing:

--Lumilibat ang aking _puntada_ ... Nagsisikip ang paghin~ga ko....

--Tayna n~ga kaya lumabas, Elsa,--maalapaap na amuki n~g lalaki.

--N~guni't walang anoman, Tirso: hindi ako maaano ...--pabalatkayong
bawi n~g dalaga.--Maminsanminsan ay talagang sumusumpong sa akin ang
ganitong sakit ... Ibig kong tapusin nating sandali ang pelikulang
iyan bago tayo umalis.

--¿Sa palagay mo kaya'y maaari ka pang makapanood n~g pagahon ni
Quezon?

--Oo....

--Baka makasama sa iyo.

--Hindi....

At natiwasay ang kalooban ni Tirso.

Datapwa, natapos ang pelikulang idinadahilang ibig na panoorin, ay
hindi rin umaan~gat sa upo ang mestisa. Sa gayo'y parang nakaino ang
makata.

--¿Hindi pa kaya dumarating si Quezon sa m~ga sandaling
ito?--malumanay na itinanong.

--Marahil ay malapit na,--ang naging tugong tila wala sa loob ni Elsa,
pagkaraan n~g saglit na di paghuma.

--¿Ano, di pa po ba tayo lalabas?

--Tayna.

       *       *       *       *       *

Nang lisanin n~g dalawa ang sine "Ideal" ay laganap na ang dilim sa
lahat n~g dako. Ang m~ga ilaw sa daang Carriedo at sa liwasang Goiti
ay nan~gakasindi na't siyang tumatanglaw sa makapal na taong
sumasagasa sa kasamaan n~g panahon na pawang patun~go sa pook na
natatakdang lulunsaran n~g dakilang sugo n~g bayan: sa "Magallanes
Landing".

Si Elsa ay mahinay na lumalakad n~g ang kanyang isang palad ay
mahigpit na nakakapit sa bisig ni Tirso. N~guni't kung nang gabing
iyo'y naging mainuhin ang makata, ay napanibaguhan sana, niya sa mukha
n~g mestisa ang isang lihim na sinasarili sa guwang n~g kanyang
dibdib.

Nang dumating sila sa liwasang Lawton ay natanawan na nilang idinaraos
na kasalukuyan ang _inauguracion_ n~g "Quezon Gate".

--¡Huli na yata tayo!--mahinayang na saad ni Tirso.

--¡At dumating na pala!--ani Elsa naman.

M~ga taong walang hulugang karayom na nagsilurok sa kaputikang gawa n~g
matagal na ulang bumuhos nang singkad na maghapong iyon; maraming
banda n~g musikang nakalipana sa magkabilang panig n~g daang Padre
Burgos at Paseo de Magallanes; mula sa may gusali n~g "Intendencia"
hanggang "Jardin Botanico", sarisaring watawat n~g di mabilang na
kapisanang dumalong kasama ang pinakamarami sa kanikanilang m~ga
kasapi; mahahabang hanay n~g m~ga "Guias Nacionales" at "Guerrilleros
Filipinos" na nakatalatag sa pinagdaanan ni Quezon; m~ga automobil,
kalesa, kalesin, at iba't ibang sasakyang nalilimpi sa m~ga gilid n~g
lansan~gan; ang malaking langkay n~g m~ga binibining taga "Centro
Escolar" na nagalay kay Quezon n~g isang marikit na pangnan n~g m~ga
sariwang bulaklak na may kalapating nakasilid ... iyan ang m~ga
namalas n~g humahan~gang m~ga mata ni Tirso na sa palibidlibid n~g
pook na yao'y siyang nagpapasikip n~g gayon na lamang, at siyang
nagpapakilala n~g di masayod na kagalakang naghahari sa madla
alangalang sa karan~galan n~g mabunying anak n~g bayang may
ipagsusulit na tagumpay sa kanyang pagbalik sa lupa niyang tinubuan.

Subali't ¿bakit kaya baga't parang hindi pansin ni Elsa at waring
hindi ikinasisiya ang alinman sa gayong kasiglahan?

Inakala ni Tirsong marahil ay patuloy na nakapipinsala sa kanyang
magandang mestisa ang karamdamang idinaing nang sila pa'y nasa sine.
Kaya't inalok na magpauwi na.

N~guni't noon di'y nanigas na lamang n~g walang kaabogabog at
napahandusay sa m~ga bisig n~g makata, ang sariwang katawan n~g
mestisang yaon na sinusundan n~g nahihilam na m~ga mata n~g di
kakauunting taong nakakita sa kanila sa liwasang Lawton.

--¿Bakit po?

--¿Napapaano po ang inyong asawa?

--¡Hinihimatay!

--¡Paypayan natin!

--¡Wiligan n~g tubig sa mukha!

--Ang mabuti, mama, ay dalhin ninyo agad sa ospital ang inyong
senyora.

--¡_Ambulancia_!

Samantalang paganyan ang m~ga sambitlaing nagpapalipatlipat sa bibig
n~g maraming nakasaksi sa gayong kusang ginawa ni Elsa, si Tirso
naman, na ipinalalagay n~g balanang nakamalas sa anyo n~g dalawa na
asawa n~g mestisa, ay hindi magkantututo sa marapat gawin.

--Elsa ... Elsa....

At ang tinatawag ay patuloy na walang imik at nanunuwid sa
pagkakahilig sa balikat niya.

Siyang pagharap n~g isang kutserong dukha n~guni't dapat uliranin n~g
m~ga kapwa niya maralita: mapitagang inihandog ang kanyang kalesang
nakatigil sa isang panig n~g liwasan.

--Mama,--anya kay Tirso sa magiliw na pan~gun~gnusap--inabot po yata
n~g sakuna ang inyong asawa, naririto po ang aking kalesa at ating
magagamit n~gayon din para sa ospital.

--Kailan~gan n~ga pong makarating sa ospital ang inyong
asawa,--ipinayo naman n~g maraming nagkakalipumpon sa dalawa.

--Sumakay na kayo.

At ang gayong munti n~guni't dakilang handog ay boong pusong
sinangayunan n~g nasisindak na makata.

Ang matigas na katawan n~g mestisa ay boong higpit n~guni't main~gat
na niyapos ni Tirso sa nakikita n~g madla, saka pinagdahang isinakay
sa kalesang inihandog na kusa n~g naban~ggit na kutsero.

Buongbuo sa isipan ni Elsa na di na siya hihiwalay kay Tirso nang
gabing iyon. Inaakala niyang sa gayong pagkapasubo ni Tirso sa harap
n~g madla na umaming walang tutol sa pagpapalagay na sila'y magasawa,
ay hindi na naman makapangyayari pa ang paguurong-sulong n~g makatang
ito tungkol sa ninanasang mangyari n~g mestisa.

N~guni't sa gayong pagdadala sa kanya sa pagamutan dahil sa ginawa
niyang paghihimahimatayan, ay di niya maalaman kung paano ang gagawin.
Sa likod n~g nakatabing na tarapal, at habang patuloy na tumatakbo ang
kanilang sasakyan, ay nararamdaman ni Elsang maminsanminsang
bumubulong sa kanyang m~ga pisn~gi ang namumuyong m~ga labi ni Tirso,
kasabay n~g magiliw na pagtawag sa kanyang pan~galan na kinalalarawan
n~g sindak at pagmamahal. At ang gayong pagkakalaya na naman ni Tirso,
sa kanyang pagkadalaga, ay lalo nang nagpapatibay sa kanyang
tinitikang gawin noon.

Subali't ... si Elsa ay nalilito. Hindi niya maubos isipin kung
marapat o hindi na bago sila dumating sa pagamutan ay magmulat na siya
n~g mata't makipagharap kay Tirso upang sabihin n~g tahasan ang tunay
niyang ibig na mangyari. Kung, mapagtalastas naman ni Tirso ang
kanyang ginawa'y ¿hindi kaya, mabagot sa kanya? ¿Hindi kaya ikamuhi
ang gayon niyang pangliliho, sa halip na siya'y lin~gapi't pakiayunan?
¿At ano ang wiwikain n~g kutsero kung makilala ang kanyang salamangka?

Tila isang malaking _escandalo_ na magbubun~ga n~g maalin~gasn~gas na
salitaan sa lahat n~g dako ang ginawa niyang iyon, kapag nahiwatigan
n~g kutsero.

Saka, ¿sino ang makapagsasabi kung sa pulutong n~g di kakaunting taong
nakasaksi sa ginawa niyang pagpapatibuwal sa m~ga bisig n~g makata ay
walang sinomang nakakikilala sa kanya?

Nasa ganitong m~ga pagninilaynilay ang may katutubong lakas n~g loob
na mestisa nang walang anoano'y ang kalesang kanilang sinasakya'y
biglang nahagip n~g dumaragunot na _ambulancia_ n~g "Hospital General"
na nanggagaling sa Intramuros na tumatawid sa Padre Burgos at
patun~gong Avenida Taft. Ang kalakasan n~g pagkakabangga ay gayon na
lamang na sa isang pikitmata ay nawasak ang kalesa't napahagis sa lupa
ang kanyang m~ga lulan. Ang _ambulancia_ nama'y nakalayo pa muna n~g
may m~ga dalawampung dipa bago napahinto sa isang gilid n~g
lansan~gan.

Sa harap n~g gayon di hinihintay na kasakunaa'y ¿sino ang makahuhula
sa napagsapit na palad nina Tirso at Elsa?

¿Patay?

¿Buhay?

Maliksing naba sa sasakyang nakasagasa ang isang manggagamot upang
siyasatin ang m~ga nasawi. At di pa gaanong nalalapit sa pook na
kinaroroonan n~g m~ga labi n~g nadurog na kalesa't n~g m~ga napahamak
na sakay, nang maulinigan na niya ang kalunoslunos na daing n~g tinig
n~g babae.

--¡Naku, Tirso ko! ¡Tirso...! ¡Tirso kooo...!

At noon di'y napatambad sa m~ga mata n~g manggagamot ang isang
nakahahambal na anyo n~g m~ga nasawi sa banggaang iyon: isang kalesang
nagkadurogdurog sa dako roon, nakalugmok na kabayo sa gawi rito, at sa
hinaharap niya'y isang lalaki ang nakapalun~gayn~gay at naliligo sa
sariling dugo na hinahaplos sa mukha n~g isang babaeng tumatan~gis at
tawag n~g tawag sa n~galan n~g lalaki, samantalang ang kutsero'y
parang napaghimalaang hindi man lamang nagkagalos sa katawan gayong
napahagis sa malayo.

¿Patay n~ga kaya ang lalaking pinananan~gisan?

Kailan~gang siyasatin agad n~g manggagamot.

At nakitang may sugat sa ulo at walang malay tao.

Sa gayo'y madaling tinawag ang dalawang tao n~g _ambulancia_, saka
sinabi sa mestisa:

--Ang sugat n~g inyong asawa ay may kalubhaan po: kinakailan~gang
malapatan n~g lunas sa lalong maikling panahon. ¿Itinutulot baga
ninyong isakay sa _ambulancia_?

--¡Para na n~ga ninyong awa, doktor! ...--pasamong tugon n~g babae na
di man tumutol sa pagkasabing "asawa" niya ang lalaking may
sugat.--¡Sasama po ako...!--ang dugtong pa.

--¿Kayo po ba'y nagtamo rin n~g m~ga kapinsalaan?

--Tila po hindi; n~guni't ang tanang inyong magagawa ay lubos na sana
sa pagliligtas sa buhay n~g ... asawa ko.

--Opo; ako ang bahala.

--¿Maliligtas po kaya?

--Tingnan natin ... Tayna.

Sa isang hudyat na ibinigay n~g manggagamot, ay binuhat pagdaka n~g
dalawang lalaki ang katawan ni Tirsong pigta sa dugo at malambot na
tila sutla. At noon di'y dinala sa _ambulancia_ na inaagapayanan ni
Elsa at n~g manggagamot.

Pagkalulan ni Elsa sa tinurang sasakyan ay namalas niya sa loob niyon
ang isang babaeng nakakubli ang mukha na nakahigang unat na unat at
di kumikilos. Napaghahalatang gaya ni Tirso ay wala ring malay-tao.

--¿Sino kaya ang babaeng ito?--ang di sasalang naitanong n~g mestisa
sa loob man lamang niyang sarili.--¿At napapano kaya?

Nang m~ga sandaling iyo'y saka lamang may lumapit na isang pulis na
tila sa malayo pa nanggaling.

--¿Bakit at ano ang nangyari?--ang tanong na tila ibig pang
magmagaling.

--Isang sakunang hindi kinukusa n~g sinoman,--madaling ipinakli n~g
manggagamot.

Ang lahat n~g paliwanaga'y ginanap na lamang sa pahapyaw na ulat n~g
manggagamot na sinabi, at pagkatapos na ibigay ang ilang tala na
nahihinggil sa _ambulanciang_ nakasagasa, ay ipinahayag sa pulis:

--Hayan ang kutsero: siya ninyong kausapin. Kami ay di makapagtatagal
pa. Ang kalubhaan n~g lagay n~g m~ga nasawi ay nan~gan~gailan~gang
malunasan kaagad.

At ang pulis ay nagkasiya na sa paguukol n~g ilang tanong sa kutsero,
samantalang ang _ambulancia_ ay humaginit na n~g takbong patun~go sa
"Hospital General".

Pagkaraan n~g ilang saglit pa, ay napatala sa aklat n~g pagamutang
iyon na ang lalaking ipinasok doon, dahil sa pagkabugbog, at m~ga
sugat n~g katawan, ay si Tirso Silveira na asawa n~g isang
nagn~gan~galang Elsa Balboa ni Silveira.

N~guni, ¿sino kaya naman ang babaeng may karamdamang nakaangkas sa
_ambulancia_?...




XXV

KAKAIBANG PAGAASAWA


Halos wala nang tao sa pook na pinagdausan n~g m~ga pagdiriwang nang
magdaan ang trambiang kinalululanan ni Elsang galing sa pagamutang
pangkalahatan. Sa liwasang Goiti ay madalang na rin ang
nagsisipaghintay n~g trambia, palibhasa'y may kalaliman na ang gabi.

Gayon ma'y patuloy rin kay Elsa ang kanyang balak; sa bahay n~g
kanyang tia Basilia sa San Lazaro patutun~go upang doon, manggising
man, ay wala siyang sukat ipan~gilag at masasabi na niyang siya'y
hindi muna makauuwi sa Pasay pagka't nagtanan na sila n~g kanyang
kairugang lalaki.

--Ako'y hindi mangyayaring makagalitan n~g aking tia Basilia,--ang
kanyang pinagpaparoonan sa gagawin,--kahi't ano ang aking gawi'y
maipagpaparaya niya't ipagtatanggol pa ako sa harap n~g aking kapatid
na walang salang magagalit sa akin.

At habang tumatakbo ang trambiang kinasasakyan niya, ay napaguulitulit
namang sinasabi sa sarili ang ganito:

--Paggaling ni Tirso, na sapilitang mangyayari n~g hindi bibilang n~g
maraming araw, yamang pinatutunayan n~g medikong hindi naman
kalubhaang gaano ang tinamong sugat, ay magiging isang katotohanan ang
aming pagkakasal. At pagkatapos n~g lahat, taas na naman ang noo kong
haharap sa kanila at ipakikilala ang aking nakaisang palad. Kung
gayo'y ¿ano pa ang kanilang masasabi? N~guni't upang huwag magkaroon
n~g daang mapulaan ako't masisi n~g sinomang makatatalos n~g bagay na
ito, kinakailan~gan papaniwalain ko siyang kasal na kami ni Tirso
n~gayon pa.

Walang ulikulik n~gang tumawag sa bahay ni donya Basilia ang mestisang
pawang kasinun~galingan ang laman n~g ulo nang m~ga sandaling iyon n~g
pakikipaglamay sa kasun~gitan n~g gabi.

At pagbubukas n~g pinto n~g kanyang ale, ito'y kaagad niyang hinagkan
sa kamay, tanda n~g paggalang.

N~guni't ang maybahay ang unang nagsalita sa patakang tanong:

--¿Elsa, bakit?

--Dito ako matutulog n~gayon, tia,--ang marahan n~guni't may lambing
na sagot n~g mestisa.

--¿Saan ka nanggaling?--ang siyasat pa ni donya Basilia.

--Wala po ...--tan~ging naipulas sa bibig ni Elsa.

--¿Walang ano? ¿At sino ang iyong kasama?

--Wala n~ga po....

--¡Ang batang ito! ¡Huwag mo akong patayin sa pagaalaala!

--¡Si tia!--at n~gumiti pa si Elsa sa pagbigkas n~g m~ga salitang
ito.--¡Wala po kayong sukat ipagalaala sa pagkaparito kong ito!

--¡Wala raw! Halika n~ga sa loob at dini kita magusap.

Nasok ang dalawa sa isang bulwagang wala nang nakatatanglaw liban sa
isang munting bughaw na _bombilla_ na taang talaga sa pagtulog. At
pagkalikmong magkaagapay sa isang sopang luma, ay muli na namang
nagusisa ang matandang sa mukha ay kinababakasan n~g pagkabagong
gising noon.

--Sabihin mo n~ga, _hija_--anya:--¿bakit ba
hatinggabinghatinghatinggabi'y naparito ka?

--Ibig ko lamang pong dito muna makatulog....

--Ibig mo n~ga, nalalaman ko; n~guni't ¿ano ang bagay n~g pagsusumagi
mo n~g pakikitulog dito? ¿Nakagalitan ka ba n~g kapatid mo, o
nagkaalit kayo ni Dioni?

--Maging alinman po sa riyan ay walang tama. Ako ay hindi sa amin
nanggaling n~gayon, at....

--¿At ano?

--... ¡Ayoko munang umuwi sa aming ilang araw, tia!

--¿Bakit at ano n~ga ang sa iyo'y nangyari?

--Ako po ay....

--Ikaw ay ... ¿ano?

--Ako po'y ... Tia, ¿hindi ba kayo nagagalit?

--¡Lokang bata ito!...

--Ako po ay ... ako po'y ... nagasawa na.

--¿Nagasawa ka?

--Opo, tia....

--¿Nalalaman n~g kuyang mo?

--Hindi n~ga po eh....

--¿At nagtanan ka?

--Opo.

--¿Kanino ka nagasawa?

--Sa isa pong lalaking malaon ko nang katipan....

--¿Pangalan?

--Tirso ...

--¿Apelyido?

--Silveira po.

--¡Tirso Silveira!

Ang matanda ay saglit na nagtun~go n~g tin~gin sa ibaba at nagisip.

Kaginsaginsa'y itinanong:

--¿Hindi ba iyan ang masong animo'y kasintahan ni Teang noong araw?

--¡Tia ...--saka idinukmo ang mukha sa kandun~gan n~g ale, at sa
muling pagan~gat ay idinugtong:--¿Di ba kayo namumuhi sa akin?

--¿Bakit ako namumuhi?--malumanay na ipinakli n~g matanda na ang
isipa'y nagduduklayduklay sa balabalaki n~g kabataan.--N~guni't
linawin mo, Elsa: ¿hindi n~ga ba iyan ang nakagustuhan ni Teang na
sinasabi mo?

--Sa palad po n~g tao, tia, ay Tadhana lamang ang nakapangyayari.
Niloloob po n~g Tadhanang iyan na siya ang aking maging kapalaran....

Si donya Basilia ay natilihan at hindi na nakahuma.

Sumurot nang sandaling iyon sa alaala niya ang naging sanhi n~g
pagkaalis sa bahay na yaon n~g mabait na dalagang kanyang inaanak sa
binyag. At naalaala ring si Elsa ang may kagagawan n~g gayong
nangyari. ¡Napakamakapangyarihan n~ga naman ang dios n~g pagibig sa
puso n~g kabataan!

--¿N~gayo'y saan naroon ang asawa mo?--makasandali'y itinanong n~g
matanda.

--Hindi ko po kasama ...--ang nagaalan~ganing sambot n~g mestisa.

--¿Saan kayo naghiwalay?

--Sa ... ospital po.

--¿Ha?

--Doon ko n~ga po siya iniwan, sapagka't....

--¿Sapagka't ano?

--Nagkaroon po n~g sugat....

--¡Elsa, alangalang sa Dios, ako'y linawin mo!

--Tia, si Tirso po ay nasa pagamutan n~ga, sapagka't sa di namin
hinihintay na sakuna, ay nagtamo siya n~g ilang sugat at bugbog sa
katawan....

--¿Anong sakuna? ¿Hinabol ba kayo? ¿Nagkaroon ba n~g away o basagulo?

--Hindi po, n~guni't nang kami ay nakasakay sa isang kalesa ay biglang
nasagasaan n~g isang dumaragunot na _ambulancia_, ang aming
sinasakyan, at noon di'y napahagis lamang kami sa malayo....

--¡Susmaryosep!

Sumunod sa ganitong napalakas na salita ni donya Basilia ay biglang
nagtaas n~g ulong parang nagulat ang isang matandang babaeng nasa
kabila n~g pinto n~g silid na hinaharap n~g pagkakaupo ni Elsa.

--¡Dios ko!--ang pabulalas na sigaw na narinig n~g dalawang naguusap.

--Kumare,--malakas na tawag ni donya Basilia sa nasa silid.-¿Bakit?

Ang matanda ay muling nahiga, bago tumugon.

--Wala, kumare,--nanaginip lamang pala ako. Para ko bang nakitang ang
anak ko'y nilalapitan n~g tatlong lalaking may sun~gay.

--Panaginip n~ga lamang iyan; matulog na kayong muli.

Nang hindi na tugunin ang ganitong saad ay itinanong naman ni Elsa sa
kanyang ale:

--¿Sino, tia, ang matandang iyon?--ang bulong.

--Si kumareng Magda,--paanas na sagot n~g itinanong.

--¿Si manang Magda? ¿At kailan pa po rito?

--Kaninang tanghali lamang.

--¿At kasama rin po ang pari?

--¡Bah, hindi! Si pari Casio ay wala na sa X ... sa m~ga araw na ito.
Nakainisan daw n~g m~ga tagaroon at pinagusig n~g gayon na lamang
hanggang sa napalipat n~g ibang bayan.

--¡Hm! ¡May tigas din naman pala ang m~ga taga X ... na di nahuhutok
n~g kapangyarihang simbahan!

--N~guni't hindi ganyan ang paghahaka ni kumare,--saka lalong hininaan
ang pagsasalita,--Sa katunaya'y ibinigay sa "La Compañia de Jesus" si
Teang sa himok n~g paring iyon bago napaalis sa X....

--¿At si Teang po ba'y nasa kolehio n~gayon?

--Matagal na; at siyang sadyang dadalawin n~g kanyang ina, itinaon na
lamang tuloy sa pagdating ni Quezon ang pagluwas dito.

--¿Ay bakit naman inalis pa sa "Concordia", gayong sa kolehio't
kolehio rin pala ipapasok?

--Mangyari, ang tika ay magmongha raw.

--¿Diyata po't magmomongha si Teang?

--Siyang himok n~g pari na minabuti n~g ina, at kaipala'y sinangayunan
na rin naman n~g may katawan.

Hanggang dito ang naging salitaan n~g magale, sapagka't si donya
Basilia, na sinasasal na yata n~g antok, ay nagtindig noon din at
ipinagsamang masok sa isang silid ang pamangkin upang makatulog na.

       *       *       *       *       *

Kinabukasan ay ipinagpaunang sabihin ni Elsa sa kanyang tia Basilia na
huwag muna sanang ipamamalay kay manang Magda, kung ito ay magising
na, ang kanyang pagkapagasawa kay Tirso. Marahil paano't paano ma'y
nan~gun~gunti rin naman siyang maalaman n~g manang na iyon na ang
kanyang nakaisang palad ay dili iba't ang lalaking nan~gibig kay
Teang.

--Hamo't hindi ako kikibo,--ang ayon ni donya Basilia,--n~guni't sa
malaon at madali ay sapilitang mababalitaan niya ang bagay na iyan; at
kung hindi sa iyo o sa akin unang manggagaling ang pagbabalita sa
kanya, ay lalo na siyang magkakamatuwid na maghinanakit o magpalagay
n~g di mabuti sa nangyari.

--Kung sa bagay ay katungkulan kong ako n~ga po ang magsabi, subali't
ako ay nahihiya ...--ang pakli ni Elsang bahagyang natatawa.

--Ang mabuti'y ganito: walang pagsalang yayain kitang dumalaw kay
Teang sa kolehio n~gayong umaga; gawin mo naman, bago ka pumayag, ay
anyayahan siyang sumama sa kanilang dumalaw sa ospital, at kapag
naroon na'y bahala na siyang mapamangha sa kanyang makikita at ikaw
nama'y wala nang gagawin kundi ang sumagot na lamang sa kanyang m~ga
sasabihin.

Pagkasabi nito'y hindi lamang ang mestisa ang natawa kundi pati na
rin ni donya Basilia. Makasandali ay siya namang hinarap n~g matanda
ang pagpapahanda n~g agahan, at si Elsa ay naiwang nakapanun~gaw sa
isang bintanang paharap sa halamanan.

Mapamayamaya pa'y sa lalabas na si manang Magda.

--¡_Ave Maria Purísima_!--ang pagdaka'y ibinati sa nakapan~galumbabang
mestisa,--¡Narito ka pala, ineng!--ang dugtong pa.

--Opo, manang,--magalang at pan~giting tugon naman n~g binati, kasabay
n~g pagpihit n~g mukha sa kumausap.--Kayo po, ¿kumusta naman?

--Mabuti, Elsa, sa awa't tulong n~g Mahal na Birhen,--saka nakipiling
sa kinauupang bangko in Elsa.

--¿Nakapanood ba kayo n~g m~ga kasayahan kagabi?

--Oo. ¡Naku, kay damidaming tao! At nabasa pa tuloy kami sa ulan.
N~guni't ... ang kasayahan ay gayon na n~ga lamang; sanggaano mang
sigla, ay natatapos din.

--Wala po naman yatang anomang bagay rito sa mundo na walang
katapusan, eh....

--Dahil n~ga riyan, kung kaya ako ay walang laging sinisikhay kundi
yaong m~ga may kapakinaban~gan hanggang sa kabilang buhay. Tingnan mo;
kung kaawaan n~g Dios na makaraos sa pagmomongha ang aking anak, wala
nang napakaligayang buhay na gaya n~g tatamuhin ko marahil....

--¡Siya n~ga pala! Si Teang daw ay nasa "La Compañia" para sa ganyang
layon, ¿tunay n~ga po ba?

--¡Bah, talagang buongbuo ang loob ko sa tun~guhing iyang ipinakilala
sa akin ni pari Casio! ¡Iyan ang pinakadakilang magagawa n~g isang
magulang na nagmamahal n~g taos sa kanyang anak na babae!

--N~guni't ang bagay na iya'y naaalinsunod din kaipala sa hilig n~g
may katawan. Marahil ay talagang nasa pagmomongha ang hilig ni
Teang....

--¿At ikaw? ¿Ayaw ka bang magmonghang paris niya?

--Aywan ko po ba; marahil ay madadali ang buhay ko, kapag ako'y
napakulong sa _Beaterio_ at nawalay sa m~ga kasayahan....

--¡Bata ka pa n~ga!

--Ang totoo po, kung ako ang pamimiliin n~g aking dapat na harapin sa
buhay na ito, ay walang salang iibigin ko ang magartista, sapagka't,
sa ganang aki'y ito lamang ang tan~ging daan upang malasap n~g isang
tao ang tunay na katamisan n~g mabuhay sa balat n~g lupa.

Ang huling saad na ito n~g mestisa marahil ay narinig n~g isang
lalaking han~gos na pumasok sa tarangkahan n~g bahay na iyon, kaya't
buhat pa sa may tapat n~g durun~gawan sa lupa ay malakas nang tumawag.

--¡Elsa!

Si Elsa ay hindi sumagot. N~guni't di sasalang nakilala niya agad ang
tinig na yaon, kaya biglang nagitla at pinamutlaan n~g labi.

--¿Sino iyon?--ang painong tanong n~g manang na di nagkaroon n~g
katugunan.

--¡Tia Basilia!--ang ulit pa n~g nasa lupa.

At ang matandang maybahay ay dumun~gaw sa isang bintanang makipot ang
pagkakabukas.

--¡Ikaw pala!--ang nawika pagkakitang kapatid ni Elsa ang dumarating,
saka maliksing humudyat sa pamangking babae n~g hudyat na nawatasan
naman agad n~g mestisa.

--¿Nariyan po ba si Elsa?--ang nagkakanggagahol pang tanong n~g nasa
lupa.

--Narini; magtuloy ka,--at tumawag noon din n~g isang alila at
ipinagutos na buksan ang pinto sa sibi.

Parang dinagukan ang dibdib ni Elsa at, malaong hindi nakapan~gusap,
pagkatalos na ang dumarating ay kanyang kapatid, at sa isang may
baklang titig sa ale'y waring ibinulong: "¿Paano ang idadahilan ko?"

Ilang saglit pa at nagkaharap ang magkapatid sa nasasaksihan n~g
dalawang matanda.

Sa unangunang tin~gin lamang n~g lalaking iyong maputla't waring
hindi nagtikim n~g tulog sa magdamag nanagdaan, ay naibulalas nang
lahat ang tanang ibig sabihin sa kapatid na ipinalalagay na nagkasala.

Si Elsa ay lumin~gon na lamang at nagtapon n~g isang titig na
humihin~gi mandin n~g saklolo sa ale.

Datapwa't si donya Basilia naman ay nalilito sa pagdulang na biglaan
sa isip n~g sukat niyang gawing pamamagitan sa magkapatid.

Si manang Magda, na bahagya nang napansin at napagpugayan n~g lalaki,
ang tan~ging makapagparinig sa dumating:

--Sinusundo mo na yata siya.

Salamat sa winikang itong nagpapahayag n~g pagkawalang malay sa lihim
n~g dalawa, ang maypoot ay nagtimpi at pinilit na tan~gayin n~g isang
impit na buntonghinin~ga ang lahat niyang sukal n~g kalooban. Saka
bumaling sa nagsalita, at sa masayang mukha'y bumati:

--Manang magda, naluwas po pala kayo n~gayon.

--Oo, at ako naman ang dumadalaw rito, yamang sinoman sa inyo'y walang
nagagawi sa aming matagaltagal na.

--Ibig naman daw n~g kumare ko na magkitakita tayong minsan
pa,--ikinatlo ni donya Basilia pagkarinig sa himig n~g ganyang payapa
nang paguusap,--kaya ba pinigil ko na tuloy na dito na matulog si Elsa
kagabi. ¿Nagagalit ka ba sa kanya?--ang tanong pa.

--Hindi po,--itinugong di naiwasan n~g lalaki:--n~guni't kagabi pang
hatinggabi'y kamunti na akong makarating dito sa paghanap sa batang
iyan....

--How, eh saan ba naman mapapatun~go si Elsa kundi rito sa kanyang
tia,--ang saklaw naman ni manang Magda.

Subali't ang mestisa ay hindi nakahuma gaputok man sa sidhi n~g
kalituhang naghahari sa kanyang pagkababae. Napasasalamat siya sa
pagkakataong iyong kaharap si manang Magda at sa maayos na
pagkapamagitan ni donya Basilia; n~guni't nauubos ang kanyang talino'y
hindi niya matutuhan ang kanyang marapat gawin upang ang galit ay
huwag makapanghinaig sa kanyang kapatid, sakaling mapagtalastas na
nito ang nais niyang palitawing siya'y napakasal na kunwa kay Tirso
nang gabing natapos.

Mabuti na lamang at ang kapatid niya ay tila hindi magtatagal at
mananaog din. Narinig niyang nakipagbalitaan sa manang na taga
lalawigan n~g ilang bagay na karaniwan na sa m~ga magkakakilalang
malaong hindi nagkikita. At mapamayamaya pa'y nagpaalam na n~gang
mananaog at di umano'y may iba pa siyang lalakaring bagay na madalian.

--Magagahan ka muna bago ka manaog ha,--ang pigil ni donya Basilia.

--Hindi po, tia, at ako ay nakatapos na,--ang tanggi n~g inaanyayahan.

--¿Baka hindi pa?

--Tunay po.

--¿Bakit n~ga ba hindi mo kami saluhan muna?--ang sabad pa n~g manang.

--Saka na po ako muling magbabalik.

At pagkasambit nito ay matulin nang nanaog n~g hindi man iniwanan n~g
kahi't isang kataga ang kapatid na pinaghanap sa bahay na yaon.

Pagkakain n~g agahan, ang manang ay gumayak nang dadalaw sa anak, at
si Elsa't si donya Basilia ay inabang sumama sa kanya.

--Ako ang may ibig na ipaganyaya sana sa inyo, manang,--ang wika n~g
mestisa.

--¿Ano yaon?--itinanong n~g tinukoy.

--Kami ni tia ay may dadalawin sa ospital heneral n~gayon, at ibig ko
sanang sumama muna kayo sa amin saka na tayo magsamasamang tumun~go sa
kolehio panggagaling natin doon.

--¿Sino ang dadalawing iyon?

--Saka na ninyo makikilala....

--Kung gayo'y magbihis na tayo.

Pagkaganap n~g salitaang ito, ang isa't isa ay nagsipagbihis nang
sabik ang loob sa kanilang m~ga dadalawin.

Sa darating namang humihin~gal si Dioni, na ang pakay ay ang mestisa
ring hindi niya ikinakatulog sa boong magdamag na nagdaan.

--¡Kapatid ko!--ang bati kay Elsang pinagaagawan n~g lungkot at tuwa.

--¡Dioni!--ang sabay yakap na salubong dinatnan.

--Huwag kayong pakain~gay at maririnig kayo,--ang papikpik namang
saway ni donya Basilia, at pinapagkubli muna sa isang silid ang
maghipag na naguusap samantalang nasa isa pang silid si manang Magda
at abalangabala sa pagbibihis.

--¡Akala nami'y kung napaano ka na!--ang nasabi pa n~g mapagalaalang
hipag.

--¡Patawarin sana ninyo ako, Dioni! ...--pakumbaba pang sagot n~g
mestisa.

--N~guni't dito ka pala matutulog ay maanong sinabi mo kahi't sa akin,
nang hindi kami naligalig n~g gayon na lamang.

--Dioni, marahil ay kahulihulihan ko nang pagkakasala sa inyo ni
kuyang ang pagkukulang kong iyan, at inaasahan kong ikaw man lamang ay
hindi pa nauubusan n~g magandang loob na maipagpapaumanhin sa akin.
¿Hindi ba?

--Oo na n~ga, datapwa't ... pinapagalaala mo kaming lubha. Paris
n~gayon: ¡hindi ko maalaman kung saan na nakarating ang kuyang mo sa
kahahanap!...

--Kapapanaog pa lamang niya.

--¿Nanggaling na rito?

--Oo....

--¿Ano ang sabi sa iyo?

--Wala naman. Nakabuti ang pagkakataong narito si manang Magda nang
siya'y dumating. N~guni't gayon ma'y lihim ding naihagis sa akin ang
isang nanglilisik na tin~ging kamuntik nang tumupok sa akin....

--Pasalamat na tayo, Elsa, kung iyon na lamang ... At kung gayong
nagkakita na kayo n~g wala namang sinabi sa iyo, ay hindi na kikibo
iyon. Subali't ¿bakit n~ga ba dito ka nakatulog at di ka na nakauwi?
¡Hindi mo naman dating ginagawa iyan!

--Di ko n~ga dating ginagawa, Dioni, iyan ang totoo. Dahil diya'y
mahuhulaan mo kaipala, na may bagay na nagtulak sa akin sa ginawa
ko....

--¿Maipagtatapat mo ba sa akin ang bagay na iyan?

--Bakit hindi, ay sa ikaw lamang namang talaga ang katapatan ko n~g
aking m~ga lihim.

At noon di'y sinabi na n~ga ni Elsa ang gaya n~g kanyang m~ga
ipinahayag kay donya Basilia: na siya ay napakasal na kay Tirso nang
gabing nagdaan at dahil doo'y hindi na muna siya uuwi sa Pasay.

Dili ang hindi natulo ang luha ni Dioni, pagkarinig n~g m~ga pahayag
n~g kanyang minamahal na hipag.

--¿Ayaw mo bang si Tirso ang maging kapalaran ko?--itinanong mayamaya
n~g mestisa.

--Hindi sa ayaw, kundi. ¡sa di oras ay nagkalayo tayo!--ang lipos
kapanglawang ipinakli n~g hipag.

--Dinaramdam ko, Dioni, n~guni't ... kung dumarating nang ganito ang
sukat n~g tao ay sadya palang hindi maiiwasan.

Sa wakas, nang mapagusapan n~g maghipag ang mabuting paraan n~g
pagpapamalay sa kapatid na lalaki ni Elsa n~g kanyang pagkapagasawang
patanan, ay pinagkaisahan nilang ang pamamanihalain sa gagawing iyon
ay si donya Basilia na, yamang malaki naman ang alangalang at pitagan
niyon sa anomang sabihin nito.

--Gawan mo na lamang sana n~g paraang mapadalhan ako agad n~g ilang
kasuutan,--ang ipinagbiling huli n~g mestisa.

--Hamo't ipasasaglit kong madali rito, samantalang wala sa bahay ang
kuyang mo.

Pagkasambit nito ay lumabas sí Dioni't nagpaalam na kay donya
Basilia. Sa han~gad na masalisihan ang pagkawala sa bahay sa Pasay n~g
kapatid ni Elsa, at upang maparating na maluwag ang damit na kanyang
hinihin~gi, ay minabuti na nitong huwag nang ipagsama sa "Hospital
General" ang kanyang hipag.

Subali, nang si Dioni ay masakay na sa isang trambiang kung
makahagibis ay mistulang hari sa bawa't lansan~gang pagdanan, ay saka
nagunitang hindi pala naibalita sa kanya n~g mestisa kung saan ginanap
ang sinabing pagkakasal. Kaya't naibulong tuloy sa sarili:

--¿Saan kaya sila ikinasal?...




XXVI

¿SINO ANG ASAWA NI TIRSO?


Nang manhik sa "Hospital General" sina Elsa, manang Magda at donya
Basilia, ay dili ang hindi nila napansin na may isang alin~gasn~gas na
nangyayari sa bulwagang laan sa m~ga maysakit, na babae.

N~guni't kung ano ang sanhi n~g ligamgam na iyon ay hindi na nila
hinan~gad alamin. Sapagka't samantalang nagkakaisa n~g paniwala ang
dalawang matanda na yao'y likha lamang marahil n~g sinomang may
mabigat na sakit na kaipala'y naghihin~galo o naghihirap na, bagay na
di sasalang pangkaraniwan sa m~ga pagamutang paris niyon, ang tan~ging
nagsisikip naman sa puso n~g mestisa ay ang masidhing pananabik na
makarating siya kaagad sa piling n~g makatang kanyang pinakaiibig.

Tuloytuloy n~ga silang nasok sa silid na kinararatayan n~g makatang si
Tirso, at ito ay dinatnan nilang sa malas ay payapang nahihimbing.

Napuna ni Elsa na ang manang, matapos anianinawin ang mukhang
bahagyang nakalitaw sa nakapabalibid na m~ga taling kayo sa ulo n~g
natutulog, ay lihim na kumalabit sa kamay ni donya Basilia, at mandi'y
itinanong kung sino ang maysakit na iyon. Si donya Basilia nama'y
nagkibit lamang n~g balikat sa halip na tumugon. Hinihintayhintay
niyang ang pamangking mestisa ang magpakilala kay manang Magda.
N~guni't ang lahat ay parang gumagalang sa kahimbin~gang
kinapapalautan n~g makatang nararatay. At halos walang ibig na magbuka
n~g bibig.

Subali't ... ¿bakit kaya baga't napagmasdan nilang may n~giting
gumuhit sa labing maputla n~g lalaking yaon?

¿Nakagising kaya o nananaginip?

Lumapit si Elsa sa dakong ulunan, at saka tumawag:

--Tirso....

Dapwa't ang lalaki ay hindi sumagot,

--¿Sinong Tirso iyan?--ang di napigilang usisa n~g manang kay donya
Basilia, pagkarinig sa pan~galang iyon.

--Asawa ni Elsa ...--patutok sa tayn~gang pakli n~g tinanong

--¿Asawa?--ang pamanghang ulit sa marahang turing n~g matandang
manang.--¿Diyata n~ga baga at nagasawa na ang inyong pamangkin?

Tuman~go na lamang si donya Basilia, at sa isang hudyat ay waring
sinabing "Mamaya na ninyo malalamang lahat".

At kaginsaginsa'y nakita na namang bahagyang tumawa ang makatang
kalong n~g pagkakahimbing, bago pagkatapos ay umun~gol muna at saka
gumalaw ang maputlang labing tila bumubulong.

--Hindi n~ga sasalang siya'y nan~gan~garap,--ang wikang namitiw sa
bibig ni Elsa.--Ang buhay n~ga nama'y isang pan~gan~garap na walang
pagsawa ...--anya pa.

Subali at ¿anong m~ga pamimigkas ang narinig nila?

¡Mahiwagang tula!

Natulig si Elsa n~g gayon na lamang nang maunlinigan ang ganitong
saad:

  Teang ko, Teang ko, ang biro ng palad
sa ati'y huwag mong ipagalapaap;
naririto ako't hanggang huling sukat
n~g ating daratni'y sumisintang tapat.

  ¿At tumatangis ka? ... Ang luha mong iya'y
tipirin sinta ko't di pa kailangan,
sa piling ng aking malamig na bangkay
saka mo na roon guguling minsanan....

  Ang isip mo't diwa'y papanumbalikin
sa pagmamahal ko't payapa tang hintin
ang muling pagngiti ng buwa't bituin.

  Bayaan ta munang itaboy sa dagat
ng mga buhawi ang dilim ng ulap,
at saka lakbayin ang lupang mapalad.

¡Panibagong tinik na biglang humalang sa lumuluwag nang paghin~ga ni
Elsa!...

¿Diyata't hanggang sa m~ga sandaling mabin~git sa labi n~g libin~gan
ang buhay ni Tirso ay si Teang din ang laman n~g diwa't
katalatalamitam n~g kanyang kaluluwa?

¡Gaanong paghihinagpis na naman ang sumambilat sa puso n~g mestisang
walang palad sa pagibig sa pagkarinig n~g tulang yaon na ang bawa't
pantig ay busog na sumisibat sa kanyang m~ga tayn~ga!...

At, ang paghihinagpis ay lalong nagulol nang marinig niya ang may
baklang tanong n~g matandang manang:

--Elsa, ¿sinong Teang ang aking narinig na tinatawagtawag?

--....

Mahabang sandaling walang kumikibo sa loob n~g silid. Sa m~ga matang
nanggigilalas n~g mamang at sa nahihiyang nahahapis na mukha n~g
mestisa, ay nabasa ni donya Basilia ang di mailarawang pangyayaring
likha n~g mahiwagang tulang kabibigkas n~g makata.

¡Oh, pagkalungkotlungkot na sandali ang tinatawid noon n~g mestisang
kailan man yata'y hindi na magtitikim n~g kaluwalhatian, n~g ganap at
lubos na kaluwalhatian sa pagibig!...

Naroroon siya nang umagang iyon upang ipagparan~galan sa dalawang
matanda ang lalaking ayon sa una niyang pahayag ay siyang
pinagtiwalaang magari n~g kanyang n~gala't kapurihan, datapwa't nang
ang pagpapakilala'y halos bubukhin na lamang sa kanyang m~ga labi, ay
 ... saka niya tinanggap ang isang katunayan n~g kanyang walang
hanggang pagkasiphayo at pagkapawakawak n~g pagkababae niya at dilang
pagasa....

Madilim na madilim n~ga ang nakikita ni Elsa nang m~ga sandaling yaon.
Sa kanyang ulana'y waring nararamdaman niyang ang lan~git ay
bumababa't tila danggan sa kanyang nanglalatang katawan, at sa kanyang
paana'y parang natutunghang nunuka ang lupa't kung baga sa ganid ay
anyong siya'y sisilain hanggang sa magkadurogdurog ang balangkas n~g
kanyang kahalihalinang alindog....

Sa laki n~g panghihilakbot sa harap n~g kanyang naguguniguni'y
tinangka n~g mestisa ang sumigaw n~g ubos lakas upang sa gayo'y
tumighaw ang kanyang nagsisikip na paghin~ga, nguni't kung tayahin
niya'y may bikig siya sa leeg at ang dila niya'y hindi makapalag sa
dami n~g gapos....

Salamat na lamang at kaginsaginsa'y nagmulat n~g mata ang makatang
galing sa pananaginip.

Nagisnan ni Tirsong sa may paanan niya'y dalawang matanda ang
nagbubulun~gan, subali't di niya namamalayang sa dakong ulunan ay
naroon si Elsang malamlam ang mukha sa taglay na hapis.

Upang mapakimatyagan ang pinagbubulun~ga'y muling pumikit ang
nararatay. At noon di'y kanyang naulinigan na sa may ulunan niya'y
nagbungtonghinin~ga si Elsa. Bigla siyang pumihit at lumin~gap sa
dakong kinaringgan n~g nasabing buntonghinin~ga. At namasdan niyang
malungkot na malungkot na nakapan~galumbaba ang kanyang mestisa.

--Elsa ...--ang unang pumasnaw sa bibig ni Tirso ... ¿Kanina ka pa
ba?--ang dugtong na tanong.

--N~gayon lamang ...--- malumbay na sagot.

--¿Ang iyong kasama?

--Sina manang Magda at tia Basilia.

Ang dalawang matanda'y marahang lumapit sa naguusap. Sinalubong naman
n~g makatang nakahiga n~g isang malugod at magalang na n~giti.

--¿Kumusta?--ang may kapalagayang loob na bati ni donya Basilia na
parang inaaming hindi na iba sa kanya ang lalaking iyon.

--Mabuti na po naman daw, ayon sa mediko ...--mabanayad na pakli ni
Tirso.

--Nanaginip ka yata,--ang wika pa n~g matandang iyong ale ni Elsa,
samantalang ang mamang nama'y napapatun~gan~gang hindi makaimik.

Nagitla si Tirso sa gayong sinabi.

¿Bakit kaya't nalalaman yata n~g matandang iyon ang panaginip niya?
¿Binigkas kaya niya n~g malakas ang tulang maliwanag pang nalilimbag
sa kanyang pangtanda? ¡Oh, baka narinig na ni Elsa ang pagkakabanggit
niya sa n~galan ni Teang!...

Sa hangad na matiyak ang tunay na nangyari'y hinagisan n~g mapun~gay
na sulyap ang mukha ni Elsa. ¡Ah, tila n~ga nababanghay ang isang
panibughong hindi karaniwan! ¡Hindi n~ga sasalang narinig ni Elsa!
¡Kay samang pagkakatoon!

Ibig niyang aruin ang kanyang mestisa ay hindi magawa, pagka't may
m~ga kaharap. At ¿hindi kaya naman napakinggan n~g manang ang n~galan
ni Teang na nababanggit sa kanyang tula? ¿At ano kaya ang palapalagay
n~g matandang ito sa tulang yaong bunga n~g pangarap?

--Paglabas mo rito ay sa aming bahay kayo magtitira.--ang
makasandali'y narinig na naman ni Tirsong sinasabi ni donya
Basilia.--Ganito ang pinagkasunduan na namin ni Elsa, samantalang
hindi pa kayo napapanhik sa bahay n~g kanyang kapatid sa Pasay.

Humigit-kumulang ay nahulaan n~g lalaki ang taglay na kahulugan n~g
m~ga salitang yaon. Kaya't ni kataga n~g pagayon, ni kataga n~g
pagtutol, ay wala siyang isinagot. Ang ibig niyang mangyari, kung
magagawa lamang, ay ibaling na sa iba ang kanilang paguusap.

Subali't nan~gagkatigilan silang parapara nang maulinigan nilang
patuloy na lumulubha ang ligalig na nangyayari sa isang bahagi n~g
gusaling iyon.

Ang dalawang matanda ay siyang unang nakapuna sa gayong paglubha,
sapagka't mula sa dun~gawan n~g silid ni Tirso sa "Floor No. 3" ay
natin~gatin~gala nilang marami ang taong nagkakagulo sa "Floor No. 6"
na nauukol sa m~ga babae.

--Elsa,--ang tawag n~g manang sa mestisa,--may pinagkakaguluhan sa
ibayong kuwarto sa dakong itaas.

--Marahil po'y isang may malubhang sakit na naghihin~galo na,--ang
tugon n~g tinukoy.

--¡Kaawaawa naman! ¡Nakapan~gumpisal na lamang sana!--ang padalan~gin
pang saad ni manang Magda.

--¿Bakit n~ga kaya't nan~gagtatakbuhan ang m~ga mediko't _nurse_ na
doon ang tun~go?--ang tanong pa rin ni donya Basilia.

--Marahil n~ga po'y mayroong malubha ang karamdaman,--ang ayon ni
Tirso sa narinig kay Elsa.

--Kung gayon lamang ay ¿bakit kay dami pang mediko ang kailan~gang
magulo?

--Kung ako n~ga marahil ang maghihin~galo ay walang maliligalig na
sinoman ...--ang may pahagkis na saad n~g mestisa.

--Maaaring magkagayon,--ang sunggab n~g nakaratay, kung ako ang
mauunang mamatay sa iyo. Datapwa't ... Elsa, kung mamamatay ba naman
ako ay ¿magagambala ka?

--¡Kung magusap ang m~ga batang ito!--ang himig pasaway na inihadlang
ni donya Basilia.--Nasa talaga n~g Dios ang asawa mo, Elsa, at hindi
kayo nararapat maggamitan n~g ganyang pan~gun~gusap.

Ang mestisa ay hindi na naman umimik. Ang makata lamang ang tumugon:

--Wala po namang anoman ang pinaguusapan namin ...--mahiyahiyang wika
na nilakipan n~g isang masayang n~giti.

--¿Ano n~ga ba ang inyong dinaramdam, at bakit baga may tali kayo sa
ulo?--itinanong naman n~g manang.

Saka lamang naipaliwanag ni donya Basilia sa kanyang kumare ang
kanyang natatalos sa bagay na iyon. At sa ginawang paguulat n~g ale ni
Elsa tungkol sa naging sanhi n~g pagkaratay sa pagamutan ni Tirso, ay
napaguwiuwi n~g makatang ito na ang pagkakabalita n~g naturang
mestisa ay talagang napakasal na sila nang gabing sinundan.

Hindi siya kumibo.

Siyang pagakabukas n~g pinto n~g silid. At isang _nurse_ na
humihin~gal ang biglang humarap sa kanilang tatlo.

--Ipagpatawad po nila ang pagkakapasok ko,--ang magalang na bati sa
m~ga dinatnan, at saka lumapit sa nakahiga't ito ay tinanong:--Kayo si
G. Tirso Silveira, ¿ano po?

--Ako n~ga po,--malumanay na tugon n~g lalaki.

--¿Ano po ang kanilang sadya?--ang katlo naman ni Elsang _nurse_ ang
hinarap.--Siya n~ga si Tirso Silveira, ang aking asawa,--ang pakilala
pa.

Biglang natilihan ang tinurang _nurse_ nang marin~gig ang sabi n~g
mestisa. "¿Sino ang tunay na asawa n~g lalaking ito?" ang di sasalang
naibulong sa sarili sa laki n~g mangha.

--¿Ano n~ga ba ang maipaglilingkod?--ang tanong pa ni Elsa,
samantalang nakikimatyag sa salitaan ang dalawang matanda.

Maikling sandali pa ang namagitan bago nakasagot ang tinukoy.

--Ipagpatawad po nilang sabihin ko na sa kaibayong kuwarto ay isang
babaeng tila nasisiraan n~g bait ang naghihihiyaw at bumabanggit n~g
inyong pan~galan,--ang wikang kay Tirso nakatin~gin.--At kayo ay
ipinakikiabot, tinatawag n~g ubos lakas, at waring napaliligtas sa
isang malaking kapahamakan ... ¿Itinutulot ba ninyong ipakuha ko kayo
rito at sandaling sumaglit sa kinaroroonan n~g babaeng sinabi?

--¿Ano po ang pan~galan?--ang panabay na usisa n~g dalawang magkumare.

--Hindi ko naitanong sa kasamahan naming nagbabantay sa kanya,
n~guni't inaakala kong makikilala ninyo pagdating natin doon.

Napaban~gon si Tirsong hindi na naghintay n~g sinomang aalalay sa
kanyang nanghihihang katawan. N~guni't gaputok may hindi nagsasalita.
Sa liblib na pitak n~g kanyang dibdib, hindi sasalang may sinasarili
siyang isang malaking lihim.

--¿Ibig mo bang pumaroon?--ang tanong ni Elsang tila may balisa, na
rin sa gunamgunam.

--Ibig kong lumapit sa tumatawag ...--nanghihin~gapos na sambot n~g
maysakit.

--Kung gayon po'y magpapakuha ako n~gayon din n~g inyong
sasakyan,--anang _nurse_ na maliksing lumabas.

Halos di naglipat sandali't dumating ang sasakyang kinuha na
iginugulong n~g dalawang lalaki.

--Ihihilig po kayo rito,--ang wika n~g masipag na _nurse_.

--Huwag na po,--ang tanggi ni Tirso,--ako'y lalakad na lamang....

--Baka kayo mapagod na totoo....

--Kaya ko na ang aking katawan.

At pagkasambit nito'y marahan nang tumindig at umanyong lalakad.

--Akbayan mo, Elsa,--ang utos n~g ale.

Subali't ang utos na iya'y tila hindi narinig n~g pamangking
pinagsabihan, sapagka't ang buong pagiisip nito ay ganap na nabuhos
noon sa pagtatanong sa sarili kung sino n~ga ang babaeng iyon na
ibinabalitang tumatawag sa n~galan ni Tirso.

--¿Sino n~ga ba ang babaeng yaon?--ang ulit pang tanong ni donya
Basilia.

--Aywan n~ga po ba,--ang sambot n~g _nurse_ habang sila'y samasamang
lumalakad sa lagusang palipat sa ibang bulwagan.--N~guni't ang
sabihanang narinig ko ay kagabi idinating ditong may kasamang isang
lalaking sugatan sa loob n~g isang _ambulancia_, galing sa Intramuros
at itinelepono n~g isang pulis.

Nagibayo ang sikdo n~g puso ni Elsa, pagkarinig sa m~ga pahayag n~g
_nurse_.

¿Diyata n~ga kaya't yaon na ang babaeng walang malaytaong nakapiling
ni Tirso sa loob n~g _ambulanciang_ nakasagasa n~g kalesa?...

Isang iglap na lamang at mapagkikilala kung siya ay sino....




XXVII

¡APOY!...


Natatakot, sumisigaw, tumatan~gis....

Alan~gang malinaw ang isip at alan~gang nahihibang; unat at taas ang
m~ga kamay na tila nalulunod at tumatawag n~g makasagip; m~ga matang
halos magkanglulusot sa laki n~g sindak, na parang nakakikita n~g
isang kapan~ganyayaang mahirap iwasan; m~ga patak n~g luhang
pabugsobugsong nanaloy sa humpak n~g pisn~gi: mukhang kahabaghabag na
nakikipan~gagaw sa kulay n~g suka; samongsamong na buhok na wari'y
dinaanan n~g matinding buhawi; katawang pumapalag na anaki'y
nagpupumiglas makatakas sa kamay na yumayapos ... iyan ang sa biglaang
paglalarawa'y siyang pagaanyo n~g babaeng yaon na kinabubuntahan nang
umagang iyon n~g dilang pagkagulumihanan sa "Hospital General".

M~ga medikong manakanakang nagtatanong, m~ga _nurses_ walang
matutuhang gawin sa pagaaruga; maraming maysakit na nagban~guna't
lumapit sa isang dulo n~g bulwagang pinagbubuhatan n~g alin~gawn~gaw;
saka iba pang m~ga kawaning takangtaka sa nangyayari, ang m~ga
pan~gunang saksi sa ganyang anyo at m~ga kilos n~g tinurang maysakit
na tumatawag sa n~galan ni Tirso.

At ang sinasabi sa gumagaralgal at pauntolutol na tinig ay nabubuo sa
ganitong m~ga katagang halos di maunawaan gayong maliliwanag:

--¡Asawa ko! ¡Asawa ko! ¿Saan ka naroon? ¿Nahan ang awa mo?...
¡Halika! ¡Tirso! ¡Halika! ... ¡Ikaw lamang ang makapagliligtas sa akin
sa kapahamakang ito!...

--¿Sinong Tirso ang inyong hinahanap?--ang tanong n~g isang
manggagamot na kaharap doon.

--¡Si Tirso Silveira! ¡Ang aking asawa! ... ¡Ay Tirso! ¿Nasaan ka
n~gayon? ¡Parito ka't lin~gapin mo ang aking napagsapit!...

Marinig ito n~g isang _nurse_, ay madali n~gang nanaog na nagtungo sa
silid n~g makatang nasa ibang bahagi n~g gusaling iyon.

Samantala'y patuloy ang m~ga pagtataka, at patuloy ang m~ga
pagsusumigaw n~g abang maysakit na di nagsasabi kung siya ay sino.

--¡Patawarin mo ang aking m~ga pagkakamali! ¡Limutin mo ang aking m~ga
pagkukulang! ¡Oo, Tirso, inaamin ko ang pagkabulag n~g aking paniwala
at ang pagkapatun~go ko sa ligaw na landas! ... ¡Minarapat kong
tumalikod sa layaw n~g mundo at sampu n~g sumpang isinangla sa iyo ay
aking hinamak, sa pagaakalang kabanalang dakila itong aking
pinagsakitang marating! Datapwa't ... ¡hindi pala! ¡Ang _Beaterio_, na
nang una'y itinuring kong isang _Paraiso_ na katatagpuan n~g dilang
luwalhati n~g babaeng banal, ay siya palang tunay na impiyerno sa
balat n~g lupa, isang parusahang kinasasadlakan n~g m~ga nahihibuan
n~g buktot na hatol! ¡Ang m~ga taong itong kung sabihin n~g aking m~ga
ninuno'y matapat na alagad n~g Kabanalang sinugo n~g Dios upang
maghasik sa daigdigang ito n~g malusog na binhi n~g Dakilang Asal, at
di umano pa'y m~ga tagapagakay sa m~ga kinapal na ninitang ginhawa, ay
wala pala kundi m~ga kasumpasumpang kawa n~g Pagpapakunwari na sa
tulong n~g balatkayong Tumpak na Pananampalataya'y nagiging halimaw na
laging uhaw na mapagsamantala sa puri at dan~gal n~g kahima't sinong
mahulog sa kanilang inuumang na lambat! ... ¡Ah, n~gayon ko nakilala
ang malaking pagkakamaling aking nagawa laban sa iyo, asawa ko! ¡Dahil
sa iyong pagkakasapi sa isang Kapisanang di ko nakilala, pagkasaping
ayon sa paring di ko nahulaang may imbot, pala sa aking pagkababae'y
sukat daw upang ikaw'y pangdirihan n~g sinomang gaya kong may loob sa
Dios, minarapat ko ang sa iyo'y lumimot ... pinagsisihan ko n~g gayon
na lamang ang pagkakilala sa iyo ... aking ininis sa sariling dibdib
ang pagsintang tumibok na kusa sa mura kong puso ... at ang
kadalisayan n~g aking pan~gako ay kusang hinamak at pinapagmaliw n~g
lubuslubusan ...! ¡Patawad n~ga, Tirso, ang hinihin~gi sa iyo nitong
asawa mong nagbabalik-loob!...

At, habang hindi naglulubay n~g kasasalita ang babaeng iyon na kahi't
pagbawalan ay para ring di nakaririnig, sa isang hiwalay na umpok n~g
ilang kataong kabilang sa m~ga nalilimpi sa palibid n~g tinurang
babae, ay siya namang pinananayn~gahan ang ganitong pahayag n~g
manggagamot na umaaming siyang kasama sa _ambulancia_ nang gabing
nagdaan:

--Dinatnan kong ang babaeng iya'y walang ulirat na nakalugmok sa harap
n~g pulis na tumelepono rito kagabi; hindi masabi n~g pulis na iyon ni
n~g sinoman sa ilan pa kataong nagmamalas sa kanya, kung siya ay sino
at kung saan galing. Pagdaka'y nakita na lamang daw n~g pulis na
susuraysuray na sumasalubong at napasasaklolo sa kanya, n~guni't
pagkalapit ay bigla na lamang napahandusay. Nang aking siyasati'y may
ilang bugbog sa katawan, na mahihinuhang gawa n~g pagkakahulog mula sa
alinmang mataas na lugal. Ang aming _ambulanciang_ ikinuha sa kanya ay
nakasagasa naman sa raan n~g isang kalesa. At sa banggaang iyo'y isang
lalaki ang nasawi. Walang malaytaong ito'y dinala rin namin, kasama
n~g isang mestisang pagdating dito ay nagpahayag na asawa niya.
Ipinatala n~g tinurang mestisa na ang pan~galan n~g kanyang asawa ay
Tirso Silveira. At n~gayo'y ... ¡hayan at Tirso Silveira rin ang
isinisigaw n~g babaeng iyan!

--¡Kay laking hiwaga!--ang nagpalipatlipat sa isa't isang bibig.

Kapagkuwa'y narinig na namang nagsisisigaw ang babae.

--¡Oh, Tirso! ¡Narito na naman ang halimaw na ganid! ¡Narito't anyong
ako'y gagahasain! ¡Iligtas mo ako, Tirso! ¡Halika!...

Siyang pagsipot sa bulwagang iyon n~g lalaking pinagpatalastasa't
sinundo n~g _nurse_ kasunod si Elsa, si donya Basilia at si manang
Magda.

Pagkairinig sa huling pagibik na iya'y ang manang ang una at boong
liksing nakalapit, n~guni't si Tirso ma'y naroon na ring hawak sa
bisig ni Elsa.

--¡Anak ko!

At sa loob n~g isang pikitmata halos ay tambing nang dinuhapang na
niyakap n~g matanda ang abang maysakit. N~guni't ito ay waring di
nakakikilala n~g tao't parang walang naririnig na anoman. Nasa m~ga
bisig na n~g matanda, ay isang sigaw pa, sigaw na ubos lakas, ang
narinig n~g lahat.

--¿Nasaan ka, Tirso? ¡¡Tirso!!...

Mabilis na tulad sa kidlat, ang tinawag na di pa natatanaw n~g
nagpapagibik ay biglang nagkawala sa, pagkakapigil n~g kaakbay na
mestisa at parang limbas na dumaluhong sa harap niyon, kasabay n~g
tawag na:

--¡Teang!

Si Teang ang maysakit. At sa tawag na ito ay waring natauha't
pinagsaulan n~g lakas n~g katawan at linaw n~g isip.

--¡Ah, si Tirso!...

At noon di'y naghulagpos sa m~ga kamay ni manang Magda at matuling
lumipat sa m~ga bisig n~g makata.

Halos napigil ang paghin~ga n~g tanan sa gayong hindi akalaing
mapanood.

--¿Teang, ano ang nangyari sa iyo?--ang patakang tanong n~g manang,
samantalang ipinan~gan~gamba sa sarili ang pagkabaliw n~g anak, ayon
sa ginawang pagyakap sa lalaking itinuturing na asawa ni Elsa.--¿Bakit
naparito ka? ¡Naku, bunso ko!...

Nagbalik na naman sa bisig n~g ina ang abang si Teang.

--¡Ina ko! ¡Patawarin ninyo ako!...

At ang m~ga labi'y nagpalitan n~g halik: halik n~g anak sa kamay n~g
ina; at halik n~g ina sa noo n~g anak....

--¿Nagkasakit ka ba?

--Hindi po; nguni't ... ¡oh, ang m~ga taong pinaghabilinan ninyo sa
akin! ¡Patawarin nawa sila ni Bathala sa di nila nalalamang kanilang
ginagawa!...

--¿Sinong m~ga tao?--ang pabiglang sunggab ni Tirso.--¿At
nilapastan~gan ka ba? ¡Teang ituro mo at gagawin ko ang nararapat!

--Salamat, Tirso ... Huminahon ka't napawi na ang sigwa....

--¿Lumabas ka bang kusa sa kolehio?--ang tanong na naman n~g inang
manghangmangha sa nangyari sa anak.

--Opo, inang; at sa ginawi kong ito'y inuulit kong, ako'y inyong
patawarin, yamang ito ang tan~ging naging kaligtasan n~g anak ninyo.
¡Ah, ayokongayoko nang mag mongha! ¡Siya n~ga, inang! ¡Mamatay na muna
ako bago muling matira n~g isang saglit sa loob n~g _Beaterio_!...
¡Maano nawang mabunyag na sa lahat n~g m~ga kababayan natin ang
alin~gasaw n~g kabulukang naluluom sa loob n~g m~ga pinid na pinto't
dun~gawan n~g m~ga gusaling ito!--Saka ibinaling sa makata:--Tirso,
n~gayon ko napagtalastas kung bakit inibig mong mapatiwalag ka sa
bakuran n~g Papa ... ¡May labis kang katuwiran!...

Samantala, ang dinaranas na pagpupuyos n~g budhi ni Elsa, habang
nagiging saksi siya n~g lahat at lahat, ay di mailalarawan n~g lalong
bihasang panitik.

May puso n~ga siyang nasasabi'y di niya maalaman kung tumitibok pa
nang sandaling iyon ... Ang m~ga mata niya'y naroroo't nakadilat n~ga,
subali't hindi niya maturol kung may nakikita pa ... Nakikinig siya sa
pook na yaon, n~guni't sa kanyang m~ga tayn~ga'y isang kawang kuliglig
mandin ang nagpapanabay na tumutulig at nagpapalito sa kanyang
isipan....

Datapwa, nang magsalita ang katabi niyang ale na si donya Basilia at
ibulong sa kanya sa anyong tila naninisi ang "¿Anong gusot, Elsa,
itong pinasok mo? ¿Napakasal ka n~ga ba sa lalaking iyan, o ako'y
iyong pinaglalakuan?" ay napukaw ang kanyang kaluluwa't sa kaibuturan
n~g dibdib niya'y nagban~gon ang larawan n~g kapalaran niyang inaamis
ni Teang, pagkaamis na humihin~gi n~g kanyang pagtatanggol, n~g
kanyang paghihiganti, n~g kanyang tanang magagawa....

Sa isang an~gat n~g ulo ay nanglilisik na naipako niya ang kanyang
m~ga panin~gin sa mapagwaging anyo ni Teang sa piling ni Tirso; at
wala siyang makitang anomang karapatang tinataglay n~g babaeng iyon
upang umagaw n~g kaligayahan niya ... Si Teang ay isang babaeng kung
kinasilawan man n~g paghan~ga ni Tirso ay nilimot na naman nito, at
siya--si Elsa--ang sa wakas ay pinagsanglaan n~g lalong mahal na hiyas
n~g puso at pinaghasikan n~g matimyas na punla n~g isang pagibig na
wagas at dalisay. Ang punlang iyo'y inaalagaan ni Elsa na taglay ang
taimtim at tunay na pagmamahal, sa pananalig na sarili niya at
tan~ging siya lamang ang may kapangyarihang maghari sa pagibig n~g
naturang makata ... saka n~gayon sa namamalas niya'y si Teang ang
kayapos n~g m~ga bisig ni Tirso ... ¡Oh, hindi niya mababata!

--¡Tirso, sukat na ang pagbibigay!--ang malakas na wika sa
nan~gan~gatal na tinig.--¡Gunitain mong naririni akong nagmamasid sa
iyo!

Ang lahat n~g mata'y napabaling at sukat sa nagbitiw n~g m~ga katagang
iyang kulog manding sumambulat sa pangdinig ni Teang. At ang
panggigilalas ay lalo nang nagulol at lumaganap sa tanang naroon.

Ang tin~gin ni Elsa at titig ni Teang ay nagkasagupang tulad sa
dalawang sandatang nagkapingkian sa laot n~g paglalamas; dapwa't laban
sa katan~giang likas sa isa't isa, sa pagkakapingking iyo'y si Elsa
ang napipilan wari't siyang nagbaba n~g tin~gin, pagkapalibhasa'y may
nabasa siya mandin sa m~ga balintataw ni Teang na isang katotohanang
kinasilawan niya: ang katotohanan n~g pagkapariwara n~g lahat niyang
pagasa.

N~guni't kay Teang, ang gayong pagyuko ni Elsa ay nagpapanumbalik
naman n~g dati niyang pakikipagpalagayan sa mestisang ito, kaya't
parang hindi dinaanan n~g ulap ang maaliwalas na lan~git n~g kanilang
pagkikilala'y malugod niyang tinawag ang pan~galan nito.

--¡Elsa!--anya, at kasabay ang lapit na idinugtong:--Naniniwala akong
kaya ka naririto'y dahilan sa akin, ¿hindi ba?

--Isinama lamang ako ni tia ...--ang may lungkot na pakli n~g mestisa.

--¿Ang ninang ko pati ay naririto?--at noon di'y pinagala ang tin~gin
sa dami n~g taong nakapalibid, at hinanap si donya Basilia.

--Naririto ...--bahagya nang naitugon ni Elsa.

--¡Ah, ninang!--ang boong tuwa't pananabik na ibinati pagkakita sa
hinanap, at pagdaka'y tinakbong niyakap at hinagkan sa kamay,--¡Anong
himala't naparito tayong lahat!

Walang kumibo sa m~ga kaharap. Lahat ay nasa panonood at pagtataka.

Sa katotohanan, ang m~ga kilos ni Teang nang umagang iyon ay naging
kapunapuna't malayo sa dati niyang asal. Marahil ay gawa n~g lagnat na
nadama n~g inang umaapoy sa kanyang katawan.

Hindi hinihintay ni manang Magda na ang kanyang anak na babaeng
pinalaki sa mabuting turo ay mamasdan niyang yumupyop na gayon sa
dibdib n~g isang lalaking sa pagkabatid niya'y asawa pa naman n~g iba,
ni Elsa. Si donya Basilia man nama'y natitilihan din n~g gayon na
lamang, sa dahilang hindi niya maubos liripin sa sarili kung ano't
itong lalaking sinasabing asawa ni Elsa ay siya pa namang ipinagibang
kilos n~g mabait na babaeng kanyang inaanak sa namamalas n~g mestisang
iyong dapat sanang masakita't magubos n~g kaya sa paguusig. At si Elsa
naman, sa kanyang sarili, ay lalo nang may malaking ipinagiba.
Kaikailan man ay hindi siya nan~gimi sa harap ni Teang kundi nang m~ga
sandaling yaon. Samantalang si Tirso, habang nagtatagal n~g pagmamalas
sa kaibigibig na alindog n~g babaeng unang nagkapan~galan sa kanyang
puso, ay lalo nang napapatdahan n~g dila't sa laki n~g galak na
lumulunod sa kaluluwa'y hindi makabigkas n~g isa mang kataga.

Subali't si Teang ay patuloy sa pagpapahan~ga....

Si Elsa't si donya Basilia ay hinawakan sa kamay at iniagapay sa
kinatatayuan n~g inang si manang Magda sa harap n~g makata. At ang
sabi pagkatapos:

--Inang, ninang, kaibigang Elsa ... huwag kayong mamangha sa
ipakikilala ko: ang lalaking pinaghabilinan ko n~g aking kapalara'y
naririto: si Tirso Silveira.

--¡Teang!--ang halos panabay na nasambit n~g tatlo.

--Huwag kayong magalaala: kasal na po kami....

--¡Hindi manyayari!--ang bigla't patiling hadlang n~g mestisang
mistulang pinagdaupan n~g lan~git at lupa sa sandaling iyon.

--Nangyari na, Elsa ...--malumanay na tugon ni Teang.

--¡Pangahas!--ang bulalas na wika n~g nasasakitang mestisa, at
umanyong duduhapan~gin ang kanyang katun~go.

--¡Dios ko!--ang tili n~g manang.

--¡Elsa!--malakas na tawag naman ni donya Basilia.

Siyang pamamagitan ni Tirso.

--Elsa ...--anya sa mahinahong pamimigkas.--Nalalaman kong si Teang ay
para mong tunay na kapatid at dati kayong matalik na magkaibigan.
Nalalaman ko rin na ang kaligayahan at kapalaran n~g isa sa inyo ay di
lamang hindi ipagdaramdam ni ikaiinis n~g isa pa, kundi bagkus
ikalulugod n~g walang pasubali. At kung sakasakali mang may
nagkukulang sa sinoman sa inyong dalawa, ang pagkukulang na iya'y
ipinagpaparaya rin alangalang sa katalikan n~ga n~g inyong pagsasama.
Elsa, ¿hindi mo ba ikinalulugod ang kaligayahan n~g kaibigan mong si
Teang?...

--Tirso ...--boong lumbay na ipinakli n~g mestisa,--¿diyata ba't isa
ka pa sa magpapainom n~g lason sa akin sa tulong n~g matatamis na
bulaklak n~g dila? ... At parang di alumanang sa palibid nila'y hindi
kakaunting tao ang nagmamasid at nakikimatyag; ay isinusog pa sa
nan~gan~gatal na, tinig:--Tapatin mo ako, Tirso: ¿hindi na ba ikaw ang
Tirsong sinanglaan ko n~g lalong mahalagang hiyas n~g aking puri at
nagdulot sa puso ko n~g pagasang balang araw ay sasayurin ko ang
walang hanggang ... kaluwalhatian?

--¡Tirso ko!--ang sabat ni Teang na waring ... nagpaalaala n~g isang
mahalagang tungkulin.

--Pumayapa ka, Teang,--ang salo n~g makata, bago pumihit na muli sa
mestisa.--Elsa, ang m~ga nalilihis na hakbang ay di nararapat
ipagpatuloy. Kung tunay na ako'y pinahahalagahan mo, ay inasahan kong
iyong paiirugan ang isa kong samo: magpatawaran na tayo....

--¿Magpatawaran? ¿Ibig mo bang sabihi'y ipalupig ko sa babaeng, iyan
ang aking dilang pagasa?...

--Hindi, Elsa; subali't ... ipinagtatapat kong taglay ni Teang ang
boong karapatan sa narinig mong kanyang sinabi.

--¿At nahihibang ka ba?...

--Nahihibang ay hindi; datapwa't ... kinikilala kong ang isa't isa sa
atin, Elsa, ay may kanikanyang pagkakasalang marapat patawarin n~g
pinagkasalanan.

--¡Pagkakasala! ... ¿Anong pagkakasala ang ibubuhat mong aking nagawa
pagkatapos na tupdin ko ang tanang itinitibok n~g aking puso sa
pagkakilala sa iyo?--At sa pagsasalita n~g ganito'y; naramdaman n~g
mestisang untiunting nagdidilim ang kanyang m~ga panin~gi't
bahabahagyang nanglalabo ang kanyang pangwatas.

--Elsa, sa dakong iyan n~ga may bagay na dapat tayong kilalanin: na
ang pakikipagtalik sa babae, kung minsan, ay nagiging paglalaro n~g
apoy at sa ating pagkikilala ay sinasabi ko sa iyong ako ... ay
nadarang, nasalab, napaso. Dahil dito'y patawarin mo n~ga ako, at sa
lahat at lahat ay pinatatawad naman kita....

Ganap nang naglaho ang tanang namamalas n~g m~ga balintataw ni Elsa.
At sa isang pikit-mata'y pabiglang nagbulalas n~g matunog na sigaw.

--¡Apoy! ...--saka nilabnot ang buhok at taas ang dalawang bisig na
humarap sa madla,--¡Apoy na nakapapaso ang babae! ¡Ang babae'y
nakadadarang, nakatutupok! ... ¡Ha-ha-ha-ha! ... ¡Tabi kayo't naito ang
apoy! ¡Ang apoy! ... ¡Ha-ha-ha-ha-ha!...

At ang kahabaghabag na mestisa, ay naging baliw sa isang saglit....

Walang paalam, pasugod, tumatakbo at han~gos, sumisigaw at kumukumpas,
humahalakhak at walang nakikilala, walang naririnig ... ang abang si
Elsa ay nagmistulang bagong Sisa sa dahas n~g dagok n~g kasaliwaang
palad na kanyang kinamtan....

Matulingmatuling naba at lumayas sa pagamutang iyon na animo'y
salaring tumakas sa bilangguan, n~g sa likura'y nilisang ayaw mang
pansinin ang di magkamayaw na tawag nina donya Basilia, manang Magda
at n~g iba pang may paglin~gap sa kanya....

¡Kahambalhambal na naging wakas n~g sawingpalad na mestisang kung
nakagawa man n~g malulubhang kamalian, ay walang iba kundi yaong
ibinubuyo at iniuupat n~g isang pagibig na walang kapantay sa
kasidhian!...

WAKAS


Maynila, K.P.,
Pebrero 7, 1920.


TALABABA:

[A] Ang _fox trot_ na ito ay nilapatan n~g tugtugin n~g
kilalang gurong si G. León Ignacio, at sa ilalim n~g pamagat na ANG
MESTISA ay maaaring matagpuan sa m~ga aklatan at tindahan n~g
tugtugín. Bagay na bagay sa m~ga sayawan.

[Patalastas: A. Nolasco Hatter]

[Patalastas: Plaza Goiti, National Optical & Jewelry]













End of the Project Gutenberg EBook of Ang Mestisa, by Engracio Valmonte

*** END OF THIS PROJECT GUTENBERG EBOOK ANG MESTISA ***

***** This file should be named 13773-8.txt or 13773-8.zip *****
This and all associated files of various formats will be found in:
        https://www.gutenberg.org/1/3/7/7/13773/

Produced by Tamiko I. Camacho and PG Distributed Proofreaders.
Produced from page scans provided by University of Michigan.


Updated editions will replace the previous one--the old editions
will be renamed.

Creating the works from public domain print editions means that no
one owns a United States copyright in these works, so the Foundation
(and you!) can copy and distribute it in the United States without
permission and without paying copyright royalties.  Special rules,
set forth in the General Terms of Use part of this license, apply to
copying and distributing Project Gutenberg-tm electronic works to
protect the PROJECT GUTENBERG-tm concept and trademark.  Project
Gutenberg is a registered trademark, and may not be used if you
charge for the eBooks, unless you receive specific permission.  If you
do not charge anything for copies of this eBook, complying with the
rules is very easy.  You may use this eBook for nearly any purpose
such as creation of derivative works, reports, performances and
research.  They may be modified and printed and given away--you may do
practically ANYTHING with public domain eBooks.  Redistribution is
subject to the trademark license, especially commercial
redistribution.



*** START: FULL LICENSE ***

THE FULL PROJECT GUTENBERG LICENSE
PLEASE READ THIS BEFORE YOU DISTRIBUTE OR USE THIS WORK

To protect the Project Gutenberg-tm mission of promoting the free
distribution of electronic works, by using or distributing this work
(or any other work associated in any way with the phrase "Project
Gutenberg"), you agree to comply with all the terms of the Full Project
Gutenberg-tm License (available with this file or online at
https://gutenberg.org/license).


Section 1.  General Terms of Use and Redistributing Project Gutenberg-tm
electronic works

1.A.  By reading or using any part of this Project Gutenberg-tm
electronic work, you indicate that you have read, understand, agree to
and accept all the terms of this license and intellectual property
(trademark/copyright) agreement.  If you do not agree to abide by all
the terms of this agreement, you must cease using and return or destroy
all copies of Project Gutenberg-tm electronic works in your possession.
If you paid a fee for obtaining a copy of or access to a Project
Gutenberg-tm electronic work and you do not agree to be bound by the
terms of this agreement, you may obtain a refund from the person or
entity to whom you paid the fee as set forth in paragraph 1.E.8.

1.B.  "Project Gutenberg" is a registered trademark.  It may only be
used on or associated in any way with an electronic work by people who
agree to be bound by the terms of this agreement.  There are a few
things that you can do with most Project Gutenberg-tm electronic works
even without complying with the full terms of this agreement.  See
paragraph 1.C below.  There are a lot of things you can do with Project
Gutenberg-tm electronic works if you follow the terms of this agreement
and help preserve free future access to Project Gutenberg-tm electronic
works.  See paragraph 1.E below.

1.C.  The Project Gutenberg Literary Archive Foundation ("the Foundation"
or PGLAF), owns a compilation copyright in the collection of Project
Gutenberg-tm electronic works.  Nearly all the individual works in the
collection are in the public domain in the United States.  If an
individual work is in the public domain in the United States and you are
located in the United States, we do not claim a right to prevent you from
copying, distributing, performing, displaying or creating derivative
works based on the work as long as all references to Project Gutenberg
are removed.  Of course, we hope that you will support the Project
Gutenberg-tm mission of promoting free access to electronic works by
freely sharing Project Gutenberg-tm works in compliance with the terms of
this agreement for keeping the Project Gutenberg-tm name associated with
the work.  You can easily comply with the terms of this agreement by
keeping this work in the same format with its attached full Project
Gutenberg-tm License when you share it without charge with others.

1.D.  The copyright laws of the place where you are located also govern
what you can do with this work.  Copyright laws in most countries are in
a constant state of change.  If you are outside the United States, check
the laws of your country in addition to the terms of this agreement
before downloading, copying, displaying, performing, distributing or
creating derivative works based on this work or any other Project
Gutenberg-tm work.  The Foundation makes no representations concerning
the copyright status of any work in any country outside the United
States.

1.E.  Unless you have removed all references to Project Gutenberg:

1.E.1.  The following sentence, with active links to, or other immediate
access to, the full Project Gutenberg-tm License must appear prominently
whenever any copy of a Project Gutenberg-tm work (any work on which the
phrase "Project Gutenberg" appears, or with which the phrase "Project
Gutenberg" is associated) is accessed, displayed, performed, viewed,
copied or distributed:

This eBook is for the use of anyone anywhere at no cost and with
almost no restrictions whatsoever.  You may copy it, give it away or
re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included
with this eBook or online at www.gutenberg.org

1.E.2.  If an individual Project Gutenberg-tm electronic work is derived
from the public domain (does not contain a notice indicating that it is
posted with permission of the copyright holder), the work can be copied
and distributed to anyone in the United States without paying any fees
or charges.  If you are redistributing or providing access to a work
with the phrase "Project Gutenberg" associated with or appearing on the
work, you must comply either with the requirements of paragraphs 1.E.1
through 1.E.7 or obtain permission for the use of the work and the
Project Gutenberg-tm trademark as set forth in paragraphs 1.E.8 or
1.E.9.

1.E.3.  If an individual Project Gutenberg-tm electronic work is posted
with the permission of the copyright holder, your use and distribution
must comply with both paragraphs 1.E.1 through 1.E.7 and any additional
terms imposed by the copyright holder.  Additional terms will be linked
to the Project Gutenberg-tm License for all works posted with the
permission of the copyright holder found at the beginning of this work.

1.E.4.  Do not unlink or detach or remove the full Project Gutenberg-tm
License terms from this work, or any files containing a part of this
work or any other work associated with Project Gutenberg-tm.

1.E.5.  Do not copy, display, perform, distribute or redistribute this
electronic work, or any part of this electronic work, without
prominently displaying the sentence set forth in paragraph 1.E.1 with
active links or immediate access to the full terms of the Project
Gutenberg-tm License.

1.E.6.  You may convert to and distribute this work in any binary,
compressed, marked up, nonproprietary or proprietary form, including any
word processing or hypertext form.  However, if you provide access to or
distribute copies of a Project Gutenberg-tm work in a format other than
"Plain Vanilla ASCII" or other format used in the official version
posted on the official Project Gutenberg-tm web site (www.gutenberg.org),
you must, at no additional cost, fee or expense to the user, provide a
copy, a means of exporting a copy, or a means of obtaining a copy upon
request, of the work in its original "Plain Vanilla ASCII" or other
form.  Any alternate format must include the full Project Gutenberg-tm
License as specified in paragraph 1.E.1.

1.E.7.  Do not charge a fee for access to, viewing, displaying,
performing, copying or distributing any Project Gutenberg-tm works
unless you comply with paragraph 1.E.8 or 1.E.9.

1.E.8.  You may charge a reasonable fee for copies of or providing
access to or distributing Project Gutenberg-tm electronic works provided
that

- You pay a royalty fee of 20% of the gross profits you derive from
     the use of Project Gutenberg-tm works calculated using the method
     you already use to calculate your applicable taxes.  The fee is
     owed to the owner of the Project Gutenberg-tm trademark, but he
     has agreed to donate royalties under this paragraph to the
     Project Gutenberg Literary Archive Foundation.  Royalty payments
     must be paid within 60 days following each date on which you
     prepare (or are legally required to prepare) your periodic tax
     returns.  Royalty payments should be clearly marked as such and
     sent to the Project Gutenberg Literary Archive Foundation at the
     address specified in Section 4, "Information about donations to
     the Project Gutenberg Literary Archive Foundation."

- You provide a full refund of any money paid by a user who notifies
     you in writing (or by e-mail) within 30 days of receipt that s/he
     does not agree to the terms of the full Project Gutenberg-tm
     License.  You must require such a user to return or
     destroy all copies of the works possessed in a physical medium
     and discontinue all use of and all access to other copies of
     Project Gutenberg-tm works.

- You provide, in accordance with paragraph 1.F.3, a full refund of any
     money paid for a work or a replacement copy, if a defect in the
     electronic work is discovered and reported to you within 90 days
     of receipt of the work.

- You comply with all other terms of this agreement for free
     distribution of Project Gutenberg-tm works.

1.E.9.  If you wish to charge a fee or distribute a Project Gutenberg-tm
electronic work or group of works on different terms than are set
forth in this agreement, you must obtain permission in writing from
both the Project Gutenberg Literary Archive Foundation and Michael
Hart, the owner of the Project Gutenberg-tm trademark.  Contact the
Foundation as set forth in Section 3 below.

1.F.

1.F.1.  Project Gutenberg volunteers and employees expend considerable
effort to identify, do copyright research on, transcribe and proofread
public domain works in creating the Project Gutenberg-tm
collection.  Despite these efforts, Project Gutenberg-tm electronic
works, and the medium on which they may be stored, may contain
"Defects," such as, but not limited to, incomplete, inaccurate or
corrupt data, transcription errors, a copyright or other intellectual
property infringement, a defective or damaged disk or other medium, a
computer virus, or computer codes that damage or cannot be read by
your equipment.

1.F.2.  LIMITED WARRANTY, DISCLAIMER OF DAMAGES - Except for the "Right
of Replacement or Refund" described in paragraph 1.F.3, the Project
Gutenberg Literary Archive Foundation, the owner of the Project
Gutenberg-tm trademark, and any other party distributing a Project
Gutenberg-tm electronic work under this agreement, disclaim all
liability to you for damages, costs and expenses, including legal
fees.  YOU AGREE THAT YOU HAVE NO REMEDIES FOR NEGLIGENCE, STRICT
LIABILITY, BREACH OF WARRANTY OR BREACH OF CONTRACT EXCEPT THOSE
PROVIDED IN PARAGRAPH F3.  YOU AGREE THAT THE FOUNDATION, THE
TRADEMARK OWNER, AND ANY DISTRIBUTOR UNDER THIS AGREEMENT WILL NOT BE
LIABLE TO YOU FOR ACTUAL, DIRECT, INDIRECT, CONSEQUENTIAL, PUNITIVE OR
INCIDENTAL DAMAGES EVEN IF YOU GIVE NOTICE OF THE POSSIBILITY OF SUCH
DAMAGE.

1.F.3.  LIMITED RIGHT OF REPLACEMENT OR REFUND - If you discover a
defect in this electronic work within 90 days of receiving it, you can
receive a refund of the money (if any) you paid for it by sending a
written explanation to the person you received the work from.  If you
received the work on a physical medium, you must return the medium with
your written explanation.  The person or entity that provided you with
the defective work may elect to provide a replacement copy in lieu of a
refund.  If you received the work electronically, the person or entity
providing it to you may choose to give you a second opportunity to
receive the work electronically in lieu of a refund.  If the second copy
is also defective, you may demand a refund in writing without further
opportunities to fix the problem.

1.F.4.  Except for the limited right of replacement or refund set forth
in paragraph 1.F.3, this work is provided to you 'AS-IS', WITH NO OTHER
WARRANTIES OF ANY KIND, EXPRESS OR IMPLIED, INCLUDING BUT NOT LIMITED TO
WARRANTIES OF MERCHANTIBILITY OR FITNESS FOR ANY PURPOSE.

1.F.5.  Some states do not allow disclaimers of certain implied
warranties or the exclusion or limitation of certain types of damages.
If any disclaimer or limitation set forth in this agreement violates the
law of the state applicable to this agreement, the agreement shall be
interpreted to make the maximum disclaimer or limitation permitted by
the applicable state law.  The invalidity or unenforceability of any
provision of this agreement shall not void the remaining provisions.

1.F.6.  INDEMNITY - You agree to indemnify and hold the Foundation, the
trademark owner, any agent or employee of the Foundation, anyone
providing copies of Project Gutenberg-tm electronic works in accordance
with this agreement, and any volunteers associated with the production,
promotion and distribution of Project Gutenberg-tm electronic works,
harmless from all liability, costs and expenses, including legal fees,
that arise directly or indirectly from any of the following which you do
or cause to occur: (a) distribution of this or any Project Gutenberg-tm
work, (b) alteration, modification, or additions or deletions to any
Project Gutenberg-tm work, and (c) any Defect you cause.


Section  2.  Information about the Mission of Project Gutenberg-tm

Project Gutenberg-tm is synonymous with the free distribution of
electronic works in formats readable by the widest variety of computers
including obsolete, old, middle-aged and new computers.  It exists
because of the efforts of hundreds of volunteers and donations from
people in all walks of life.

Volunteers and financial support to provide volunteers with the
assistance they need, is critical to reaching Project Gutenberg-tm's
goals and ensuring that the Project Gutenberg-tm collection will
remain freely available for generations to come.  In 2001, the Project
Gutenberg Literary Archive Foundation was created to provide a secure
and permanent future for Project Gutenberg-tm and future generations.
To learn more about the Project Gutenberg Literary Archive Foundation
and how your efforts and donations can help, see Sections 3 and 4
and the Foundation web page at https://www.pglaf.org.


Section 3.  Information about the Project Gutenberg Literary Archive
Foundation

The Project Gutenberg Literary Archive Foundation is a non profit
501(c)(3) educational corporation organized under the laws of the
state of Mississippi and granted tax exempt status by the Internal
Revenue Service.  The Foundation's EIN or federal tax identification
number is 64-6221541.  Its 501(c)(3) letter is posted at
https://pglaf.org/fundraising.  Contributions to the Project Gutenberg
Literary Archive Foundation are tax deductible to the full extent
permitted by U.S. federal laws and your state's laws.

The Foundation's principal office is located at 4557 Melan Dr. S.
Fairbanks, AK, 99712., but its volunteers and employees are scattered
throughout numerous locations.  Its business office is located at
809 North 1500 West, Salt Lake City, UT 84116, (801) 596-1887, email
[email protected].  Email contact links and up to date contact
information can be found at the Foundation's web site and official
page at https://pglaf.org

For additional contact information:
     Dr. Gregory B. Newby
     Chief Executive and Director
     [email protected]

Section 4.  Information about Donations to the Project Gutenberg
Literary Archive Foundation

Project Gutenberg-tm depends upon and cannot survive without wide
spread public support and donations to carry out its mission of
increasing the number of public domain and licensed works that can be
freely distributed in machine readable form accessible by the widest
array of equipment including outdated equipment.  Many small donations
($1 to $5,000) are particularly important to maintaining tax exempt
status with the IRS.

The Foundation is committed to complying with the laws regulating
charities and charitable donations in all 50 states of the United
States.  Compliance requirements are not uniform and it takes a
considerable effort, much paperwork and many fees to meet and keep up
with these requirements.  We do not solicit donations in locations
where we have not received written confirmation of compliance.  To
SEND DONATIONS or determine the status of compliance for any
particular state visit https://pglaf.org

While we cannot and do not solicit contributions from states where we
have not met the solicitation requirements, we know of no prohibition
against accepting unsolicited donations from donors in such states who
approach us with offers to donate.

International donations are gratefully accepted, but we cannot make
any statements concerning tax treatment of donations received from
outside the United States.  U.S. laws alone swamp our small staff.

Please check the Project Gutenberg Web pages for current donation
methods and addresses.  Donations are accepted in a number of other
ways including including checks, online payments and credit card
donations.  To donate, please visit: https://pglaf.org/donate


Section 5.  General Information About Project Gutenberg-tm electronic
works.

Professor Michael S. Hart was the originator of the Project Gutenberg-tm
concept of a library of electronic works that could be freely shared
with anyone.  For thirty years, he produced and distributed Project
Gutenberg-tm eBooks with only a loose network of volunteer support.

Project Gutenberg-tm eBooks are often created from several printed
editions, all of which are confirmed as Public Domain in the U.S.
unless a copyright notice is included.  Thus, we do not necessarily
keep eBooks in compliance with any particular paper edition.

Most people start at our Web site which has the main PG search facility:

     https://www.gutenberg.org

This Web site includes information about Project Gutenberg-tm,
including how to make donations to the Project Gutenberg Literary
Archive Foundation, how to help produce our new eBooks, and how to
subscribe to our email newsletter to hear about new eBooks.

*** END: FULL LICENSE ***